Pareho hindi natinag sina Beliza at Jeyrick sa verandah. Parang hindi pa nito alam kung ano ang dapat gawin sa bilis ng mga pangyayari.
“Jeyrick, h-hindi ko alam kung bakit nasabi iyon ni Cardo. Pero sana naman huwag mong hayaang makasira sa inyo ng pinsan mo. Huwag mo siyang paalisin.”
Humalukipkip lang ang lalaki at sumandal sa railing ng verandah. Hindi ito kumibo. “Matanda na si Kuya Cardo. Kung mas makakabuti sa pakiramdam niya na umalis, hindi ko siya pipigilan. Gusto mo bang sumama sa kanya at iwan ako?” may bahid ng galit na tanong ni Jeyrick.
“H-Hindi sa ganoon...” Gusto niyang sigawan si Jeyrick, na wala itong karapatan na magalit dahil nagpapangap lang naman sila.
Mariing nagdikit ang mga labi ni Jeyrick. Maaring nagpapanggap lang sila pero hindi iyon alam ni Cardo. Alam ng lalaki na boyfriend niya si Jeyrick. At kahit saang anggulo tingnan, kataksilan ang ginawa ni Cardo - ang mahalin ang girlfriend ng pinsan nito.
Mula nang lumabas si Jeyrick sa media, marami na ang nag-iba dito. Maingat ito sa pakikisalamuha sa mga tao. Hindi ito basta-basta nagtitiwala. At iilan na lang sila sa taong pinagkakatiwalaan nito.
Lumabas ng kuwarto si Cardo na nakasukbit ang bag sa balikat nito. Di tuminag si Jeyrick sa verandah. Wala itong balak na pigilan ang pinsan. Hindi napigilan ni Beliza ang sarili at lumabas ng verandah. “Cardo, sandali. Mag-usap muna tayo,” aniya at hinabol ang lalaki na palabas ng pinto. Hindi ito pwedeng umalis na lang nang hindi ipinapaliwanag sa kanya ang lahat.
Hindi siya nito pinansin kundi nakatingin kay Jeyrick na lumabas din ng verandah at likuran niya. “Didistansiya ako kay Beliza. Hindi ako makakagulo sa relasyon ninyo. Ingatan mo si Beliza. Pasayahin mo siya.”
Tumango si Jeyrick. Hindi na nagkaroon ng lakas ng loob si Beliza para habulin pa ang lalaki. Ihinahabilin na siya nito kay Jeyrick. Kapag hinabol niya si Cardo, baka hindi na siya bumalik pa kay Jeyrick. She felt like he took her heart away.
Pero di niya magawang iwan si Jeyrick.
“Bakit umalis agad si Cardo? Wala na ang gamit niya sa kuwarto,” tanong ni Lolo Pio na kagagaling lang ng banyo.
“May emergency daw po, Lolo. Tatawag daw po siya kapag nasa Barlig na siya,” nakangiting sabi ni Jeyrick na parang walang nangyari. “Beliza, matulog ka na. Sasama ka ba sa taping bukas sa Laguna? Resort daw iyon at tiyak na makakapag-relax ka doon. Siguro naman makakalimutan mo ang mga di nangyaring maganda sa araw na ito.”
“Anong di magandang nangyari?” tanong ni Lolo Pio.
“W-Wala po,” nausal ni Beliza at nagpaalam na sa dalawa.
Halos hilahin niya ang sarili pabalik sa condo na tinutuluyan niya. Parang sinasakal siya. Mahal siya ni Cardo. At di man lang niya nakausap ang lalaki tungkol dito.
Tinawagan niya ang cellphone ng lalaki. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi ito nakakausap. Akala niya ay hindi na nito sasagutin ang tawag niya.
“Hello,” sabi nito sa nag-aalangang tono. Parang natatakot ito sa sasabihin niya.
“Nasaan ka?”
“Nakasakay na ako sa taxi. Papunta na sa bus station.”
“Pwede ba tayong mag-usap?” malumanay niyang tanong.
“Ano pa ba ang gusto mong marinig? Na mahal kita? Nasabi ko na. Narinig na nga ng boyfriend mo. Iniisip niya na traidor akong pinsan. Pati pagkakaibigan natin sinira ko rin. Hindi ko dapat sabihin iyon pero nangyari na. Alam mo na. Nakasakit na ako ng ibang tao. Ano pa bang gusto mo sa akin?”
Nahigit niya ang hininga. Nararamdaman niya ang pagkamuhi nito sa sarili nito, sa nararamdaman nito. “Akala ko iba ang mahal mo. Si Glenda ang mahal mo...”
“Magkaibigan lang kami. Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo? Hanggang ngayon ba di ka pa rin naniniwala sa akin. Ikaw ang mahal ko. Manhid ka ba?” angil nito. “Nang magkita ulit tayo sa Barlig, na-realize ko na mahal pa rin kita. Hindi nagbago kahit na lumipas ang mahabang panahon, ikaw pa rin ang mahal ko. Kaya ginawa ko ang lahat para mapalapit sa iyo pero lagi mo akong itinataboy. Hindi ko nga alam kung bakit ipinipilit ko ang sarili ko sa iyo. Alam ko naman na hindi mo magugustuhan kung ano ang naabot ko dahil ipapaala ko pa rin sa iyo ang tatay mo. I was hoping you would mature. Na makikita mong iba ako sa tatay mo.”
She could imagine the sadness on his handsome face. Parang sinasaksak ang puso niya dahil naging perfect boyfriend si Cardo sa kanya. Lagi nitong pinagbibigyan ang mga hiling niya kahit na minsan wala sa lugar. Natagalan nito pati ang pagseselos niya. Sa kabila ng pagkukulang niya at kaimperpektuhan niya, minahal pa rin siya nito. At dumaan sa paningin niya ang lahat ng panahon na sinayang niya dahil immature pa siya para dito. Pati ang mga pagkakataon na nakikipaglapit ito sa kanya.
“Bakit di mo sinabi sa akin?” nanlulumo niyang tanong at umupo sa sahig ng condo niya.
“Para saan pa? Di mo naman ako binibigyan ng pagkakataon para mapalapit sa iyo. In-announce mo sa national TV na girlfriend ka ng pinsan ko. Nahuli na ako ng dating. Siya na ang mahal mo. Alam mo ba na parang namamatay ako nang sabihin mo sa lahat na sa kanya ka na? Namatay na ang tanging pag-asa ko.”
Her lie. Her lie ruined it all. At habang naririnig niya ang sakit sa boses nito, di niya mapigilan ang pagpatak ng mainit na luha sa pisngi niya. Sinaktan niya si Cardo nang paulit-ulit. Una, noong hiwalayan niya ito dahil di niya gustong matupad nito ang pangarap nito. Pangalawa ay nang sabihin niya na ibang lalaki ang mahal niya. Mahal naman talaga niya si Jeyrick. Pero hindi pa rin siya naging totoo kay Cardo.
Nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Nang magpanggap ka bilang girlfriend ko at tumuloy ka sa Lias, sobrang saya ko. Kasi kahit sa maigsing panahon, pwede kong ipakita sa iyo kung gaano kita kamahal. Kapag napapatawa kita, pakiramdam ko hero na ako. Kapag may naaalala ka tungkol sa atin dati, napaka-espesyal ko kasi di mo ako nakakalimutan kahit iba na ang mahal mo. Nang yakapin mo ako dahil natakot ka na baka may masamang nangyari sa akin, muntik ko nang sabihin sa iyo na mahal kita.”
“Hindi mo ba naisip na baka may nararamdaman din ako para sa iyo?”
Bumuntong-hininga ito. “Pinsan ko si Jeyrick. Hindi ko naman ipinararamdam sa iyo na importante ka para agawin ka kay Jeyrick. Wala akong planong manggulo sa inyong dalawa. Wala nga akong planong ipaalam sa iyo na mahal kita. Masaya na ako na mapagsilbihan ka, na malamang ako ang nagpapangiti sa iyo. Alam mo ba na galit na galit ako sa sarili ko dahil nalaman ninyo ni Jeyrick na mahal kita? Parang napakasama kong tao. I am sorry.”