Chapter FTCM3: MFTS 35

“Huwag kang magalit. Importante ka sa akin, Cardo...”

“Pero ang pinsan ko ang mahal mo.” Pagak itong tumawa. “Hanggang pagpapanggap lang ako. Gusto ko lang na maging kaibigan mo. Sabihin mo kay Jeyrick na hindi ako manggugulo. Hindi kita aagawin sa kanya. Wala akong intensyon na saktan siya. Susubukan ko rin na kalimutan ang nararamdaman ko para sa iyo. Goodbye, Beliza. Maging masaya ka sana kay Jeyrick.”

“Cardo, sandali! Please! Huwag mo akong iwan. Mahal kita!”

Subalit huli na dahil tinapos na nito ang tawag. Di ito nakinig sa pakiusap niya. Ni hindi nito narinig ang sigaw niya na mahal niya ito. Huli na para sa kanilang dalawa. She lied. Sakit ang kapalit ng kasinungalingan niya. Sinaktan niya ang lalaking mahal niya. At doble ang sakit na nararamdaman niya ngayon.

“MAY regalo sa iyo ang ibang mga fans at padala sa iyo nila Manang. Hinahanap ka nila sa akin sa meet and greet kahapon. Matagal-tagal ka na rin na hindi nagpo-post sa social media sites at hindi sumasama sa mga events. Kahit ang mga taga-Barlig at taga-Bauko hinahanap ka sa akin. Sabi ko busy ka sa pagre-review. Sa isang buwan na ang board exam ninyo.”

Pinanood ni Beliza ang pagpapatong-patong ng iba’t ibang pagkain, damit at pati stuffed toy sa harap ng mesa niya. Nagulat siya paglabas ng review center at nakitang pinagkakaguluhan si Jeyrick ng mga fans nito. Ngayon lang ulit sila nagkita mula nang bumalik ito mula sa Cordillera para sa pictorial nito para sa tourism ng Mountain Province. Masyado itong busy sa trabaho at siya naman ay sa pagre-review. Hanggang text at tawag lang ito sa kanya araw-araw para kumustahin siya

“Magpo-post ako mamaya para magpasalamat sa kanila. Ipapakita ko muna sa publicist mo ang sasabihin ko bago ko i-post,” sabi niya sa binata sa magaang tono.

Mas maayos na ang trato sa kanya ng mga fans ngayon. Kinaumagahan matapos umalis si Cardo ng condo ni Jeyrick ay nag-post ang huli sa social media accounts nito tungkol sa pambabastos sa kanya ng ibang fans. Sinabi ng lalaki na hindi nito ito-tolerate ang pambu-bully sa mga taong mahalaga dito. Sinegundahan iyon ni Paloma na nag-launch pa ng sarili nitong kampanya para labanan ang bullying sa pisikal man o sa internet. Nabawasan na ang mga bully sa internet at naging mas mabait sa kanya ang mga fans. Pero di na nila napag-usapan ni Jeyrick si Cardo. Nawalan na rin sila ng komunikasyon ng lalaki. Ang magagawa na lang niya ay kumustahin ito sa tiyahin o kaya ay sa pinsan nitong si Lilybeth. Pero lagi namang sinasabi ng mga ito na okay lang ang binata. Parang wala nang nagbago. Mukhang naka-move on na ito.

While she missed him so much. Ilang beses siyang nag-text dito at tumatawag pero di naman nito sinasagot. Nagmumukha na nga siyang tanga. Siguro ayaw na siya nitong kausapin. Pero ano bang sasabihin niya dito? Na mahal niya ito? Saan nga naman sila dadalhin ng pagmamahalan nila? Lumalabas pa na salawahan siya. Isa pa, di rin siya sigurado kung ano ang lugar niya sa buhay ni Jeyrick. Ayaw niyang gumawa ng kahit ano na makakasira sa career nito.

“May dala rin akong pinikpikan. Iiinit ko lang,” sabi ng lalaki at tumayo.

“Hindi mo ba yayayain sila Lolo Pio at si Manong Melvin?”

Tipid na ngumiti ang binata. “Nasa labas pa sila. Saka hayaan mong tayo munang dalawa. Nakaka-miss din na tayong dalawa lang ang magkasama at nagkukwentuhan. Kailan pa ba tayo nakapag-usap nang tayo lang?”

Noon pang yayain siya nitong sumama sa Maynila sila nagkausap nang sila lang. Kasunod niyon ay nakikialam na ang lahat sa buhay nila at sa kilos nila. Wala siyang pagkakataon na kausapin si Jeyrick sa personal nilang buhay. Saan siya lulugar sa puso nito at sa buhay nito? Hanggang kailan sila mag-iiwasan na harapin ang totoong nararamdaman nila?

Huminga nang malalim ni Beliza. “Jeyrick, paano mo malalaman na mahal mo ang isang tao?”

“Kapag siya ang nagpapangiti sa iyo. Kapag makausap mo lang siya, masaya ka na. Handa kang gawin ang lahat para sa kanya.”

That was her. Handa siyang gawin ang lahat para kay Jeyrick. “Paano kung hindi na siya ang nagpapasaya sa iyo?” tanong niya dito.

Nagsalubong ang kilay nito. “Bakit nasa tabi ka pa niya kung hindi mo na siya mahal?”

“Ikaw, bakit mananatili ka sa tabi ng isang tao kahit alam mong di mo siya mahal?” balik niya ng tanong dito.

“Dahil natatakot ka na masaktan ng taong mas mahal mo,” makahulugan nitong sabi habang nakatingin nang direka sa mga mata niya.

“Kaya ba nananatili ako sa tabi mo kahit di mo ako mahal? Kasi minsan ka nang sinaktan ni Paloma...”

“Dalawang beses niya akong sinaktan,” sabi nito at itinaas ang dalawang daliri.

Nagsalubong ang kilay ni Beliza. “Fine. Dalawang beses.” Hindi na niya naitanong dito kung paanong dalawang beses. Marami na silang di napag-uusapan ni Jeyrick. Masyado na silang maraming itinatago sa isa’t isa. “Kaya mo ako pinagpanggap na girlfriend mo kasi ayaw mo nang masaktan ka sa kanya. Pero ako ba minahal mo kahit paano?”

Umungol ang lalaki. “You know how much you mean to me.”

“Hindi. Hindi ko alam.”

Hindi agad nakasagot ang lalaki. Pinagsalikop nito ang palad. “Ikaw ang best friend ko.”

Umikot ang mga mata ni Beliza. There. Nakuha na niya ang sagot nito. Hanggang kaibigan lang ang turing nito sa kanya. Hindi siya nito mahal. “Jeyrick, alam mo ba kung bakit nagpanggap ako na girlfriend mo? Kasi mahal kita. Higit pa sa kaibigan. Dati pa kita mahal.”

Nakatigagal ang lalaki sa kanya at napalunok. “Hindi ko alam. Hindi mo sinabi sa akin.”

“Nawalan ako ng pagkakataon. G-Gusto ko sanang sabihin sa iyo pero bigla kang umalis pa-Kadaclan dahil kumalat na ang pagiging Carrot Man mo. Sa loob ng ilang taon hinintay ko na baka magtapat ka sa akin ng pagmamahal mo. Hanggang dumating ang mga reporter at fans mo sa Barlig. Hanggang makita ko si Paloma nang harapan. Natakot ako na mawalan na ako ng pagkakataon sa iyo kaya sinabi ko sa lahat na ako ang girlfriend mo, na ako ang lalaking mahal mo. Pero ano naman ang napala ko? Puro kamiserablehan lang ang inabot ko sa kasinungalingan ko.”

Niyakap siya ni Jeyrick. “Patawarin mo ako. Naging makasarili ako. Ni hindi ko alam kung ano talaga ang nararamdaman mo para sa akin. Kung bakit ka nagpanggap na girlfriend ko. Patawarin mo ako kung nasasaktan ka ngayon.”

Kinapa ni Beliza ang sakit sa puso niya. Ilang taon niyang minahal si Jeyrick pero hindi na siya nakakadama ng sakit kung di man siya nito mahal. Siguro dahil sa puso niya, alam niyang hindi siya ang mahal nito. Ipinilit lang niya ang sarili niya. Because he made her feel safe. Alam niyang di siya nito sasaktan gaya ng ginawa ni Cardo. Inangkin na lang niya si Jeyrick nang walang paalam.

“Hindi na ako nasasaktan dahil sa iyo. May isa pang dahilan kung bakit nagpanggap ako na girlfriend mo. Gusto kong itaboy si Cardo. Ayoko nang saktan na naman niya ako.”

Kumalas si Jeyrick sa pagkakayakap sa kanya. “Si Kuya Cardo? Siya ang ex-boyfriend mo na iniwan ka para sa ibang babae?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.