Umungol si Beliza. Iyon ang kwentong nai-feed niya kay Jeyrick at masagwang pakinggan ngayong alam na niya ang totoo. “Iniwan niya ako para sa pagpupulis. In-assume ko lang na babae ang dahilan kaya niya ako iniwan. Pero nang nasa ilalim ako ng proteksyon niya at nasa Lias kami, bumalik sa akin lahat kung bakit ako na-in love sa kanya dati. Pero hindi lang alaala ang lahat. Ipinaramdam niya sa akin kung gaano siya kasarap magmahal. Kahit na nagpapanggap ako, naramdaman ko kung gaano ulit kasaya na magmahal at mahalin. Gusto ko nang sabihin sa kanya na nagpapanggap lang ako bilang girlfriend pero dumating ka at sinabi mo na kailangan mo ako sa Maynila bilang girlfriend mo. Sumunod ako dahil naguguluhan ako sa nararamdaman ko. Baka kung sakaling magpanggap ako na girlfriend mo, baka masabi mo na rin na mahal mo na ako. Iyon na ang pagkakataon ko na makita mo naman ako di bilang kaibigan.” Bumagsak ang balikat ni Beliza. “Pero wala ring nangyari. Hindi mo ako mahal.”
Pakiramdam niya ay nakarma siya dahil sa ginawa niya kay Jeyrick. Hindi rin siya nito mahal kahit na anong gawin niya. Hanggang sa huli, hanggang fake girlfriend lang siya. At itinaboy niya ang lalaking totoong nagmamahal sa kanya.
“Okay. I am a lousy boyfriend.” Sinapo nito ang sariling mukha. “Hindi. Mas wala akong kwentang kaibigan. Bakit hindi ko napansin na baka may gusto ka sa akin o baka may gusto kang iba? Makasarili ako. Sarili ko lang iniisip ko.”
“Hindi ikaw ang may problema. Hindi lang talaga ako ang babaeng mahal mo. Hindi konektado ang puso natin sa isa’t isa.” Inilapad niya ang palad sa dibdib nito. “Kita mo. Kalmado lang ang puso mo. Kalmado lang din ako. Pero kapag kay Cardo, parang may mga kabayong nagkakarera sa dibdib ko. Minsan nawawalal ako sa sarili. Kahit na naiinis ako sa kanya, pakiramdam ko buhay na buhay ako.”
Tumango ito at masaya siyang pinagmasdan na may kasamang panghihinayang.
“Tama ka. Pinag-uusapan pa lang natin siya, nakikita ko na kung gaano ka kasaya. Bakit hindi mo sinabi kay Kuya Cardo na mahal mo siya?”
Pinagsalikop ni Beliza ang palad. “Kasi.. Kasi kaibigan din kita at ayokong isipin mo na iniwan kita sa panahon na kailangan mo ako. Kasalanan ko iyon dahil sa kasinungalingan ko. Ginawa kong komplikado ang lahat. Tinikis ko si Cardo kasi ayokong isipin mo rin na tinraidor kita. Iilan na lang ang pinagkakatiwalaan mo sa paligid mo. Ayokong maramdaman mo na nawalan ka ng isang kaibigan dahil sa akin.”
Magaan nitong kinatok ang noo niya. “Dapat sinabi mo agad sa akin. Tiniis mo na isang buwan kayong di nag-uusap. Alam mo bang miserable ang pinsan ko habang nasa Barlig kami? Humingi siya ng tawad dahil mahal ka niya.”
“Nagkausap kayo?”
“Oo. Guilty talaga siya sa nangyari. Pinatawad ko siya. Okay na kami. Sabi niya nagmo-move on na siya. Pababayaan ka daw niya sa akin.”
“Move on? Anong klaseng move on?” tanong ni Beliza sa mataas na boses.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Baka makikipag-date na siya sa ibang babae. Sabi sa survey sa Barlig, pantay lang kami ng dami ng fans. Ang totoo, siya ang talagang original na heartthrob. Di naman ako mapapansin doon kundi ako naging si Carrot Man.”
Tumayo siya at kinuyom ang palad. “Hindi naman ako papayag! Naku, Cardo! Subukan mo lang.” Dali-dali siyang pumunta sa sofa at hinablot ang bag.
“Saan ka pupunta?” naguguluhang tanong ni Jeyrick.
“Sa istasyon ng bus. Pupunta ako ng Barlig.” Alas diyes na ng gabi noon. Kung dadating siya ng alas singko ng umaga sa Baguio, mahahabol niya ang first trip papunta ng Bontoc. Magpapasundo na lang siya sa Uncle George niya sa Bontoc para mas maaga siyang makarating sa Barlig.
“Nang ganyan ang itsura mo?” tanong ni Jeyrick.
Niyuko niya ang sarili. Naka-jogging pants at T-shirt lang siya saka tsinelas. Mukha lang siyang mangangapitbahay. Di iyon bagay sa malayuang biyahe. “Dapat ba mag-gown ako?” tanong niya.
Tumawa ang lalaki. Pakiramdam niya ay bumalik na si Jeyrick na kaibigan niya. May pilyong kislap sa mga mata nito. “
NAKAPIKIT si Cardo habang pinakikinggan ang pagbagsak ng tubig mula sa Karanag Falls. It was soothing and calming. Ito ang kailangan niya. Matapos ang isang buwan na tuloy-tuloy na trabaho, ngayon lang siya nakabalik sa Lias at sinulit ang day off niya.
“Kuya, bakit nakatulala ka lang dito? Hinihintay mo bang bumalik ang girlfriend mo?” untag sa kanya ng pinsan niyang si Isaac, ang bunsong kapatid ni Lilybeth.
Malungkot niyang nilingon ang pinsan. “Ano naman ang alam mo sa girlfriend ko?”
Nagkibit-balikat ito. “Na kahit na tinatawagan ka daw at tine-text ayaw mo siyang kausapin sabi ni Ate Lily. Mahal mo pa naman yata. Dapat pinupuntahan mo siya at hindi mo tinitikis. Tapos parang tanga ka na naghihintay dito.”
Tumaas ang kilay niya. “Hindi mo pa maiintindihan kasi bata ka pa. Hindi ganoon kasimple ang sitwasyon.”
Iba ang mahal ni Beliza. Noon pa niya tinanggap iyon. Sinubukan niyang pigilan ang nararamdaman para dito pero hindi niya napigilan ang emosyon dahil sa masakit para sa kanya na parang pinababayaan ito ni Jeyrick. Na ang babaeng mahal niya ay hindi man lang nito maipaglaban.
Nang sabihin niya na mahal niya si Beliza, parang sinunog na rin niya ang tulay na nag-uugnay sa kanila. Maayos na ang relasyon nila ni Jeyrick. Hindi ito gaanong nagtanong nang huli silang magkausap. Tinanggap lang nito ang paghingi niya ng tawad. Pero iba ang sitwasyon kay Beliza. Ayaw niyang gawing komplikado pa ang relasyon nito kay Jeyrick. Even being her friend was unacceptable today. Mas mabuting itaboy na lang niya ito. Sana ay kamuhian na lang siya nito gaya ng dati.
But he still longed for her. His heart still beats for her.
Panahon na lang o tadhana ang magsasabi kung mawawala ang pagmamahal niya dito kung magmamahal siya ng iba. Masaya siya sa mga alaala na pinagsamahan nila sa ngayon.
Ngumiti siya nang maalala kung paanong dinepensahan ng pinsan si Beliza sa social media laban sa mga basher nito. Sapat nang masaya ito kay Jeyrick.
Ginulo niya ang buhok ni Isaac. “Umuwi ka na. Aral muna bago ligaw. Baka mapalo ka pa ni Kuya Dino kapag nalamang nakikipagtagpo ka dito.”
“Baka ikaw ang mapalo ni Kuya Dino dahil di mo sinusunod ang puso mo, Kuya.”
Napailing na lang si Cardo at hinayaan na ang pinsan sa komento nito. Bata pa ito. Di pa nito alam kung ano ang ibig sabihin ng sakripisyo para sa taong mahal nito.
Pero di pa siya nakakalayo sa falls ay nag-ring ang cellphone niya. Tumawag ang ka-partner niyang si Edward. “Bok, kailangan mong pumunta dito sa istasyon. May isang babae dito na nagrereklamo sa iyo ng pagnanakaw.”