Chapter FCM4: FMBYS 47

“HETO na ang carrot cake mo.” Inabot ng kaibigan ni Paloma na si Rjan ang paperbag na may lamang pinabili cake na ipinabili ni Jeyrick . “Nilipad ko pa iyan sa Session Road. Hindi ko tuloy napanood ang kanta mo kanina.”

“Parang di ka nagsawa sa boses ko. Kakantahan na lang kita mamaya,” natatawa niyang sabi sa kaibigan. “Salamat dito. Babayaran kita kapag nakapagbuhat ulit ako sa palengke bukas.”

“Ayos lang. Huwag mo nang bayaran. Next big star ka na. Mahalaga sa akin makapasok ka sa susunod na round ng You’re A Star. Pero mas masaya kung mananalo ka ng milyon. Balato naman.”

Nasa Baguio Convention Center sila kung saan ginaganap ang second round ng qualifying round ng You’re A Star, isang singing competition sa telebisyon. Habang ipinagmamalaki ng iba na nakasali ang mga ito sa kompetisyon o nakita man lang ang mga sikat na hurado, hindi siya nag-abalang isipin ang premyo. Ni hindi niya sinabi sa pamilya niya sa Kadaclan ang pagkakapasok niya sa susunod na round. Nakakagulat na nga na isang Igorot na gaya niya mula sa liblib na tribo sa Mountain Province ang nakapasa sa audition.

“Okay naman sa akin kahit na di ako makapasok sa susunod na round. Alam ko naman na nakatsamba lang ako,” sabi nito. “Kahit si Paloma na lang.”

Nagpaalam na sa kanya ang kakibigan na babalik daw ito sa audience para mapanood ang iba pang performer. Bawat isa ay gustong makapasok sa susunod na round ng kompetisyon at makasama sa ipapadala sa Maynila. Malaki rin ang premyo sa mapapasok gaya ng bahay at lupa at isang milyong piso.

Nakasunod ang tingin kay Jeyrick ng ibang contestant. Naging maingay ang pangalan niya dahil siya lang ang bukod-tangi na kumanta ng Igorot song. Iyon lang ang naisip niyang kanta dahil idine-dedicate niya ang kanta kay Paloma. Nakapasa siya at umani ng papuri sa mga hurado.

Naabutan niya si Paloma na nakayuko habang itinatapik ang paa. Ngumiti siya habang minamasdan ito. His princess. Si Paloma ang may pinakamaamong mukha na nakita niya. Maliit ang mukha nito na hugis puso. Tuwid ang mahaba nitong buhok na bahagyang kinulot para sa pag-akyat nito sa stage. Makinang ang mga mata nito na parang maliliit na butones kapag ngumingiti ito. May cute din itong dimples sa magkabilang pisngi gaya niya. Pero kung malalim ang dimples niya na pahaba, parang tinusok naman ng dulo ng ballpen ang sa dalaga.

Magkaiba sila ng kurso pero magkaklase sa ibang subject. Napansin agad niya ito dahil kagrupo nito ang mga “elitista” niyang kaklase na pawang may pagkasuplado at ngumingiti lang sa mga kauri nitong mayayaman. Pawang invisible ang ibang di kauri ng mga ito. Si Paloma lang ang ngumiti sa kanya noong unang araw ng klase. Hindi man siguro nito naaalala pero tandang-tanda niya iyon.

Hanggang minsang matiyempuhan siyang natutulog ng professor sa Algebra class nila dahil sobrang pagod niya sa trabaho. Hiyang-hiya siya no’n. Nagulat siya nang I-cheer siya ni Paloma kahit na di naman siya nito kilala. Kalaunan ay naging malapit sila sa isa’t isa sa kabila ng pagtutol ng tiyahin nito.

Ito lang din ang dahilan kung bakit siya nag-audition sa You’re A Star. Binawalan siya ng tiyahin nito na kausapin ito. Pagkakataon na niya na makalapit sa dalaga at masuportahan ito sa pangarap nitong maging sikat na recording star. Di niya inaasahan na papasa siya hanggang sa second round.

Pero wala ang kinang sa mga mata ni Paloma nang mga oras na iyon. Kinakabahan ito sa resulta ng kompetisyon. May mga parte ng kanta na sumablay ito. Normal lang na kabahan ito dahil maraming magagaling na contestant.

Mabigat ang nakaatang sa balikat ng dalaga mula sa tiyahin nito na gustong ito ang magpatuloy sa naantalang pangarap. Mabigat pa doon ang pinagdadaanan ng dalaga pero ayaw nitong sabihin sa kanya. Kaya ang magagawa lang niya ay pangitiin ito. Nagawa na niya ang misyon sa dalaga kapag napangiti niya ito.

At ito ang may pinakamagandang ngiti na nakita niya lalo na kapag lumalabas ang maliit na dimples nito sa magkabilang pisngi. Ang ngiti nito ang umaalis sa pagod niya. At ang malamyos nitong boses ang nagpapalakas sa loob niya sa mga panahon na pakiramdam niya ay inaapak-apakan siya ng lahat.

Magkahawak-kamay silang umakyat ng binata sa entablado. Kalmado lang si Jeyrick habang nanlalamig ang kamay ni Paloma. Hindi masakit sa kanya kundi man siya pumasa doon. Parang kumanta lang naman siya sa harap ng mga kaibigan nang mag-perform kanina.

“Malay mo pareho tayong mapili,” sabi ni Paloma. “Mas masaya siguro kung magkakasama tayo sa Manila.”

“Pero kahit na pareho kayong magaling, isa lang ang pipiliin namin sa inyo. Isa lang ang maaring pumasa sa susunod na round at maidadala namin sa Manila,” sabi ng record label producer na si TJ Javellana na hurado ng kompetisyon.

Umiling si Paloma at nilingon si Jeyrick. “Di pwede...”

“Ayos lang kahit di ako mapasok,” nakangiting sabi niya at pinisil ang kamay nito. “Ikaw na iyan. Kahit na hindi ako mapili, basta mapasok ka lang.”

Kahit na magkalayo sila sa pagpunta nito sa Maynila, kahit na magkalayo ang mundo nila, masaya siya kung doon matutupad ang pangarap ni Paloma.

Nagpatuloy si TJ Javellana. “You are moving on to the next round of You Are A Star... Jeyrick!”

Halos mabingi si Jeyrick sa lakas ng palakpakan sa loob ng convention center. Siya ang pinili ng judges. Kanta niya ang nagustuhan ng mga ito. Siya ang dadalhin sa Maynila. Siya ang nalalapit sa premyong bahay at lupa at isang milyong piso. Siya ang may pag-asang sumikat. May pag-asang umayos ang pamilya niya.

Lumulutang pa rin ang pakiramdam ng binata nang lingunin si Paloma. Bagsak ang balikat nito ang habang nakayuko. Di man nito iangat ang mukha, alam niyang umiiyak ito. Nawalan ito ng pagkakataon na tuparin ang pangarap nito. Inagaw niya mula dito.

Niyakap niya ito at napahagugol ang dalaga. “I’m sorry.”

Hindi niya alam kung paano pagagaanin ang loob nito, kung paano makakabawi. Nakokonsensiya siya dahil siya ang umagaw ng pangarap nito. Kahit kailan ay di niya itinuring na kompetisyon ang pagsali sa kompetisyon. Gusto lang niyang makasama ang dalaga. Mas madali siguro kung hindi hindi siya ang nakalaban nito, kung hindi sila ang pinagsabay sa stage.

Sinaktan ko si Paloma. Sinaktan ko ang taong mahal ko.

“Hindi. Hindi mo kasalanan,” sabi nito at humikbi. “My performance was a wreck.”

Tanggap na nito ang pagka-eliminate pero may kirot pa rin sa puso niya. Hindi ito ang pagtatapos na inaasahan niya sa babae. Iniisip niya na nasa magarbo itong entablado para sa grand finals at may hawak na tropeo bilang grand winner.

Matapos magpasalamat sa judges ay bumaba sila ng entablado. In-interview si Jeyrick ng staff habang may nakatutok na camera kung ano ang reaksyon niya sa pagkakapanalo pero nakiusap siya kung pwedeng bigyan siya ng ilang minuto ng privacy dahil ayaw niyang pakawalan si Paloma. Umiiyak pa rin ito kahit pa sabihing tanggap na nito ang pagkatalo. Hindi na ito tungkol sa kanya.

Nasagot ang tanong niya nang may humatak sa kanya palayo kay Paloma. Nakaharap niya ang galit na galit na si Tita Bevz. Dinuro-duro siya nito. "You! Kahit kailan talaga malas ang dala mo sa pamangkin ko. Dahil sa iyo di siya nakapasok sa next round. Di siya makakasama sa Manila. Sinira mo ang pangarap ng pamangkin ko."

Sa simula pa lang ay ayaw sa kanya ng malalapit kay Paloma. Pero pinakamatindi ang tiyahin ng dalaga. Kahit anong kabutihan ang ipakita niya dito, parang alikabok lang siya sa talampakan kung ituring nito. Naalarma na ang production assistant na kasunod nito. “May problema ba dito, Ma’am?” tanong nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.