“Ang lalaking ito, ang lakas talaga ng loob na lapitan pa ang pamangkin ko. Kunyari sinusuportahan si Paloma pero ang totoo siya ang gustong makapasok.”
"Tita, nakakahiya na po,” sabi ni Paloma sa tiyahin at hinila ito palayo.
"Ako pa ang nakakahiya ngayon. Anong klaseng judges meron kayo?” angil ng matandang babae at hinarap ang production assistant na pumagitna sa kanila.
Hindi niya gustong mangyari ito. Hindi niya gustong masaktan si Paloma. Pero hindi iyon maiintindihan ng tiyahin ng dalaga. Nabigo ito. Mataas ang expectations nito.
"Madam, kalma lang po sila. Gusto ba ninyo na lumabas sa national TV na hysterical?” Sa ganoong kompetisyon ay nakita niya na pati ang kahihiyan ng ibang contestant o pamilya nito sa likod ng entablado ay kinukuha at ginagawang katatawanan. Ayaw niyang madagdagan pa ang sama ng loob ni Paloma. Natalo na nga ito, lumalabas pa na di nito matanggap ang pagkatalo. “Malay mo naman may di natuloy. Pamangkin n'yo po ang nasa waiting list,” nakangiting paliwanag ng staff. At nakita niya na may paparating na camera man.
Mabilis na bumawi si Madam Bevz at hinawakan si Paloma sa braso. “Halika. Umalis na tayo dito. Baka kung ano pa ang magawa ko sa kargador na iyan.”
Malungkot na lang niyang sinundan ng tingin ang mga ito habang papalayo. Nilingon siya ni Paloma, humihingi ng paumanhin ang mga mata nito at may malungkot na ngiti.
“Jeyrick, anong masasabi mo sa pagkakapasok mo sa susunod ng You’re A Star. Makakarating ka na sa Maynila. Ito ba ang unang beses mong pupunta doon?”
Tumango siya. “Opo. Ito ang unang beses kong makakapunta doon. Ngayon pa lang po ako aalis ng Cordillera.”
“Sino ang kasama mo dito? Pamilya mo?”
“Kaibigan po,” sabi niya at naisip si Paloma.
“Ako po ang kaibigan niya,” sabi ni Rjan at tumabi sa kanya.
“Girlfriend mo ba ‘yung babaeng natanggal kanina? Si…” Binuklat ng production assistant ang folder. “Si Paloma Escalante.”
“Magkaibigan po kami. Mabuting magkaibigan,” sabi lang niya. “K-Kung pwede po sana huwag ilabas ang video kanina. Mabait po si Paloma at mas masaya po sana ako kung nakapasok din siya.”
“Titingnan ko,” sabi ng babae at mabait na ngumiti. “Magkwento ka pa tungkol sa sarili mo. Nag-aaral ka ba? Totoo ba na kargador ka?”
“TABI-TABI! Pasok na ang kaibigan ko sa You’re A Star! Makakarating na si Jeyrick sa Maynila. Tabi!” Hinawi ni Rjan ang mga tao sa eskinita na dinadaanan nila papunta sa bahay ng Lolo Pio ni Jeyrick kung saan siya tumutuloy. Doon din ang daan papunta sa bahay ng kaibigan kaya akala mo ay ito ang hari ng lugar na iyon, na iyon ang teritoryo nito. “Sisikat na ang kaibigan ko. Abangan ninyo ako sa TV.”
Ikinawit ng binata ang braso sa leeg ng lalaki. “Sinabi na nga sa atin na huwag munang ipagkakalat ang resulta ng kompetisyon. Gusto mo bang mapagalitan ako kapag kumalat iyan?” angil niya dito.
“Pasensiya na. Excited lang ako. Mantakin mo magiging sikat ka na at makikita pa ako sa TV dahil sa iyo.”
Nang dumating siya sa bahay ay naghanda ng pagkain ang mga ito. Muntik siyang maiyak nang makita na nagluluto pa ang tiyuhing si Jensen ng pinikpikan at iniihaw ang manok sa labas.
Niyakap siya ni Lola Marie Jafe at hinalikan siya sa magkabilang pisngi. “Ang galing talaga ng apo ko. Mana ka talaga sa akin.”
“Di naman tumama ang tono mo kapag kumanta,” kantiyaw ni Lolo Pio.
“Pero ako pa rin ang pinili mo,” anang lola niya.
“Mantakin po ninyo, sa dinami-dami ng nag-audition, ilan lang sila Jeyrick na nakapasok. Mga galing pa daw abroad iyon at nag-music lesson. Tapos siya lang pala ang katapat. Partida wala pang music lesson.”
“Natiyempuhan ko lang talaga iyon,” aniya at matipid na ngumiti. “Hindi ko pa nga alam kung papayagan akong lumuwas ng Maynila nila Mama.”
“Papayag sina Melvin at Ronalee. Sisikat na ang anak nila. At tiyak na ipagmamalaki ka sa buong Barlig. Ako pa mismo magsasabi kay Mayor na ipagpagawa ka ng banner,” sabi ni Lolo Pio.
“Hindi na po kailangan, Lolo. Baka mamaya nagkamali pala ang judges at di naman ako ang ipapasok,” anang si Jeyrick. Di niya makita ang sarili na pupunta ng Maynila para lumaban ng kantahan. Wala sa puso niya. “Huwag po muna nating sabihin sa kay Mama at Papa. Baka isipin nila dagdag na gastusin pa po ang pagpunta ko sa Maynila.”
“Sigurado ako ‘yung mapanlait sa iyo sa eskwelahan, gusto nang makasama ka sa cool group nila. Dudumugin ka na rin ng magagandang babae at magpapa-cute sila sa iyo,” sabi ni RJan na may kasama pang kumpas ng kamay.
“Di ako interasado sa ibang babae,” kontra niya at inayos ang pagkakasukbit ng bag sa balikat. “At bago makalapit ang mga babae sa iyo, sa akin muna sila dadaan.”
“Oo na. Si Paloma pa rin ang gusto mo, ‘yung may tiyahin na parang tigre sa bangis with matching dragon at bubugahan ka ng apoy. Dapat nga maging mabait siya sa iyo dahil sisikat ka na,” anang kaibigan at siniko siya.
“Ano nga pala ang nangyari kay Paloma?” tanong ni Jensen.
Bumuntong-hininga si Jeyrick at yumuko. “Hindi po siya nakapasok.”
“Usap-usapan nga po ang tiyahin ni Paloma doon sa backstage. Naku! Galit na galit kay Jeyrick. Siya ang sinisi kung bakit di nakapasok si Paloma. Na dapat daw si Paloma ang nasa pwesto niya. Mang-aagaw daw si Jeyrick,” kwento ni Rjan.
“Huwag mo nang ikwento,” angil niya sa kaibigan. Ang kahihiyan ng tiyahin ni Paloma ay kahihiyan din ng dalaga. At ayaw niyang napapahiya ito kahit na kanino. Nangako siya na poprotektahan niya ang dalaga.
“Mabait naman si Paloma pero mahirap makisama kung ganyan naman ang tiyahin niya,” anang si Lolo Pio. “Anong sabi ni Paloma sa iyo? Nagalit din ba siya?”
“Hindi po. Aminado naman si Paloma kung ano ang pagkukulang niya.”
“Ayos naman pala,” sabi ni Lolo Pio. “Mabait naman ang batang iyon.”
“Pero tiyak po na mapapagalitan siya ni Madam Bevz. Ayaw po niya na pumapalya si Paloma sa mga ganitong pagkakataon,” sabi ni Jeyrick at huminga ulit ng malalim. “Kung may magagawa lang ako para sa kanya.”