Chapter FCM4: FMBYS 49

Nagpapahinga si Jeyrick sa kuwarto. Di pa rin mawala sa isip niya si Paloma. Hindi alam niya kung may pagkakataon pa para makita o makausap ulit niya ang dalaga. Tiyak na babawalan na ito ng tiyahin. Kung ibigay kaya niya dito ang slot niya para sa You’re A Star, magiging masaya kaya si Paloma?

Papatulog na siya nang mag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya iyon kahit di niya kilala ang numero. “Hello.”

“Hey! Congratulations!”

“Paloma?” usal ni Jeyrick. Gumaan ang pakiramdam niya nang marinig ang boses nito. Masaya na ang boses nito. Bigla niyang naalala ang lungkot sa mukha nito kanina. “Galit ka ba sa akin? Patawarin mo ako. Di ko gusto na mapunta sa akin ang slot na para sa iyo."

"Para sa iyo talaga ang slot na iyon. Magaling ka, Jeyrick. Bagay sa iyo ‘yung country song na napili mo. Samantalang ako, maraming sumabit na nota. Kaya huwag mong sisihin ang nangyari kasi di ako mag-I-improve kung di ko tatanggapin ang pagkakamali ko.”

"Kung may magagawa lang talaga ako para ikaw na lang ang mapasok. Pangarap mo iyon."

Naalala niya ang mga panahon na magkasama sila sa Kadaclan at ikinukwento nito na gusto nitong maging magaling at sikat na mang-aawit. Kung pwede lang ay ipasok niya ito sa TV para matupad ang pangarap nito. Hindi niya pangarap ang sumikat. Gusto lang niyang makatapos ng pag-aaral at mabigyan ng maginhawang buhay ang pamilya niya. Kahit pa tanggap na ni Paloma ang kakulangan nito, mas magiging masaya ito kung siya ang nasa posisyon nito.

"Hindi siguro iyan ang competition para sa akin. Bata pa ako. Di lang ito ang competition para sa akin. Masaya ako kasi pupunta ka sa Maynila. Sa ganyang paraan mo matutupad ang pangarap mo. Malay mo mas mauna mong marating ang bituin mo. Ito na ang pagkakataon mo kaya huwag kang ma-guilty para sa akin.”

"Hihintayin kita,” sabi niya sa dalaga.

Naniniwala sa kakayahan niya si Paloma. Naniniwala ito na ang pagsali niya sa kompetisyon ang paraan para marating niya ang mga pangarap niya, ang mga pangarap nila. Kung naniniwala ito sa kanya, bakit di niya paniniwalaan ang sarili niya? Isang insulto iyon sa gaya ni Paloma na nagsisikap at nabigo. Hindi ito ang oras para sumuko siya o mawalan ng gana sa pagkanta.

“Pagbubutihan ko hanggang magpang-abot tayong dalawa. Gagalingan ko pa,” sabi nito sa determinadong boses. “Basta huwag kang titingin sa ibang babae sa Maynila. Lagot ka sa akin.”

Tumawa si Jeyrick. “Alam mo naman kung sino lang ang tinititigan ko. Basta gagalingan ko at hindi ako basta-basta magpapatalo para sa iyo.”

Animo’y nakawala siya sa kadena ng takot na nagtali sa kanya - takot na nasaktan niya si Paloma, takot na baka tuluyan na itong malugmok dahil sa kanya. Pero lumalaban ito. Hindi ito nagpapatalo.

Kailangan niyang magsikap para sa kanilang dalawa. Kahit natatakot siya sa mundo na papasukin niya, kahit na di niya alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa kanya sa Maynila, hindi ito ang oras para sumuko sa laban. Nagsisimula pa lang ang laban para sa kanilang dalawa.

“JEYRICK, di pwedeng puro old songs at Igorot songs lang ang alam mo. Aantukin ang mga fans mo. Hindi makaka-relate sa iyo ang mga millenials like me. Kailangang magpasabog ka ng Justin Bieber. Saka dapat palitan mo na rin ang porma mo. Hindi na ganyan.”

Maang na nakatitig si Jeyrick kay Jimarah habang naglilitanya ito sa dapat niyang baguhin sa sarili. Nasa isang gazebo sila sa Baguio Botanical Garden para mag-practice sa pwede niyang kantahin pagpunta sa Maynila. Nagulat na lang siya nang dumating si Rjan kasama ang babae. Panonoorin daw siyang mag-practice.

Welcome naman ang presensiya nito dahil itinuturing niyang kaibigan si Jimarah. Nagkikita sila ng babae at ni Paloma sa eskwelahan pero di gaya ng dati na nagkakasama sila sa labas ng eskwelahan. Mahigpit na kasi ang tiyahin nito at pinadidistansiya ang dalaga sa kanya.

“Hayaan mo nga si Jeyrick. Di naman sila close ni Justin Bibe. Hindi niya kailangang palitan ang gusto niyang kanta o magmukhang bibe,” kontra naman ni Rjan dito. “Iyon nga ang advantage niya sa mga kalaban niya dahil kakaiba siya. Di niya kailangang maging modern.”

“Hindi nga cool,” giit ni Jimarah. “Saka Justin Bieber iyon, hindi bibe.”

“Ang dami mong kontra. Bakit ka ba nandito?” tanong ni Rjan at pinanlakihan ito ng mata. “Kasi sisikat na si Jeyrick.”

“Tange! Ikaw itong sumundo sa akin sa bahay. Sabi mo kailangan ni Jeyrick ng moral support,” paalala ng babae dito.

“Mukhang tapos nang mag-practice. Nagkakatuwaan na kayo dito.”

Nang lumingon si Jeyrick ay isang aparisyon ang nakatayo sa entrada ng gazebo. Nakasuot ito ng floral pink na long sleeve dress at nakalugay ang mahabang buhok.

Tumili si Jimarah at sinugod ito ng yakap. “Paloma!”

Parang sasabog ang puso ni Jeyrick. Madalang na silang magkausap maliban sa patakas na text at tawag gamit ang cellphone ng pinsan nito. Na-miss niya ito. Pero ngayong nasa harap na niya ito, hindi siya makagalaw sa kinauupuan.

“Jeyrick, kumusta ang practice?” tanong ni Paloma at tumayo sa harap niya. “Handa na ba ang dadalhin mo sa Maynila? Two weeks na lang aalis ka na.”

Hindi makagalaw ang binata sa inuupuan hanggang tapikin siya ni Rjan sa balikat. “Hala siya! Natulala na kay Paloma.”

Tumabi ito sa kanya at kinuha ang song hits na ginagamit niya sa pagpa-practice. “Alin ba dito ang na-practice mo na? Parinig naman. Baka kasi di kita mapanood nang live kapag nasa Manila ka na.”

Tumabi din dito si Jimarah. “Friend, sabihan mo nga si Jeyrick na kailangan niyang mag-aral ng songs na bagay sa mga millenials like us. I mean, I do appreciate the whole Igorot and country song thingy. Pero di niya makukuha ang younger crowd,” ungot nito kay Paloma.

“Doon nga kampante si Jeyrick. Boses naman ang labanan diyan at charm. Patataubin silang lahat ni Jeyrick,” panonopla ni Rjan dito. “Kilala ko kayong mga babae. Basta guwapo kahit kumanta pa ng Yoyoy Villame iboboto ninyo.”

“Who is Yoyoy Villame? Antique ka na talaga, Rjan.”

“Alam n’yo, mas lalong di makakapag-practice si Jeyrick sa inyong dalawa. Bumili na lang kayo ng pagkain,” sabi ni Paloma at inabutan ng dalawang isandaang pisong papel si RJan.

“Galing ka na sa labas, di ka pa bumili,” angal ni Jimarah. “Nakakapagod kaya na maglakad. Ang sarap-sarap dito sa gazebo…”

Hinila ito ni RJan patayo. “Huwag ka nang umangal diyan. Hindi mo ba nakuha na gusto nilang magsolo? Tara! Ililibre kita ng strawberry taho.”

“Huwag na. Baka isipin pa ng mga tao nagde-date din tayo.”

“Kumusta ka na?” tanong niya Paloma nang silang dalawa na lang.

Nagkibit-balikat ito. “Ayos lang. Busy sa bar. Pasensiya kung di ako nakakapunta sa practice mo. Kailangan ko rin mag-practice.”

“Oo. Para sa susunod na magpa-audition ng singing contest, ikaw naman ang makarating sa Maynila. Naiintindihan ko naman iyon. Akala ko nga di na kita makikita bago ako lumuwas. Alam ba ni Ma’am Bevz na nandito ka?” tanong niya. “Ayokong magka-problema ka sa akin kapag nalaman niya na magkasama tayo.”

“Siya mismo ang nagsabi na puntahan kita bago ka pumunta sa Manila.”

Nagulat siya. “Talaga?” Himala yata iyon.

“Mabait naman si Tita Bevz. Mataas lang ang ambisyon niya para sa amin ng pinsan ko, lalo na sa akin. Naka-move on na siya sa pagkakalaglag ko sa You’re A Star. Ganoon naman talaga ang buhay. Di lang ito ang panahon para sa akin. Kaya sabi niya galingan ko na lang mag-practice.”

“Sanay ka na sa singing contest. Ano ang maipapayo mo sa akin?” tanong niya at tumikhim. “Tama ba ang sinabi ni Jimarah na kailangan kong ibahin ang kanta ko? Kung mga bagong kanta, ‘di ba ginagawa na iyon ng iba? Saka kailangan ko daw maging kamukha ni J-Justin Bieber ba iyon?”

“Jeyrick, wala namang babaguhin sa iyo o sa pagkatao mo. Magdadagdag ka lang ng alam mo na kanta. Wala namang masama doon.” May inilabas ito sa bulsa at inilagay sa palad niya. “Ito. Gamitin mo para makapakinig ka ng ibang kanta at mapag-aralan mo.”

Kumunot ang noo niya nang makita ang maliit na radyo na may headphone. “Ano ito?”

“MP3 player. Naka-save na diyan ang iba’t ibang genre ng kanta - may rock, pop, R&B at pati kundiman. Kailangan lawakan mo ang alam mong kanta. Pinag-aaralan ko rin ang style ng mga artist. Minsan ginagaya ko sila o kaya ginagawan ko ng sarili kong version. Kailangang maipakita mo sa mga tao na flexible ka. Na marami kang alam gawin. Kung makakapag-aral ka ng sayaw, malaking bagay din iyon. Lahat ng kaya mong aralin habang nandoon ka, pag-aralan mo at I-absorb mo. Maraming opportunity ang naghihintay sa iyo sa Maynila kaya samantalahin mo ang pagkakataon.”

Habang nagbibilin si Paloma ay kumikinang ang mga mata nito na parang mundo na puno ng pangarap ang showbiz. Animo’y napaghandaan na nito ang mundo na papasukin pa lang niya. Habang si Jeyrick ay pagkanta lang ang alam.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.