Chapter FCM4: FMBYS 50

“Salamat. Gagamitin ko ito,” anang dalaga. At tatandaan din niya ang lahat ng bilin nito. “Hindi ako matatakot na sumubok ng bago. Ang mahalaga naman hindi mababago ang magandang asal na meron ako at di ako makakalimot kung saan ako nanggaling, tama?”

“Right. Iyan ang gusto ko sa iyo, alam mo kung ano ang importante sa buhay. May voice recorder din iyan,” excited na sabi ng dalaga at in-on ang recorder. “Pwede mong I-record ang mga kanta na pina-practice mo at pakinggan mo kung maganda ba o hindi. Para alam mo kung saan ka mag-I-improve.”

“Pwede bang tugtugin mo ‘yung kantang na-compose mo ngayon tapos ire-record ko?” tanong ni Jeyrick at inabot ang gitara dito.

“Bakit?” tanong ng dalaga.

“Para marinig ko lagi ang boses mo kahit na nasa malayo ako. Para kapag nalulungkot ako, parang nasa tabi lang kita at pinalalakas ang loob ko. Saka gusto ko kung suswertehin ako sa You’re A Star, makanta ko rin ang kanta mo at maipagmalaki ko sa maraming tao.”

Namula ito at yumuko. “Huwag na. Nakakahiya naman.”

“Bakit ka naman mahihiya sa talento mo? Ikaw nga ang nagsabi sa akin na kailangan subukin ko lahat.” Ginagap niya ang kamay ng dalaga. “Isang araw, matutupad mo rin ang mga pangarap mo na maging sikat na singer at ipagmamalaki ko sa lahat na ako ang unang nakarinig ng unang kanta na ginawa mo.”

Saka lang ito ngumiti at tumingala na parang nai-imagine nito ang sinasabi niya. “Tapos sabay tayong pipirma ng album at magko-concert tayo sa isang venue na puno ng tao,” pagpapatuloy ni Paloma. “Sana mangyari iyon.”

“Mangyayari iyon. Basta maniwala ka lang.”

“JEYRICK, huwag mo nang dalhin ang mga luma mong damit. Iwan mo na ang mga iyan at bumili na lang tayo ng bago,” sabi ni Lola Maria Jafe habang pinipilian ang mga damit niya na dadalhin sa Maynila. “Palitan na rin natin iyong gray jacket mo.”

Inagaw niya ang jacket sa matandang babae at niyakap. “Naku! Bago po itong jacket ko. Di ko po ito papalitan.” Bigay iyon ni Paloma sa kanya. Ingat na ingat nga siya na gamitin iyon. Kahit na magkagula-gulanit ay gagamitin pa rin niya. “At huwag na pong bagong damit ang dalhin. Marami naman pong ukay-ukay dito sa Baguio na mukhang bago.”

“Aba! Mag-aartista ka na sa Maynila. Di ba pwede ang ukay-ukay lang ang ipasuot namin sa iyo, apo.”

Tipid siyang ngumiti. “Ayoko pong gumastos pa kayo ng malaki sa akin. Baka mamaya po di naman ako magtagal doon sa Maynila. Baka matanggal din po ako. Baka di pa natin mabawi ang gastos natin sa mga damit.”

“Jeyrick, huwag ka nang kumontra. Isipin mo kung paano magiging maganda ang impresyon ng mga tao sa iyo. Kami na ang bahala sa gastos. Hindi mo pa sinasabi kay Melvin at Ronalee na luluwas na tayo sa Maynila?”

“B-Bukas po tatawagan ko po sila,” sabi niya kahit na malakas ang kaba sa dibdib.

Hindi niya alam kung bakit di pa niya sinasabi sa magulang ang tungkol doon. Baka mag-alala pa ang mga ito sa kanya sa pagluwas dahil di magaganda ang mga balita sa Maynila. Mas gusto niyang intindihin nito ang mga kapatid niya. Tiyak na magpapadala ng pera ang tatay niya kapag nalaman na luluwas siya. Tama nang gastusin at ipunin iyon para sa mga kapatid niya.

Simple lang ang pangarap sa kanya ng mga magulang - ang makatapos siya ng pag-aaral at mapag-aral din ang mga kapatid niya. Masosorpresa na lang siguro ang mga ito kapag nakita siya sa telebisyon. Kasabay ng pagluwas sa Maynila ay saka pa lang sisimulang ipalabas ang audition footages ng You’re A Star.

“Jeyrick, ikuha mo naman ako ng autograph kay Anne Curtis at kay Angel Locsin. Sabihin mo mahal na mahal ko sila,” anang tiyuhing si Jensen sa kanya.

Napakamot si Jeyrick sa ulo. “Hindi ko nga alam kung makakapagsalita ako kapag nakita ko sila. Saka baka di ako palapitin sa kanila.”

“Hindi iyan. Sikat ka na rin kasi lalabas ka na sa TV. Baka nga sila pa ang magpa-picture kapag nalaman nila kung sino ka. Tiyak na aangat ka sa You’re A Star na iyan.”

Isang linggo na lang at pupunta na siya sa Maynila. Marami na ang magbabago sa buhay niya. Marami daw offer sa mga sumasali sa singing contest kahit na di manalo. Sapat na ang lumabas sa TV para makilala ng mga tao. Kapag lumabas siya sa TV, pwede rin siguro siyang kumanta sa bar nila Paloma para makahatak ng mga tao. Kahit libre ay gagawin niya para makatulong dito.

Nagtatanghalian sila nang mag-ring ang cellphone niya. Di niya kilala ang numero pero sinagot pa rin niya. “Hello.”

“Jeyrick, this is Tita Bevz,” anang masigla at suwabeng boses ng isang babae.

“T-Tita? W-Wala po akong tiyahin na Bevz ang pangalan. Sino po ulit sila?”

“Silly boy. Tita Bevz ito ni Paloma. Iimbitahan sana kita na manood ng performance ni Paloma ngayong gabi. Alam ko na nami-miss mo siya.”

Ilang beses na kumurap ang binata. Himala na ito pa ang nag-imbita sa kanya na pumunta sa bar. Gusto pa na tawagin niya itong “tita”. Samantalang dati ay ipinagtatabuyan siya nito. Totoo ba ito?

“Pwede ka ring tumugtog kung gusto mo. Para naman masabi ko sa mga tao na sa bar namin ka unang kumanta,” anito sa magaang boses na di niya nakilala halos.

“A-Ayos lang po ba iyon?”

“Oo naman. Ang mga kalaban mo sa You’re A Star kumakanta na sa mga bar at humahakot na ng fans. Wala bang offer sa iyo? Di bale. Ako ang bahala,” anang matandang babae sa magaang boses. “Sana di mo tanggihan ang alok ko.”

Sumigla ang binata. “S-Sige po. Salamat po. Pupunta po ako diyan mamaya.”

“Mukhang may magandang balita,” sabi ng lola niya. “Tumawag na ba sa iyo ang staff ng You’re A Star?”

“Hindi po. Tiyahin po ni Paloma ang tumawag. Inimbitahan po ako sa bar niya para mapanood ang pagkanta ni Paloma sa bar niya. At pwede din daw po akong kumanta dahil ang mga kalaban ko po ngayon pa lang inaalok nang kumanta sa mga bar,” paliwanag niya. May tulog siya sa mga kalaban niya na may exposure na at may mga sumusuporta na dito.

“Ibang klase talaga kapag pasikat ka na. Kahit ang mga taong halos isuka ka, pilit ka ring lulunukin sa huli,” anang si Lolo Pio at napailing.

“Mabuti nga umaamo sa apo natin. Saka may pagka-mahiyain si Jeyrick. Malaking bagay kung matututo siyang humarap sa mga tao,” anang lola niya at ngumiti sa kanya. “Gusto mo bang pasamahan kita kay Jensen?”

“Hindi na po, Lola. Kaya ko na pong mag-isa. Siguro po naisip ni Ma’am Bevz na di na ako alangan kay Paloma ngayon.” Magandang pabaon ito sa pag-alis niya. Lalo siyang gaganahang lumaban kung wala silang samaan ng loob ng tiyahin ni Paloma.

“Basta mag-iingat ka. Wala akong tiwala sa babaeng iyon.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.