TINAPIK-TAPIK ni Jeyrick ang gitara habang nakasakay ng jeep. Excited na siyang mapanood na kumanta si Paloma at gusto rin niya na marinig nito ang R&B song na kanta ni Chris Brown at Noypi ni Bamboo na in-ensayo niya.
Tiyak na matutuwa ang dalaga kapag nalaman na sumusubok siya ng ibang kanta at pinapakinggan niya ang MP3 player na bigay nito. Gusto niyang i-text ang dalaga na parating siya kung di lang siya binilinan ni Madam Bevz na huwag sabihin dito na pupunta siya sa bar. Sorpresa daw iyon para sa dalaga.
"Para po!" aniya sa driver at kinatok ang bubong ng jeep. Sa tapat mismo siya ng bar ibinaba.
Maganda ang bar nila Paloma bagamat medyo malayo sa sentro. Nakatanaw iyon sa makislap na lungsod. Parang pangarap nila ni Paloma, parang mga bituin na dati ay malayo pero halos abot-kamay na nila. Kahit pa mas mauna siya sa destinasyon, kasama naman ang dalaga sa mga pangarap niya.
Tahimik sa labas ng bar. Ni wala siyang naririnig na tugtog o ingay man lang. Nang pumasok siya ay nagtaka siya dahil walang tao bagama't bukas ang ilang ilaw. Ni walang mga waiter o cashier man lang. Nakapatong rin ang mga upuan sa mesa. Sarado ba ang bar ngayon? May nangyari bang di maganda kaya walang tao at tumigil muna ang operasyon?
"Tao po! Tao po!" tawag niya. Wala pa ring sumagot. Inilabas niya ang cellphone para tawagan ang tiyahin ni Paloma nang makarinig siyang kaluskos.
Mula sa kusina ay lumabas si Tita Bevz. Naka-apron pa ito at may dalang tray ng pagkain. "Jeyrick, you are here! Kanina ka pa ba? Pinaghintay ba kita?"
"Ma'am, ako na po ang magdadala niyan," prisinta niya at akmang kukunin ang tray dito.
"No need. You are a star now, Jeyrick. Take a seat. I will prepare everything for you." Inilapag nito ang pesto pasta na may inihaw na manok at red wine. "Ako mismo ang nagluto niyan."
Naguguluhan pa rin ang binata kung ano ang nangyayari pero umupo pa rin. Wala talagang ibang tao doon kundi sila lang. Pinatugtog nito ang CD ng jazz music bago bumalik sa mesa. Nagsalin ito ng red wine sa kopita at inabot sa kanya. “Cheers! Para sa pagpunta mo sa Maynila at sa pag-qualify sa You’re A Star.”
"Ma'am, anong oras po kayo magbubukas ngayon? S-Saka nasaan po ang mga tauhan ninyo at si Paloma?" tanong niya nang nagsimula na silang kumain.
"Wala na. Sarado na itong bar ko,” sabi nito at inilahad ang palad.
"S-Sarado po ngayong araw na ito?" naniniyak niyang tanong.
Mapait itong ngumiti. "Hindi na magbubukas ang bar na ito. Sarado na. Hindi na makakapag-perform ang pamangkin ko sa entablado na iyan. Wala na akong bar. Wala na akong trabaho. Kailangan na rin naming umalis sa bahay na tinitirhan namin sa isang buwan dahil may iba nang nakabili."
"A-Ano po ang nangyari?" naguguluhan niyang tanong. Ang alam niya ay tiyahin ni Paloma ang may-ari ng bar na iyon at bahay. Nagsinungaling ba ito?
Naging matiim ang anyo ng babae. "Ninakawan ang partner ko sa Amerika. Itinakas ng accountant niya ang pera na ipon niya kaya kailangan niyang ibenta ang mga ari-arian niya kasama na ang bahay na tinitirhan namin."
"H-Hindi po sa inyo ang bahay?"
"Hindi. At di na rin niya kayang puhunanan itong bar. Kung kailan nagsisimula pa lang kaming bumawi dito sa bar, saka pa mawawala sa akin. Baka di ko na rin mapag-aral si Paloma at ang anak ko."
"Hindi po nabanggit sa akin ni Paloma na ganyan ang sitwasyon ng pamilya ninyo," mahina niyang usal. Samantalang laging kinukumusta ng dalaga ang pamilya niya at nag-aalala sa mga ito. Kinikimkim lang pala nito ang problema.
"Hindi talaga niya babanggitin dahil ayaw niyang dagdagan pa ang problema mo, hijo. Para sa kanya, mas matindi ang pinagdadaanan mo. Ni hindi niya naisip na baka kailangan na niyang pumasok na tindera sa bangketa para makapag-aral…”
"Hindi po siya bagay doon," kontra agad ni Jeyrick at nahampas ang mesa. Prinsesa niya si Paloma. Hindi iyon ang buhay na naiisip niya para dito.
Huminga ng malalim si Ma'am Bevz. "But what can I do? Kung nakapasok sana siya sa You're A Star, hindi sana ganito ang dadanasin namin. Marami sanang bar na mag-aalok sa kanya ng gig sa Maynila. Tiyak na may mga endorsement na iaalok sa kanya. May malilipatan sana kami doon dahil maraming oportunidad na lalapit sa pamangkin ko. What a waste of chance. Baka nga mas mahirap pa kami sa inyo ngayon, hijo.”
Naggiyagis ang ngipin ni Jeyrick. Sinakop ng guilt ang puso niya. Di man niya ginusto, kasalanan niya ang paghihirap ni Paloma. Nagagawa pa nitong palakasin ang loob niya at pumunta sa practice niya. Di man lang niya naramdaman na may problema itong mabigat. Kinimkim lang nito lahat. Hindi ba’t parang torture para dito na bumabagsak ang mundo nito habang binubuo ang pangarap niya?
"Ano po ang magagawa ko para makatulong kay Paloma?" tanong niya sa tiyahin ni Paloma.
Seryoso siya nitong tinitigan sa mga mata. "Mag-quit ka sa You're A Star para ang pamangkin ko ang pumalit sa slot mo."
"P-Pero..." Ganoon na lang ba kadali na bitawan ang pagkakataon? Nakahanda na siyang umalis. At papayag ba si Paloma na bitawan niya ang slot sa You’re A Star? Baka magalit pa ito sa kanya.
"Hindi mo naman gusto ang pwesto mo, Jeyrick. Saling-pusa ka lang sa kompetisyon dahil gusto mong makasama si Paloma at palakasin ang loob niya. Pero sa huli ikaw pa ang umagaw sa posisyon na para sa kanya. Di mo ba naisip na kasalanan mo kung bakit nahihirapan siya ngayon?" pangongonsensiya ng babae.
Yumuko si Jeyrick. "Di ko naman po gusto na ungusan siya at sa akin mapunta ang pwesto na gusto niya.”
"Exactly. Hindi mo ginusto pero nangyari na. Mas kailangan ni Paloma ang kompetisyon na iyan. Mas gusto niya na maging sikat na singer. Hindi ba tama lang na siya ang lumaban? Mas handa siya para dito at mas maa-appreciate niya ang pagkakataon. Pwede ka pang mag-aral dahil may scholarship ka. Pwede ka pang magbuhat ulit ng gulay sa palengke. Kahit di ka mapasok sa You're A Star, patuloy pa rin ang buhay mo. Sanay ka na sa hirap pero hindi si Paloma. Gusto mo bang makita siyang nahihirapan?”
Umiling siya. "H-hindi po. Ayoko pong nahihirapan si Paloma. Mahal ko po siya." Kahit habambuhay siyang magbuhat sa palengke at magtrabaho sa bukid basta huwag lang danasin ni Paloma.
"Kung totoong mahal mo siya, patunayan mo sa kanya. At tatanawin kong malaking utang na loob kapag naibigay mo ang pangarap ni Paloma." Ginagap nito ang kamay niya. “Kaya mo bang patunayan na mahal mo ang pamangkin ko?”