Chapter FCM4: FMBYS 52

"JEYRICK, sigurado ka ba na hindi ka na sasali sa You're A Star? Sayang naman ang slot na para sa iyo," malungkot na sabi ng talent coordinator na nag-aasikaso sa pagluwas ng binata sa Maynila. "Alam ko na kinakabahan ka dahil unang beses mo pa lang pupunta sa Maynila pero aalagaan ka naman namin doon."

"Kailangan po kasi ako ng pamilya ko kaya uuwi na po ako sa Kadaclan," sabi niya. Nasa opisina sila sa Star Network regional office na may hawak ng programang You're A Star. "Pasensiya na po sa pang-aabala ko sa inyo."

Dalawang araw pa ang nagdaan bago siya naharap ni Ma’am Carol na nagmamahala sa mga nakapasa sa Youre A Star na taga-Baguio. Matapos makausap ang tiyahin ni Paloma na si Ma’am Bevz ay nagpadala agad siya ng text message tungkol sa pag-urong niya sa kompetisyon. Binigyan siya nito ng dalawang araw para mag-isip pero desidido na talaga siyang huwag magpatuloy.

Bumuntong-hininga ito. "Nanghihinayang ako sa talento mo at maganda rin ang kwento mo. Mula sa isang kargador ng gulay, napag-aral mo ang sarili. Pati ang kanta mo Igorot na Igorot at suwabe ang boses mo sa country music. Makaka-relate sa iyo ang masa. Interesado nga ang mga executive namin na makilala ka. Madalang ang katulad mo na di nahihiya sa pinagmulan niya. Tiyak na magiging paborito ka ng publiko pag lumabas ka sa TV. At di mo ba naiisip kung ano ang magagawa nito sa pamilya mo at sa tribo mo?"

Kinuyom ng binata ang palad. Masarap mangarap. Masarap maghangad ng magandang buhay para sa pamilya niya. Sino ba ang di gusto iyon? Pero di yata niya maaatim na habang umaangat siya ay si Paloma naman ang nagdurusa. Tama ang Tita Bevz ng dalaga. Saling-pusa lang siya sa kompetisyon na iyon. Hindi iyon ang lugar para sa kanya.

"Desidido na po ako na huwag tumuloy sa Maynila. Pero maraming salamat po sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon, Hindi lang po siguro ito ang panahon para sa akin,"nakayukong usal niya. "Sigurado po ba kayo na si Paloma Escalante ang papalit sa akin kapag umalis po ako?"

"Oo. Siya na kasi ang susunod na mataas ang score. Girlfriend mo ba siya? Napansin ko na close kayong dalawa. Supportive ka pa rin sa kanya kahit nang matanggal siya."

Umiling siya. "H-Hindi po. Magkaibigan po kami. Masaya po ako kung siya ang papalit sa akin. Sana po alagaan ninyo siya habang nandoon. Marami rin pong pinagdadaanan si Paloma at malaking bagay po ito sa kanya.”

Binasa nito ang record ni Paloma. “Oo nga. Iniwan siya ng nanay niya noong bata pa siya at nag-abroad pero di na siya binalikan."

"Gusto po niyang mahanap ang nanay niya. Ito na po ang paraan para magkita sila,” aniya at ngumiti. May sariling kwento si Paloma, may sariling pangarap. Kailangan nito ang kompetisyon na iyon para mabago ang buhay nito.

"I'll take note of that one." At inilista nito ang sinabi niya.

"Isa na lang po ang hihingin ko. Pwede po bang huwag muna ninyong sabihin sa kanya na siya ang napili at ako ang papalitan niya? K-kahit hanggang nakaalis na lang po ako ng Baguio sa isang araw, pakiusap niya.

Nagtataka siya nitong pinagmasdan pero kalaunan ay tumango rin. "Sige. Kung iyan ang gusto mo." Matapos niyang pirmahan ang waiver ng pag-urong niya sa kompetisyon ay kinamayan siya nito. "Sana magkita pa tayo ulit, Jeyrick."

Matapos magpasalamat ay umuwi siya. Sinalubong agad siya ni Jensen. "Jeyrick, mamili ka na daw sa catalogue ng Boardwalk ni Mama. Diyan ka na lang daw bumili dahil malaki ang discount niya bilang dealer.”

Nalungkot siya nang makita kung paano paghandaan ng kamag-anak niya ang pagsali niya sa contest. Di man maalwan ang buhay ng mga ito pero pinaglalaanan pa rin siya. "Lola, di na po kailangan," angal ng binata. "Sabi ko naman po huwag nang bumili ng bago."

"Hindi ako papayag na ukay-ukay lang kung lalabas ka sa TV. Aba! Malay mo sa susunod ikaw na ang kuning model ng Boardwalk dahil makisig ka sa damit nila. Makukuha naman iyan bago kayo umalis ng Lolo Pio mo sa Biyernes," sabi nito at tumuro sa catalogue. "Itong orange na T-shirt bagay na bagay sa iyo."

"Hindi na po ako lalabas sa TV, Lola. Hindi na po ako sasali sa You're A Star,” deklara niya.

Parang isang malaking bomba ang ibinagsak niya at nakatigagal na lang ang lahat sa kanya. "Bakit naman?" tanong ni Lolo Pio.

"Hindi po ako bagay doon,” malungkot niyang sabi.

"Natatakot ka ba na lait-laitin ka ng ibang mga contestant? Labanan naman ng talento iyan. Huwag kang magpaapekto. Nandoon ako para ipagtanggol ka,” nakakuyom ang palad na deklara ni Lolo Pio.

"Hindi po iyon. Mas mabuti pong hindi na lang ako sumali. May mas karapat-dapat na makasama sa Maynila kaysa sa akin,” katwiran ni Jeyrick at umupo sa kahoy na sofa.

"Sino? Si Paloma?" tanong ni Jensen. Iniwas lang niya ang tingin. "Nakupo! Papa, sabi ko sa inyo babae ang dahilan kaya nagkakaganyan ang apo ninyo. Sayang 'yung one million at bahay at lupa! Aba! Di lang naman sila ang may pangangailangan. Ang laki-laki ng bahay nila tapos may bar pa ang tiyahin niya."

"Ginipit ka ba ng tiyahin niya? Tinakot ka ba?" tanong ng lola niya sa malumanay na boses pero nakita niya ang pagtalim ng mata nito. Mabait ang pamilya niya pero di papayag na may maapi sa kanila.

"Hindi po. Kusa po akong umurong.” Huminga ng malalim si Jeyrick. “Sa atin-atin lang po sana ang sekreto na sasabihin ko. Isang buwan na lang po sila Paloma sa bahay na tinitirhan nila. Pahiram lang po sa kanila ang bahay, parang caretaker, at naibenta na po dahil kailangan ng pera ng may-ari. Nagsara na rin po ang bar kaya wala na pong pagkukunan ng kabuhayan ang tiyahin niya. Iyon na lang daw pong You're A Star ang pag-asa sana. Saka alam ko po makakatulong iyon para mahanap ang nanay ni Paloma. Ako naman po buo ang pamilya, may bahay na mauuwian at masaya na sa simpleng buhay."

Natahimik ang mga ito. Sino ba naman ang gusto ng watak na pamilya? Sanay silang mga Igorot sa hirap kaya kaya nilang magsimula ulit sa baba.

Nagkibit-balikat si Lolo Pio at pinisil ang balikat niya. "Ikaw ang bahala, Jeyrick. Nasa edad ka na. Ikaw ang magdedesisyon sa buhay mo. Nandito lang kami para suportahan ka."

"Salamat po sa pag-intindi. Pasensiya na po kung nadismaya ko kayo," aniya sa mga kamag-anak.

"Anong plano mo ngayon?" tanong ng lola niya. “Bakasyon na. Wala ka nang klase.”

"Uuwi po ako sa amin sa Kadaclan. Tutulong po ako sa anihan. Huwag na lang po ninyong sabihin kay Paloma ang totoong dahilan kung bakit ako umalis. Tiyak ko po pipigilan po niya ako at di papayag na siya ang pumalit sa akin. Baka po masayang lang ang sakripisyo ko sa huli,” pakiusap ng binata.

"Dakila ang pag-ibig mo. Ibang klase ka. Di ko alam kung hahangaan kita o babatukan kita," naiiling na sabi ni Jensen na sinaluduhan siya sa huli.

"Kaysa sa babaero na gaya mo. Aba! 'Yung dalawang girlfriend mo muntik pang magpang-abot dito noong isang araw. Tumigil ka sa panloloko sa babae. Malas sa buhay iyan,” sermon sa tiyuhin ng lola niya.

Napakamot si Jensen sa ulo. "Mama naman."

“Humanap na lang tayo ng pasalubong para sa mga kapatid mo. Basta pagbalik mo dito, magdala ka ng maraming walis-tambo para pambenta,” bilin ni Lolo Pio. Gusto siguro nito na bumalik sila sa normal.

Pinalis ni Jeyrick ang panghihinayang sa puso. Tiyak niya na maganda ang ngiti ni Paloma kapag nalaman na sasama ito sa Maynila. Handa siyang magparaya para kay Paloma. Masaya na siyang magiging maayos ang buhay nito at mabubuo ang pangarap nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.