Chapter FCM4: FMBYS 53

"MAGANDA talaga si Paloma Escalante at magaling pang kumanta. Kaso malakas talaga sa botohan ang ibang kalaban niya."

"Kasi anak ng mayaman."

Napapagod man ay napangiti si Jeyrick nang marinig ang usap-usapan ng mga nurse sa nurse’s station nang dumaan siya para dalawin ang ina sa Bontoc General Hospital Mag-iisang buwan nang naka-confine doon ang ina niyang si Ronalee.

Anim na buwan nang buntis ang nanay niya sa pang-anim niyang kapatid nang duguin ito noong isang buwan habang binabantayan ang pag-aani sa bukid nila. Nataranta silang lahat dahil nasa Ogo-og sila. Kailangan pang ilagay sa duyan ang nanay niya para maidala sa Chupac kung saan sinalubong ito ng doktor galing ng Barlig. Kalaunan ay napilitan nang dalhin sa Bontoc ang nanay niya dahil di na normal ang pagdurugo. Takot na takot sila noon dahil akala nila ay mawawala na ito.

Ayon sa doktor ay may subchorionic hematoma at placenta previa. Ang subchorionic hematoma ay pamumuo ng dugo sa labas ng bahay-bata habang ang placenta previa ay isang komplikasyon sa pagbubuntis kung saan lumalaki ang inunan sa ibabang parte ng matrist at natatakpan ang bukana ng cervix. Nararanasan daw iyon ng mga babaeng ilang beses nang nanganak.

Pagod na pagod si Jeyrick mula sa pakikisaka sa bukid kasama ang ama. Di na rin siya pumasok sa semestreng iyon dahil mas kailangan mag-aral ng mga kapatid niya. Lalo nilang kailangan ng pera lalo na’t marami silang bayarin sa ospital.

"Anak, kumusta na sa bahay?" tanong ng nanay niya na abala sa paggagantsilyo. Kinuha naman ng kapatid niyang si Charlene ang dala niyang metal lunch box na may lamang pagkain ng nanay niya. Ito ang nagbabantay sa nanay niya habang ang pangatlong kapatid niyang si Aiza ang nagbabantay sa mas bata nilang kapatid.

"Ayos lang po sila. Nasasabik na daw po sila sa paglabas ni Bunso,” nakangiti niyang sabi at hinaplos ang tiyan ng nanay niya. Naramdaman niya doon ang pagsipa ng kapatid. Konting tiis na lang at makakalabas din ito.

"Mas maayos na ang pakiramdam ko. Pwede na ba akong umuwi, anak?" may pagmamakaawang tanong ng ina.

"Hindi pa po. Kailangan ninyong magpahinga dito sa ospital hanggang manganak kayo, Mama,” aniya sa magaang tono.

“Pero palaki na nang palaki ang binabayaran natin dito sa ospital. Baka hindi na tayo makabayad,” nag-aalalang sabi ng ina.

“Huwag po ninyong intindihin iyon, Mama. Kami na po ang bahala doon ni Papa. Saka inilapit na rin po namin kay Governor at Mayor kaya ang problema na lang po ninyo ay kung paano magpapalakas hanggang makapanganak sa kapatid namin,” sabi niya sa ina at hinalikan ang noo nito.

Kahit na lumaki ang bayarin sa ospital at kahit abutin pa ng ilang buwan, mas mabuting naka-hospital rest ang nanay niya. Bukod sa mapapagod ito kung uuwi sa Kadaclan, pipilitin nitong magtrabaho. Alam niyang nakakainip na manatili sa ospital at walang ginagawa pero di nila ipapakipagsapalaran ang buhay nito.

"Gusto ko sanang mapanood sa TV si Paloma kaso walang TV dito sa kuwarto. Baka naman pwede akong manood sa lobby, anak,” pakiusap ng nanay niya.

“Sige po. Kakausapin ko po ang nurse,” anang binata. Nag-aagaw-buhay ang nanay niya nang ipalabas ang TV exposure niya sa You’re A Star. Bagama’t may nagtatanong kung sumali siya sa naturang kompetisyon dahil may maigsi siyang exposure, natabunan na iyon ng mga kalahok na nakapasok. “Sa palagay mo ba mananalo siya sa grand finals?" tanong ng nanay niya.

"Sana po,” excited na sabi ni Jeyrick. Masaya siya na mas kampante na si Paloma at pinatunayan nito na karapat-dapat itong mapasok hanggang grand finals. Nahasa na ito dahil sa magagaling na mentors na humawak dito. Maingay ang pangalan nito bilang grand winner.

"Naku! Kapag nanalo iyan, lalo ka na niyang makakalimutan, Kuya. Ngayon pa nga lang wala na siyang pakialam sa iyo. Ni hindi natin siya mahingan ng tulong," kantiyaw ni Charlene.

"Hindi niya alam ang tungkol kay Nanay. Ayokong isipin niya na sinasamantala ang kasikatan niya,” katwiran ni Jeyrick.

Tahimik na ang buhay ni Paloma. Nakatutok ito sa pangarap sa pag-abot ng pangarap. Ngayon pa lang ito bumabawi sa problemang pinagdadaanan lalo na’t may mga taong tumutulong kung saan makikita ang nanay nito.

"Aanhin mo naman ang sikat na kaibigan kung hindi mo mapapakinabangan?” tanong ni Charlene. “Si Kuya Lerome, totoong kaibigan. Kahit na nasa Maynila, talagang nilalakad ang pagtulong kay Mama. Pero 'yang Paloma Escalante na iyan, di ka man lang kumustahin. Wala akong tiwala sa hilatsa ng mukha niya sa simula pa lang."

"Charlene, tama na. Pinalaki ko kayo na masikap sa buhay. Para mabuhay kayo nang di nakadepende sa ibang tao. At di kasalanan ni Paloma kung di man niya ako matulungan. Naiintindihan ko iyon,” anang nanay niya.

Napayuko si Charlene. "Opo, mama. Pupunta po muna ako kay Tita Gladys. Makikiligo po muna ako at iidlip. Kuya, ikaw muna ang bahala kay Mama.”

Tumango siya at binigyan ito ng pera na panggastos. College na rin dapat ang kapatid pero ipagpapaliban muna nito ang pagpasok hanggang sa susunod na semestre hanggang makapanganak ang nanay niya. Kailangan muna nilang magsakripisyo bilang nakatatandang magkapatid. Tiyak niya na mas magagalit ang kapatid niya kapag nalaman na isinusuko niya ang tsansa na maging parte ng You’re A Star para kay Paloma.

"Pasensiya ka na sa sinabi ng kapatid mo,” anang nanay niyang si Ronalee. “Alam ko naman na gusto niyang magpatuloy ng pag-aaral at mabayaran ang mga gastusin dito sa ospital.”

"Gumagawa po ako ng paraan. Marami pa naman po tayong mahihingan ng tulong sa atin. Magpapadala pa po ang ibang kamag-anak natin sa abroad sa katapusan ng buwan. Pati po ang panganganak ninyo may sasalo na po,” buo ang kompiyansa niyang sabi.

Noong una ay nahihiya pang lumapit ang tatay niya pero nang mabalitaan na ng mga kamag-anak niya ay nag-pledge na ang mga ito. Malaki ang gagastusin nila sa panganganak ng nanay niya dahil kailangan itong I-caesarian. Mahihirapan na ito sa normal delivery.

“Kumusta na ang pinakamagandang buntis sa buong mundo?” tanong ng kaibigan niyang si Lerome na kasabay nang dumating ni Charlene.

“May pagkabolero ka talagang bata ka,” sabi ng nanay niya. “Babalik ka na ba sa Maynila? Nakailang girlfriend ka na ba doon?”

“Pagka-graduate na daw po sabi ni Papa,” anang binata. Anak ito ng mayor ng Barlig at Tourism ang kinukuha ng lalaki sa isang unibersidad sa Maynila.

“Mama, may dala pong TV si Kuya Lerome!” anunsiyo ni Charlene at halos yakapin ang LCD TV na dala ng lalaki.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.