Chapter FCM4: FMBYS 54

“Nakausap ko na po ang mga nurse na lagyan ng TV itong kuwarto ninyo para di po kayo mainip. Huwag po ninyong intindihin ang dagdag na bayarin. Si Papa na po ang bahala,” paniniyak ni Lerome.

“Sa wakas mapapanood ko na si Paloma. Ipinagmamalaki ko talaga na kaibigan siya ng anak ko,” sabi ng nanay niya.

“Kung si Jeyrick po sana ang tumuloy sa You’re A Star, tiyak na mas matutuwa kayo sa kanya,” sabi ni Lerome.

“Bakit? Nag-audition din ba si Jeyrick sa You’re A Star? Anak, nakita ka ba sa TV?” tanong ng nanay niya.

“Wala po, Mama. Di naman po ako sasali sa mga ganon. Magmimiryenda lang po kami ni Lerome,” sabi niya at hinila ang kaibigan sa labas. Siniko niya ito paglabas ng kuwarto. “Di mo dapat binanggit kay Mama ang tungkol doon. Walang nakakaalam na nag-audition ako at nakapasa.”

“Ikaw dapat ang nasa pwesto ni Paloma Escalante kung di ka umurong. Sana hindi ka na namomoroblema sa mga bill ng nanay mo dito sa ospital. Hindi ganito kahirap ang buhay ng pamilya. Baka nga ‘yung TV station pa mismo ang magdala sa kanya sa Manila para ipagamot si Tita Ronalee sa pinakamagagandang ospital doon,” argumento ng kaibigan.

“Wala namang mangyayari kung magsisisihan pa tayo. Nandiyan na iyan.”

“Ikaw na muna ang umorder ng beef mami at susunod ako. Titingnan ko lang kung magkano ang bill para masabi rin ni Papa sa munisipyo at magawan ng request,” sabi ng lalaki at pumunta sa cashier.

“S-Sige. Salamat,” sabi niya at tumuloy na sa kainan di kalayuan sa plaza. Nanginginig ang tuhod ni Jeyrick kapag tinitingnan ang bill nila. Habang nababawasan kasi iyon ay mas malaki naman ang nadadagdag. Bagamat may nangangako ng tulong, mahirap umasa kung wala pa sa mga kamay niya.

"Jeyrick, bayad na pala ang hospital bill ninyo,” humihingal na balita ni Lerome nang puntahan siya sa eatery.

“Paano nangyari iyon?”

“May nag-donate daw. Di naman nila masabi kung sino.”

Pumikit siya nang mariin. “Salamat sa Diyos.” Di man siya natuloy lumaban sa You’re A Star, may mabuting puso pa rin na tumulong sa gastusin nila sa ospital. Malaking bagay na iyon sa kanya.

Nangangalahati na siya ng pagkain nang lapitan siya ng tiyuhing si Jensen. “Manlibre ka naman,” kantiyaw nito at siniko siya. “Tumawag kay Papa ang pinsan ni Paloma. May dalawa daw ticket na ini-reserba pra sa iyo sa grand finals ng You're A Star."

Nanlaki ang mga mata niya. “Si Paloma?”

"Hindi ka niya nakalimutan. Kaya pumunta ka na. Matutuwa iyon kapag nakita ka na nasa audience at sinusuportahan siya. Saka huwag mong kalilimutan si Angel Locsin. Guest daw doon,” ungot ng pinsan niya.

"Ayos iyan. Sumabay ka na sa aking lumuwas ng Maynila,” sabi naman ni Lerome.

"Pero paano na si Mama at mga kapatid ko?” tanong niya.

"Tutulong ako na magbantay pati si Mama at Papa. Di namin siya pababayaan. Basta magpakasaya ka. Sa dami ng mga nangyari sa iyo, pakonswelo na lang na mapanood mo si Paloma."

“Sige na. Sagot ko na ang mami mo, Tito,” sabi niya at sinenyasan ang tindera.

Sa dami ng pinagdaanan niya nang nagdaang buwan, masaya siya na unti-unti nang natatapos ang problema. Masaya sila na magkakasama silang muli ni Paloma kahit na sandali lang. Masasaksihan niya ang pagningning ng bituin nito.

"MAKIKITA ko kaya si Paloma bago ang show? Magkakausap kaya kami?"

Kinakabahang itinapik ni Jeyrick ang daliri sa salaming mesa ng cafe habang kaharap si Lerome. Nasa Gloria Jeans Cafe sila sa tapat ng Araneta Center kung saan gaganapin ang grand finals ng You’re A Star. Alas dos ang naka-set na oras para makuha niya ang ticket.

“Sana payagan ka. May ganyang event na may VIP ticket na may backstage passes. I-text mo si Paloma. Sabihin mo na nandito ka,” suhestiyon ng lalaki sa kanya. “Tiyak matutuwa iyon.”

“Gusto ko munang magpaala sa handler niya,” paliwanag niya dito. Matagal na niyang di nagamit ang sim card dahil ibinenta niya ang cellphone pandagdag sa gastusin nila sa bahay.

“Maganda ba talaga siya sa personal?” tanong ng lalaki. “May iba kasi na nasa TV na nadadaan lang sa make up.”

“Magandang-maganda. Kahit na pawis na pawis at naglalakad sa pilapil, kahit na magulo ang buhok, maganda pa rin siya. Pero pinakagusto ko ang kabaitan niya.”

“In love ka na nga,” naiiling na sabi nito. “Sana ganoon pa rin siya kahit na sumikat na. Sana di ka niya makalimutan. Maraming tao kapag sumikat nakakalimutan na ‘yung mga tao na tumulong sa kanila sa baba.”

“Hindi ganoon si Paloma,” giit niya. Patunay na nandito siya ngayon. Di siya nakalimutan ng babae.

"Jeyrick, you are finally here."

Awtomatiko silang tumayo ni Lerome nang lapitan sila ni Madam Bevz. Mukha na rin itong celebrity sa suot na gauze blouse at floral skirt. May dala itong clutch bag habang ginawa nitong headband ang Rayban.

Inabot niya ang kamay dito. "Ma'am, congratulations po kay Paloma. Masaya po ako na nakapasok siya sa grand finals."

“Me, too. Pero walang duda naman ako na aabot siya sa grand finals dahil talented ang pamangkin ko,” sabi nito at bumaling kay Lerome. “Hello.”

“Si Lerome po, ang anak ng mayor ng Barlig,” pagpapakilala niya. Kinamayan din ito ni Lerome.

"Really. Masaya ako na sinusuportahan ninyo si Paloma.”

“Nandito po kami para I-claim ang ticket,” may kapormalang sabi ng kaibigan niya.

“Ah! Vida will be here later. Bakit di muna tayo magkwentuhan, Jeyrick? Anong order ninyo?" tanong nito at tinawag ang waiter.

“Naka-order na po kami. If you’ll excuse me, Ma’am. Sa labas lang po ako,” sabi ni Lerome na binigyan sila ng privacy ng tiyahin ni Paloma.

"Kumusta po si Paloma?" tanong niya sa babae. Tatlong buwan na rin sila nang huling magkita.

"Great. Her career has taken off. Maraming offers sa kanya di pa man siya nananalo sa You're A Star. Para talaga siya sa mundo ng showbiz,” may pagmamalaking sabi ng tiyahin ni Paloma.

May tiwala siya sa kakayahan ni Paloma. At sa nakikita niya, di sayang ang sakripisyo niya. "Pwede ko po ba siyang makita?"

"Nagpapahinga siya ngayon para sa grand finals.”

“N-Naiintindihan ko po.” Ayaw niya na gumawa ng kahit ano na maka-distract sa babae. Alam na siguro nito na naroon siya. Baka pwede na silang magkausap pagkatapos ng show.

“Kumusta na ang nanay mo? Magaling na ba siya?"

Kumunot ang noo niya. Alam nito na di maganda ang lagay ng nanay niya? Sinabi ba ni Lolo Pio ang kondisyon ng pamilya niya. "M-Malapit na po siyang manganak,” aniya at pilit na ngumiti.

"Sana nakatulong ang ipinadala ko pambayad ng hospital bill niya."

Natigagal siya. "K-Kayo po ang donor ni Nanay?"

"Oo. Bilang pasasalamat ko sa pagtupad sa pangarap ng pamangkin ko."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.