Chapter FCM4: FMBYS 55

Nanlamig si Jeyrick. "Hindi naman po ako humihingi ng kapalit dahil mahal ko si Paloma. Kusa ko pong ginawa iyon." Walang katumbas na halaga ang pagmamahal niya sa dalaga. Gagawin niya ang lahat para mapasaya ito.

Humigop ng kape si Madam Bevz. "I know. But I want to help anyway. Naging anak din ako. Alam ko kung gaano kahirap nang magkasakit ang magulang pero walang pampagamot. Hindi ako naiiba sa iyo dahil namatay ang nanay ko sa ospital nang walang tumutulong.”

Nagkabikig ang lalamunan niya. “S-Salamat po.” May mabuti naman palang puso ang tiyahin ni Paloma kahit minsan ay parang matapobre ito.

“May hihilingin sana ako sa iyo. Layuan mo na ang pamangkin ko."

Parang naglalakad sa gilid ng bundok si Jeyrick at gumuho ang lupa sa ulunan niya. Lahat ng kabutihang naiisip niya tungkol kay Bevz ay natabunan ng landslide. "Po? Akala ko po..."

Pagak itong tumawa. "Akala mo gusto na kita matapos ang sakripisyo mo para kay Paloma? It was not exactly a sacrifice, Jeyrick. It was the easy way out. Mantakin mo nabayaran mo ang bill ng nanay mo nang walang kahirap-hirap. Si Paloma ang nagtrabaho para sa iyo. Di mo naman sigurado na aabot ka nang ganito kalayo gaya niya. Malamang umuwi ka nang luhaan at di ka aabot sa live show."

Parang sampal sa kanya ang sinabi nito. Akala mo’y siya si Juan Tamad na nag-aabang lang ng oportunidad pero di nagsisikap. "Ma'am, hindi naman po ako nagpapabayad sa mga naitulong ko.”

"Tanggapin mo na, Jeyrick. Di mo rin naman maibabalik ang pera na iyon. Huwag mo nang ipagmalaki ang pride mo. Di iyan nakakabayad ng hospital bills. Ang mahalaga buhay ang nanay at ang magiging kapatid mo. Maging realistic ka. Mas mahalaga iyon kaysa sa pagmamahal mo kay Paloma..."

"Pwede naman pong parehong mahalaga ang pagmamahal ko kay Paloma at sa pamilya ko.” Dahil pagmamahal na lang niya ang maiaalay at maipagmamalaki niya sa dalaga.

Mabait ang ngiti nito pero malupit ang mga salita na binitawan. "Pero sa puntong ito, kailangan mo lang mamili ng isa. Iba na ang mundo ninyo ni Paloma, Jeyrick. She is a star now. At ikaw naman may responsibilidad sa pamilya mo. Dito na sa Maynila ang mundo niya at ikaw naman sa bundok pa rin sa simple mong buhay. Kung ipipilit mo na maging parte ng buhay niya, baka makasira ka lang sa pangara ni Paloma. Mga taong matatagumpay na dapat ang kahalubilo niya. Hihilahin mo siya pababa. Iyon ba ang gusto mo?"

Marahan siyang umiling at yumuko. "H-Hindi po."

Ganoon na ba ang ginagampanan niya sa buhay ni Paloma? Hindi na siya isang bayani kundi isa lang pabigat. A liability. Di na mahalaga ang pagmamahal niya.

Parang isa siyang mandirigma na nagsakripisyo na kahit na masaktan pero tinatadyak-tayakan pa habang nakatumba.

"Bumalik ka na sa Cordillera, Jeyrick,” pagtataboy ni Bevz. “Mas kailangan ka ng pamilya mo ngayon kaysa si Paloma.”

Pinagsalikop niya ang palad. "Pwede ko po bang makita at makausap si Paloma kahit sa huling pagkakataon?"

Tinaasan siya nito ng kilay. "Mas mabilis kang makaka-move on kung kalilimutan mo si Paloma. Lalo mo lang pahihirapan ang sarili mo kung makikita at makakausap mo pa siya.” Tumayo ito at tinapik siya sa pisngi. “I hope you will have a good life, Jeyrick. Goodbye."

Naiwang nakaupo sa cafe si Jeyrick. Gumuho na ang lahat ng plano niya sa muli nilang paghaharap nila ni Paloma. Akala niya ay isang biyaya ang dumating sa kanya ang imbitasyon na mapanood ulit si Paloma. Iyon din pala ang puputol sa anumang pag-asa na mayroon sila ng dalaga.

Hangos na lumapit sa kanya si Lerome. "Jeyrick, halika na. Nakita ko na si Paloma. Dumaan ang kotse niya. Dali! Baka mahabol pa natin." At hinila siya patayo. “Nasabi ko na sa kanya na kaibigan mo ako.”

"Uuwi na ako,” nanlulumo niyang sabi.

"Anong uuwi ka na? Sa Cordillera? Bigla kang kinabahan na magkikita ulit kayo ni Paloma? Dahil ba sa mga artista na may crush sa kanya?” tanong ng kaibigan at umupo ulit sa harap niya. “Di ka naman nalalayo ng kaguwapuhan sa mga iyon.”

"Hindi ko na siya gustong makita.” Ano pang mukhang ihaharap niya kay Paloma kung parang ibinenta na niya ang pagmamahal niya?

“Ano bang sinabi sa iyo ng tiyahin niya?"

Umiling siya. "Wala." Inilagay lang siya sa dapat niyang kalagyan. Na huwag siyang mangarap nang mataas. Na huwag na siyang umasa na magkakasama pa sila ni Paloma. "Naisip ko lang magkaiba na ang mundo namin ni Paloma. H-Hindi na ako dapat pumunta dito. Hindi na ako bagay sa lugar na ito."

"Jeyrick, huwag mong maliitin ang sarili mo."

"Wala naman akong maiaalok sa kanya. Tingnan mo kung anong klaseng buhay mayroon ako. Ni hindi ko maituloy ang pag-aaral ko. Mas bagay si Paloma na tulad mo na anak ng mayor, nag-aaral sa sikat na eskwelahan."

"At sa susunod, sasabihin mo rin na di tayo bagay na magkaibigan. Kung bigwasan kaya kita?" Inakbayan siya nito. "Jeyrick, hindi man ngayon ang oras para umangat ka pero huwag mong maliitin ang sarili mo. May pagkakataon pa na dadating sa iyo dahil mabuti kang tao. Kung di man si Paloma, makakahanap ka ng totoong magmamahal sa iyo nang walang pakialam kung ano ang estado mo sa buhay."

Hindi naghahanap ang puso niya ng ibang mamahalin. Dahil kahit magkalayo sila ng mundo ni Paloma, kahit dumistansiya siya dito, di ito mawawala sa puso niya. Patuloy pa rin niya itong mamahalin.

"CARROT MAN! I LOVE YOU!"

"Carrot Man, mahal na mahal kita!"

Yumukyok si Jeyrick sa sariling kandungan nang ipakita sa kanya ni Hepburn ang Facebook Live video ng mga fans niya na nagkakagulo sa audience seat ng studio kung saan live na ipapalabas ang Win na Win, isang panghapong game show. Nasa backstage siya at hinihintay na tawagin sa entablado.

“Excited na silang makita ka,” sabi ng PA niya na si Jerzel. Dati itong kitchen staff sa bar ni Tita Bevz. Isa ito sa bumabati sa kanya nang nag-deliver siya sa bar noon. "Gusto kang makita ng lahat. Nadoble ang kasikatan mo nang lumabas ang interview mo.”

Kinabog niya ang sariling dibdib. "Ang daming mga tao. Kinakabahan ako."

“Ngayon ka pa kinabahan. Okay naman ang interview mo kahapon, di ba? Nakikipagtawanan ka pa nga sa host.”

"Iba ang interview at iba ang live show na maraming nanonood. Di pa yata ako handa para doon." Bigla siyang tumayo. “P-Pwede bang ipatawag si Papa dito o kaya si Beliza? M-May itatanong lang ako sa kanila.”

“N-Nasa audience na sila. Ayan o! Tawa pa nang tawa sa kay Kim Ganda.” Isang stand up comedian ang nagpe-perform habang commercial para aliwin ang audience. “Gusto mo bang ipatawag ko sila?”

Umiling siya at napansandal sa pader. “Hindi na.”

Ayaw na niyang bulabugin pa ang ama niya, si Lolo Pio at si Beliza. Hahayaan niyang masiyahan ang mga ito sa palabas dahil bagong karanasan sa mga ito ang makanood nang live sa studio at personal na makakita ng sikat na tao.

“Hala! Jeyrick, namumutla ka na!” natatarantang sabi ni Jerzel. “Teka tatawagan ko si Ma’am Bevz.”

“H-Hindi na.”

Ayaw niyang magmukhang mahina. Pero kailangan niyang makahinga. Paano ba niya haharapin ang ganoon karaming tao nang lahat ng atensyon ay nakatutok sa kanya? Huling beses na nangyari iyon ay nang nag-audition siya para sa You’re A Star. Pero di siya kinakabahan doon dahil naroon lang siya para suportahan si Paloma. Ngayon ay nakatutok na ang mga mata sa kanya. Nabablangko ang utak niya maisip pa lang niya ang mga taong naghihintay sa kanya. Nagdududa siya sa sarili kung dapat ba talaga siya doon.

May kumatok sa pinto at nang pagbuksan ni Jerzel ay pumasok si Paloma. “Hey! Are you ready?”

“Bakit ngayon ka lang dumating? Saan ka ba nagpunta? Kanina pa ako kinakabahan dito,” sunud-sunod na tanong niya.

Bakas ang pagkagulat sa mukha ng dalaga. Parang demanding ang dating niya at parang kanina pa niya ito hinihintay. Pero huli na para bawiin pa niya. Namayani na ang kaba niya.

“Pasensiya ka na. Di ko sinasadyang magtaas ng boses,” bawi niya dito. Hindi siya sanay na magtaas ng boses. Di siya ganoon pinalaki ng mga magulang niya.

Inilapag nito ang paper bag sa harap niya. “O! Kumain ka muna.”

Binuksan iyon ng binata kumunot ang noo nang makita ang limang cavendish banana at tatlong chocolate fudge sundae. “Para saan ito?”

“Nawawala ng anxiety ang saging at pampasaya ko naman ang chocolate fudge sundae,” anang dalaga at ibinigay kay Jerzel. “O! Para sa iyo.”

“Thank you, Ganda. Pahingi ng saging at ise-share ko lang sa crush ko,” sabi nito at lumabas ng dressing room.

“Kain na,” sabi ni Paloma sa kanya at ipinagbalat pa siya ng saging. “Bilisan mo dahil baka biglang dumating si Tita Bevz. Mapapagalitan niya tayo kapag nakita niya ang sundae. Kailangan kong itakas lagi.” Nang di pa rin siya sumubo ay pinanlakihan siya nito ng mata. “Walang gayuma iyan. Kain na.”

Nagbalat din ito ng saging at nilagyan ng chocolate fudge ang ibabaw mula sa sundae. Saka ito kumagat na parang walang pakialam sa lipstick nito.

“Uhmmm… panalo talaga ito. Makakalimutan mo ang kaba mo kapag natikman mo ito,” sabi ng babae at sumubo naman ng sundae.

Ginaya niya ang babae. Nilagyan din niya ng sundae ang saging. “Masarap nga,” usal ni Jeyrick nang matikman ang pauso nito. Nararamdaman niya ang unti-unting pagluwag ng hininga niya. Nawawala na rin ang kaba niya. “Umo-okay na ako. Salamat dito sa saging at sa ice cream.”

Binigyan siya nito ng tubig. “Sorry. Di kita naihanda sa mga aasahan mo pagpasok mo ng showbiz. Gusto ko naihanda ka sa interview, sa kung saan ka komportable at may maayos na plano para sa iyo. Ayoko ‘yung natataranta ka at wala ako sa tabi mo. Na di mo alam kung makakatulong ba sa iyo ang ipapayo ko o paniniwalaan mo ang sasabihin ko.”

“Masisisi mo ba ako?”

Umiling ito. “Hindi. Tanggap ko naman na may mali ako. Pero sana huwag kang mahihiya na lumapit sa akin kapag may kailangan ka. Kung kinakabahan ka o natatakot ka o di mo alam ang gagawin mo, magsabi ka sa akin. Hindi na bilang babaeng dating minahal mo. Kahit di na bilang kaibigan. Pero kahit bilang magkasama sa isang agency. Gusto ko sana maging parang pamilya tayo. Pwede ba?”

May pagsusumamo mo sa mga mata nito. At hindi niya kayang tanggihan ito. “Kung may saging at ice cream kapag kinakabahan ako nang di nalalaman ni Tita Bevz, sa iyo talaga ako lalapit.” At sabay silang nagtawanan ng dalaga.

The ice was broken. Tuluyan na ring nawala ang kaba niya. Kumatok sa pinto si Jerzel. “Sir Jeyrick, five minutes na lang daw po sabi ng staff. Parating na rin si Madam Bevz. Kausap lang ang manager ni Sir Will. Sisilip daw siya bago ka umakyat sa stage.”

Nanlaki ang mata nila ni Paloma at dali-dali nilang inubos ang chocolate sundae. Habang umiinom siya ng tubig ay niligpit ng dalaga ang pinagkainan nila. Para silang bata na gumawa ng kalokahan at kailangang linisin ang ebidensiya.

Palapit nang palapit ang mga boses at namamayani ang boses ng manager nila. Inayos ni Jeyrick ang damit niya nang hawakan ni Paloma ang baba niya. “May chocolate fudge ka sa gilid ng labi mo,” sabi ng dalaga at dumukwang para punasan ng tissue ang labi niya.

Sa sobrang lapit nito sa kanya at sa atensyong ibinibigay nito sa labi niya, naalala niya ang unang pagkakataon na halikan niya ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.