Chapter FCM4: FMBYS 56

“KONTI na lang,” usal ni Paloma nang inaalis ang bahid ng chocolate fudge sa gilid ng labi ni Jeyrick. Di siya pwedeng mag-iwan ng kahit anong ebidensiya na kumain sila ng ice cream dahil tiyak na mapapagalitan sila ni Jeyrick ng tiyahin niya. Napaka-partikular nito sa dapat kainin lalo na kung may show. At tiyak na maba-bad trip na naman si Jeyrick sa kanya. Kung kailan unti-unti na silang nagkakasundo.

Natigilan siya nang maramdaman itong nakakatitig sa kanya. “Bakit?”

“May naalala lang ako,” sabi nito at naramdaman niya ang mainit na mga mata nito sa labi niya.

Napalunok siya. Bigla ay nawala sila sa loob ng dressing room. Napunta sila sa Kadaclan, sa Amfitayoc Falls kung saan sila laging masaya. Sa mga siya ang pinakamahalagang parte ng buhay nito.

Hinaplos ng daliri niya ang gilid ng labi nito. “Jeyrick…”

She wished she could kiss him again. Sana pwede niyang sabihin sa mundo na mahal niya ito. Sana ay pwede niyang sabihin ngayon na mahal niya ito. Sana ay makinig ito at maniwala.

Biglang bumukas ang pinto. “Ready na si Carrot Man?”

Nahigit ni Paloma ang hininga nang lumingon at nakita ang Tita Bevz niya na nakatayo sa pinto ng dressing room. Nasa likuran nito ang host na si Kuya Will at ang ilang mga reporter. Dali-dali silang naghiwalay ng binata.

“Naabala ba namin kayo?” tanong ni Kuya Will na puno ng malisya.

“Ay! Akala ko magki-kiss na,” sabi ng bading na reporter na si Arlo.

Umiling si Paloma at di pinansin ang malisyosong hirit na iyon. “Ihinahanda ko lang siya para sa paglabas niya sa stage.” Pinagpag niya ang balikat ng beige khaki jacket nito. “Kinakabahan ka pa?”

“Hindi na. Salamat sa secret weapon,” sabi ni Jeyrick at ngumiti. Natural ang ngiti na iyon. At sana ay para talaga sa kanya iyon at hindi sa mga nakamasid sa kanila.

Si Paloma ang kinakabahan nang sa wakas ay tawagin ng host si Jeyrick. “Mahilig ba kayo sa carrot? Tawagin na natin ang pinakamainit na internet sensation ngayon - si Carrot Man!”

Dumagundong ang studio sa paglabas ni Jeyrick. Halos di makahinga si Paloma sa sobrang saya habang pinapanood ito sa TV screen sa backstage. Hindi magkamayaw ang mga tao at ang mga sumugod sa Barlig na sina Chacha at Verna ay present din sa audience. Mangiyak-ngiyak pa ang mga ito habang may hawak na banner. Mahigit singkwenta ang official na miyembro ng fans club ni Jeyrick. Marami pa ang gustong sumama pero di na nakapasok dahil sa limitadong upuan sa studio. Alam niyang buhay na buhay ang crowd sa programang iyon dahil na rin karamihan sa audience ay masa. Pero mas matindi ang enerhiya ng mga manonood dahil kay Jeyrick, patunay ng kasikatan.

“He is sensational. Ngayon pa lang kailangan na natin siyang I-market. We have to seal sponsorship and guestings for him,” bulong ng tiyahin niya na nasa tabi niya.

"Carrot Man, batiin mo at magpakilala ka sa mga tao dito sa studio at sa mga nanonood sa buong mundo,” sabi ng host na si Will.

Di agad sumagot ang binata dahilan para pagsalikupin ni Paloma ang mga palad. Mas kinakabahan pa yata siya para dito. “Come on, Jeyrick. Huwag kang kakabahan.”

"Ako po si Jeyrick Sigmaton at nagmula sa Kadaclan sa Barlig, Mountain Province. Salamat po sa pag-imbita sa akin dito,” magalang na bati ni Jeyrick. At parang matutunaw si Paloma. Di mayabang ang dating ng binata. Mapagpakumbaba ito.

"Napanood ko ang interview mo at nakita ko kung gaano kahirap ang buhay mo. Tumigil ka ng pag-aaral para lang matulungan mo ang mga magulang mo. Di ka ba nagtatampo na di ka nila napagtapos ng pag-aaral?" tanong ng lalaki.

"Desisyon ko po na tumigil para makapag-aral po ang iba kong mga kapatid. Kahit po mahirap ang mga magulang ko, di po nila ako pinabayaan. Di po napariwara ang buhay naming magkakapatid. Di po kami nasangkot sa gulo o nalulong sa droga at bisyo. Mahal na mahal ko po sila,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Jeyrick.

Natutop ni Paloma ang bibig at di mapigilang pumatak ang luha habang pinapanood iyon. The same old Jeyrick. He was sensitive. At mahalaga dito ang pamilya nito. Di ito mapaghanap at masaya na ito kung ano ang mayroon dito kahit gaano kahirap ang buhay. And the world was watching. Lahat din ng audience ay naiiyak dahil dito.

"Sa mga bulakbol diyan at di pinahahalagahan ang pag-aaral, tumulad kayo kay Jeyrick. Masikap sa buhay. Di nahihiyang magtrabaho. Di gaya ng iba, puro porma lang. Ang tunay na guwapo, di nahihiyang magbuhat ng mabigat basta para sa pamilya."

"Lalo kitang minahal, Carrot Man!” sabi ng isang staff na si Sharmine na nakatayo sa tabi niya. "Kahit ako ang magtrabaho para sa iyo."

“Baka hindi mo siya afford,” sabi ni Tita Bevz.

“Magkano po ba? Magbebenta ako ng kidney.”

Napangiti na lang si Paloma. Di siya nagseselos sa mga fans ni Jeyrick kahit pa nga lumalabas na karibal niya. Masaya siya para sa binata sa atensyon at paghanga na nakukuha nito. She realized that was also a fan.

"Ngayong mag-aartista ka na, sino ang napipili mong leading lady mo?" tanong ni Will kay Jeyrick.

“Ako na lang, Carrot Man!” tili nina Chacha at Verna na nangingibabaw sa studio at saglit na ipinakita ang mga ito sa camera.

Napakamot sa ulo si Jeyrick. “Isang artista lang naman po ang lagi kong pinapanood.”

“Sino iyon?”

“Si Paloma Escalante po."

Parang tumigil ang pagtibok ng puso ni Paloma nang marinig ang pangalan sa mga labi ni Jeyrick. Siya talaga ang pinili nito.

“Inutos ba ninyo iyon sa kanya?” tanong niya sa tiyahin.

Tumirik ang mga mata ni Tita Bevz. “No. Pero ano naman ang aasahan mo. Sa abala niya sa bukid at wala silang TV, baka ikaw nga lang ang artistang kilala niya,” sarkastikong wika ng tiyahin.

"Tingnan nga natin kung bagay. Samahan mo kami sa stage, Paloma Escalante!" tawag ni Kuya Will sa kanya.

Hindi niya inaasahan na pasasamahin din siya sa stage. Akala niya ay manonood lang siya doon. Di niya inaasahan na lalabas di siya sa TV.

Nanlamig si Paloma nang iabot sa kanya ang mikropono. Nakahanda na ang ngiti niya nang tumapak sa stage kahit nanginginig ang tuhod niya.

Kumaway siya sa audience na pawang nagpapalakpakan nang makita siya. "Magandang hapon po sa inyong lahat."

“Paloma, mabuti naman napadalaw ka sa studio namin. O baka naman may iba ka talagang gustong panoorin,” sabi ni Kuya Will at lumingon kay Jeyrick na nasa kabilang side nito. “Magtabi nga kayong dalawa.” Nag-sidestep ang lalaki at tumayo si Jeyrick sa tabi niya. Nagkangitian na lang silang dalawa. "Aba! Tingnan mo nga naman. Bagay na bagay. Pareho pa kayong may dimples.”

“Team Dimples na iyan!" tili ng isa sa mga fans ni Jeyrick.

"Alam ko naman na magkakilala kayo dati pa. At iba ang enerhiya na nararamdaman ko sa inyo. Siya na ba ang kapalit ni Thirdy Concepcion sa puso mo, Paloma?" nang-iintriigang tanong ni Kuya Will at umugong ang tuksuhan sa studio.

Tiningala niya si Jeyrick at malamlam ang mga mata nito nang masdan siya. "Di naman po nawawala si Jeyrick sa puso ko dati pa.” Napuno ng bulungan sa studio at nanlaki ang mga mata ni Jeyrick.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.