“Bakit mo nasabi iyan?” tanong ng host.
“Mabuti po siyang kaibigan. Si Jeyrick din po ang tumulong sa aking pumasa sa audition ng You're A Star. Hindi po siya madamot sa mga taong malapit sa kanya. Kahit sa di niya kilala tumutulong siya.”
“Ano pa ang alam mo tungkol kay Carrot Man?”
Di niya inaalis ang tingin kay Jeyrick. “He is really talented and kind. Kaya salamat sa mga taong nagmamahal sa kanya at sumusuporta. Mula noon pa lagi na lang si Jeyrick ang sumusuporta sa mga mahal niya. Lagi na lang po siyang nagbibigay. Panahon na siguro para siya naman ang bigyan ng pagmamahal.”
"Kunyari si Paloma ang leading lady mo. Ipakita mo sa amin kung paano siya mai-in love sa iyo. Anong kakantahin mo para sa kanya?” tanong ni Kuya Will. “Kahit na anong gusto mo para sa kanya.”
Jeyrick gave her a blank stare. Saka nito inikot ang paningin sa audience. Hindi nito alam kung ano ang kakantahin. Pati ang mga taong nagtsi-cheer dito ay natahimik din.
Hinawakan niya ang kamay ng lalaki. “Kahit anong maisip mo na kanta. Ako lang naman ang kakantahan mo.”
Tinitigan siya nito sa mga mata at inangat ang mikropono. “Nu bumangonak si wakas san pungan ko san igignak.”
Pumitlag ang puso ni Paloma nang makilala ang pamilyar na kanta. Ang paboritong kanta ni Jeyrick na kinakanta pa dito ng nanay nito. At iyon din ang kinakanta ng binata sa kanya. Nahawakan niya ang lalamunan dahil umaapaw ang emosyon niya.
“Ano ‘yung kanta niya? Wala akong maintindihan,” narinig niyang sabi ni Kuya Will sa likuran niya. Iilan lang ang nakakaintindi ng Kankana-ey. At di lahat ng nagsasalita ng Kankana-ey ay alam ang kanta. Di maka-relate ang mga karamihan ng manonood.
At sa gilid ng stage ay nakita niya na di maipinta ang mukha ng tiyahin. Naririnig niya sa utak niya ang iniisip nito - baduy ang kanta, hindi marketable at malaking failure ang TV guesting na iyon dahil inilabas ni Jeyrick ang pagiging Igorot nito nito na para sa tiyahin niya ay inferior kaysa sa ibang lahi.
Ngumiti siya kay Jeyrick at sinabayan si Jeyrick kumanta ng chorus. “Laydi-laydek ay il-ilan. San layad mo ay kankanam.” Nanlaki ang mga mata ng binata dahil di inaasahan na sasabayan niya ito. “Sak-en san silaw mo. Sek-a san talaw ko kayman.”
And the world stopped and faded around her. Wala siyang pakialam kung walang maintindihan ang mga tao sa paligid niya. Ang mahalaga ay hawak ni Jeyrick ang kamay niya at nakangiti ang mga mata habang kinakantahan siya. Na parang silang dalawa lang ang nagkakaunawaan.
Matapos silang kumanta ay umugong ang palakpakan at hiyawan sa buong studio. Namamanghang inikot ni Jeyrick ang tingin sa paligid. “Nagustuhan nila ang kanta mo, Jeyrick,” sabi ni Paloma dito. At gusto niyang maiyak nang nakitang nangingilid ang luha nito.
“Ang galing ninyong dalawa,” sabi ni Kuya Will nang muli silang lapitan. “Na-touch at kinikilig ako kahit di ko maintindihan. Habang nakatitig ako sa inyo para kayong bida sa Koreanovela na kahit di ko maintindihan ang kanta nakakakilig pa rin. Anong title ng kanta na iyan?”
“Laydi-laydek ay il-ilan. Igorot song po iyan. Paborito ng magulang ko. Iyan po ang ipinampapatulog sa akin ng nanay ko at kakantahin ko sa babaeng mahal ko,” sagot ni Jeyrick.
“Anong ibig sabihin ng kanta?” tanong ni Kuya Will. “Para sa mga di nakakaintindi ng salita ng mga Igorot.”
“Tungkol po sa isang tao na hinahanap-hanap niya ang taong mahal niya kasi di sila magkasama. Na ‘yung taong iyon daw ang bituin niya,” paliwanag ni Jeyrick sa mensahe ng kanta.
Tumango-tango si Kuya Will. “Aba! Magandang panligaw iyan. Gusto ko yata na ituro mo sa akin para kantahan ang nililigawan ko. Nakakakilig. Kinilig ba kayo?”
“Yessss!” sigawan ng mga audience at nagpalakpakan ulit.
“Paloma, ikaw ang nagpadoble ng kilig sa amin. Ibang klase ang tinginan ninyo. Ngayon pa lang may chemistry na kayo. Nagulat ako na alam ni Paloma ang kanta. Na-practice ba ninyo iyan?” tanong ni Kuya Will.
Natawa si Paloma at umiling. “Dati ko pa po kaibigan si Jeyrick. Di lang ang kantang iyan ang tinuro niya sa akin. Pati ang kultura ng mga Igorot ipinakilala niya sa akin. Maraming magagandang kanta ang iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Kung naa-appreciate ko ang mga English na kanta, Jpop at Kpop, bakit naman hindi ang sariling atin?” Hinawakan niya ang balikat ni Jeyrick. “Salamat dahil ipinakilala mo sa akin ang magandang kultura ninyo. At di ako papayag na may ibang mangmaliit sa iyo dahil sa lahi mo.”
“Proud Igorotak!” sigaw ni Jeyrick at itinaas ng host na si Kuya Will ang kamay nito.
Tumayo ang mga tao at nagpalakpakan. Alam ni Jeyrick na di lang pangalan nito ang dala nito kundi maging ang mga kalahi nito. At oras na para ipakita sa lahat kung sino ang totoong Jeyrick.
“Ano pa ang talento na pwede mong ipakita sa amin? Marunong ka bang sumayaw?” tanong ni Kuya Will kay Jeyrick. “May modern ka bang alam?”
Napakamot sa ulo ang binata. “Yung sayaw lang po naming Igorot ang sinasayaw kapag may kasiyahan po sa amin. Wala po akong alam sa mga bago dahil madalas sa bukid ako. Walang TV at puro country song po doon.”
“Sige. Kahit ano ang gusto mong sayawin. May pang-Igorot ba diyan na tugtog?” tanong nito sa DJ. Nag-thumbs ang DJ. “Maganda siguro kung samahan ka rin ng ibang mga fans mo at ng mga kapamilya mo. Sinong gustong turuan ng sayaw ni Carrot Man?”
Kumuha ng limang fans mula sa audience at pinasama din si Lolo Pio at Daddy Melvin. Kilig na kilig ang mga fans ni Jeyrick na makahilera ito. Habang naiwan naman sa audience si Beliza at abala sa pagkuha sa cellphone nito.
Pumailanlang ang tunog ng gong sa buong studio at idinala ni Jeyrick ang mga kamay. “Ito po ang Tufub o eagle dance. Madali lang po ito.”
Nakilihera si Paloma sa mga fans ni Jeyrick. Masaya siya na may kompiyansa na ito ngayon at unti-unting nagiging komportable sa harap ng maraming tao.
Soar like an eagle, Jeyrick. Ikampay mo lang ang pakpak mo. Nandito lang ako para suportahan ka sa pangarap mo.