Chapter FCM4: FMBYS 58

“ATE PALOMA, ang ganda-ganda mo po kanina habang sumasayaw kasama si Carrot Man. Pwede ko po bang maging boyfriend si Carrot Man?”

Natawa si Paloma nang marinig ang tanong ng nakababatang kapatid na si Kitty. Apat na taon pa lang ito pero bibong-bibo na. Ito ang number one fan niya pero mukhang magiging karibal niya ito kay Jeyrick.

Nag-demand ito sa nanay niya na tawagan siya matapos mapanood ang pagge-guest nila ni Jeyrick. Isa ang kapatid niya sa nabighani ni Carrot Man.

“Una, hindi ka pa pwedeng mag-boyfriend. Di ka pa nga tapos ng kinder. Pangalawa, may girlfiend na si Carrot Man.”

“Kailan po sila magbe-break?” tanong ni Kitty.

Tawa na lang ulit ang naisagot ng dalaga dahil iyon din ang tanong niya. Hanggang kailan magpapanggap si Jeyrick na nobya nito si

“Mag-aral ka na muna, baby.” Hayaan mo na muna si Carrot Man sa akin.

“Di ba kunwari lang naman na mahal ka niya sa Win na Win, Ate? Friends lang kayo ni Carrot Man? Kasi sabi ni Kuya Thirdy mahal ka pa rin niya. Pinadalhan pa nga niya ako ng magandang dress galing sa America, Ate. Tapos gusto daw niya na mamasyal tayo sa Disneyland. Pwede ba iyon, Ate?”

Lies, lies, lies. Pati ang kapatid niya ay sinusuhulan ni Thirdy. Alam nito ang kahinaan niya - ang pamilya niya. Pati ang pagpapahiram ng pera ay ginagawa nito para gipitin siya. Hindi na ngayon.

“Di pa pwede sa ngayon kasi busy pa si Ate sa work. Tayo na lang ang pupunta ng Disneyland sa bakasyon. Kung gusto mo kasama pa si Carrot Man. Okay ba iyon?” tanong niya sa kapatid.

Nagtitili ang kapatid niya. “Disneyland kasama si Carrot Man.”

Masaya si Paloma na maibigay sa kapatid niya ang bagay na di nito natamasa noon. Lumaki siya sa hirap. Ni wala siyang ideya kung ano ang Disneyland. Hindi na kailangang magtrabaho nang bata ang kapatid niya o maging sunud-sunuran. Malaya itong magdedesisyon mula sa kursong kukunin at magiging kaibigan nito. Hindi nito kailangang magpanggap para lang kumita ng pera.

Hindi niya gusto ang paglapit ni Thirdy sa pamilya niya. Why did he keep on sticking with her? Ayon sa Tita Bevz niya, bayad na nito ang pera na ibinigay ni Thirdy para dagdagan ang pampagawa ng resort. Sa tiyahin siya may utang at di dito. Wala na itong panghahawakan pa sa kanya.

“Paloma, hinahanap ka ni Kuya Will at ng mga fans mo,” sabi ni Tita Bevz nang sunduin siya. Hinatak nito ang kamay niya. “Ano ka ba naman? Di ka dapat humihiwalay kay Jeyrick. Iyon tuloy girlfriend ni Jeyrick ang nakadikit sa kanya.”

“Tita, hayaan na po ninyo si Beliza. Wala naman po sigurong masama kung magpa-picture siya o makakausap ng mga artista.”

Pinisil nito ang braso niya. “Di mo ba narinig na sine-set up na ang love team ninyo? Dapat ikaw ang makita ng mga tao na kasama ni Jeyrick.”

“At mapapasama naman po si Jeyrick kung babalewalain niya si Beliza para lang sa akin,” sabi niya at binilisan ang paglalakad sa hallway.

Nasa maliit na dining area ng studio si Kuya Will kasama si Jeyrick at ang iba pa. Nakapaikot ang mga ito sa mesa. “Dito ka na umupo sa tabi ni Carrot Man,” sabi ni Kuya Will at napagitnaan nila ni Beliza ang lalaki. “Nagustuhan ng mga tao ang Igorot song ni Jeyrick. Maraming fans ang interesado na malaman pa ang tungkol sa kultura ninyo. Napag-usapan namin na magkaroon ng portion kung saan ipapakita ng iba’t ibang kababayan natin sa iba’t ibang rehiyon ang talento nila. Pwedeng kanta, sayaw o tula para makilala ang kultura at salita ng iba’t ibang tao.”

“Sa game show mo, Will?” tanong ni Tita Bevz. “Baka mabaduyan sila pag puro ganoon ang nakikita nila.”

Natawa lang si Kuya Will. “Kung baduy man, maraming baduy sa bansa natin. Mas maraming manonood. Pangmasa naman tayo dito sa Win na Win at ang mga kababayan nating mahihirap ang pinapasaya natin. Dapat ipinagmamalaki natin ang sariling atin.”

"Parang sa pag-ibig, pantay-pantay lahat. Di mahalaga kung anong lengguwahe basta nagkakaunawaan po kayo,” nausal ni Paloma at lumingon kay Jeyrick.

“Pwede ka na bang maging co-host at guest ko tuwing Sabado?” tanong ni Kuya Will. “Kayong dalawa ni Paloma. Kung magugustuhan ninyo, pwedeng maging araw-araw ang exposure ninyo.”

Nalula si Paloma. Isang regular na programa kahit minsan sa isang linggo. Pero pwede pang mag-improve.

“Pero baka mabulol lang po ako,” sabi ni Jeyrick.

Hinawakan ni Paloma ang kamay nito. “Napag-aaralan iyan, Jeyrick. Saka tutulungan kita. Kasama mo ako.”

“Tutulungan din kitang mag-aral. Anong year ka ba tumigil sa college?” tanong ni Kuya Will.

“First year lang po,” sagot ng binata.

“Pag-aaralin kita. Gusto mo rin ba, Paloma?” alok ni Kuya Will. “Ang pagkakaalam ko di ka nakatapos ng pag-aaral.”

“Hindi po. Masaya na po ako para kay Jeyrick. Kailangan po niya iyan lalo na’t marami pa siyang ibang kapatid na pag-aaralin,” tanggi ng dalaga. Kaya na niyang pag-aralin ang sarili niya kung gugustuhin niya.

“Makakapag-aral ulit ako. Scholar,” naluluhang sabi ni Jeyrick. “Paloma, makakapag-aral ulit ako. Sobrang saya ko.”

Akmang yayakapin niya ito para ipakita kung gaano siya kasaya para dito nang bumaling ito kay Beliza at ito ang niyakap. Parang napahiya siya sa sarili. Di na siya ang unang babaeng babalingan nito o yayakapin sa tagumpay nito. Nariyan na si Beliza sa tabi nito - ang matalik nitong kaibigan at ang nobya nito sa harap ng marami. She felt insignificant.

Ngumiti na lang ang dalaga at kinamayan si Kuya Will saka nagpasalamat. “Salamat po sa magandang opportunity.”

“Mag-aral ka pa ng mga kantang Igorot. O kaya mga makalumang kanta. Mga kundiman. Tutal ikaw naman ang may idea na tangkilikin ang sariling atin.”

Niyakap siya ng tiyahin nang nasa van na sila at tapos nang ihatid ang grupo ni Jeyrick. “You will have a hosting gig. Kasama pa si Kuya Will.”

“Isang linggo lang naman po, Tita Bevz.”

“Basta tatandaan mo huwag kang hihiwalay kay Jeyrick. Mas bagay kayong dalawa kaysa sa Beliza na iyan. Kung mas maghihiwalay sila, mas mabuti.”

“Tita Bevz!” angil niya dito.

“Mama, umaatake na naman ang pagiging evil queen ninyo. Sisirain pa ninyo ang magandang image ni Paloma. Ang pinsan ko po hinahabol ng mga boys. Di siya mang-aagaw ng jowa,” anang si Hepburn. “Kakaloka ka, Mother.”

“Ikaw ang mas pipiliin ng fans kaysa sa girlfriend ni Carrot Man,” anang tiyahin niya.

“Paano naman ang mga bashers? Binigyan ninyo sila ng lisensiya na sirain si Paloma. Sa ngayon hayaan muna natin na magkaroon sila ng professional relationship. Kapag pumalpak ang image ni Carrot Man, pati si Ate Paloma mahihila pababa. Hayaan na nating mag-break nang kusa ‘yung dalawa,” angal ng pinsan niya.

Umingos lang ang tiyahin at sa kanya itinuon ang atensyon. “Paloma, di ka ba masaya na hinahayaan na kitang makasama ang lalaking mahal mo? Kung alam ko lang na sisikat siya nang ganito, sana di na ako kumontra sa relasyon ninyo noon.”

“Tita, hayaan na po ninyo kami ni Jeyrick. Huwag na po ninyong pakialaman ang personal naming buhay. Mag-focus po kayo sa kaya naming gawin. Marami pa kaming maipapakita ni Jeyrick nang di kailangang gumawa ng gimmick.” Nilingon niya si Hepburn. “Ide-deliver na ba bukas ang mga gamit sa mga condo nila Jeyrick?”

Tumango si Hepburn. “Yes! Pati ‘yung mga antique at sculpture na in-order mo na galing pa sa Banaue.”

Kasama ni Paloma ang interior designer na namili ng mga gamit kaya nahuli si Paloma sa pagdating sa studio ng Win na Win.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.