“Great. Gusto mo pang ma-at home pati ang girlfriend ni Jeyrick. Martir ka?” tanong ng tiyahin niya.
“Matagal na po, Tita,” matamis ang boses na sagot ni Paloma. Matagal na siyang martir na maging sunud-sunuran para sa pamilya niya. Hanggang nang magpanggap na nobya ni Thirdy at nilunoko niya ang pride. “Alam ko gusto ninyong masolo si Jeyrick at mas umangat ang career ko. Salamat po. Pero hayaan na ninyo kami sa personal naming buhay. Promise I will work harder.”
Hindi siya manggugulo sa relasyon nina Beliza at Jeyrick kahit pa kunwari lang iyon. Pero patuloy pa rin siyang gagawa ng paraan para ipakita kay Jeyrick kung gaano ito kahalaga sa kanya.
"JEYRICK, wala ka yatang ganang kumain. May sakit ka ba?” puna ni Paloma habang nagtatanghalian sila. Katatapos lang ng interview at pictorial nila para sa isang magazine kaya maraming gutom ang dalaga. Alas dos na kasi sila nananghalian.
Pero napansin niya na halos sabaw lang ang kinain ni Jeyrick at konti lang din ang kinain nito sa interview kanina. Hindi maselan ang binata sa pagkain at lahat ng ihain dito ay naa-appreciate nito.
Hinaplos nito ang sariling tiyan. "Nami-miss ko kasi ang pinikpikan. Maulan ngayon kaya masarap humigop ng mainit na sabaw.”
“Naku! Hinahanap-hanap ni Jeyrick ang Kadaclan,” sabi ni Lolo Pio. “Kami rin ni Beliza. Iba pa rin ‘yung pagkain sa amin.”
“Uhmmm… gusto ninyong mag-pinikpikan mamayang gabi?” alok ng dalaga. “Pumunta kayo sa condo ko. Mag-videoke din po tayo tutal tanghali pa naman ang event na pupuntahan natin bukas. Di pa kayo nakakadalaw sa bahay ko, di ba?”
“Sige. Matagal ko nang di nae-exercise ang vocal cords ko,” anang si Beliza at tumikhim.
“Magdadala din ako ng payong. Hindi, bangka na lang at sagwan kasi kakanta si Beliza,” kantiyaw ni Jeyrick na biglang umaliwalas ang mukha. Madalang niyang makita iyon mula nang dumating sila ng Maynila. Mas magaan ang loob nito na kasama si Beliza. Hindi nito kailangang magkunwari.
“Kailangang makahanap tayo ng masarap na pinikpikan,” sabi ni Paloma nang sumakay sila ni Hepburn sa van.
"Saan ka hahanap ng pinikpikan dito sa Metro Manila?"
Ngumuso siya sa pinsan. "I-Google mo. May restaurant naman siguro dito na nagluluto ng pinikpikan.”
“Meron. Kaso under renovation ang restaurant,” sabi nito at ngumisi. “Sa Baguio na meron. Gusto mong puntahan natin?”
"Tayo na lang ang magluto,” suhestiyon niya at kumuha ng cart pagpasok sa supermarket. Kanya-kanya ng variation ang pagluluto ng pinikpikan. May nilalaga lang ang inihaw na manok pero mas gusto niya ang maraming sahog na gulay.
"Fine. Parang tinola lang din naman iyon."
"Iba ang pinikpikan. Hindi iyan basta sinabawang manok. Kailangang iihaw ang manok sa open fire.” Ikiniling niya ang ulo. “Hanap ka ng native na manok. ‘Yung broiler. Dapat buhay."
Napakamot sa kilay ang pinsan niya. “Saan naman may native chicken dito? Pwede ba sa sabungan?"
“Basta maghanap ka ng buhay na manok,” utos niya at dumampot ng gulay.
“Ang demanding naman ni Ate. Parang jowa niya ‘yung ipagluluto.”
“Gusto ko lang bumawi sa kanya. Noong nasa Kadaclan ako, siya ang nag-asikaso sa akin. Alam ko na nami-miss na niya ang Cordillera at ayokong ma-homesick siya. Baka biglang magyaya na umuwi sa kanila.”
"O gusto mong ipakita na kaya mo rin tapatan ang fake girlfriend niya?”
Pinanlakihan niya ng mata ang pinsan. “I just want him to feel at home.”
Dahil di Igorot si Paloma, minsan ay naa-out of place siya kapag magkausap sina Beliza at Jeyrick. Malapit ang mga ito sa isa’t isa dahil sa tagal ng pagkakaibigan. Dahil pareho ng kultura, di nahihirapan ang mga ito na mag-adjust sa isa’t isa. Habang siya ay laging nangangapa kay Jeyrick.
Mag-aalas-sais na ng hapon sila dumating sa condo dahil sa nagpapa-picture na fans sa supermarket. Muntik pa silang saraduhan ng bilihan ng live chicken sa palengke. Pagdating sa condo ay pareho silang nakatitig ni Hepburn sa buhay na manok.
“Anong ihaw ang gagawin natin sa buhay na manok?” tanong nito.
“Hahatawin natin ang manok para mamuo ang dugo sa ilalim ng balat niya. Iyon daw ang paraan para maging masarap ang manok,” basa ni Paloma sa recipe sa internet. “Ikaw ang humataw sa manok. Di ko yata kaya.”
“Bakit ako madadamay diyan? Ginusto mong magpa-impress sa Carrot Man mo. Bahala ka diyan. Oorder na lang ako ng tinola and everything at magpapa-deliver. Pakiramdam ko hindi mo rin naman mailuluto ang manok na iyan,” sabi ng pinsan niya at iniwanan siya para pumunta sa sala.
Sa huli ay silang dalawa na lang ng manok at naiwan. Kukurap-kurap ito sa kanya habang hinihintay ang kapalaran nito. Hindi siya sanay na makipagtuos sa buhay na manok. Karaniwan ay natadtad na ang manok kapag iluluto niya. “Pasensiya ka na kung iluluto kita na pinikpikan, ha? Para sa pag-ibig.”
Gamit ang patpat ay hinawakan ni Paloma ang pakpak ng manok. Hinataw niya ang isang gilid ng pakpak ng manok ayon sa ipinakita sa video. Naalala niya na ganoon din ang ginawa nila Jeyrick dati nang magluto ng pinikpikan. Hindi daw dapat masyadong malakas na mababali ang mga buto nito kaya ginaanan niya ang paghataw. Nagwala ang manok at nagpipiglas. Nabitawan niya ang pakpak nito at ikinampay pa ang pakpak. Akmang huhulihin ulit niya iyon nang tukain ang kamay niya.
“Argh!” sigaw ni Paloma at hinawakan ang kamay niya. Naggiyagis ang ngipin niya at sinubukan pa ring hulihin ang manok. Hindi siya magpapatalo dito. Hindi niya pwedeng sukuan ang pinikpikang pangako kay Jeyrick. Ipapakita niya dito na may isang salita siya. “Halika dito!”
Pero ipinagaspas lang nito ang pakpak at handang ipaglaban ang buhay nito. Natuka na naman siya sa pangalawang pagkakataon. Hindi siya sumuko. Hanggang sa wakas ay mahawakan niya ang manok sa dalawang pakpak.
“Paloma, ang ginagawa mo?” tanong ni Jeyrick na nasa bungad kusina. Kasunod nito si Lolo Pio at si Beliza.
“Magluluto ng pinikpikan,” sabi ni Paloma at nataranta nang pumilas muli ang manok.
Napakamot sa ulo ni Jeyrick. “Ay, apo! Di naman ganoon kasimple ang magluto ng pinikpikan. Akala ko sa amin mo ipapaluto.”
“Bisita ko kayo. Bakit ko naman kayo paglulutuin?” tanong niya.
“Kasi hindi ka marunong?” tanong ni Jeyrick.
“Paano ako matututo kung hindi ko pag-aaralan?” ganting tanong naman ng dalaga.
“Kami na lang ang magluluto,” sabi ni Beliza. “Kailangang gamutin ang kamay niya. May sugat.” At kinuha ni Lolo Pio ang mga manok sa kamay niya.
“Ako na lang,” sabi ni Hepburn.
“Ako na,” sabi ni Jeyrick hinawakan ang mga kamay niya sa isang kamay lang. “Pakikuha ang first aid kid.” At inakay siya ng binata papunta sa banyo. “Kailangang hugasan natin ang kamay mo dahil baka maimpeksyon.