Tahimik na umiyak si Paloma nang hinuhugasan ni Jeyrick ang kamay niya. “Masakit ba?” nag-aalalang tanong ni Jeyrick.
Umiling si Paloma. Masakit sa ego at puso niya. Epic fail ang pagpapa-impress niya dito. Akala niya ay maipapakita niya na kaya niyang pantayan si Beliza. Pero nasa kusina niya ang babae ngayon at nag-take over sa kusina niya. Habang siya ay talunan ng isang manok. Manok lang ang katapat niya.
“Pasensiya na kung di ko nailuto ang pinikpikan ayon sa gusto mo,” hikbi niya habang pinupunasan ni Jeyrick ang kamay niya.
“Hindi naman basta niluluto lang ang pinikpikan. May ritwal din na kasama iyan. Kunyari nagluluto kami para gumaling ang isang tao o kaya maging ligtas ang paglalakbay. May hihilingin ka. Marami ang nagsasabi na brutal ang pagpatay sa manok lalo na sa mga tagalungsod na nakakakita pero di nila alam na inaalalay namin ang sakit ng manok kapalit ng hiling.”
“Sakripisyo?” tanong niya sa binata.
“Tama. May tamang paraan ng paghiwa sa manok at pag-iihaw. Kaya naiintindihan ko kung hindi mo man makuha nang tama. Parang paraan din iyan sa pakikipag-ugnayan sa mga anito at ninuno namin.”
“Ibig sabihin hindi lang basta native dish ang pinikpikan. Sagrado din iyon?”
Tumango ang binata. “Nawawala na ang tradisyon dahil sa pagdagsa ng mga turista sa Cordillera pero pinanghahawakan pa rin namin ang paniniwala na iyon.”
“Pwede pa ba akong mag-wish?” tanong niya sa binata.
“Ano ang hihilingin mo?”
Lumabi siya. “Sekreto ko na iyon.” Ang pagmamahal mo. Sana bumalik tayo sa dati. Sana mahalin mo ulit ako.
“Oo. Pwede ka pang mag-wish,” sabi nito matapos lagyan ng antiseptic ang sugat niya. “Paloma, hindi mo kailangang pahirapan o saktan ang sarili mo para lang maramdaman na welcome kami sa mundo mo.”
“Ibig sabihin huwag na lang akong masyadong mag-effort?”
“Pero naa-appreciate ko ang ginagawa mo.” Tinapik nito ang kamay niya. “Ingatan mo ang sarili mo.” Tumayo ito. “Magpahinga ka na dito at kami na lang ang magluluto. Parating na daw sila Ma’am Bevz. Ihanda mo na lang ang videoke. May country songs ba iyan?”
Tumango siya. “Meron. Ako ang bahala.”
Palpak man siya sa pagluluto ng pinikpikan at natuka man siya ng manok, inalagaan at ginamot naman siya ni Jeyrick. Kahit paano naramdaman niya ang pag-aalaga nito sa kanya. Hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa siya sa puso nito.
“MARAMING alok sa iyo, Jeyrick. From salon, skin care center to bakeshops, clothing company and a tourism agency. Karamihan sa offer sa iyo makakasama mo si Paloma,” sabi ni Tita Bevz habang nagmi-meeting sila.
Bukod sa pamilya ni Jeyrick at si Beliza, kasama si Paloma sa meeting na ginanap sa condo nila Jeyrick. Sunud-sunod na ang dating ng mga offer at di palalampasin ng tiyahin na isama siya. Package deal sila. Mahigit isang linggo pa lang si Jeyrick na nasa Maynila pero sikat na sikat na ito. At di pwedeng di siya kasama.
“Carrot Man and his angel,” sabi ni Hepburn. “Team Dimples. Iyan ang tawag sa inyo. Kaya naglalaro din ang isip ng fans at nagre-request na sila sa mga TV station at film outfit para bigyan kayo ng projects.”
“Baka romantic ang theme ng ibang ibang projects. Okay lang ba Beliza?” maingat na tanong ni Tita Bevz. “Hindi ka ba maiilang?”
Tumango ang dalaga at pilit na ngumiti. “Wala pong problema. Sabi nga ni Jeyrick, isang malaking palabas lang ang lahat ng ito pati ang mga nagli-link sa kanila ni Paloma. Di ko pipigilan pag-unlad ng career ni Jeyrick. At sa simula pa lang po, nariyan na si Paloma. At huwag po kayong mag-alala. Kahit may bashers ako.
Mapait ang boses ng babae at matiim ang mata nang tumingin sa kanya. Alam naman niya na kung ito ang masusunod, ayaw nitong mag-showbiz si Jeyrick. At siya ang pinakamalaking balakid dito at kay Jeyrick.
Umaliwalas ang mukha ng tiyahin at pinagsalikop ang palad. "Good. Ganyan ang tamang attitude ng mga girlfriend ng celebrities. Dapat nakakaintindi ng trabaho.”
“Beliza, sabi ko sa iyo huwag mo nang bubuksan ang Facebook-Facebook na iyan. Alam mo naman na mainit sa iyo ang mga fans ni Jeyrick at pagseselosan ka,” sabi ni Lolo Pio na handler ni Jeyrick.
Marami kasing bashers na wala na sa lugar ang sinasabi. Ang iba ay possessive kay Jeyrick at ayaw palapitin ang ibang babae dito. Ang iba naman ay gusto na siya lang ang maging malapit kay Jeyrick. Kahit ang ibang artista na nagkaka-interes kay Jeyrick ay binaba-bash din ng mga ito. At para sa isang gaya ni Beliza na di naman nabubuhay sa mundo ng showbiz at laging pribado ang buhay, hindi iyon nakakatuwa.
Mariing nagdikit ang labi ni Beliza at tumango. “Pwede po bang bumalik na ako sa condo sa kabila? Marami pa po akong ire-review.”
"Sige. Ipapahatid kita sa review school sa isang araw?” alok ni Jeyrick.
"Kaya ko na, Jeyrick. Kailangan ko rin maging independent at di nakadepende lagi sa iyo. Saka may morning show ka no’n.”
"Mag-aalala si Jeyrick sa iyo,” sabi ni Paloma sa mababang boses. “Pwede namang sa driver ko na lang ikaw magpahatid. O kaya ipapasundo kita sa Uber car.”
Bumuga ng hangin ang babae. “Kayo ang bahala.”
Palabas na ang dalaga nang sundan ito ni Paloma. Dala niya ang paper bag na kanina pa niya dapat ibibigay dito. “Beliza, para sa iyo. Nuts and honey. Maganda sa memorya iyan lalo na sa nagre-review."
"Di mo kailangang gawin. Kay Jeyrick mo na lang ibigay.”
"This is for you. Parte ka ng pamilya ni Jeyrick. Dapat alagaan ka rin.”
Binigyan siya nito ng bored na tingin. "Pampalubag ba ito sa panahon na di ko kasama si Jeyrick?"
"No. Para talaga sa iyo iyan. Di kami nakatapos pareho ni Jeyrickng pag-aaral kaya natutuwa ako kapag may tulad mo na graduate na at gusto ko na pumasa ka sa board exam. Alam ko maliit na bagay lang iyan. Saka pasensiya ka na sa mga bashers.”
“Di naman siguro ikaw ang nagpadala sa kanila para insultuhin ko.”
Napamaang si Paloma. “Bakit ko naman gagawin iyon?”
“Para dumistansiya ako kay Jeyrick.”
“Beliza, di ko gugustuhing may ma-bully na tao. Biktima mismo ako ng bullying. Mula sa pagsali ko pa lang ng You’re A Star hanggang sa naging girlfriend ako ni Thirdy Concepcion. Minsan harap-harapan pa akong iniinsulto di lang ng fans kundi ng katulad ko na celebrity din.”
Nagulantang ito. “A-Anong ginawa mo? Sinampal mo ba?” Mukhang gigil na gigil na ang babae sa mga bashers nito kaya ganoon.
Magaang tumawa si Paloma. “Di ako bayolenteng tao. Kapag galit ako iniiyak ko lang pero matutuwa lang sila kapag nakitang mahina ako. Kaya di ko pinapansin. Kunyari wala akong narinig o kaya iniisip ko na inggit na inggit sila sa akin kaya gusto nila akong hilahin pababa. Mas kilala ko ang sarili ko kaysa sa kanila. Kaya huwag mo na lang pansinin ang mga basher mo. Kapag nagpaapekto ka sa kanila, ikaw ang talo.”
“Salamat. Totoong thank you iyon kahit di ko alam kung sinsero ka o hindi.”
Napangiwi si Paloma at nagpaalam dito. Prangka talaga si Beliza. Pero naging malinaw na sa kanila kung saan sila lulugar sa buhay ni Jeyrick. Si Jeyrick ang namili kung ano ang gagampanan nila sa buhay nito - si Beliza ang nobya sa harap nito sa babae samantalang nagpapanggap naman si Jeyrick na di siya nito mahal. Hindi niya alam kung sino ang mas mahirap ang kalagayan sa kanila ni Beliza.
Nang dumating siya ay nakatayo sa puno ng lamesa si Jeyrick sa tabi ng tiyahin niya habang nagdidikskusyon ang mga ito. "Sabi nila may pagka-Korean daw ang itsura ni Jeyrick. Kpop. Ganoon. How about we transform him to make him more exciting? Ito ang uso ngayon.”
"Ano pong babaguhin sa akin?" tanong ni Jeyrick.