"Masyadong mahaba ang buhok mo. It looks boring and old fashioned. Kailangang ibahin natin ang haircut. Di na rin pwede ang makalumang porma. Mas sisikat ka kung magiging mala-Korean ka. Lee Min Ho. Ganoong dating,” anang tiyahin niya na akala mo ay nangangarap habang ini-imagine si Jeyrick sa porma ni Lee Min Ho. Sa laptop nito ay ang fanmade picture ni Lee Min Ho na itinalpak ang mukha ni Jeyrick.
“Ma’am, pero isa pong Igorot si Jeyrick. ‘Yung buhok po niya bilin pa po iyan ng nuno niya na huwag pagugupitan bilang panganay na apo. Kung papuputulan po ng ganyan kaigsi ang buhok ni Jeyrick, ipapaalam pa namin sa mga nakatatandang pinuno ng Kadaclan,” paliwanag ni Lolo Pio.
Nakakainsultong humalakhak ang tiyahin niya. “Uncle Pio, pati ba naman iyon kailangan pang ikonsulta sa kanila? Twenty-four na si Jeyrick. Dapat mag-isa na siyang magdesisyon sa sarili niya. Jeyrick, gusto mo bang mapag-iwanan ng uso?”
Kahit si Jeyrick ay bakas din ang pagtutol na baguhin ang anyo nito subalit di alam kung paano kokontrahin ang tiyahin. He looked lost.
“Walang pakikialaman sa buhok ni Jeyrick, Tita,” sabi ni Paloma at isinara ang laptop. “At di niya kailangang maging isa pang Lee Min Ho. He is Carrot Man. Nagustuhan siya ng mga tao dahil sa buhok niya, dahil sa pagiging simpleng Igorot niya at sa pagiging totoo niya. He is unique. Siya po ang gagayahin. Kung iibahin natin ang image niya, matutulad lang siya sa ibang feeling Kpop star. Di na siya kakaiba.”
Naggiyagis ang ngipin ni Tita Bevz. Ayaw nito nang nakokontra. "At paano natin mapapakinabangan ang ganitong image? The plain, rustic montain man."
“Tanggapin ninyo ang pagiging ambassador niya ng tourism ng Mountain Province. He can represent the Igorots. Pwede siyang maging kinatawan ng indigenous people. Pwede siyang boses ng mga cultural minority sa Pilipinas. I-encourage sila na maging matapang at mag-aral. He has an invitation from the Secretary of Argriculture. He can also give voice to the farmers. He can be a lot of things. At ang mga iyon ay di pwedeng ibigay sa ibang celebrities. Kay Jeyrick lang,” matapang na sabi ni Paloma at inilahad ang mga sulat na dumating sa kanila. “Hindi siya artista lang, Tita. He can be more valuable than that.”
Matabang ang ngiti ng tiyahin. “Mababa ang bayad sa kanya ng mga government events na iyan.”
“Ma’am, kahit po konti lang ang bayad kung para naman sa bayan. Kahit nga po walang bayad dahil di po lahat nabibigyan ng pagkakataon na makatulong sa bayan,” sabi ni Jeyrick. “Papayag po akong bawasan nang bahagya ang buhok ko at ibahin ang pananamit ko. Pero mahalaga po sa akin ang pagiging Igorot ko, ang pagiging katutubo. HIndi ko po aalisin iyon sa pagkatao ko.”
"Fine. Pagbibigyan ko kayo sa ngayon. Pero di pwedeng ganito ka habambuhay, Jeyrick,” sabi ng tiyahin niya. “Let’s take a break. I need to smoke.” Mukhang tensiyonado ito matas ang diskusyon.
“Maghahanda ako ng miryenda natin,” sabi ni Jeyrick at tumayo rin.
“Sasamahan na kita,” sabi ni Jerzel na namumutla pa rin dahil sa komprontasyon. “Intense iyon. Muntik na akong ma-heart attack.””
Pinisil ni Manong Melvin ang balikat niya. “Salamat sa pagtatangol sa anak ko. Mahalaga sa amin ang imahe niya bilang isang Igorot. Ayoko rin na maramdam ni Jeyrick na malayo siya sa amin o nagbago na siya. Ang pagkakakilanlan niya at ang mga bagay na pamilyar sa kanya ang dahilan kaya di siya naho-homesick.”
“Tsaa mo,” sabi ni Jeyrick at inilapag sa harap niya ang tasa ng green tea. Paglingon niya ay sila na lang ang naiwan sa mesa habang ang iba ay nakaupo sa sofa.
"Salamat,” sabi niya at hinigop iyon.
“Magaling ang marketing strategy mo,” usal ni Jeyrick.
Nawala ang saya niya sa tagumpay sa araw na iyon at gulat na nilingon ang binata. "Marketing strategy?"
"Alam mo kung paano mo ako ibebenta,” kaswal na sabi ng binata. “Alam mo kung saan ako magugustuhan ng mga tao. Alam ko kung saan mas kikita.”
Parang sinampal si Paloma. "Iniinsulto mo ba ang pagmalasakit ko? Iniisip mo na lagi ko na lang iniisip kung paano ka pagkakaperahan?”
Namutla ang binata. "Pinupuri kita. Magpapasalamat ako sa iyo…”
“Nang sarkastiko?” Iwinaksi niya ang kamay at tumayo. “Never mind. Kahit ano namang gawin ko, iisipin mo pa rin na ginagamit kita. Na wala akong katiting na sinseridad. Na tuwing magmamalasakit ako sa iyo, iisipin mo lagi na pagkakaperahan kita o kung paano kita pakikinabangan. Jeyrick, ganoon ba talaga ako kasamang tao para sa iyo?”
Naumid si Jeyrick. Di siguro nito inaasahan na magtataas siya ng boses. Pero punong-puno na talaga siya dito. Mahal niya ito pero may hangganan ang insultong natatanggap niya dito.
“Wala akong sinasabing mukha kang pera,” anang binata sa mababang boses.
“Iyon ang dating sa akin.” Tumayo siya. “Pero wala na akong pakialam sa iniisip mo. Bahala ka kung iniisip mo na mukha akong pera. Iisipin ko na lang din siguro na kada nagmamalasakit ako sa iyo, para mapuno ng pera ang bulsa ko. Masaya ka na ba?”
Nanginginig siya sa galit habang nangingilid ang luha. Ayaw na niyang masaktan. Mas gusto na lang niyang manhid. Para kahit tadyak-tadyakan siya nito, wala na siyang mararamdaman. Mistulang isang robot na walang pakiramdam.
“May problema ba?” tanong ni Lolo Pio na may dalang tinapay. “Nag-aaway ba kayo?”
“Wala po. Nagpa-practice lang po kami para sa eksena namin sa gag show bukas,” sabi ni Paloma. “Uuwi na po ako, Lolo Pio.”
At tinalikuran niya si Jeyrick saka nagpaalam sa ibang nasa sala. Kailangan na niyang umalis kaysa makita pa nito na maiiyak siya. Nanginginig na ang labi niya nang madaanan si Jeyrick sa pinto.
“Ihahatid kita sa parking lot. Di mo ba isasama si Hepburn?”
Di pinansin ni Paloma ang tanong nito at tuloy-tuloy lang na lumabas ng condo unit. Nagpasalamat siya na di na siya nito sinundan dahil tinawag ito ng tiyahin niya para magpatuloy ang meeting ng mga ito.
Nang nasa kotse na siya ay doon niya hinayaang bumuhos ang luha at emosyon. Yumukyok siya sa manibela ng kotse at pinalaya ang sakit.
Kailangan niyang patigasin ang puso. Iyon na lang ang paraan para makatagal pa siyang makasama si Jeyrick kahit na sinasaktan siya nito.