Chapter FCM4: FMBYS 63

"Sunny, pwede bang ibahin mo ang kanta mo?" malambing na tanong ni Paloma habang inaasikaso ng stylist ang make up niya tent.

Natigilan ang babae sa pagkuha ng picture. "Wala ba sa tono? Di ko ba nabigyan ng hustisya ang kanta mo?”

"Hindi. Medyo nakaka-LSS na kasi." Kahit yata saan siya pumunta ay iyon ang kanta. At tuwing may mga show at iba pang pagtitipon, iyon din ang nire-request na kantahin nila ni Jeyrick. Di pwedeng mawala sa repertoire.

“Ang ganda kasi ng kanta na iyon. Number one sa iTunes 'yung duet n'yo. Excited tuloy ako para sa concert n'yo. Marami pa siguro kayong pasabog na kanta.” Single lang ang ni-record nila ni Jeyrick pero number one na sa mga radio station. Dahil sa kantang iyon ay nagka-interes ang mga tao na mag-appreciate ng iba pang lokal na awitin sa iba’t ibang lengguwahe ng bansa. Jeyrick created a wildfire. “Kakanta ba ulit kayo ng Igorot song o country song naman na paborito ni Jeyrick?"

"Hindi ko pa alam. Pero sana ‘yung malungkot na kanta naman.”

“Bakit naman?” naguguluhang tanong ng babae.

“Maiba naman.” Dahil bigo ang puso niya. At tuwing naririnig niya ang kanta ng pag-ibig ni Jeyrick, parang sinasampal din siya ng katotohanan na hanggang kanta na lang ang pag-ibig na iyon.

Excited siya na bumalik ng Mountain Province at kunin ang project na iyon kahit na walang bayad. Maganda ang naging pagtanggap ng mga ito sa kanya pero may lungkot sa puso niya dahil lalong lumaki ang distansiya sa pagitan nila ni Jeyrick.

Nasa kabilang tent ang binata kasama ang magulang ni Beliza. Mababait ang mga ito at magigiliw sa kanya. Halos ayaw nga siyang pakawalan sa pagkakayakap ng kapatid nito. She was civil with Jeyrick. Habang sinisikap naman ng binata na maging maasikaso sa kanya. Di niya alam kung napipilitan ang binata o dahil gustong bumawi sa kanya. Nakakalungkot lang isipin na pinagdududahan na rin niya ang intensyon nito matapos niyang sumabog dito dalawang linggo na ang nakakaraan.

Lumapit si Jeyrick sa kanya na may dalang tray ng pagkain. “Nabanggit ko na mahilig ka sa carrot cake kahit noong college pa tayo. Kaya kainin mo daw ito.”

Maasim siyang ngumiti at nilingon si Tita Bevz na kausap ang head ng tourism ng probinsiya sa di kalayuan. “Sige. Salamat. Mamaya ko na kakainin pagkatapos ng shoot.” At kapag wala sa paningin ng tiyahin niya.

“May isang box akong ipinatago para sa iyo. Alam ko na di mo makakain dito.”

“Paano ko itatakas iyon?” tanong niya.

“Basta,” sabi lang ng binata. Nag-aalala nitong tiningnan ang paa niya nang akmang huhubarin niyang flat shoes. "Kailangan mong magyapak?"

Suot niya ang tradisyunal na kasuotan ng mga taga-Bauko. Nilalang palda na pula at puting blouse ang suot niya. Iba’t ibang accessories na ipinasa-pasa pa daw mula sa mga ninuno ang ipinasuot sa kanya. Sa bawat lugar na pupuntahan nila ni Jeyrick ay mag-iiba din ang isusuot nila. Masaya siya dahil sa wakas ay makakapagsuot siya ng tradisyunal na kasuotan ng mga Igorot.

"Alangan namang mag-high heels sa bukid,” nakangisi niyang sabi.

Huminga ito ng malalim. "Sarkastiko ka na naman."

"Hindi nga. Nakangiti nga ako." At nilaparan pa niya ang ngiti.

Lumapit ito sa direktor at may ibinulong. Tumingin sa kanya ang direktor at tumango. Tapos ay kinausap ni Jeyrick ang stylist niya at pagbalik ay dala na ang flat shoes niya na nude ang kulay. “Isuot mo. Pumayag si Direk.”

“Nagpaalam ka para sa akin? Di ba dapat ako ang magsabi sa kanila kung gusto kong magyapak o hindi? At paano magiging realistic ang gagawin ko. Nakasuot ba kayo ng sapatos kapag nasa bukid?”

“Oo naman,” sabi nito at umuklo sa harap niya. “Alam ko na professional ka. Gusto mo na maging realistic ang mga kuha sa iyo. Pero kailangan mo rin alagaan ang sarili mo. Marami pa tayong ibang lugar na pupuntahan. Kundi mo aalagaan ang sarili mo, ako ang mag-aalaga sa iyo kahit na itali pa kita kung kinakailangan.”

Same old Jeyrick. Walang nagawa si Paloma nang isuot nito ang bagong sapatos sa kanya. Tumirik na lang ang mata niya. Sinsero man ito o hindi, she was touched. Pero maalaga talaga si Jeyrick magkasundo man sila o hindi. At ramdam niya ang pagwawala ng puso niya nang maingat nitong hawakan ang paa niya.

Dear heart, kalma lang. Huwag kang maghurumentado sa ribcage ko. Masakit. Masakit na umasa na magiging okay kami.

Para sa pictorial ay itinali sa ulo ni Jeyrick ang bayong na may carrots pero styrofoam lang ang nasa ilalim para maging magaan. Habang may hawak na basket ng carrot si Paloma. Magkahawak ang kamay silang naglakad sa bukid.

“Paloma, magharap kayo ni Jeyrick sa isa’t isa. Ngumiti kayo at mag-usap,” utos ng direktor na kinukuhanan din sila ng video habang patuloy ang click ng camera.

Ngumiti siya sa binata pero di niya alam kung ano ang sasabihin dito. “Gutom na ako. Gusto ko ‘yung carrot cake. Saan ba ako pwedeng magtago nang di ako nahuhuli ni Tita Bevz na kumakain?”

Malungkot ang ngiti ng binata habang malamlam ang matang nakatitig sa kanya. "Bakit di mo sinabi na walang bayad ang pagsama mo sa project na iyon?"

Iniwas niya ang tingin dito at tumingin sa camera. Di niya matatagalan ang titig nito. "Para isipin mo na mukha akong pera."

"Hindi ko iniisip iyon,” mariing bulong ni Jeyrick sa kanya.

“Paloma, tumingin ka kay Jeyrick,” utos ng direktor.

Napilitan siyang sumunod at tiningnan si Jeyrick. "Wala na akong pakialam kung anuman ang isipin mo sa akin. Sanay na ako sa lahat ng panghuhusga mo.”

Ginagawan siya nito ng pabor kung iisipin nito na mukha siyang pera at manggagamit. Para di na siya umasa na mamahalin ulit siya nito para saktan lang siya sa huli. Ayaw na niyang pakiramdam na aalisin nga nito ang kutsilyong nakatarak sa dibdib niya para saksakin lang muli ang puso niya.

Hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi at idinikit nito ang noo sa noo niya. "Tama ka. Mas gusto ko na pag-isipan ka ng masama. Dahil ayokong matibag ang pader na ibinalot ko sa puso ko at hayaan kang saktan na naman ako."

Naestatwa si Paloma habang nakatitig sa harap nito. Mahal pa siya nito, iyon ang malinaw. Pero mapait din ang leksyon na nakuha ni Jeyrick at di niya ito masisisi. Mahal nila ang isa’t isa pero pareho rin silang nasasaktan. Dahil kahit siya ay di na nagiging totoo sa sarili niya. Dahil kahit siya ay di na maibigay nang buo ang pagmamahal dito dahil sobra na ang sakit.

Anong nangyari sa kanilang dalawa? Paanong ang pinakamagandang nangyari sa kanilang dalawa ay parang basag na pinggan? Di na mabubuo pa.

"That's enough. Mukha nang prenuptial pictorial ito," natatawang sabi ng direktor.

“Direk, di ba iyon naman ang purpose ng pictorial na ito? Magmukhang romantic ang atmosphere ng Mountain Province. Na mai-in love ka sa lugar at tagarito,” paliwanag ni Tita Bevz.

Tumango naman ang kapatid ni Beliza na si Rakel. “Tama. Bakit di na lang kayo?"

Kinurot ng nanay ni Beliza na si Manang Clarizza si Rakel. "Boyfriend iyan ng kapatid mo. Lagot ka kay Beliza kapag nalaman iyan."

“Paloma Escalante iyan, Nanay. Fan po ako,” kinikilig pang katwiran ni Rakel.

“Ampunin mo na nga itong anak ko, Paloma,” sabi ni Manang Clarizza.

Natawa na lang si Paloma. Magaan ang loob niya sa pamilya ni Beliza. Puro magaganda daw kasi ang sinasabi ni Beliza tungkol sa kanya.

Pumalakpak ang direktor. “Okay! Pack up na tayo dito. Sa Sadanga naman tayo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.