Chapter FCM4: FMBYS 64

PANGATLONG araw na ng shoot nina Paloma at Jeyrick para sa tourism campaign ng Cordillera kung saan sila ang napiling ambassador. Lutang na ang katawang lupa niya sa dami ng mga bundok na inakyat niya at mga cliff na pinaglambitinan para sa magandang view. “Buwis-buhay” talaga ang buong linggong iyon para sa dalaga. Pakiramdam niya ay nakaangat na ang kaluluwa niya sa katawang lupa sa sobrang pagod pero di siya makatanggi sa salo-salo na ihinanda para sa kanila ng tourism office ng Bontoc. Nag-pitch ng tent sa gilid ng Lake Gawaan sa bayan ng Tadian para doon sila mag-overnight at makuhanan ang sikat ng araw sa Mt. Clitoris.

Nakilalang mabuti ni Paloma ang mga tao sa Cordillera. Na ang mga Igorot ay may iba’t ibang kultura sa bawat bayan at bawat tribo. And Jeyrick was a gracious host. Lagi itong nakaalalay sa kanya at nagse-share ng nalalaman nito. Kapag may kausap ito na taong maraming alam sa turismo o kultura ng ibang lugar, tinitiyak nito na kasama siya. Pakiramdam ng dalaga ay bumalik sila sa pagiging college students at gumagawa ulit siya ng research tungkol sa Kadaclan. Si Jeyrick din ang assistant niya noon. Sa pagkakataong ito ay sila na ang mukha ng Cordillera at mas mabigat ang responsibilidad nila.

Masayang-masaya si Hepburn habang nagsasayaw nang nakadipa ang kamay paikot sa bonfire. Kasunod nito ang iba pang turista na nag-camping din doon. Si Paloma ay masaya nang pumalakpak habang pinapanood ang mga nagsasayaw. Umalis na ang tiyahin niya at bumalik na ng Maynila dahil di daw ito tatagal sa probinsiya.

“Hindi ka ba sasayaw?” tanong ni Jeyrick nang tabihan siya.

Umiling ang dalaga at sumimsim ng mountain tea. “Namimitig pa ang binti ko. Kaya clapper na lang ako dito sa isang tabi. Hahayaan ko na kay Hepburn ang korona.”

“Kaya mo pa ba?” tanong nito.

“Kaya ko pa iyan!” sabi ni Paloma at itinaas ang nakakuyom na palad. “Wala akong uurungan. Ang sarap kaya dito.”

“Miss Paloma, may ipinahanda si Jeyrick para sa iyo,” sabi ni Jhen na kasama sa tourism officer ng Barlig pero nakasama sa pag-iikot nila dahil may padala kay Jeyrick galing ng Barlig.

Inilapag nito sa harap niya ang plato na gawa sa rattan at may nakabalumbon na dahon ng saging. Kasunod ay tinadtad na inihaw na karne na amoy manok. May sabaw din na may gulay at karne.

Humigop muna ang dalaga ng sabaw. “Ano ito?”

“Usa na may sahog na gulay,” sagot ni Jeyrick at humigop din.

She groaned. Gumuguhit ang masarap at mainit na sabaw sa lalamunan niya hanggang sikmura. Bagay na bagay sa malamig na panahon. “Panalo ‘to.”

“Malawak ang gubat sa maraming parte ng Mountain Province kaya marami pang mga hayop na nabubuhay. Ito namang bayawak ang subukan mo,” sabi nito at inilapit sa kanya ang iniwan ni karne.

“Bayawak?” nakangiwing usal ni Paloma at na-imagine ang malaking butiki na didila-dila sa kanya.

“Hindi mo yata kaya,” may halong pang-aasar na sabi ng lalaki. Gusto ba nitong ipahiya siya sa mga tao doon at sabihin na di siya karapat-dapat na tourism ambassador ng Mountain Province dahil di siya kumakain ng pagkain doon?

Kumuha ang dalaga ng isang pirasong karne at pinangas iyon. Di na siya nagtanong kung anong parte iyon ng bayawak. Basta kinagatan na lang niya. “Hmmm… masarap. Lasang lechon manok at hindi malansa,” sabi niya at tuloy-tuloy lang sa pagkain. Kung ganoon kasarap ang exotic na pagkain doon, kahit siguro dinosaur ay kakain siya.

“Ito naman,” sabi ni Jeyrick at inabot sa kanya ang nakabalumbon na dahon ng saging.

Binuksan ni Paloma ang dahon ng saging na puno ng kuryosidad. Kulay gray na inihaw na bagay ang nandoon. Kumuha siya ng isa at sumubo. It was squishy and bitter. Kinilabutan siya. “Parang pag-ibig lang. Mapait.” At dumila-dila siya para mawala ang mapait na lasa sa dila.

“Isawsaw mo sa suka,” sabi ni Jeyrick at inilapit ang sawsawan sa kanya.

Sinubukan niya at kahit paano ay nabawasan ang pait. “Di na masama. It is an acquired taste though. Ano ba ito? Kabute?”

"Inihaw na butete."

Napaubo si Palome. “B-Butete? Ibig mong sabihin ‘yung baby frogs? Pati butete kinakain?”

“Ano iyan?” tanong ni Madison.

“Inihaw na baby frogs,” sagot naman ni Paloma. “Gusto mong subukan?”

Tinikman iyon ng reporter at nakikain din pati ang iba. Ang iba ay tumanggi na pero sumubo ulit si Paloma pati ng bayawak.

"Whoooo! Matindi si Paloma. Pwede nang mag-asawa ng tagarito,” sabi ng head ng tourism ng Tadian.

"Kaso ayaw naman sa akin,” mahinang usal niya at lumingon kay Jeyrick.

Nagkakasya na lang siya na isipin na magkakonekta pa rin ang puso nila kapag magkasama sila sa pictorial o kaya ay nagdu-duet sila sa mga show. Pwede siyang mangarap. Pwede siyang mag-ilusyon.

Tumayo ito sa harap ng bonfire at pinatigil ang mga tumutugtog. “Nagpahanda ako ng kape. Kung pwede sana tikman ninyo.” At isa-isa silang dinulutan ng tasa ng kape.

Napapikit si Paloma nang maamoy iyon. Kakaiba ang aroma. Pamilyar sa kanya pero di niya maisip kung ano. Napaungol siya nang malasahan ang kape. It was earthy and strong yet smooth. Suwabeng-suwabe ang lasa.

"Ang sarap naman nito,” sabay pa na usal nina Madison at Sunny saka humagikgik.

“Ito ang pinakamasarap na kapeng natikman ko,” sabi ng head ng tourism ng Mountain Province na si Miss Frances.

"Kape iyan mula dumi ng alamid,” sabi ni Jeyrick.

May nagbuga ng kape. May umangal. May parang gustong sabuyan ng kape si Jeyrick. “Hinugasan iyan bago ipatikim sa inyo. Ang kapeng iyan ang sinasabi na pinakamasarap at pinakamahal sa mundo at maswerte tayo dahil matatagpuan dito sa atin.”

“Pero galing pa rin sa dumi ng alamid,” angal ng isa sa mga photographer.

Ipinaliwanag ni Jeyrick ang sistema kung paano nagkakaroon ng alamid coffee. Mula sa pagpili ng mga civet sa kape hanggang sa kung paano iyon napoproseso sa loob ng sikmura ng pusa. “Maraming mga magsasaka ang di alam na pwedeng pagkakitaan ang kape mula sa dumi ng alamid. Pinapatay nila ang mga alamid dahil salot daw sa kapehan. May nakakaalam naman pero wala silang mapagbebentahan ng kape. Kaya nagdesisyon ako na makipagtulungan sa mga magsasaka at sa provincial agriculture department. Gusto naming I-launch ang Paloma Coffee.”

“P-Paloma? Bakit ako?” tanong ng dalaga at nanginig ang kamay.

“Si Paloma ang nagturo sa akin tungkol sa civet coffee. Kami mismo ni Paloma ang namitas ng kape na iniinom ninyo. Salamat sa kanya dahil may pagkakabuhayan na ang magsasaka dito. Maraming magsasaka ang makikinabang dito. Maaalagaan din ang mga alamid. Di na sila babarilin o itataboy. Plano namin itong ilabas sa Lang-ay Festival. Pero sa ngayon, makikipag-ugnayan kami sa mga magsasaka para ibenta sa munisipyo ang mga kape ng alamid na maiipon nila. Pwede tayong magbenta at magpa-order sa internet at sa mga restaurant at mga accommodation dito sa Cordillera. Maipagmamalaki natin sa buong mundo ang kape na ito.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.