Chapter FCM4: FMBYS 65

Tulog na ang lahat pero nakaupo pa rin sa may bonfire si Paloma habang nakatitig sa bonfire at kumakanta. “Kape ka ba kasi di ako makatulog kaiisip sa iyo.”

“Jingle ba iyan para sa commercial ng Paloma Coffee?” tanong ni Jeyrick at tinabihan siya.

Siniko niya ito. “Sira ka talaga. Bakit mo ipinangalan sa akin ang kape?”

“Hmmm… sa palagay ko yayaman ako sa kape na iyon. Tayo.”

“Mukha akong pera pero mahal ang talent fee ko. Saka ako nagpulot ng mga kape.”

“Kaya nga gusto ko na maging magkasosyo tayo sa negosyo.”

“Magkasosyo?” tanong niya.

“Nakausap ko na si Tita Bevz tungkol dito. Mas malaki daw ang tulong kung magkakasosyo tayo. Alam ko na inaalala mo pa ang pagpapatayo ng resort mo pero mas maliit lang naman ang puhunan. Tutulungan din tayo ng mga kapatid ko sa pagma-manage. Siyempre ikaw pa rin ang magdedesisyon sa huli. May investment ka na dahil sa iyo nakapangalan ang mga pang-sample natin.”

“Nagugulat lang ako sa bilis ng mga pangyayari. Magkakanegosyo ka na. Matutupad mo na ang pangarap mo at mapapalago ang pera mo. Nakakatulong ka pa sa maraming tao.”

“Sabi nga sa akin ng ibang mga artista, hindi habambuhay ang showbiz. Posibleng bukas o makalawa di ka na sikat. Kaya dapat habang maaga pa lang makapag-ipon na ako. Gusto ko kasama kita.”

“Pero may tiwala ka ba sa akin para kunin mo akong kasosyo?” tanong niya.

“Alam ko na marami tayong nasabing masasakit na salita sa isa't isa. Pero di pwedeng lagi tayong nagbabangayan o naghininala nang di maganda sa isa’t isa. Gusto kong magsimula ulit tayo sa simula. Pwede ba?”

"That's a good idea.”

Inilahad nito ang kamay. “I'm Carrot Man."

Kinamayan din niya ito. "Prinsesa ng mga Butete."

"Bunsong kapatid ni Frog Prince? Ang pangit." Nalukot ang mukha nito at tumingala na parang nag-iisip. “Reyna ng Alamid. Iniligtas mo sila kaya dapat lang na ikaw ang maging reyna nila.”

Natawa siya. “Reyna ng Alamid. I like it.”

“May naiisip ka ba na kanta para sa Paloma Coffee?”

TAHIMIK na umiiyak si Paloma habang bumibiyahe sila ni Jeyrick papunta ng General Santos City. Matapos ang music fair sa isang Ateneo de Davao ay inimbitahan daw sila ni Jeyrick ng isang congressman sa isang isla sa Saranggani. Birthday daw ng anak nito. At kahit anong argumento niya ay wala siyang nagawa.

“Paloma, huwag ka nang umiyak. Mamamaga lang ang mata mo,” sabi ni Jeyrick na katabi niya sa van at minasahe ng dulo ng daliri ang ulo niya.

“Birthday ngayon ni Kitty. Nangako si Tita na free day ko ngayon. Makakasama ko ang kapatid ko sa birthday niya. Tapos hindi rin pala. Sabi niya bumawi na lang ako sa ibang araw o kaya mag-video call na lang ako,” sumbong niya dito at suminghot. “Kaso nanghihinayang daw siya sa malaking offer. Wala daw ako posisyon na mag-demand dahil ngayon pa lang ako nakakabawi. Strike while the iron is hot.”

Bumuntong-hininga si Jeyrick. “Para pala tayong OFW sa trabaho na ito. May pera di makakauwi sa mga pamilya sa importanteng okasyon.”

Pumihit siya paharap sa binata. “Jeyrick, lumaki ako nang di buo ang pamilya. Mula nang bumalik si Nanay mula sa pagkakakulong sa ibang bansa, gusto ko na lagi ako sa tabi niya. At nang ipanganak ang kapatid ko, nangako ako na di niya mararamdaman na inabandona ko siya kapag birthday niya. Dahil maraming beses sa buhay ko, naramdaman ko na mag-isa lang ako. Na kahit bigyan pa ako ng magarbong birthday party at maraming taong nakikisaya sa akin, pakiramdam ko mag-isa pa rin ako.”

“Tama ka. Mahalaga rin sa akin na makasama ang pamilya. Kahit na wala kaming pera basta magkakasama kami sa mahahalagang okasyon,” sabi ng binata.

“Nangako pa mandin ako sa kapatid ko na ikaw ang regalo ko sa birthday niya. She’s a fan,” sabi niya at napangiti nang maalala na gusto daw birthday gift ng kapatid niya ay mawalan ng girlfriend si Jeyrick. Silly little girl. “She likes you a lot. At di ko alam kung paano ipapaliwanag sa kapatid ko na di ako makakarating.”

Kinabig ng binata ang balikat niya at ihinilig ang ulo niya dito. “Matulog ka na. Mag-iisip tayo ng paraan para mapasaya pa rin ang kapatid mo sa birthday niya. Okay?”

He hummed and she started to dose off. Sana nga ay makagawa siya ng paraan. Si Jeyrick lang ang naiisip niyang pambawi sa kapatid niya. Pero paano?

Hindi alam ni Paloma kung gaano siya katagal nakatulog. Pero nang magising siya ay maliwanag na sa labas. Tinted ang salamin ng van nila kaya di niya masyadong makita ang view. “Nasa GenSan na ba tayo?” tanong ng dalaga. Nagulantang siya nang makitang alas nuwebe na ng umaga pero patuloy pa rin sila sa pagbiyahe. “Di ba tatlong oras lang ang biyahe natin? Tutuloy na ba tayo ng Saranggani?”

Tipid na ngumiti si Jeyrick. “Matulog ka lang ulit. Malapit na tayo.”

Nang muli siyang dumilat ay ginigising na siya ni Jeyrick. Mahilo-hilo pa siya nang bumaba ng van. Natigilan siya nang makita ang magandang view ng kapatagan sa baba. Tumuro siya. “Ang ganda naman dito ng view dito. Parang sa resort lang namin sa Cotabato. Bakit nasa taas tayo? Akala ko ba papuntang isla?”

“Magpapahinga muna tayo at kakain. Naghihintay ang celebrant,” sabi ni Hepburn.

Nang humarap siya sa direksyon ng resort ay natigilan siya nang makita ang karatula ng resort. Haven Highland Resort. “K-Kapangalan ng resort namin.” Tumakbo siya papunta sa building kung saan naroon ang reception. Lumukso ang puso niya nang makilala ang gusali na open ang structure at ang bubong ay gawa sa cogon. “Resort namin ito. Nasa Cotabato ako?” usal niya. Baka nananaginip lang siya. Sa picture at video lang niya nakita ang mga development sa resort.

“Ate Paloma!” matinis na tili ni ng boses ng batang babae. Nakita niya na tumatakbo palapit sa kanya si Kitty. Lumuhod siya at tinanggap ang yakap nito kahit na sa palagay niya ay nananaginip lang siya. “Ate, nandito ka po talaga sa birthday ko.”

“Kitty,” usal niya at napahagulgol ng iyak nang maramdaman ang init ng yakap nito. Totoo ito. Hindi siya nananaginip lang. “Happy Birthday.”

“Hello, Kitty!” bati ni Jeyrick dito.

Nanlaki ang mata ng kapatid niya. “Carrot Man! Nandito rin si Carrot Man!” Kumalas sa pagkakayakap sa kanya ang bata at yumakap sa kay binti ni Jeyrick. “Ikaw ba ang birthday gift ni Ate Paloma sa akin?”

Natawa si Jeyrick. “Hindi. Ang ate mo ang gift ko sa iyo.”

“Hindi. Ikaw ang gusto ko na gift,” giit ng bata.

“Kitty, hayaan mo muna na magpahinga ang ate mo at ang mga bisita niya,” sabi ng nanay niya na si Erminda. Tumayo si Paloma at pinahid ng ina ang luha niya. “O! Anong ginagawa mo dito? Tumawag si Bevz at di ka raw makakarating.”

“Hindi ko rin po alam kung bakit ako nandito. Ang alam ko papunta kaming Saranggani ngayon. Naligaw ba kami?” naguguluhang tanong ng dalaga. “Bakit sabi ni Jeyrick ako ang regalo niya kay Kitty?”

“Si Jeyrick ang nagbayad ng araw mo,” bulong ni Hepburn sa kanya nang kumakain sila.

“Ano?” bulalas niya.

“Nang tanungin ni Jeyrick kung magkano ang talent fee mo, siya na lang daw ang magbabayad. Basta daw ang mahalaga makarating ka sa birthday ni Kitty. Ang totoo kagabi pa niya kinausap si Mama nang makitang nagtatalo kayo.”

“Sira ulo talaga ang lalaking iyan,” usal niya. “Hindi niya kailangang gawin iyon.”

Mamaya na sila magtutuos ng lalaki. Sa ngayon ay susulitin muna niya ang araw na kasama niya ang kapatid.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.