Halos ayaw hiwalayan ni Kitty si Jeyrick. Nang makatulog si Kitty ay napansin niya na nawawala si Jeyrick. “Nakita mo si Carrot Man, Lea?” tanong niya sa isa sa mga skeleton staff ng resort.
“Parang nagpunta po sa galley, Ma’am.”
Nagtataka man ay pinuntahan niya ito sa galley. Narinig niya naghahagikgikan ang mga staff. Nang pumasok siya ay nakita niya na nakakulumpon ang mga babae sa isang sulok at pawang nakikinig. Nakita niya si Jeyrick na nakaharap sa lababo, nakataas ang long sleeve na polo at may suot na apron habang naghuhugas ng maduduming pinagkainan.
“Jeyrick, anong ginagawa mo dito?” nakapamaywang niyang tanong.
He smiled sheepishly. “Tumutulong lang ako dito.”
Kumuha siya ng malinis na hand towel at inabot dito. “Bisita ka dito, Jeyrick. Hindi mo kailangang magtrabaho. Dapat nga nagpapahinga ka.”
“Sanay naman ako na magtrabaho. Minsan lang naman ako dito,” katwiran ni Jeyrick.
“Ang sipag naman niya kahit na sikat na siya. Di siya nahihiya na magtrabaho kahit po sikat na siya,” sabi ni Arianne na kulang na lang ay maghugis-puso ang mga mata habang nakatitig kay Jeyrick.
“Ang cute niya, Ma’am,” sabi ni Razel na kitchen supervisor at biglang hinamig ang sarili nang taasan niya ng kilay. “Tatawagin ko nga po kayo para pigilan po si Carrot Man na maghugas ng plato, Ma’am. In fairness, siya na po yata ang pinaka-sexy na tagahugas ng plato na nakita ko.”
Hinawakan niya ang dalawang kamay ni Jeyrick at binalot ng hand towel. “Halika na. Baka sabihin ng pamilya mo inaalila kita dito.”
“Naku! Sabi nga ni Mama at Papa dapat daw makisama ako sa mga bahay na binibisita ko. Ganoon sa amin sa Cordillera. ‘Yung mga bisita di dumadayo sa bahay ng iba para lang makikain o makisaya. Nandoon kami para tumulong sa mga kakilala at kapamilya,” paliwanag ng binata habang hinihila niya palabas ng kusina.
Gusto niyang hangaan ang binata dahil di nito nakakalimutan ang pinagmulan nito kahit na sikat na ito. Pero nakaka-frustate din para sa katulad niya.
“Oo na. Pero mas importante ang pag-uusapan natin. Magbihis ka muna at mag-relax. Magkita tayo sa pool pagkatapos ng isang oras,” sabi niya at ihinatid sa mismong cottage nito kung saan kasama nito si Lolo Pio.
Nag-shower muna ang dalaga at nagpalit ng komportableng sundress bago pumunta sa pool area. Hindi pa maookupahan ang main building ng resort kung saan matatagpuan ang mga kuwarto. Pero buo na ang mga cottage. Ayon sa padrasto niya ay anim na buwan pa bago maging fully furnished ang buong resort. Malaking tulong ang maraming projects niya sa pagpapagawa ng resort.
Naabutan niya si Jeyrick na nakasalampak gilid ng pool. Nakasuot na ito ng T-shirt at board shorts. Tinabihan ito ni Paloma at pabirong hinampas sa braso. “Bakit di mo sinabi sa akin na ikaw pala ang boss ko ngayong araw? Ikaw ang nagbayad ng talent fee ko kaya pumayag si Tita Bevz.”
“Bakit parang galit ka? Di ka ba magpapasalamat?”
“Thank you. Pero di mo na kailangang gawin iyon. Jeyrick, may pamilya ka na binubuhay. Kasisimula mo pa lang ng business mo. Doble ang nawala sa iyo dahil sa akin. Hindi mo nga kailangang magbayad ng kahit ano.”
"Paloma, maliit na bagay lang iyan samantalang nakita ko naman kung gaano ka kasaya. Hindi isyu ang pera sa akin dahil kikitain ko naman iyan. Nakarami na kaya ako ng benta sa Paloma Coffee. Mababawi ko rin iyan."
Maganda ang naging partnership nila ng binata sa paglulunsad ng Paloma coffee. Bukod sa mga packed coffee ay may umoorder na rin sa kanila na mga coffee shops at restaurants di lang sa Pilipinas kundi maging sa abroad. Nailunsad na rin ang pangangalaga sa mga kagubatan sa Mountain Province pati na rin ang reforestration para mas dumami pa daw ang mga alamid.
Pamilya ni Jeyrick ang namamahala sa coffee packaging at sa pagkuha ng mga quality coffee beans. Ipinadala nito ang mga magulang at iba pang kinuhang tauhan para mag-training sa Davao kung paano ang tamang pagtrato sa civet coffee.
"Kakausapin ko si Tita Bevz na ibalik niya ang parte ko sa bayad mo. I don't need it."
“Kung ibabalik mo sa akin ang bayad ko, ipapasok ko lang ang puhunan sa Paloma Coffee. Regalo ko ito para sa iyo at para kay Kitty.”
Hinalikan niya ang pisngi nito at niyakap ito. "Thank you, Jeyrick. Sobrang saya ko talaga ngayong araw na ito dahil kasama ko ang pamilya ko." She felt whole. Kahit na di siya kumita nang ilang araw, mas malakas ang pakiramdam niya dahil sa mga ito. She felt recharged. "At lalong napasaya mo si Kitty. Niyaya ka ba niyang mag-Disneyland?"
"Oo. At tinanong niya kung break na kami ng girlfriend ko."
"Pasensiya ka na sa batang iyon. Intrimitida minsan. Ewan ko ba kanino nagmana." Baka mamaya ay iniisip ni Jeyrick na siya ang nagturo kay Kitty.
Nagkibit-balikat ang lalaki. "Okay lang."
"Kumusta na pala si Beliza? Hindi ko na siya nakikita na sumasama sa iyo sa mga shows natin. Busy siguro sa pagre-review sa board exam,” kaswal na tanong ng dalaga.
Matagal na niyang di binabanggit kay Jeyrick si Paloma. Huling beses na napag-usapan nila ang tungkol sa babae ay nang pakiusapan siya ni Jeyrick na mag-release ng statement para tigilan na ng mga fans ang pamba-bash kay Beliza. May mga loyal fans kasi ang love team nila ni Jeyrick na kuntodo ang panlalait sa social media account ng babae.
"Sa isang apartment na malapit sa review school na siya nakatira. Umalis na siya sa condo,” kwento ni Jeyrick. "Hindi na rin niya kailangan na magpanggap na girlfriend ko. Pinalaya ko na siya dahil di naman ako naging mabuting kaibigan sa kanya."
Gulat niya itong nilingon. "Bakit naman? Jeyrick, anim na taon kayong magkaibigan. Di siya magtatagal na kaibigan mo kung masama ang trato mo sa kanya."
Nanatiling nakatitig si Jeyrick sa tubig. "Makasarili akong kaibigan. Hindi ko alam na mahal niya ako. At kahit nararamdaman ko na di lang kaibigan ang pagmamahal niya sa akin, ginamit ko pa rin siya para magpanggap na girlfriend ko. Hindi na siya masayang kasama ako. Na kahit na girlfriend ko siya sa paningin ng iba, kapag kami lang ipinaparamdam ko sa kanya na hanggang magkaibigan lang kami. Nagtitiis siya kahit na nasasaktan pero hinayaan ko lang siya. Umasa siguro siya na mamahalin ko rin siya pero di ko nilinaw sa kanya na hanggang magkaibigan kami. Kailangan ko siya sa tabi ko para maprotektahan ako sa iyo."
Ramdam niya ang sakit at lungkot sa puso nito. Si Jeyrick ang tipo ng tao na di ugaling manakit ng kapwa. Di rin ito mapagsamantala. At kahit na posibleng masaktan na naman ito, malaya nitong binubuksan sa kanya ang puso nito ngayon. At ngayon ay inaako nito ang lahat ng kasalanan sa paghihiwalay nito at ni Beliza.