Marahang tumango si Paloma. "Alam ko naman iyon na gusto mong huwag akong mapalapit sa iyo. Di mo intensyon na paasahin si Beliza. Jeyrick, di ikaw ang nagpasimula ng pagpapanggap. Nandoon ako nang tanungin ka ni Madison sa interview tungkol sa pagkakaroon mo ng girlfriend. Gulat na gulat ka na sinabi ni Beliza na girlfriend mo pala siya. Beliza put you on the spot. Maaring gusto ka niyang protektahan pero ginawa rin niya iyon para sa sarili niya. Gusto ka niyang bakuran. Pero hindi mo naman siya ipinahiya sa mga tao, hindi ba?"
"Oo. Gusto ko siyang protektahan pero sinamantala ko rin ang pagkakataon. Di ko siya maipagtanggol nang bina-bash siya. Di ko nasabi na tigilan na siya hanggang sabihin ng ibang tao sa akin. Anong klaseng kaibigan ako kung di ko man lang siya madepensahan sa mga basher noong panahon na iyon? Kahit di bilang girlfriend kundi kahit bilang kaibigan sana.”
Pinisil niya ang balikat ng lalaki. "Di kita pag-iisipan ng masama o huhusgahan. Di ka naman perpekto. Galit ba si Beliza sa iyo dahil di mo siya kayang mahalin gaya ng gusto niya?"
Umiling ito at bahagyang ngumiti. "Hindi. Ang totoo, masaya na siya ngayon. Na-realize niya na hindi na siya in love sa akin. O mas tamang sabihin na mas in love na siya kay Kuya Cardo."
Napanganga siya. "Doon sa pinsan mong guwapulis? ‘Yung ka-level na ng kasikatan at kaguwapuhan mo? Ang bilis naman nilang ma-in love sa isa’t isa.”
"Siya pala ang ex ni Beliza noong first year college siya na di niya binabanggit kahit na kanino. Nang magkasama sila habang nagtatago sa Lias mula sa stalker ni Beliza, nagkalapit ulit ang loob nila. Masaya ako dahil alam ko na mahal siya ng pinsan ko at ipagtatanggol siya kahit sa akin mismo."
Pumalakpak siya. "Okay na pala. May Cardo na siya. Ibig sabihin single ka na uli."
Kung tapos na ang pagpapanggap nito at ni Beliza, ibig sabihin ay pwede na nitong buksan ang puso nito sa iba. Maari na nitong buksan ang puso para sa kanya.
"Hindi pa ako handa sa totoong relasyon."
Natigil ang pagsasaya ni Paloma. “O-Oo naman. Nag-aaral pa mga kapatid mo. Mag-iipon ka muna para sa pamilya mo."
"Hindi iyon. Paano kung wala akong kwentang boyfriend? Paano kung di ko alam kung paano ang tamang pagmamahal? Tingnan mo ang nangyari kay Beliza. Nagpapanggap na lang kami, di ko pa nagawang tama. Paano kung masaktan ko lang ang totoong babae na mahal ko?”
May takot sa mga mata nito. Di na ito takot masaktan. Mas takot na itong makapanakit. He was really the most caring soul.
Ginagap niya ang kamay ng lalaki. “Kung totoo na siguro na mahal mo ang isang babae, walang duda na gagawin mo ang lahat para sa kanya."
Nagsalubong ang kilay nito. "Paano mo nasabi iyan?"
"Naging girlfriend mo ako, di ba?"
"Isang araw lang iyon."
"Sandali lang iyon pero sobrang saya ko noon. Alam ko na di ka naniniwala na mahal kita pero sana maniwala ka na ayaw ko nang matapos ang panahon na magkasama tayo at masaya. Mula pa nang makilala kita, wala ka nang ginawa kundi pasayahin ako. Kahit na di ko hingin, kahit na mahirap, kahit na magastos at wala kang pera, gagawin mo ang lahat para lang di ako umiyak o kaya makita mo akong ngumiti. Katulad ngayon. Kahit nang panahon na galit ka sa akin, hindi mo naman ako pinababayaan. Kaya huwag kang matatakot na magmahal ulit. Di dahil nasaktan kita o di dahil nasaktan mo si Beliza. Karapatan mo na maging masaya, Jeyrick.” Sinapo niya ang isang pisngi nito. “At gagawin ko rin ang lahat para maging masaya ka.”
Ngumiti ito at hinawakan ang kamay niya na nakasapo sa palad nito. “Nandito ka na sa tabi ko. Masaya na ako.”
Paloma’s heart swell. Hindi man sabihin ni Jeyrick na mahal siya nito, parang lumulutang pa rin ang pakiramdam niya. Perpekto ang sandaling iyon. Animo’y may ma alitaptap na lumilipad sa paligid nila. She could hear notes inside her head. She wanted to sing and tell him she loved him.
Pero ibinaba niya ang kamay. Hindi pa ito ang panahon para sabihin dito. “Matulog na tayo. Pupunta pa tayo sa Lake Sebu at sa Seven Waterfalls bukas.”
Tumayo ang binata at inalalayan siyang tumayo. Magkahawak-kamay silang nagpunta sa cottage niya. “Good night, Paloma.”
“Laylayden sik a, Jeyrick,” bulong niya.
Kumunot ang noo nito. “Ano iyon?”
“Sabi ko goodnight.”
Napakamot ito ng ulo. “Akala ko may iba kang sinasabi. Magpahinga ka na.”
Malakas ang kaba sa dibdib niya isara ang pinto ng cottage at sandalan ito. Hindi pa ngayon ang panahon pero darating din sila doon ni Jeyrick.
PROUD na proud si Paloma habang pinapanood ang pagtatalumpati ni Jeyrick sa mga estudyante ng Rizal National High School. Nakatuon ang atensiyon ng mga bata dito habang ipinapaliwanag nito ang tungkol sa iba’t ibang indigenous group sa Pilipinas.
“Di dahil iba ang kulay ng balat ng kapwa natin o ang itsura nila, paniniwala, kultura o kahit ang pananampalataya, ibig sabihin ay nakatataas na tayo sa kanila. Dapat matuto tayong rumespeto. Magkakapatid tayong lahat at nilikha tayong pantay-pantay. Mga bata, ipinadala kayo ng magulang ninyo sa paaralan para maging mabuting mga mamamayan ng bayang ito at maging mabuti sa kapwa-tao. Walang halaga ang edukasyon kung gagamitin natin ang kaalaman natin para manakit ng iba,” pahayag ni Jeyrick habang iniikot ang mga mata sa ilang libo rin na mag-aaral sa auditorium.
Hindi na ito ang Jeyrick na mahiyain at nauutal pa minsan sa camera. May kompiyansa na ito sa sarili. Nailalabas din nito ang kaalaman nito sa pakikipag-usap sa iba. He was not just the Igorots’ voice now. Boses na rin ito ng mga iba pang katutubo na minamaliit at naaabuso. Tinututukan ang mga statement nito sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa pananamantala sa mga katutubo. Iniimpluwensiyahan din nito ang mga kabataan na matutong rumespeto sa kapwa nito habang bata pa. Isa itong modelo ng mga kabataan na hinahangaan.
“Tama ang desisyon mo na panatilihin ang image niya bilang isang Igorot, na di siya magmukhang Koreano na may kulay ang buhok,” sabi ni Lolo Pio na nakaupo sa tabi niya. “Kilala mo talaga si Jeyrick at alam mo kung ano ang mabuti sa kanya. Natutupad na ang pangarap niya at higit pa doon.”
“Kaya naman po talaga ni Jeyrick na abutin ang pangarap niya. Kailangan lang po niya ng konting tulong. Pero lahat po iyan pinaghirapan niya.” At alam niya na mas malayo pa ang mararating ng binata. Naroon lang siya para suportahan ito.
Tapos na silang magmiryenda ni Jeyrick nang makatanggap siya ng tawag mula kay Verna, ang head ng fans club ni Jeyrick. “Miss Paloma, totoo ba na break na si Jeyrick at si Miss Beliza dahil kay Sunny?” tanong nito.
“Si Sunny?” tanong niya at biglang natawa. “Bakit naman si Sunny?”
Pwede namang sa kanya ma-link ang binata na dati pa ginagawa ng ibang showbiz reporters at mga tsismosa sa kanto. Baka mamaya ay kagagawan na naman ng tiyahin niya kung bakit lumalabas ang ganitong ingay para mai-promote ang photo exhibit ni Sunny kung saan naroon si Jeyrick. Pampaingay lang kahit walang basehan.
“Lumabas po kasi ang pictures nila ni Miss Sunny na nag-kiss. Ang sakit-sakit.”
“Ano?” bulalas niya.
“Kumakalat na po sa internet, Miss. Sana ako na lang. Bakit hindi ako ang minahal niya? Magtataksil lang din naman siya sa girlfriend niya, bakit hindi pa sa akin?” tanong ni Verna na kalaunan ay pumalahaw na ng iyak.