Chapter FCM4: FMBYS 68

Sinenyasan ni Paloma si Hepburn na kumukuha ng pictures ni Jeyrick. Hiniram niya ang cellphone nito. Kumonekta siya sa internet at nag-search ng pangalan nina Jeyrick at Sunny. Nanlamig ang buong katawan ni Paloma nang makita ang medyo madilim na picture ng isang babae na kamukha ni Sunny at isang guwapong lalaki na may malalima na dimple na magkadikit ang labi. Parang si Jeyrick na parang hindi ang lalaki. Magkamukha ang mga ito pero may pagkakaiba rin. Subalit di niya matiyak dahil madilim ang picture. At sino pa bang lalaki ang may ganoong itsura at dimples na kamukha ni Jeyrick? Wala. Kahit si Charles nga ay di kamukha ni Jeyrick.

“Miss Paloma, sabihin po ninyo sa akin na hindi totoo iyan. Hindi si Jeyrick ang lalaking iyan,” pakiusap ni Verna.

“Di ko mapapatawad si Ate Sunny. Alam naman niyang mahal ko si Carrot Man. Akin dapat siya,” narinig niyang tungayaw ni Chacha na kasama rin marahil ni Verna sa sabayang pagdadalamhati. Maya maya pa ay lumakas ang boses ni Chacha. “Matatanggap ko pa kung ikaw ang nagtraidor sa akin, Miss Paloma. Pero si Ate Sunny na itinuring ko nang parang kapatid, hindi ko matatanggap. Bakit?”

“Kumalma lang kayo. Kailangan muna nating kunin ang side ni Jeyrick tungkol dito,” malumanay na sabi ng dalaga kahit na natatakot siya sa totoo.

“Miss Paloma, ibo-boycott namin si Jeyrick kapag hindi naging malinaw ang isyu na ito. Marami kaming pangarap para sa aming dalawa,” banta ni Verna. “At bilang protesta, di kami pupunta sa launching ng photo exhibit ng Sunny na iyan sa Baguio.”

“Pupunta ako at doon ako magpo-protesta. Magpa-planking sa harap ng building. Matitikman nila ang batas ng api!” palahaw ni Chacha.

“Girls, naiintindihan ko na nasasaktan kayo. Pero sana huwag tayong gumawa ng kahit ano na pwedeng makasama sa reputasyon ni Jeyrick. Marami na kayong pinagsamahan. Huwag natin siyang husgahan agad,” pagpapakalma niya sa mga ito.

“Ganoon-ganoon na lang iyon, Miss Paloma? Di ba kayo nasasaktan?” tanong ni Verna.

Wala siyang napapansin na may interes si Jeyrick kay Sunny. Normal lang kay Jeyrick ang maging magiliw at maasikaso sa mga katrabaho nitong babae. Pero baka may isinisikreto ito sa kanya.

Masakit dahil akala niya ay handa na si Jeyrick na buksan ang puso sa kanya. Masaya sila nang magkasama sa Cotabato at pakiramdam niya ay mas napalapit sila sa isa’t isa. Masaya daw itong kasama siya. Umasa lang ba siya?

“Mabuting tao si Sunny,” nausal ng dalaga. “Kung sinuman ang magustuhan ni Jeyrick, sana irespeto natin. Ganoon naman ang magmahal, hindi ba?” Kahit masakit kailangan din niyang tanggapin.

“Paloma,” untag ni Jeyrick sa kanya na nakatayo na pala sa harapan niya. Di man lang niya napansin. “Sino ‘yung kausap mo? May nangyari bang m masama?”

“W-Wala. Masama lang ang pakiramdam ko,” aniya at sinapo ang dibdib.

“Umuwi na tayo.”

At sabay silang nagpaalam sa mga opisyal ng paaralan. Pwede silang mag-usap sa condo niya mamaya tungkol sa kumakalat na picture nito umano at ni Sunny.

Papunta sila sa pinagparadahan ng kotse nang salubungin sila ng mga reporter. Kahit si Paloma ay di inaasahan na nakaabang na ang mga ito. “Carrot Man, anong masasabi mo sa mga picture ninyo na kumakalat tungkol sa naka-discover sa iyo na si Sunny Angeles?” tanong ng reporter mula sa isang Rainbow Network.

Nabadha si Jeyrick. Di nito alam kung anong isasagot. “Anong pictures namin ni Sunny?”

“No comment,” sabi ni Paloma at hinila na si Jeyrick papunta sa sasakyan.

Mabuti at maagap ang security kaya naharang agad ang mga reporter at nakasakay sila ni Jeyrick sa van. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya.

“Anong nangyayari?” naguguluhang tanong ni Jeyrick.

“Mamaya ko na sasabihin.” Nilingon niya si Hepburn. “Tawagan mo si Tita Bevz. Papuntahin mo sa condo ko. We have an emergency.”

“HINDI ako ang nasa picture na iyan!” gigil na pahayag ni Jeyrick nang sa wakas ay ipakita dito ang viral picture diumano nito at ni Sunny. Sa condo niya siya tumuloy dahil alam niya na mas uunahing puntahan ng mga reporter ang condo ni Jeyrick.

“Kung hindi ikaw, sino ang kasama ni Sunny? Iyan ang suot niya noong nasa Sagada kayo,” sabi ni Lolo Pio. “Saka may iba ka bang kamukha sa mundo?”

Sinabunutan ni Jeyrick ang saril sa sobrang frustration. “Di ko po alam. Nagpahinga na ako sa kuwarto ko pagkatapos ng hapunan. Paloma?”

“Natulog na rin ako pagkatapos ng dinner. Nahilo ako sa cherry wine.”

Jeyrick looked helpless. Wala itong mahanap na kakampi dahil nauna nang natulog si Lolo Pio dito. “Tawagan po ninyo si Sunny. Patutunayan niya na di ako ang kasama niya sa Sagada at di ako ang lalaki sa picture.”

“Tumawag na ang nanay ni Sunny sa atin. Di daw maglalabas ng official statement si Sunny at gusto na lang na hayaan ang isyu,” sabi ni Hepburn. “Naka-off ang cellphone ni Sunny. Kanina ko pa tinatawagan.”

“Ako na lang ang maglalabas ng official statement,” taas-noong sabi ni Jeyrick. “Hindi ako papayag na pag-isipan kami ng mga tao nang masama ni Sunny.”

Iwinaksi ni Tita Bevz ang kamay. “Let the people talk.”

“Paano na po ang exhibit namin sa isang linggo? Kami po ang pag-uusapan ng mga tao at hindi ang mga pictures na kuha ni Sunny. Alam po ba ninyo kung gaano ito kahalaga sa kanya? Dito nakasalalay ang pangarap niya,” pagtatanggol ni Jeyrick. “Pati si Paloma nadadamay dito.”

Masakit mang aminin pero mas apektado ang career ni Jeyrick kaysa sa kanya. Ito ang puntirya ng mga mapanlait na reporter at bashers. May maganda itong reputasyon na pinangangalagaan pero unti-unting sinisira ng di magandang balita. Habang si Paloma ang lumalabas na kawawa at api.

“Ma’am Bevz, ganoon na lang po ba iyon? Di man lang ba dedepensahan ng pamangkin ko ang sarili niya? Nagtatrabaho lang siya nang maayos,” sabi ni Lolo Pio na nag-aalala sa kalagayan ng career ni Jeyrick.

Binigyan ito ng bored na tingin ni Tita Bevz ang lalaki. “Tito Pio, matagal na ako sa industriyang ito. Good or bad publicity is still publicity. Mas maraming maiintriga sa exhibit nila. It won’t be boring.”

“At paano naman ang reputasyon ko?” angil ni Jeyrick. “Gusto na nga pong I-boycott ng mga fans ko ang exhibit ko. Lumalayo ang loob nila sa akin.”

At masakit iyon para kay Jeyrick dahil parang kapamilya na nito kung ituring ang mga fans. Ang iba sa mga ito ay nakapunta pa ng Ogo-og at nakilala ang mga Sigmaton. Mga loyal fans pa ni Jeyrick ang nagbabantang umalis.

“Normal lang iyan. Fans come and go, Jeyrick. Mabilis silang madismaya. But real fans stick with you. Hindi mo dapat iniintindi itong maliit na intrigang ito. May iba nga diyan na naging drug addict na at lahat, lumabas-pumasok sa kulungan o kaya nakailang palit na ng asawa pero nakakabalik pa sa showbiz,” kaswal na sabi ng tiyahin habang madilim na ang mukha ni Jeyrick.

“Nangako po ako na di ako kailanman magdadala ng kahihiyan sa tribo namin.”

“Jeyrick, kahit anong gawin mo, sabihin mo man ang totoo o hindi, maniniwala ang mga tao sa gusto nilang paniwalaan. Di ka pwedeng maging masyadong sensitibo sa mundong ito at di mo laging obligasyon na magpaliwanag sa lahat. Ganito ang showbiz, Jeyrick. I never told you it was easy.” Tumayo si Tita Bevz at kaswal na tinapik ang pisngi nito. “So suck it up.” Pumalakpak ito. “Come on. Nasaan na ba ‘yung pina-deliver ko na Japanese food? I am famished. Jeyrick, kumain ka na.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.