Chapter FCM4: FMBYS 69

“Wala po akong gana,” sabi ng binata na naiwan pa ring nakatayo at animo’y walang ibang nakikita. Matiim ang anyo nito nang basta na lang tumaliko at tuloy-tuloy na lumabas ng condo niya.

“Jeyrick!” tawag ni Paloma dito pero di siya nito pinansin. Napilitan ang dalaga na sundan ito. Hinabol niya si Jeyrick. “Saan ka pupunta?”

“Sa labas. Maglalakad-lakad. Mag-iisip-isip,” sabi nito at pumunta sa elevator.

Sinundan niya ito hanggang makapasok pero inunahan niya itong pindutin ang rooftop at pinigilan ito na pindutin ang ground floor. “Huwag kang umalis muna. Mainit pa ang ulo mo at baka kung saan ka mapunta. Wala kang privacy sa mga tao sa labas at baka pagkaguluhan ka lang. Please, Jeyrick. Hindi mo ako kaaway. Di mo kailangang dumistansiya sa akin. Team tayo, di ba? Di kita ipapahamak.”

Tumango ito pero di magawang tumingin sa kanya. Nang makarating sa rooftop garden ay hinayaan niya itong mapag-isa. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan nito dahil na rin marahil sa sobrang frustration.

“Hindi na ito tama? Bakit?” galit na usal nito.

Niyakap niya ito mula sa likuran. Damang-dama ni Paloma ang galit nito. He was helpless. Pero wala itong magawa. “Jeyrick, okay lang iyan. Maaayos din ang lahat.”

“Bakit ayaw akong kausapin ni Sunny? Mabuti naman akong kaibigan sa kanya. Bakit di niya magawang sabihin ang totoo? At bakit di ko pwedeng ipagtanggol ang sarili ko sa mga tao? Anong klaseng mundo ito, Paloma? Pakiramdam ko isinasanla ko ang kaluluwa ko sa demonyo. Para lang sa tagumpay ng photo exhibit, kailangan pang magkaroon ng ganitong eskandalo? Paano mo ito natatagalan?”

Huminga ng malalim ang dalaga. “Just endure it, okay? Baka naman makumbinsi ko si Sunny na magpaliwanag tungkol dito.”

Humarap ito sa kanya. “Naniniwala ka na hindi ako ang lalaking kasama ni Sunny?”

Tumango siya. “Oo naman. Alam ko na hindi ikaw iyon.”

Niyakap siya nito. “Iyon lang ang mahalaga sa akin. Kung naniniwala ka sa akin, wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba.”

Nag-ring ang cellphone ni Paloma. Si Hepburn iyon. “Hello.”

“Kasama mo ba si Carrot Man?” tanong nito.

Tumaas ang kilay ng dalaga. Matagal nang di tinatawag na Carrot Man si Jeyrick.

”Kasama ko si Jeyrick. Bakit?”

“Kasi may tumawag sa akin. Siya daw si Carrot Man.”

“Ano?” bulalas niya.

“Siya daw ang Carrot Man ni Sunny.”

“THIS is romantic. Kinikilig ako,” bulong ni Paloma kay Jeyrick habang pinapanood ang video na ilalabas sa photo exhibit ni Sunny. Magkadikit ang ulo nila habang nagbubungisngisan sa isang garden restaurant sa Tomas Morato.

It was a good day. Sa kabila ng kontrobersiya at eskandalo sa paglabas ng picture, lumabas sina Jeyrick at Paloma sa publiko na parang walang nangyari. Katatapos lang nilang makipag-meeting sa gaganaping concert nila ni Jeyrick sa KIA Theater dalawang buwan mula noon at sinalubong ng pagdududa kung bebenta ba sila sa gitna ng mga kontrobersiya kay Jeyrick pero nanatili silang matatag. They could pull this off.

Isang video presentation ang ihinanda ni Hero Gervacio na mukhang kakambal ni Jeyrick para kay Sunny. Ito ang lalaking kasama ng photographer ni Jeyrick sa Sagada.

Nagkausap ang lalaki at si Jeyrick tungkol sa history nito at ni Sunny. Nang kuhanan daw ng picture sa Bauko si Jeyrick, inakala ni Sunny pati na rin ng lola ni Hero na ito ang lalaki sa picture na nagbubuhat ng carrot. Si Hero ang kasama ng dalaga nang panahong di ito mahanap dahil isang anthropologist ang lalaki na may tinatapos na libro tungkol sa tribo ng Lambayan. At kahit na nalaman ni Paloma na hindi ito si Carrot Man, pinili pa rin nito si Hero sa huli.

Hindi daw ito magkasundo ngayon dahil akala ni Sunny na si Hero ang naglabas ng pribadong larawan ng mga ito. At gusto nitong ilabas na sa publiko ang relasyon ng mga ito para na rin daw malinis ang pangalan ni Jeyrick.

“Masaya siguro na sabihin mo sa lahat ng tao kung sino ang taong mahal mo,” sabi ni Jeyrick.

“Oo. Pero minsan mas magandang itago rin,” komento ni Paloma. “Lalo na sa tulad nating nasa publiko, mas maraming nakikialam. Maraming nasasabi ang mga tao. Parang di nila pag-aari ang relasyon nila. Kaya mas maganda rin na isekreto.”

“Ganoon din ba ang gusto mong relasyon? Mas gusto mo na sekreto?”

“Sekreto o hindi, gusto ko lang ng totoong relasyon. ‘Yung hindi palabas lang. Dahil kakayanin kong ipaglaban ang taong mahal ko sa ibang tao basta totoo ang nararamdaman namin sa isa’t isa,” makahulugan niyang sabi dahilan para kumunot ang noo ni Jeyrick.

Ayaw na niyang maulit pa ang nangyari dati kung saan kailangan niyang magpanggap bilang nobya ni Thirdy. Sa susunod na haharap siya sa mga tao, ayaw na niyang umarte lang. Gusto niya sa lalaking totoong mahal niya at mahal siya.

“Paloma, are you okay?” Gulat niyang inangat ang tingin kay Thirdy na nakatayo sa tabi ng mesa nila ni Jeyrick. Puno ng pag-aalala ang anyo nito. Bigla nitong hinawakan ang kamay niya nang walang permiso. “I am so worried about you. Kaya pagkagaling ko sa flight ko from Berlin, ipinahanap agad kita.”

Naging alanganin ang ngiti niya at pasimpleng hinatak ang kamay mula dito. “Ahhh…” It was awkward. Ano na naman ba ang drama ni Thirdy at gumagawa ito ng eksena sa pampublikong lugar habang kasama niya si Jeyrick? “Jeyrick, si Thirdy Concepcion. Thirdy, si Jeyrick…”

“I know. The lucky Carrot Man. All he had to do was carry a basket of carrots and the world swooned,” sabi ni Thirdy at inabot ang kamay sa lalaki.

“Nice meeting you, Sir,” magalang na sabi ni Jeyrick. “Congratulations sa indie film ninyo. Sana maging magaling din ako na aktor katulad ninyo.” Magkahalo ang saya, paghanga at pagkailang kay Jeyrick pero binigyan nito ng respeto ang lalaki.

Thirdy just smirked. “Para marating ang kinalalagyan ko, kailangan mong magtrabahong mabuti. Di ka dedepende sa swerte o koneksyon lang.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.