MAIIYAK na si Paloma sobrang emosyon habang pinagmamasdan ang mag-asawang Chua na magkahayakap sa dance floor. Golden anniversary ng mga ito at naimbitahan sila ni Jeyrick para mag-perform. It was beautiful. Kahit na kulubot na ang balat ng mga ito at puti na ang buhok ay mahal na mahal pa rin ang isa’t isa. At ganoon ang pangarap niya.
Pumitlag siya nang hawakan ni Jeyrick ang kamay niya at narinig ang kanta nito na dapat ay magka-duet sila. “Sasamahan kahit kailanman. Humigit kumulang di mabilang.”
Saka lang niya ito nasabayan sa pagkanta at ngumiti. Inisip niya na para kay Jeyrick ang kantang iyon para makapag-focus siya. Emotions. Di siya nagiging emotional kapag nagpe-perform pero mula nang makasama niya si Jeyrick ay mas dama na niya sa puso niya ang mga kanta. It was always an experience performing with him and making people happy.
Niyakap sila ni Mrs. Chua nang bumaba sila ng entablado. "Thank you for performing on our anniversary. Parang bumalik kaming mag-asawa sa kabataan. Kilig na kilig kami.”
“Alam ko na busy kayo sa concert ninyo pero salamat pa rin dahil pinaglaanan ninyo kami ng oras. Di lang kami ang masaya kundi pati ang mga bisita namin.”
"Masaya po kami dahil napasaya namin kayo,” sabi naman ni Jeyrick at inakbayan siya. “Naiinggit nga po sa inyo si Paloma.”
Siniko niya ang binata. “Sino ba ang di maiinggit sa kanila? Di lahat nakaka-achieve ng fifty years.”
"Kailan ba ninyo sisimulan ang road to fifty years? Ia-announce na ba ninyo ang relasyon ninyo sa concert? Hindi pa ba kayo nang lagay ba iyan?" sunud-sunod na tanong ni Mrs. Chua at ngumuso sa pagkakaakbay ni Jeyrick sa kanya.
"Abangan na lang po ninyo ang pasabog namin,” sabi ni Jeyrick na di inalis ang pagkaakbay sa kanya.
"Anong pasabog natin?" tanong ni Paloma nang kumakain na sila ng binata sa mesa kasama ang ibang celebrity at si Tita Bevz.
"I am so proud of you two. Sold out na ang tickets ninyo,” excited na balita ni Tita Bevz nang samahan nila ito sa mesa para kumain. “Who knows? We might have a repeat. I can’t wait for Friday.”
"What's happening in the entertainment world? Nagbuhat lang ng carrot sikat na. Sayang naman 'yung totoong may talent. Sayang 'yung nag-e-effort na mag-entertain ng tao at taon ang puhunan sa industriya,” pasaring ng singer na si Amirose na namumungay na ang mata. Ito ang grand champion sa You’re A Star at malisyosong tiningnan si Jeyrick na lumipat saglit sa kabilang table dahil gustong magpa-picture ng teenager na apo ng mga Chua. “Pwede ba tayong mag-transfer ng table?”
Magaling na singer si Amirose pero di ito gaya ng ibang grand winner ng singing contest na sobrang sikat. Mas marami pa nga siyang naging project dito. May pagkamaldita ito sa fans kaya inaawayan. Maldita din ito sa mga taong sa palagay nito ay inferior dito. Di niya makakalimutan kung paano siya nito utus-utusan sa dressing room ng variety show kung saan guest sila dati na parang siya ang PA nito. Sumunod na lang siya para walang isyu at dahil mas matanda ito sa kanya.
“Hija, that Igorot shouldn’t bother you,” anang manager nito na si Madam Clementine na mapagmataas din gaya ng alaga nito. “Mascot lang siya dito. Someone that people fancy for a while. Pero bukas-makalawa maglalaho din siya at babalik sa bundok, with his tails tucked between his legs. Di ba may buntot naman talaga ang mga Igorot gaya ng mga unggoy?” At humalakhak ang mga ito. Nagkatinginan na lang ang ibang nasa mesa sa dalawa. Ang iba ay nakisali sa pagtawa.
Biglang tumayo si Paloma. “Alam ba ninyo na may indie film na in-offer sa amin si Jeyrick? Doon sa script, sinabuyan ng wine ng character ko na si Althea ang dalawang mapanlait na social climbers dahil sa pangmamaliit nila sa isang talented Igorot.”
Nakadama ng satisfaction si Paloma nang maghawak-kamay ang dalawa at mariing pumikit sa takot na sabuyan talaga niya ng alak. Suminghap ang iba. Ngumisi ang dalaga at tinungga ang alak. “But I won’t do that, kahit pa sukang-suka ako sa mga tao na akala mas superyor sila sa iba. How about I school you about the Igorots? They are hardworking people. Wala pang Kastila sa Pilipinas, nandiyan na sila. Matatapang din sila. Tao rin sila tulad ninyo at tulad ko. At ang Igorot na sinasabi ninyong mascot, binubuhay niya ang pamilya niya at may negosyo siya na tumutulong sa mga kababayan niya at sa kalikasan. At tinuturuan din niya ang mga tao na huwag silang mambu-bully at mangmamaliit ng iba. Napaka-inspiring niya, di ba? Kita mo naman kung gaano siya kamahal ng mga tao dito.”
"Hype. Parang ikaw puro hype din. Nauuto lang ninyo ang mga tao sa pagpapa-cute ninyo sa camera. And you will never reach the top, Paloma. Dumidikit ka lang kung sino ang sikat. Dapat matagal ka nang wala sa showbiz kundi dahil kay Thirdy Concepcion,” anang si Amirose nang makabawi.
“Paloma, may problema ba dito?" tanong ni Jeyrick at tumabi sa kanya.
Hinawakan ni Tita Bevz ang braso ng binata. "Uhmm... just some losers. Ang insecure na laos na talent at ang pipitsuging manager. Don't worry. Padadalhan naman natin sila ticket sa sold-out concert ninyo para naman maka-experience sila ng concert na puno ng tao ang venue. Nag-try rin kasi sila na magpa-concert dati pero kahit buy one, take one at halos ipamigay ang ticket di pa rin dinumog. Sino ulit ang hyped?"
Namula sa galit si Amirose at uminom ng red wine. Habang patuloy naman sa pagpapasiklab si Althea. “Magaling ka kasing manager. Ibinebenta mo ang pamangkin mo kaya malakas ang kapit sa showbiz.”
“Anong sinasabi nila?” tanong ni Jeyrick.
Tumayo na si Paloma. “I think we should go.” Ayaw niyang marinig pa ni Jeyrick ang anumang lason na lalabas sa bibig ng mga ito.
“Carrot Man, baka di mo pa alam nagpanggap lang si Paloma na girlfriend ni Thirdy Concepcion . Pero ang totoo, front lang si Paloma. Lalaki ang gusto ni Thirdy at tinanggap niya iyon para maging sikat at di mawalan ng trabaho. What a desperate woman."
Nanlamig ang katawan ni Paloma. Her secret was out. Ang dating mahinang bulung-bulungan lang sa showbiz ay ibinulgar na sa publiko. "Huwag kang makinig sa kanila. Let's go,” sabi ng dalaga at hinila si Jeyrick palayo.
"Bakla ka rin ba, Carrot Man? Iyan lang kasi ang pakinabang ni Paloma sa showbiz - ang magpanggap na girlfriend ng mga paminta,” pang-aasar pa ni Amirose. “Mga mapagpanggap. Kayo ang dahilan kung bakit ang dumi-dumi ng industriyang ito.”
Nanginginig ang buong katawan ni Paloma nang makasakay na sila ni Jeyrick sa van. Akala niya ay makunat na ang balat niya sa showbiz. Na di siya basta-basta namaaapektuhan sa isyu sa kanya. Pero nakadama siya ng takot sa harap mismo ni Jeyrick sinabi ang mga sekreto nito. Napahagulgol na lang siya ng iyak. She felt worthless. Na kahit anong sipag niya sa trabaho at kahit gaano siya katalentado, hindi siya lulubayan ng nakaraan niya.
Pinisil ni Jeyrick ang balikat niya. "Paloma, huwag ka nang umiyak. Mukhang lasing lang ang babaeng iyon kaya di niya alam ang sinasabi niya.”
“Pero kakalat na naman ang balita na iyon. Pati ang concert natin maaapektuhan.”
“Pag-uusapan ang concert natin at matatabunan din ang mga sinabi ni Amirose. Nalulungkot ako para sa kanya dahil mukhang di siya masaya sa buhay niya at sa career niya. Siguro kung tutulungan natin siya sa susunod at makakasama natin siya sa project niya, magbabago rin siya. Ang mga tao kapag pinakitaan mo ng kabutihan nagbabago rin naman.”
Natigilan ang dalaga sa pag-iyak. “Nilait ka na niya at lahat, gusto mo pa rin siyang tulungan?”
Tumango ito. “Oo. Mahalaga alam natin ang totoo. Kaya tahan na.”
Tumahimik na lang si Paloma. Iyon ang masakit dahil di alam ni Jeyrick kung ano ang totoo. At kapag nalaman nito, natatakot siya na mawala ito nang tuluyan sa kanya.