“MAG-JJIMJILBANG tayo,” yaya ni Jeyrick kay Paloma sa Korean spa pagkatapos ng rehearsal nila. Nakakapagod at gusto na lang niyang bumagsak sa kama. Binilinan sila na magpahinga para sa concert kinabukasan. “Kailangan natin iyon lalo ka na. Parang malayo na ang iniisip mo kanina.”
“Naka-focus naman ako sa rehearsal,” sabi niya sa binata.
“Pero madalas nakakunot ang noo mo. Iniisip mo pa rin ba ‘yung ginawa ni Amirose sa party?” nag-aalalang tanong ni Jeyrick.
“Hindi naman masyado.” Usap-usapan ang eskandalong ginawa ni Amirose sa party ng mga Chua. Di na nila pinapansin ni Jeyrick dahil mas nakasira iyon sa babae kaysa sa concert nilang dalawa. Sa palagay ng marami ay inggit lang si Amirose dahil wala itong projects at nakipag-break pa ang boyfriend dito dahil sa masamang ugali. Habang sila naman ni Jeyrick ay maganda ang takbo ng career kaya kinaiinggitan. Tinawanan lang din ni Thirdy ang sinabi ni Amirose na bading ito pero di pa rin matahimik si Paloma. “Kinakabahan talaga ako sa concert,” sa halip ay sabi niya.
“Mag-Korean spa na kayong dalawa,” udyok ni Hepburn sa kanya at bahagya siyang itinulak. “Mukha kang haggard. Di pwedeng ganyan ang itsura mo sa concert bukas.”
Huminga ng malalim ang dalaga. Hindi mawala-wala ang tensiyong nararamdaman niya at dahil marahil sa kaba sa papalapit na concert. Kung hindi siya magiging komportable sa stage at mananatiling distracted hanggang bukas, masisira lang ang concert at masasayang ang pinaghirapan ni Jeyrick at lahat ng kasali sa concert. “Sige na. Mag-jjimjilbang na tayo.”
Lumapad ang ngiti ni Jeyrick. “Magkita na lang tayo sa jjimjilbang. Kakausapin ko si Direk sandali.”
“Okay,” anang dalaga at nagtungo sa parking lot kasama si Hepburn. Nag-ring ang cellphone niya at tumaas ang kilay niya nang makitang si tumatawag si Thirdy. Hindi niya alam kung anong kailangan nito pero wala siyang narinig dito nang kasagsagan ng isyu ng pagwawala ni Amirose. Di wala itong komento sa media. Ano naman kaya ang kailangan nito. “Hello, Thirdy.”
"Paloma, this is Tita Maita."
Nagulat siya nang makatanggap ng tawag mula sa nanay ni Thirdy. Di sila super close dahil ayaw ni Thirdy na ma-attach siya sa nanay nito. Magme-message naman sa kanya ang matandang babae at binati siya sa nalalapit na concert. Nagpadala pa nga siya ng VIP tickets para dito. Baka nabahala na ito sa pagkalat ng sinabi ni Amirose na nagpannggap lang siyang girlfriend ni Thirdy at bading ang anak nito.
"P-Please help my son,hija. He tried to kill himself."
Natigilan siya sa paglalakad. Parang hinataw ng baseball bat ang dibdib niya. "Ano po? Bakit gagawin iyon ni Thirdy?"
"M-May binabanggit siya na video. I-I don't know what it is. Kundi namin napigilan ng kuya niya, baka tuluyan na siyang nagbaril sa sarili. Puntahan mo siya. Hindi ko na alam kung sino pa ang hihingan ng tulong. May pinagsamahan kayo ng anak ko. Baka mabigyan mo siya ng pag-asa,” umiiyak na pakiusap nito.
"Sige po, Tita," sabi ni Paloma at nilingon si Hepburn. "Tawagan mo si Jeyrick. Sabihin mo magpapahinga na lang ako at matutulog kaysa pumunta sa spa. Tapos tingnan mo sa internet kung ano ang usap-usapan tungkol kay Thirdy." At sumakay sa van. “Manong Bert, sa condo po tayo ni Thirdy sa Timog.”
Mabuti’t malapit lang ang condo ni Thirdy sa Cubao. Pero kung siya ang masusunod, mas gusto niyang mag-teleport na lang.
"Kausap mo ang mama ni Thirdy kanina? Ano daw ang nangyari?" tanong ng pinsan.
"Nagtangka daw magpakamatay. Baka mamaya iniisip nila dahil sa akin,” kinakabahan niyang sabi. Wala siyang lakas na magbukas ng internet sa cellphone niya dahil natetensyon siya.
Nang mag-break sila ni Thirdy, ni hindi nagtanong ang nanay ng binata kung bakit. Sinabi lang nito na nirerespeto nito ang paghihiwalay nila ni Thirdy at sa simula’t sapul naman ay di ito nakikialam.
Tumili si Hepburn habang nanlalaki ang mga mata. "Shocking ang revelation. Naka-post sa isang showbiz blog ang landian moment nila ng boyfriends niya.”
"Boyfriends?" bulalas niya.
“Si Sev Mathay itong isa at meron din sa ex-boyrfriend ni Amirose. Nakakalokah!” anito habang sapo ang pisngi.
Videos at pictures ang nandoon. Mukhang inosente sa una, until they kissed. Hindi siya nanghuhusga sa gender preference ng mga tao o kung sino ang gustong mahalin ng mga ito. Pero para sa isang sikat na gaya ni Thirdy na may imahe bilang isang leading man at pantasya ng mga kababaihan, it could be devastating.
Di niya alam kung may ideya ang pamilya ni Thirdy sa gender preference ninyo. She didn’t bother to ask then. May mga bagay lang siya na hinahayaan ni Thirdy na pag-usapan pagdating sa pamilya nito.
"Ang sabi ng isang insider, si Amirose daw ang gumawa ng paraan para kumalat iyan. Nakita silang magkasama nung lalaki sa video noong isang araw. At galit na galit daw si Amirose dahil ang bagong boyfie ni Thirdy ay si Bryan Uzon."
Napanganga siya. "Seryoso? Kaya galit na galit siya. Di lang basta dahil naungusan ko ang career niya nang magpanggap akong girlfriend ni Thirdy. Inagawan din siya ng boyfriend.” And now she unleashed the Kraken. This is bad.
Pagdating sa condo ay idinala agad siya ni Maita sa kuwarto ni Thirdy. “Alam ko naman may pinagsamahan kayo pero baka ikaw ang makatulong sa kanya. He is really inconsolable. I… I don’t understand what’s going on.”
Patagilid itong humiga habang tumatangis. Ni hindi nito naramdaman ang presensiya niya. “Thirdy,” tawag niya dito.
Bumangon ito at dahan-dahang humarap. He looked weak and defeated. Hindi na ito ang maangas na lalaki na gustong-gusto siyang gipitin para lang mapasunod siya sa gusto nito. Ibinuka nito ang bisig at humagulgol ito. Sa unang pagkakataon ay nagpakita ito ng kahinaan sa kanya. "Paloma, alam na nila lahat. Pinagtatawanan na nila ako at pinandidirihan. Sira na ang pangalan ko, ang pangarap ko. Gusto ko nang mamatay kaysa ako pa ang patayin ni Papa dahil sa kahihiyan. Ni hindi ko nga alam kung paano haharapin sila Mama. H-Hindi pa nila alam. Ang akala ng pamilya ko totoong lalaki ako. B-Baka kahit si Mama ayaw na sa akin. Anong gagawin ko?”
Hinaplos niya ang likod nito. Kakampi. Iyon ang tingin sa kanya ng lalaki. Dahil isang sekreto ang pinagsaluhan nila sa loob ng tatlong taon. Ngayon ay nabulgar na ang lahat at nakalagay sa alanganin ang kasikatan nito. At alam niya kung ano ang isinakripisyo ni Thirdy sa pagtatago ng pagkatao nito.
“Hindi ito ang katapusan ng mundo, Thirdy. Alam ko na mahirap dahil maraming mawawala sa iyo. Pero mahal mo ba si Bryan Uzon?” tanong niya sa lalaki.
Umaliwalas ang mukha nito. “N-Noong una akala ko nagbibiruan lang kami. Pero di siya katulad ng ibang naging boyfriend ko na interesado sa yaman ko. Mas mayaman siya sa akin. Gusto niya na magpakalayo-layo kami. Huwag na daw kitang habulin pa para sa career ko dahil kaya naming mabuhay sa abroad. Maganda ang negosyo niya sa Europe at hindi kami huhusgahan doon. We can love freely.”
“Bakit hindi ka sumama sa kanya?”
“H-Hindi ko pwedeng iwan ang pamilya ko na dismayado sa akin. Buong buhay ko gusto kong patunayan kay Papa na magaling ako. Na kahit di ako nag-military gaya niya at ni Kuya, kaya ko pa ring maging successful. And I failed him.”
Inilabas niya ang tissue sa bag at pinunasan ang basa nitong pisngi. “Thirdy, don’t feel sorry for being who you are. Kung nagiging totoo ka sa sarili mo at nagmamahal, huwag mong isipin na palpak ka. Sa palagay ko maiintindihan ka ng pamilya mo. At kung di ka man nila tanggapin, responsibilidad mo sa sarili mo na maging masaya.”
“B-Bakit mabait ka pa rin sa akin kahit na hindi maganda ang trato ko sa iyo? Tatlong taon kitang sinakal, Paloma. At nang subukan mong ibuka ang pakpak mo, pilit kitang hinihila pababa.”
Malungkot siyang ngumiti. “Ipokrita ako kung sasabihin ko na di ako nakinabang sa tatlong taong iyon. Ikaw ang tumulong sa akin nang panahon na wala akong trabaho . I was a failure then. Pero binigyan mo ako ng pag-asa na pwede pang marating ko ang kinalalagyan ko ngayon. Na magkakasama pa kami ni Jeyrick at matutulungan ko siya na maabot ang pangarap niya.”
“Gusto mo talaga siya.”
“Kaya kahit na sabihan ako na downgrade siya kumpara sa iyo, na baka ginagamit lang niya ako, siya pa rin ang gusto kong makasama. Masarap magmahal nang malaya, Thirdy. Maswerte ka kasi alam mo mahal ka rin ng lalaking mahal mo.”
“Hindi ka ba mahal ni Carrot Man?”
“Alam ko mahal niya ako pero ‘yung usapin ng relasyon, saka na natin pagkwentuhan iyan. Ikaw ang importante. H-Hindi mo dapat sayangin ang buhay mo dahil sa ganitong pagsubok. Gusto mo ba na ako ang magpaliwanag kay Tita Maita?”
Umiling ito. “Hindi. Ako mismo ang magsasabi sa kanila.” Tumayo ito at magkahawak-kamay silang lumabas ng kuwarto. Nakatutok agad ang mata ng lahat sa kanila. Itinaas ni Thirdy ang baba. “Mama, I’m gay.”
SAID na said ang pakiramdam ni Paloma nang makauwi sa condo niya nang ala una ng madaling-araw. It was a good ending for Thirdy. Natanggap ito ng ina at ng kapatid na nasa military. Ang mga ito na daw ang kakausap sa ama ni Thirdy. Ang mahalaga sa dalaga ay nalinis niya ang pangalan. Na wala siyang kinalaman sa pagkalat ng mga sensitibong video ni Thirdy. Dahil hanggang sa huli ay itinago niya ang sekreto ng lalaki. Di niya ito tinraidor.
Pagdating doon ay nagulat siya na naghihintay na sa kanya ang tiyahin at si Jeyrick. “Tita, Jey, bakit nandito kayo?” tanong niya.
“Nag-alala si Jeyrick sa iyo dahil hindi ka tumuloy sa Korean spa. Masama daw ang pakiramdam mo. So he came here to check on you. Tapos wala ka naman pala. Napasugod din ako dito dahil sa lumabas na videos tungkol kay Thirdy. A-Ano bang nangyari? Saan ba kayo nagpunta?” tanong ni Tita Bevz.
Pinagsalikop ng dalaga ang palad. Di niya alam kung anong sasabihin sa mga ito. “Paloma, nagpatingin ka ba sa doktor?” nag-aalalang tanong ni Jeyrick. “Sana sinabi mo para nasamahan kita. Nag-alala ako sa iyo dahil di kayo sumasagot sa tawag.”
Yumuko si Paloma. “Sorry. P-Pinapunta ako ng nanay ni Thirdy. Dahil sa eskandalo, muntik nang saktan ni Thirdy ang sarili niya. He was inconsolable.”
"Paloma, di mo dapat pinuntahan si Thirdy. Malaking gulo na ang eskandalo niya. Madadamay ka pa. Dapat nag-focus ka sa concert mo bukas,” sermon ng tiyahin.
"Kailangan po ako ni Thirdy. Kinausap ko po ang pamilya niya tungkol sa video. Para linawin na wala akong kasalanan.”
"Di ka na dapat humalo sa gulo. Kita mo pati si Jeyrick na dapat nagpapahinga rin para sa concert bukas inalala ka pa. Where is your mind?” mataas ang tonong angil sa kanya ng tiyahin.
"Okay na po ako, Tita. Magpahinga na kayo. Jeyrick, ikaw din,” sabi niya sa binata. Alam niya na marami itong tanong pero pagkatapos ng concert na niya sasagutin.
Nanatiling nakaupo sa sofa si Jeyrick. Matiim ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. “Bigyan mo ko ng sampung minuto, Paloma. Hindi ako aalis dito hangga't di ko nalalaman ang totoo.”
Tumikhim si Hepburn. “Ihahatid ko lang si Mama.”
Naiwan sila ni Jeyrick sa sala. Nailang siya dahil di pa siya handa na harapin ito sa ngayon. “Gusto mo ba ng…”
“Totoo ba na peke ang relasyon ninyo ni Thirdy?" putol nito sa tanong niya. Marahan siyang tumango. "Alam mo na sa simula pa lang na hindi ka niya mahal? Nagpapanggap lang kayong dalawa? Minahal mo ba siya?”
Nanginig ang labi niya na umiling. “H-Hindi ko siya minahal. It was all an act.”