Nagdilim ang mukha ni Jeyrick. “Ibig sabihin totoo ang mga ibinintang sa inyo ni Amirose?” Nang tumango siya ay nasabunutan nito ang sarili. “Anong ginagawa mo sa buhay mo, Paloma? Paano ka nagkaganito?"
Paloma’s heart was shattered. Kung dismayado ang binata sa kanya noon, parang nadoble ang pagkadismaya nito sa kanya ngayon. She was tainted. Nabuhay siya sa panlilinlang ng tao. Kung anumang kompiyansa ang binuo niya sa binata nang nagdaang buwan ay mistulang kastilyong buhangin na sinalpok ng alon. Gumuguho na lang sa harapan niya. Tinatangay pati ang pagmamahal niya dito.
Niyakap ni Paloma ang sarili. "Wala na akong offers noon na projects, Jeyrick. May pamilya ako na umaasa sa akin. Si Mama kapapanganak pa lang no'n at ang option na lang pumunta ako sa abroad para maging entertainer. Ayaw ni Mama dahil minsan na niyang naranasan na magtrabaho sa abroad. It was traumatic for her. Ayokong maobliga si Nanay na magtrabaho din nang mabigat para tulungan ang padrasto ko. May bukid si Tatay pero tagtuyot noon. Di ko gusto na maghirap ang pamilya ko” Lumunok siya. “Then came Thirdy's offer. Kailangan niyang itago ang gender preference niya. Nasa military ang papa niya at nagkakahinala nang bakla siya. Baka daw mapatay siya. So, he got me to pretend.”
“Bakit nanatili ka sa mundong ito, Paloma? Bakit ka pumayag na gawin iyon?"
Pagak siyang tumawa. Parang napakadumi niyang babae sa tono nito. “Oo, nagpanggap ako na mahal ko siya pero di ko siya niloko. Siguro nagpanggap kami sa ibang tao para sagipin ang mga career namin pero ganoon talaga sa mundo na ito. Di lang talento ang puhunan.”
“Kaya okay lang na manloko ng tao.”
Mapait na ngumiti ang dalaga. “Huwag mo akong husgahan, Jeyrick. Nandon ako nang kailangan mo na magpanggap na boyfriend si Beliza.”
“Alam mo na wala akong ibang pagpipilian,” depensa ng lalaki.
“Ganoon din ako. Wala akong ibang pagpipilian. Ayokong bumitaw sa mga pangarap ko. Hindi ako proud sa ginawa ko pero mas masisikmura ko iyon kaysa ibenta ang katawan ko. Iyon lang ang alam ko para maka-survive sa industriya na ito. Dahil wala akong ibang alam na gawin kundi mag-perform, Jeyrick. Ayokong maging talunan. Iniisip ko na lang na artista ako at role ko na maging nobya niya. Sinikmura ko ang mga insulto galing kay Thirdy at ng ibang tao na walang tiwala sa akin, ang maging sunud-sunuran basta may trabaho lang."
Naningkit ang mga mata ng binata. "Kapit ka rin ba sa patalim nang makipaglapit ka sa akin noon?”
"Babalik na naman ba tayo dyan, Jeyrick?"
Kinuyom nito ang palad. "Gusto kong malaman kung ano ba talaga ako sa buhay mo. Kung ano ba talaga itong mundo na pinasok ko. Anong mga klaseng tao ang nasa paligid ko? Kasi baka pati ako di ko na kilala ang sarili ko. Ano ba ang totoo? Paano kung kailanganin kong gawin ang ginawa mo…"
“Hindi ako papayag na mangyari iyon, Jeyrick. Nangako ako sa iyo na hindi mo kailangang magpanggap na ibang tao para kumita. Hindi mo kailangan na maging katulad ko na kailangang magpanggap na mahal ang isang tao para mabuhay kahit di ako masaya. Mahal kita kaya poprotektahan kita.”
Umiling ako at umurong. “Hindi ko alam, Paloma. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong paniwalaan na galing sa iyo.”
Humakbang si Paloma palapit sa binata. “Jeyrick, ako pa rin naman ito. Maaring nagsinungaling ako nang ilang beses pero di ibig sabihin buong buhay ko hindi na ako naging totoo.”
“Sino ang totoong ikaw at sino ang hindi? Kailan ko malalaman kung nagpapanggap ka lang at nagiging totoo sa akin?” tanong ng binata habang patuloy sa pag-urong. Animo’y natatakot ito na madikitan niya na parang may sakit siya na nakakahawa. “Pabayaan mo muna ako, Paloma. Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung tama na manatili ako sa mundong ito na puro pagpapanggap,.”
Walang nagawa ang dalaga na nagmamadaling lumabas ng condo niya. As if he couldn’t stand the sight of her. Naupo siya sa sofa at tahimik na humagulgol. Hindi siya tanggap ni Jeyrick. Dahil lahat ng gawin niyang maganda, kahit na anong pagmamahal ang ibigay niya dito, isang huwad ang tingin nito sa kanya.
“ATE PALOMA, I love you. You are the best.”
Sa unang pagkakataon ay ngumiti ang dalaga habang yakap ng kapatid na si Kitty. Ayaw sana niyang lumabas sa kuwarto at magkulong na lang buong maghapon. O mas maganda kung buong buhay niya. Pakiramdam niya ay wala na siyang mukhang maihaharap kahit na kanino ngayong kalat na kalat na ang video ni Thirdy at ng mga naging boyfriend nito kahit noong panahon na may relasyon pa sila.
Dahil walang official statement mula sa kampo niya, nagkanya-kanya ng opinyon ang mga tao. May naaawa sa kanya dahil niloko daw siya ni Thirdy. Na kaya daw siya nakipaghiwalay dahil nalaman na niya ang totoo. Pero higit na tumatak sa mga tao ang sinabi ni Amirose na nagpanggap lang siyang nobya ni Thirdy noon. At natatakot siya na wala nang dumating sa concert nila ni Jeyrick o ito lang ang I-cheer ng tao.
Kung di dumating ang pamilya niya, baka di na siya lumabas ng kuwarto. Hindi niya alam kung kakayanin niyang mag-perform mamayang gabi. Parang gusto na nga niyang pauwiin ng Cotabato ang pamilya niya dahil baka mapahiya lang siya. Gusto niyang protektahan ang mga ito sa kahihiyan at kalupitan ng mundong ginagalawan niya.
“Bernardo, dalhin mo muna si Kitty sa pool,” sabi ni Aling Erminda. “Doon lang kami ni Paloma sa kuwarto.” Nang silang dalawa na lang ay hinawakan ang nanay niya ang kamay niya. “Kumusta ka na?”
Kumawala ang lahat ng emosyong kinikimkim niya at yumakap dito. "Nanay!"
“Totoo ba na nagpanggap ka lang na girlfriend ni Thirdy Concepcion?" tanong nito.
"Opo. Wala na po kasi akong project no'n. Ayoko na pong maging walang-wala gaya nang dati,” paliwanag niya dito. “Sabi ko naman po gagawin ko po ang lahat para sa inyo. Para di kayo mawala sa amin.”
Pumalatak ito habang nangingilid ang luha. “Pero di mo kailangang isakripisyo ang sarili mo, anak...