Chapter FCM4: FMBYS 74

...Maiintindihan ko naman kung mahirap ang buhay. Hindi ka dapat hinayaan ni Bevz na pumasok sa ganoong klaseng kasunduan. Nakausap ko siya tungkol dito at sabi niya normal lang daw iyon sa showbiz. Hindi ka niya dapat ipinahamak. Hindi ako natatakot maghirap kung iyon ang paraan para maprotektahan kita. Kung nalaman ko lang ito noon, hindi ako papayag na magtagal ka pa sa showbiz.” Sa huli ay napayuko ito. “Pero sabi niya sa akin ano daw ang karapatan ko na magsalita tungkol sa buhay mo kung matagal na panahon akong nawala. Kung kaya ko daw ibigay sa iyo ang mga pangarap mo. Pakiramdam ko wala akong kwentang nanay sa iyo.”

“Nay, huwag na po ninyong sisihin ang sarili ninyo. Responsibilidad ko po ang sarili ko. Ako po ang nagdesisyon. Nalulungkot lang po ako na inilagay ko kayo sa kahihiyan. Iisipin ng mga tao na wala talaga akong talento. Na manggagamit ako.”

Padarag na pinahid ng nanay niya ang sariling luha. “Subukan lang nilang sabihin sa harap ko na wala kang talento at paduduguin ko ang nguso nila.”

Natawa siya at isinubsob ang mukha sa balikat ng ina. “Nanay talaga.”

“Alam ko na nagkulang ako sa iyo pero talentado ka, anak. Pinaghirapan mo kung nasaan ka man ngayon. Pero kung di ka na masaya, umalis ka na sa showbiz. May resort na tayo. Pinaghirapan mo iyon. Pwede kang bumalik sa pag-aaral kung gusto mo. Hindi ito ang limitasyon ng mundo mo, anak. Malawak pa ang mundo. Di lang ang showbiz ang basehan ng tagumpay ng tao. At may negosyo ka rin kasama si Jeyrick…”

“Baka di na po niya ako gustuhing makita. Kahit anong sabihin ko sa kanya, pakiramdam niya nagsisinungaling ako at lagi siyang gagamitin. Lagi na lang kaming ganito, Nanay. Lagi na lang po kaming pinaglalayo. Parang laging di tama na magkasama kaming dalawa,” aniya sa mapait na boses. “Kahit gaano namin kamahal ang isa’t isa, parang wala na kaming pag-asa na magkasama.”

“Kaya mo ba talagang iwan si Jeyrick sa pagkakataong ito?”

Tumango siya. "Sikat na po siya. Matapos ang concert na ito, mapapatunayan niya ang talento niya. Na di siya sumikat dahil lang magaling siyang magbuhat ng carrots. Para naman po talaga sa kanya ang kasikatan na iyon. Isinakripisyo lang niya para sa akin. Baka hilahin ko lang siya pababa kung mananatili ako sa tabi niya. Mamaya po sa concert magpapaalam na ako sa kanilang lahat.”

"TUMAWAG na ba si Jeyrick?" tanong ni Paloma kay Hepburn habang inaayusan siya ng make up artist sa dressing room ng KIA Theater.

“Hindi pa nga daw. Nagpa-panic na ang mga staff at organizer. Dalawang oras na lang bago ang concert pero di pa rin siya nagpapakita.”

Nanlamig ang kamay ni Paloma. Pinili pa rin niyang I-honor ang commitment niya sa mga fans at organizers hanggang sa huling sandali. Dahil maaring may masabi sa personal na buhay niya ang mga tao o sabihing kumapit siya sa malakas kaya nagkatrabaho pero lagi niyang hino-honor ang commitment niya sa mga projects.

Pero maaring di ganoon ang pakiramdam ni Jeyrick. He felt betrayed. Paano kung gusto na lang nitong tumakbo palayo at bumalik sa simple nitong buhay? Paano kung naisip nito na di iyon ang mundo na gusto nitong galawan?

She could remember the disgust in his eyes when she told him the truth. Hindi niya ito masisisi. Kakatwa ang mundo ng showbiz. Dahil sa mundong ito, ang peke ay pinalalabas na totoo habang ang mga nagsasabi naman ng totoo ay hinihila pababa. Di lang talento ang libangan ng mga tao kundi ang buhay mismo ng mga tao doon. At may mga tao na masaya kapag nasisira ang buhay ng iba.

Bumukas ang pinto ng dressing room at nasiyahan ang tiyahin nang makita na maganda ang pagkaka-make up sa kanya. “Beautiful! Marami nang tao sa labas. Nagtatanong na rin ang mga reporter kung kailan ang repeat ng concert ninyo at kung dadalhin daw natin sa Davao at Cebu. What do you think?”

Hindi makasagot si Paloma dahil iyon na ang huling gabi niya sa showbiz. Wala na siyang ibang commitment. “Si Jeyrick po ba dumating na?” sa halip ay tanong niya. Ni di niya alam kung maitatawid niya ang gabing iyon dahil baka naunahan pa siya ni Jeyrick na mag-quit.

"Paloma, mag-focus ka. You can't be too distracted. Ako ang mamomoroblema kay Jeyrick. May dalawang oras pa bago ang concert. Relax.”

Pero hanggang tatlumpung minuto bago ang concert ay hindi niya nadama ang presensiya ni Jeyrick. Naririnig na niya ang hiyawan ng tao kapag ipinakita ang mga music video nila ni Jeyrick pati na rin ang tourism video ad nila para sa Mountain Province. Hindi na siya nagtanong dahil abala ang lahat.

Nag-iipon-ipon na sila sa backstage at magkakahawak-kamay na nakapaikot para manalangin sa tagumpay ng concert nila. “Si Jeyrick nasaan na?” tanong ng assistant director.

“Heto na po siya,” anunsyo ng isa sa production assistant.

Nakahinga nang maluwag si Paloma nang makitang nakasuot na ito ng outfit nito para sa production. It was an elaborate Igorot traditional dress. He looked like a warrior. Habang si Paloma naman ay mukhang diyosa sa gown nila. They were from two different worlds. Pero pinagsama daw sila ng tadhana.

“Who will lead the prayer?"

"Ako," sabi ni Jeyrick at tumayo sa tabi niya. Nagulat pa ang dalaga nang hawakan nito ang kamay niya. Nagdasal siya ng pasasalamat, isang personal na dasal sa isipan niya dahil nagpakita ito. Di siya nito iniwang mag-isa.

Matapos ang dasal at naghiwa-hiwalay na ang lahat para gawin ang kanya-kanyang trabaho ay di binitawan ni Paloma ang kamay ng binata. "Jeyrick..."

"Paloma, alam ko na may isyu tayo pero kalimutan mo muna ang lahat. Ituon muna natin ang atensyon sa concert natin. Ito na ang gabi ng mga pangarap natin. Ng pangarap mo. Maraming naghihintay sa atin.”

Tumango siya at ngumiti. “Salamat. Galingan natin.”

Sa ilang sandali, bumalik sila sa pagiging Paloma at Jeyrick na laging magkakampi. Ibibigay niya ang lahat dahil maaring ito na ang huling sandali na makakapag-perform sila ng binata na magkasama.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.