Mariing nagdikit ang mga labi ng babae na parang nauubusan na ng pasensiya sa kanya. “You know what? Masyado ka lang nag-enjoy dito sa isla. Yes, I can see the appeal. White sand beaches, clear water, fresh air, walang polusyon, walang stressful urban life. Pero ito ba talaga ang importante sa iyo? Walang nang mas mahalaga pa kay Ethan Ravales kundi ang pag-arte. You breathe and eat show business. Nasobrahan ka lang sa bakasyon. Kaya para matulungan kita, sasama ka sa akin pabalik ng Manila.” Ngumiti ito sa kanya. “Then you will sign the movie contract with me. Isipin mo ang paparating na endorsement na magkasama tayo at ang top grosser romantic movie natin. Iyon ang buhay na para sa iyo, Ethan. Iyon ang importante sa iyo. We are partners. I can help you.” Inilahad nito ang kamay saka nag-aanyayang. “Let’s g...”
"Ethaaaaaan!" Naputol ang pag-uusap nila nang marinig niya ang pamilyar na tili. Sabay silang napatingi sa pinanggalingan ng boses at nakita niya ang isang pamilyar na pigura ng babae napapalapit sa kanila.
Si Paola ba iyon? “What the hell?” bulalas niya. Pati ba naman ito ay nasa isla din? "What is she doing here?" tanong pa ni Ethan. Iritado at nagdududa niyang binalingan si Shaira. "Is she with you?"
"No. We're not close,” may katarayang sabi nito at bakas ang iritasyon sa mukha na parang ayaw nito sa presensiya ni Paola.
"Ethaaan! Na-miss kita!" patiling sabi ni Paola at padamba siyang niyakap. Muntik na siyang matumba sa buhangin at natabig pa niya si Shaira. Pero gaya ng dati, walang pakialam si Paola basta makayakap lang sa kanya. Kahit nang PA na niya ito ay hindi pa rin nito mapigilang mag-fangirl sa kanya.
“I miss you, Ethan,” anito at mahigpit siyang niyakap. Oh, no! He was in hell! Imagine, ganito ang nakikita ng mga taga-isla sa kanila.
"Stop. You might kill him. You're holding him too tight," aniya kay Paola. “I need my leading man in one piece and unscathed.”
Inirapan ng PA niya si Shaira. "Inggit ka lang. Hindi ka kasi nakayakap sa kanya.”
"I don't have to do that. I'm not a pervert.”
"So, ano'ng gusto mong palabasin? Pervert ako ganoon?"
"Absolutely."
Nanlaki ang mga mata ni Paola saka itinaas ang manggas ng T-shirt nito. "Aba't! Naku, Ethan! Pigilan mo ako, baka masabunutan ko 'tong leading lady mong hilaw!"
"What are you doing here, Paola? And how did you know that I am here?" tanong ni Ethan at pumagitna sa dalawa bago pa tuluyang magkasabunutan ang mga ito. The island was a peaceful place. Ayaw niyang isipin ng mga tao doon na siya pa ang nagdala ng gulo sa isla.
"Hindi na importante kung paano ko nalaman itong kinaroroonan mo. Ang importante, nandito na ako para sunduin ka. Baka kasi hindi mo na alam kung paano bumalik sa Manila sa tagal mo rito sa uncivilized island na ito. As your PA and your number one fan, I feel obligated to bring you back to the city. Ang dami ng naghahanap na fan sa 'yo, eh. Hindi ko na alam kung anong palusot at pagtatakip ang sasabihin ko sa kanila," ani Paola. “Andiyang sinabi ko na nasa Bhutan ka at may meeting sa Dalai Lama.”
“Wala sa Bhutan ang Dalai Lama,” aniya sa malamig na boses.
“Wag kang mag-alala. Inilipat naman kita sa isang templo sa Nepal dahil naghahanap ka ng enlightenment at walang internet doon.”
“Dahil lumindol doon,” usal niya at mariing pumikit. “No wonder nagpa-panic ang mga fans ko.”
“E di sa parte ng Nepal na di nilindol. Naubusan na kasi ako ng pagdadalhan sa iyo kaya sana bumalik ka na. Ayoko nang magsinungaling sa mga fans mo at magpaliwanag kung bakit wala kang picture o update sa social media account mo. Pa-throwback-throwback na nga lang kami ng pictures mo para visible ka pa rin. O gusto mong sabihin ko sa kanila na nandito ka sa Isla Juventus in the middle of nowhere?”
Huminga siya ng malalim. Of course. Kailangang magsinungaling nito para protektahan ang career niya. Ginawa niyang mahirap ang trabaho ni Paola. “No! Huwag na huwag mong gagawin iyan. I will hate if you do that.”
“Hate? Hate mo na ako dahil lang sa islang ito?” anang si Paola at sumibi. “Ang tagal-tagal kitang minahal at pinagsilbihan tapos isang buwan ka lang sa islang ito, ginaganyan mo na ako?”
Hinaplos niya ang buhok ni Paola. “I am sorry. I didn’t mean to hurt you.”
"Wag mong sabihing hindi ka pa rin sasama pabalik ng Manila, Ethan? I can't believe this. My god! What has happened to you? Why are you so stubborn? Ano bang meron sa Islang 'to at ayaw mong umalis? " iritableng tanong ni Shaira at mukhang malapit nang mapatid ang pisi nito sa kanya.
“Mabuti pa, magtulong na lang tayo na iuwi siya sa Manila,” suhestiyon ni Shaira at hinawakan siya sa braso.
“Ay! May tama ka diyan, ‘te!” anang si Paola at hinawakan ang isa pa niyang braso. “Gora na ‘te. My boat is waiting over there.”
“At bakit naman isasakay ko siya sa bangka mo? Ako ang unang nakakita sa kanya. Kaya dito siya sa bangka ko,” kontra naman ni Shaira at hinatak siya sa kabilang direksyon.
“Ikaw nga ang unang nakakita pero natatakan mo ba? Wala. Ako ang PA niya. Alam ko ang lahat sa kanya pati tatak at size ng brief niya. Kaya akin siya,” anang si Paola at malakas siyang hinatak sa kabilang direksyon.
“Ahhhh! What are you two doing? Nasasaktan ako!” angal ni Ethan. Mukhang payat ang dalawang babaeng ito pero parang amazona kung makahatak.
“Tiisin mo iyan, Ethan. Kung noong una pa lang sumama ka na sa akin, di ka na sana nasasaktan,” nanggigil na sabi ni Shaira.
Natigil ang paghahatakan ng mga ito nang isang chopper ang umikot sa ulunan nila. “Oh! It’s a bird,” sabi ni Paola.
“Shunga! Chopper iyan,” sabi naman ni Shaira.
Di sana niya iyon papansinin kundi lang tumigil iyon ilang metro mula sa kanila. Sumaboy ang buhangin sa paligid at kinailangang takpan ni Ethan ang mga mata para di masabuyan ng buhangin. Isang pigura ng babae ang bumaba mula sa helicopter. Nakilala agad niya ito.
“It’s Icca,” usal niya sa pangalan ng manager. And he was in deep shit.
Of course, hindi magpapahuli ang manager niya. Nagawa pa din nitong makahabol sa kabila ng utos niya sa kapatid na aliwin ito. And knowing Icca, she always wanted a grand entrance. She was wearing skinny jeans, white tank top and flats. She still looked immaculate and even fiercer. Di nito alintana habang hinahangin ang buhok nito dahil sa pag-ikot ng elisi ng chopper at nabulabog ang buhangin sa paligid nito.
At sa palabang lakad nito, kailangan na niyang ihanda ang sarili sa galit nito.