“TIYA MANUELA, kayo na po ang bahala sa mga kaibigan ko,” bilin ni Ethan sa matandang babae na naglalabas ng malilinis na kumot at punda ng unan mula sa aparador para magamit ng tatlong babae. “Mababait naman po sila. May mga tanong lang sila at kung anu-anong request. Huwag na lang po ninyong pansinin.”
Ang pilotong kasama ni Icca at ang lalaking kaibigan ni Shaira ay pinatuloy muna niya sa bahay ni Kapitan Robredo. Malugod naman itong tinanggap ng kapitan na mas mabait na sa kanya mula nang dalhin niya ang mga doktor at nurse sa Isla Juventus. Wala siyang problema dahil mukha namang di maselan ang mga ito.
Ang inaalala lang niya ay sina Shaira at Icca. Di man nagrereklamo ang mga ito pero nakita niya ang pagkadismaya sa mukha ng mga ito nang malamang walang kuryente sa isla, walang hot and cold shower at walang internet. Hindi rin kutson ang hihigaan ng mga ito. And there would probably be lots of questions. Anong ginagawa niya sa islang iyon? Ano ang dahilan bakit nagtagal siya doon?
“Napansin ko naman na hindi sila nagrereklamo kahit na di naman ito ang nakasanayan nila. Tama ba ang narinig ko? Sasama ka na sa kanila bukas?”
Marahan siyang tumango. “Opo. Pero di po ako aalis hangga’t hindi maayos si Aurora. Importante po siya sa akin.” Sa halip na maaalagaan pa niya nang mas matagal si Aurora ay kailangan na niyang magpaalam dito. “Sana po huwag na lang ninyong banggitin ang tungkol kay Aurora sa mga kasamahan ko.”
Gusto niyang maging sekreto ang presensiya ni Aurora. He could say that she was her weakness. At natatakot siya na kapag may nakaalam ng impormasyon tungkol dito ay pwedeng gamitin laban sa kanya. Di niya sinasabing ipapahamak siya ng kahit sino sa tatlong babae. Pero may kanya-kanyang interes ito sa kanya. Hindi niya pwedeng ilagay sa alanganin si Aurora lalo na’t mahina pa ito ngayon.
“Ako na ang bahala sa mga kaibigan mo,” sabi ni Tiya Manuela. “Puntahan mo si Aurora dahil baka gising na iyon at hinahanap ka.”
“Salamat po.” Magaan ang paa niya na nagtungo sa kabilang bahay. Subalit papasok pa lang ng bahay ay hinarangan na siya ni Manoy Gener. “Anong gulo ang nangyari kanina? Tatlong babae ang nag-aagawan sa iyo at idinala mo pa talaga sila dito sa isla para pagkaguluhan ka. Napanood na kayo ng lahat.”
Darn! Wala talagang sekretong maitatago sa islang iyon. Isa pa, kitang-kita naman ng lahat kung paano siyang pilitin ng tatlong babae para umalis ng Juventus. Pinagpiyestahan na siya ng mga tao doon at kung anu-anong espekulasyon na ang nabuo sa isipan ng mga ito.
“Sandali po. Magpapaliwanag po ako,” apela ni Ethan.
“Sino sa kanila ang totoong asawa mo? Di ka na nahiya. Niloloko mo ang anak ko. Gusto mo siyang gawing kahihiyan. Giatay ka!” At inamba ng matandang lalaki ang tungkod para bambuhin siya. “Di mapagkakatiwalaan ‘yang itsura mo.”
Itinaas ni Ethan ang mga kamay. “Hindi ko po niloloko si Aurora! Wala po akong asawa o nobya. Kaibigan ko lang po sila. Mga katrabaho. Kailangan po nila akong sunduin dahil may importante po akong trabaho sa Maynila.”
Naningkit ang mga mata ng matandang lalaki. “Tumakas ka sa mga responsibilidad mo sa Maynila. At ngayon anak ko naman ang tatakasan mo.”
Pinatigas niya ang dibdib. “Napag-usapan po natin ito ni Aurora noon pa. Alam po niyang aalis ako.”
Hindi na lang niya sinabi sa matandang lalaki na niyaya niya si Aurora na sumama sa kanya sa Maynila para maituloy nito ang pangarap nito. It won’t help his case right now.
“Ano ito? Iiwan mo siya? Paasahin mo lang ang anak ko na babalik ka?”
“Babalikan ko po si Aurora,” matatag niyang sabi. Kahit anong mangyari ay babalik siya.
“At kailan naman iyon?”
“Kapag po naayos ko na ang trabaho ko sa Maynila. Kapag po naayos ko na ang lahat ng kailangan. Kapag nagawa ko na po ang responsibilidad ko.”
“At kailan ulit iyon?”
Hindi siya makasagot dahil di rin niya alam. Pagbalik niya sa Manila ay tiyak na tatamabakan siya ng trabaho ni Icca. Tanggapin nito ang lahat ng projects na pwedeng makuha para sa kanya. Malamang ay matutuloy muli ang pelikula nila ni Shaira at di niya matatanggihan ang Hollywood movie. Magkakapanahon pa ba siya para bumalik ng Isla Juventus nang walang mga matang nakasunod sa kanya? Malabo.
Pakiramdam niya ay pabalik na naman siya sa madilim na lagusan na minsan niyang tinakasan. Maisip pa lang niya iyon ay parang di na siya makahinga.
“Ano? Hindi ka makasagot dahil di m o na babalikan si Aurora,” sikmat ni Manoy Gener.
“Kuya Gener, hayaan mo na si Alvaro,” singit ni Tiya Manuela. Pumunta siguro ito doon dahil naramdaman nitong magtatalo na naman sila ni Manoy Gener. Kailangan nila ng tagaawat. “Sa halip na nagbabantayan siya kay Aurora, namomoroblema pa siya sa iyo. Hayaan mo na silang dalawa. Di iyan makakatulong sa paggaling ni Aurora. Kailangan niya si Alvaro sa tabi niya.”
Humakbang sa tabi si Manoy Gener para magbigay-daan. “Nagkampihan na naman kayo laban sa akin. Inaalala ko lang naman ang anak ko.”
“Kapakanan lang po ni Aurora ang inaalala ko. Ayoko po siyang masaktan. Ayoko po siyang iwan. Pareho po natin siyang mahal. Pero kailangan ko rin pong umalis para sa ibang tao na umasa din sa akin. At alam ko po maiintindihan iyon ni Aurora,” sabi niya at umupo sa tabi ng dalaga.
“Oo na. Pagdating sa iyo, ikaw na lang ang pinakinggan ni Aurora,” sabi ni Manoy Gener at iniwan sila. Ngumiti siya kay Tiya Manuela at tumango naman ito sa kanya.
Ginagap niya ang kamay ni Aurora at pinapaypayan ito sa umaaligid na insekto. Wala siyang pakialam kung mapagod man siya o hindi ulit makatulog. Ayaw niyang alisin ang tingin sa dalaga. Ilang sandali na lang ang nalalabi sa kanila.
Marami siyang gustong sabihin kay Aurora bago siya umalis. Subalit malabo na magising ito dahil mahimbing pa rin ang tulog nito.
Sa huli ay inilabas niya ang cellphone at kinausap ito habang nahihimbing. Ini-record niya ang lahat ng gusto niyang sabihin dito. Ito na lang ang paraan para masabi niya ang lahat ng nilalaman ng puso niya habang may pagkakataon pa.