Chapter FE: TDTYS 51

MABIGAT ang loob ni Ethan nang i-empake ang mga gamit habang ang grupo nina Icca ay nasa may dalampasigan. Alam niyang gustong-gusto nang umuwi ng mga ito. Sumaglit lang siya para maligo at ibasta ang mga gamit. Hindi siya makapaniwala na aalis siya. Hindi man lang niya naihanda ang sarili. Di niya naihanda si Aurora. At dalawang oras na lang ang nalalabi sa kanya.

Maghapon niya itong binantayan pero pagising-gising lang ito. Ni hindi pa nga ito halos makabangon at bumabalik din agad sa pagtulog. Kaya naman di niya ito nakausap.

Nang bumalik siya sa bahay ng dalaga ay pinapalitan na niya ang dextrose. Pumitlag ang puso niya nang makitang gising na ito. “Kumusta na siya?” tanong niya kay Dinah na siyang nurse ng dalaga. “May lagnat pa rin ba siya?”

“Don’t worry. Ito na ang huling dextrose niya. She is out of danger. Pawala na rin ang lagnat niya at kung hindi babalik ay magandang senyales iyon. Gusto mo bang ikaw ang magpakain sa kanya? Luto na ang champorado.”

“Salamat,” aniya at umupo sa tabi ng dalaga.

Ngumiti sa kanya si Aurora. Mahina ang ngiti na iyon. “Kumusta?”

Naramdaman niya ang pamamasa ng mga mata. “Ikaw ang dapat kong kumustahin. Masama pa rin ba ang pakiramdam mo?”

Umiling ito. “Ayos lang ako. Medyo mahina lang at gutom.”

Magaan siyang tumawa at sinubuan ito ng champorado. Malalambot na pagkain lang ang pwede nitong kainin. “Tinakot mo ako. Hindi mo pala sinabi sa mga tao dito na may sakit ka. Alam mo ba na nakita na lang kitang nakabulagta sa sahig.”

Umungol ang dalaga. “Huwag ka nang magalit. Akala ko kaya ko. H-Hindi ko alam na ganoon pala katindi ang sakit na iyon at nakakahawa. Pero ligtas naman ang mga tao, hindi ba? Walang namatay sa kanila?”

Marahan siyang tumango. Mas uunahin pa talaga nitong isipin ang ibang tao kaysa sa sarili nitong kondisyon. “Wala. Naagapan naman ang sakit nila.”

“Ang galing!” sabi nito at ihinilig ang katawan sa kanya. Saka siya nito niyakap kahit na nanghihina. Gusto niyang maalarma dahil masasaktan ito sa nakakapit na dextrose. Pero sa huli ay hinayaan niya ito. It would be the last time that he would feel her touch. Hindi niya alam kung kailan mauulit iyon. O kung mauulit pa.

“Kailangan mong kumain para lumakas ka.”

Nanghihina pa si Aurora pero nagawa pa nitong magpakwento kung paano niya natagpuan ang mga doktor at nurse na tutulong sa kanila. Gusto daw nitong magkwento subalit nanghihina pa ito. At the back of his head, he knew that the time was ticking.

“Alvaro, pwede mo bang kantahin ‘yung kinanta natin sa dula?” tanong nito.

“Alin doon?”

“Ginhiyap ka han inagi nga adlaw,” panimula nitong kanta.

Nang sabayan niya itong umawit ay parang pinipiga ang puso niya. Tungkol iyon sa dalawang magsing-irog na magkahiwalay na at malungkot na pinagmamasdan ang pagsikat ng araw habang iniisip ang isa’t isa. Saka niya naalala na iyon din ang gusto ni Aurora na kantahin niya kapag wala na sila sa isla. Naramdaman na ba nito na aalis siya? Iyon ba ang paraan ng pagpapaalam sa kanya ng dalaga?

“Duyog an pagtangis gindumdom ko ikaw.”

Nang mabigkas niya iyon ay napansin niyang nakapikit na ang dalaga. Nakatulog na ito. Kinintalan niya ito ng halik sa noo. “I love you,” bulong niya at tumayo.

He left her side with a heavy heart. Nang lumabas siya ng bahay ay nakaabang na doon ang ibang taga-isla. Nagpaalam siya sa mga tao doon sa isang buwang pag-aalaga sa kanya. Naroon ang mga naging kaibigan niya at itinuring nang pamilya. Hindi niya makakalimutan ang mga ito. “Maraming salamat po, Manoy Gener, Kapitan Robredo.” Isang matigas na tango ang isinagot ng ama ni Aurora.

Kinamayan siya ni Kapitan Robredo. “Salamat sa pagtulong mo sa amin. Bumalik ka lang dito, ha? Bukas ang isla para sa iyo.”

“Ako na ang bahalang mag-alaga kay Ate Aurora, Kuya,” sabi ni Kenzo. “Walang makakaporma doon.”

Ginulo niya ang buhok nito. Parang kapatid na ang turing niya dito. “Iniwan ko ang jacket ko at ilang T-shirt na gusto mo. Sa iyo na iyon. At tandaan mo ang sinabi ko sa iyo na mag-aral ka ng kolehiyo. Ituloy mo ang pangarap ng nanay mo sa iyo.”

Napakamot ito sa ulo. “Pag-iisipan kong mabuti, Kuya.”

Niyakap niya si Tiya Manuela. “Salamat po sa pagtratong anak sa akin.”

“Salamat din dahil habang nandito ka ay tumino-tino naman itong si Kenzo. Nasabi mo ba ay Aurora na aalis ka?”

Umiling siya. “H-Hindi po ako nagkarooon ng pagkakataon. Maari po bang ibigay ninyo ito kay Aurora?” At ibinigay niya ang cellphone dito. “Sabihin po ninyo kay Aurora na pakinggan niya iyan. Nandiyan po ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya.”

“It is time to go, Ethan,” sabi ni Icca at ikiniling ang ulo.

Tumango siya at sumama dito na sumakay ng chopper. Di niya inaalis ang tingin sa isla at sa mga tao doon na humabol sa kanya hanggang sa dalampasigan. Naiwan niya ang puso sa Isla Juventus. Naiwan niya doon si Aurora.

Subalit hindi siya papayag na magkahiwalay sila nang matagal. Gagawin niya ang lahat para lang makasamang muli ang dalaga.

“TIYA, nasaan po si Alvaro?” tanong ni Aurora kay Tiya Manuela habang pinapakain siya ng arroz caldo. Napansin niya na pangatlong araw nang wala ang nobyo. “Hindi pa po ba siya babalik mula sa Calbayog? Nasasabik na po ako sa kanya.”

“Ah! Baka may inaasikaso pa siya. Kumain ka lang nang kumain,” anang tiyahin at muli siyang sinubuan. “Basta bilin niya sa akin ay alagaan ka.”

Nang magising si Aurora ay parang nagulpi ang buong katawan niya. Matiyaga daw siyang binantayan ni Alvaro at umalis lang nang matiyak na wala siyang lagnat. Naaalala niyang binantayan siya ng binata at pinakain siya nito. Kinantahan pa nga siya nito hanggang makatulog siya.

Itinuturing din itong bayani ng buong isla ngayon dahil sa pagkuha nito sa mga doktor at nurse na tutulong sa kanila. Dahil din dito, buwan-buwan na silang dalawin ng grupo nila Doctor Sevilla para bigyan ng serbisyong medikal. Di naman tumutol doon si Doktor Tagle dahil ang mga doktor din na iyon ang sumagip sa buhay nito. Ayon dito ay may hangganan ang kakayahan nito at may mga bagay na di nito kayang lutasin. Kaya naman tanggap na ng mga tagaisla ang makabagong medisina.

“Bakit hindi mo pa sabihin kay Aurora ang totoo, Manuela? Pati naman ikaw pinagloloko ang anak ko,” singhal ni Manoy Gener na nakasilip sa pinto ng kuwarto niya.

“Totoo po tungkol saan, Amay?”

“Tungkol sa nobyo mo. Habang nagdedeliryo ka, may tatlong babaeng dumating dito. Naka-helicopter pa nga iyong isa. Sinundo daw siya para bumalik ng Maynila. Malay mo ba kung asawa niya ang isa sa mga iyon.”

“T-Tatlong babae po? S-Sumama siya sa mga iyon?” Natulala si Aurora. Posible ba ang sinabi ng ama niya na iniwan siya ni Alvaro dahil may iba talagang babaeng nagmamay-ari dito. Hindi maari iyon. Mahal niya ako. Hindi niya ako basta-basta iiwan.

“Kuya, huwag mong gawan ng kwento si Alvaro. Katrabaho lang niya ang mga babaeng iyon. Ako mismo ang kumausap sa kanila,” depensa ni Tiya Manuela.

“Tiya, bakit po inilihim ninyo sa akin?” mangiyak-ngiak niyang sabi. “Umalis si Alvaro nang hindi man lang nagpapaalam sa akin. Bumalik ng Maynila kasama ang mga babaeng iyon. Ano pong iisipin ko?”

Nangilid ang luha ni Tiya Manuela at ginagap ang kamay niya. “Kasalanan ko dahil gusto ko na magpagaling ka muna. Pero iniwan nya ang cellphone niya. Nandiyan daw ang lahat ng gusto niyang sabihin sa iyo.”

Nanginginig ang kamay niyang kinuha ang cellphone. May note sa wallpaper ng cellphone na nagsasabing pakinggan niya ang recorded voice.

“Aurora, I am sorry if I have to leave this way. I don’t have a choice. Kung ako lang ang masusunod, gusto kong maiwan na lang sa isla para makasama ka. But I have responsibilities in Manila. Kailangan kong harapin ang mga iyon dahil nakasalalay doon ang kinabukasan at hanapbuhay ng ibang tao. Please don’t hate me. I promise that I will do everything so we can be together again. Gagawin ko ang lahat para matupad ang pangako ko na iyon. Magkakasama ulit tayo at magiging masaya gaya ng dati.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.