Napaawang ang labi niya habang nararamdaman na parang pinipiga ang puso niya sa sakit. Totoo nga. Iniwan na siya ng nobyo. Bumalik na ito ng Maynila nang di man lang nagpapaalam sa kanya. Parang lutang ang pakiramdam ni Aurora nang tumayo at naglakad palabas ng bahay.
“Aurora, saan ka pupunta?” tanong ni Tiya Manuela.
“Babalik po si Alvaro. Maghihintay ako sa dalampasigan. Sinabi niyang babalik siya,” aniya at tuloy-tuloy na naglakad. Ni wala siyang sapin sa paa. Di rin niya alintana na manipis lang ang suot niyang bestida at nag-aalimpuyo ang hangin. Gusto niyang hintayin si Alvaro. Ayaw niyang isipin nito na kinalimutan na niya ito. Naniniwala siya dito.
“Hindi ka pa magaling. Umuulan pa sa labas. Baka magkasakit ka na naman,” anito at pinigilan siya.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan niya habang pilit siyang ibinabalik ng tiyahin sa loob ng bahay. “Alvaro!”
TAHIMIK na umiiyak si Aurora habang nakaupo sa bintana ng kuwarto niya at pinagmamasdan ang malawa na karagatan. Hawak niya sa kamay ang cellphone ni Alvaro. Hindi niya alam kung ilang beses na niyang pinaulit-ulit na pakinggan ang voice record ng nobyo sa cellphone nito pero di pa rin siya nagsasawang pakinggan iyon. Iyon lang ang natitira niyang alaala sa binata.
“Anak, nagyayaya si Omar na mamasyal daw kayo sa Isla Azul. Pista doon bukas. Maganda ang panahon kaya tiyak na masisiyahan kayo pagpunta doon,” anang si Mang Gener at nilapitan siya.
“Dito lang po ako, Amay.” Baka dumating si Alvaro at di siya maabutan.
Lagi siyang nag-aabang sa bintana. Alerto siya tuwing may mga bangkang dumadaong dahil lagi siyang umaasa na si Alvaro na ang lulan niyon. Subalit sa huli ay nananatili siyang bigo. Subalit hindi siya nawawalan ng pag-asa. Matiyaga siyang maghihintay hanggang bumalik ito.
“At anong gagawin mo dito? Magmumukmok habang hinihintay mo ang pagbabalik ng lalaking iyon. Di ka na dapat maghintay dahil di na siya babalik. Katulad din siya ng nanay mo na pinaasa ka lang sa wala.”
Parang may kurdon na humila sa puso niya. Tumayo siya at hinarap ang ama. “Huwag po ninyong igaya si Alvaro kay Nanay. Babalik po siya dahil mahal niya ako. Gusto niya ang buhay dito sa isla. Magkakasama ulit kami.”
“Ganyan din ang sinabi ng nanay mo pero nasaan ba siya? Hindi na niya tayo binalikan at sumama siya sa ibang lalaki. Pero kung gusto mong magpakahangal sa dayo na iyon, ikaw ang bahala. Maghintay ka sa wala,” anito at iniwan siyang mag-isa sa silid.
Gusto niyang yakapin ang ama para sabihin dito na magkakampi sila. Na di nabawasan ang pagmamahal niya dito kahit na mahal niya si Alvaro. Pero kahit ano namang sabihin niya ay di pa rin makikinig ang ama.
Sa huli ay hindi rin niya natagalan ang katahimikan sa bahay. Pansinin-dili siya ng ama. Kaya lumabas na lang siya ng bahay kaysa mabaliw siya nang walang kausap.
Naglakad siya patungo sa talampas kung saan madalas silang magkasama ni Alvaro nang may tumawag sa kanya. “Miss! Miss, pwedeng magtanong?”
Nakapantalong maong ang babae at checkered na blouse. May cap ito at tumaas ang kilay niya nang makitang naka-boots ito sa dagat. Isang dayo. “May maitutulong ba ako?”
“Ako si Joseau Contreras. Reporter ako.”
Kumunot ang noo niya. “Reporter?”
Ano naman kayang ginagawa ng reporter sa lugar nila? Wala namang interesante doon maliban sa mga beach nila na may puting buhangin. O kaya naman ay baka nabalitaan nito ang pagkalat ng epidemya noong isang linggo. Tapos naman na iyon. Di niya alam kung anong interesante sa malit nilang isla.
“Ikaw si Aurora Carbonell, hindi ba?” Tumango siya. Inilabas nito ang cellphone at ipinakita ang mga picture ni Alvaro. “Nakikilala mo ba ito? Sabi kasi nila sa akin sa iyo daw ako magtanong tungkol kay Ethan Ravales.”
Tumaas ang kilay niya. “Ethan Ravales? Wala akong alam kay Ethan Ravales.”
“Pero ikaw daw ang nobya niya sabi ng mga tao dito.”
“Wala akong kilalang Ethan Ravales.” Pagak siyang tumawa nang maisip kung saan nito nakuha ang ideya. “Miss, kaibigan ka ba ni Crisanta? Siya ba ang nagsabi sa iyo na si Ethan Ravales ay nandito? Niyayabangan ka lang niya. Hindi si Ethan Ravales ang nakita niya. At lalong hindi si Ethan Ravales ang nobyo ko.”
Pambihira! May utu-uto talaga na nagpapaniwala sa kwentong pang-ilusyunada ng kaibigan niya. At isang reporter pa.
Tumiim ang anyo nito. “Miss, ilang linggo nang nawawala si Ethan Ravales. Sabi nasa isang temple siya sa Bhutan para mag-meditate. Pero walang kahit anong ebidensiya na umalis siya ng bansa. Sa panahong nawawala siya, nandito naman ang boyfriend mo sa Isla Juventus na nagkataong kahawig ni Ethan Ravales.”
Itinaas niya ang baba. “Alvaro ang pangalan ng nobyo ko.”
“Mismo. Alam mo ba na Laurethan Alvaro Baltazar ang totoong pangalan ni Ehan Ravales? Screen name lang niya ang Ethan Ravales.”
Nahigit ni Aurora ang hininga. Iyon mismo ang nabasa niyang pangalan ni Alvaro sa ID nito. Gusto sana niyang itago ang reaksyon niya subalit huli na. Isang tusong ngiti ang sumilay sa labi ni Joseau. Nakumpirma na nito ang hinala nito kahit na hindi siya magsalita.
“Kung mabibigyan mo ako ng tell-all tungkol sa inyo ni Ethan Ravales, bibigyan kita ng maraming pera. Pwede na ba ang ten thousand pesos sa isang oras na pagkukwentuhan? Hindi mo basta kikitain iyon kahit manghuli ka ng talaba buong maghapon o magbilad ng kopra. Pwede ko pang dagdagan kung maganda talaga ang makukuha ko sa iyo.”
Nakuyom ni Aurora ang palad. Di siya makapaniwala na ganito ang trabaho ng reporter na ito. Ibebenta niya ang kwento ng pagmamahalan nila ni Alvaro? Parang gusto niyang masuka nang mga oras na iyon.
“Umalis ka na. Sinabi ko nang hindi ko kilala ang Ethan Ravales na sinasabi mo,” pagtataboy niya sa babae. Ibinuka niya ang mga kamay. “At wala na siya dito. Umalis na sa isla. Wala kang mapapakinabangan sa akin.”
“OH, come on! Imposibleng di mo kailangan ng pera.”
“Umalis ka! Umalis ka sa islang ito. Para sabihin ko sa iyo, ilang ektarya ang koprahan namin. Maganda ang ani namin ngayong taon at hindi ko kailangang ibenta ang kwento ng buhay ko. Bakit hindi mo na lang sundan sa kung saang bundok ang Ethan Ravales na iyon ang mga nananahimik na tao dito ang ginugulo mo.”
“Here is my card in case you change your mind. Ginto ang kwento mo.”
Nanginginig si Aurora sa galit. Kinuha niya ang card pero nilukot din niya iniwana ng napapatdang reporter. Di siya makapaniwala na magagawa niyang magsisigaw nang ganoon sa isang tao. Mukha ba siyang pera para ipagbili ang pagmamahalan nila ni Alvaro? Di siya ganoong klaseng tao.
Pero totoo ba na ito at si Ethan Ravales ay iisa? Paano nangyari iyon? Isinuklay niya ang daliri sa buhok. Sino ka ba talaga, Alvaro?