Chapter FE: TDTYS 53

HALOS kaladkarin ni Aurora ang sarili papunta sa baranggay hall kung saan gaganapin ang pulong na ipinatawag ni Kapitan Robredo. May isang grupo daw galing Maynila na gustong magpalagay ng ilaw sa isla nila nang di gumagamit ng kuryente.

“A Litre of Light daw ang pangalan ng organisasyon. Gamit ang isang litro ng bote, kaya daw nilang palagyan ng ilaw ang buong isla,” sabi ni Tiya Manuela. “Malaki ang maitutulong nito sa gaya natin na di inaabot ng kuryente.”

Isang matabang na ngiti lang ang isinagot niya at umupo sa dulong upuan. Madami nang mga tao sa baranggay hall nang dumating sila at ipinakikilala ni Kapitan Robredo ang mga kasapi ng organisasyon na tutulong sa kanila. Lumulutang ang isipan niya. Isang linggo na mula nang umalis si Alvaro. Sinusubukan niyang bumalik sa normal ang buhay niya dahil matapos ang epidemya ay bumalik na rin naman sa normal ang buong isla.

Pero sa puso niya ay nararamdaman niya na may malaking guwang na di niya kayang punuan. Humihinga siya pero parang wala siyang kaluluwa. Lumulutang lang ang pakiramdam niya. Mapupunuan lang ang kahungkagang iyon kung makakasama niyang muli si Alvaro. Pero bakit parang napakatagal ng paglipas ng sandali? Kailan ba ito babalik?

Nasa malalim siyang pag-iisip nang may kumislap sa gilid ng mata niya. Nang lumingon siya ay isang lalaking may hawak ng malaking camera ang nakatutok sa kanya.

Ibinaba nito ang camera at nakangiting lumapit sa kanya. “Hi! I am sorry. Does my camera bother you?”

Nahigit niya ang hininga nang mapagmasdan itong mabuti. Kahawig ito ni... “Alvaro,” usal niya sa pangalan ng nobyo. Magkahawig ang mga ito maliban sa mukha itong mas bata at parang bukas ang mukha nito. Di tulad ni Alvaro na parang maraming sekreto. Hindi rin nito kayang papitlagin ang puso niya.

“I am Echo. Echo Ravales,” anito at inilahad ang kamay sa kanya.

Nakatigagal siya nang kamayan ito. “R-Ravales?”

“I am Ethan Ravales’ brother.”

Nahigit niya ang hininga. “’Yung artista?”

“Ethan Ravales, Your boyfriend,” kampanteng sabi nito.

Tumayo siya at napilitan itong hilahin sa labas ng baranggay hall kung saan walang makakarinig sa pag-uusapan nila. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Totoo ang hinala ng kaibigan niyang si Crisanta. Totoo din ang sinabi ng reporter sa kanya noong isang araw. Sina Alvaro at Ethan Ravales ay iisa.

Gusto na niyang maghisterya. Pakiramdam niya ay napaglaruan siya. Hindi na niya alam kung sino ang Alvaro na minahal niya. Pero di pwedeng marinig ng iba ang tungkol sa pagkatao ni Alvaro bilang si Ethan Ravales. Kailangan muna niyang malaman ang totoo. Ang buong katotohanan.

“Gusto ko lang linawin. Iisa lang si Alvaro Baltazar na nobyo ko at si Ethan Ravales na artista?” tanong niya. Parang nanlalaki ang ulo ni Aurora sa lahat ng nalalaman niya. “Kung ganoon totoo ang sinabi ng reporter na nandito noong isang araw at nagtatanong kay Ethan Ravales. Si Alvaro nga iyon.”

“Damn!” usal ni Echo at ihinilamos ang palad sa mukha. “Paano nalaman ng reporter iyon? Anong sinabi mo sa reporter?”

“Wala. Dahil wala naman talaga akong alam kay Ethan Ravales. Dahil ang pagkakaalam ko, si Alvaro Baltazar ang nobyo ko. Si Alvaro Baltazar na isang ordinaryong bakasyunista na kung anu-anong trabaho ang pinasok noong nasa Maynila at sinagip ako sa magnanakaw. Simpleng tao lang siya.” Na hindi niya alam kung totoo. Hindi niya alam kung ano ang totoo sa ipinakita nito sa kanya. Kung totoo ang pagmamahal nito.

“Okay. I... I don’t really know what happened. Wala siyang masyadong ikinuwento sa akin sa buhay niya dito sa isla. Basta humingi lang siya ng tulong sa akin para tulungan itong isla. To gather my friends and help the lives of the people here become better.”

“Iyon lang? Wala siyang planong sabihin sa akin kung sino talaga siya. Umalis siya nang di niya inaamin ang totoong pagkatao niya.” Humalukipkip siya at dumilim ang mukha. “Ibig sabihin nagsinungaling siya sa akin habang nandito siya? Hindi siya ordinaryong tao. Baka gawa-gawa lang niya ang mga kwento niya tungkol sa ordinaryo niyang buhay. O baka naman ang ipinakita niya sa akin ay ginampanan lang niyang papel sa pelikula kaya magaling siyang magpanggap. Sino ba talaga siya?” angil niya.

Pakiramdam niya ay pinaglaruan lang siya ni Alvaro o Ethan. Mukha siyang tanga, naghihintay sa wala. Nagmahal sa isang lalaki na ilusyon lang naman.

Bakit sa dinami-dami ng babae sa isla ay siya pa ang napili nitong paibigin? Dahil ba isa siyang inosenteng probinsiyana na wala pang karanasan sa pag-ibig? Masaya ba ito na napaniwala siya nito sa mga gawa-gawang istorya nito? Ganoon ba talaga siya kahangal?

“S-Sandali. Huwag ka sanang magalit sa kapatid ko,” pakiusap ni Echo. “Hindi man siya nagpakilalang siya si Ethan Ravales, totoo naman na siya si Alvaro. Ethan is his nickname. He hates Laurethan. Ethan ang tawag sa kanya ng magulang namin pero Alvaro siya sa mga kaibigan niya noong nag-aaral pa siya. Lorenzo Ravales ang screenname ng tatay namin nang mag-artista siya. Iyon na rin ang apelyidong ginamit naming magkapatid nang pumasok kami sa showbiz industry. And look, hindi naman siguro masama ang intensiyon ni Kuya Ethan nang itago niya ang pagiging artista niya. Maybe... Maybe he wants to be normal for a while.”

“Normal? Bakit? Di ba siya normal?” sarkastiko niyang tanong.

Huminga ng malalim si Echo. “Hindi simple ang buhay ng isang artista. Mukha lang masaya na mabuhay nang sikat at tinitilian ng iba. Pero hindi laging ganoon ang buhay. It could eat up your soul. Kaya kailangang tumakas ni Kuya Ethan kahit sandali para hanapin ang sarili niya. At ikaw ang natagpuan niya. He has a message for you. Baka sakaling diyan masagot ang lahat ng tanong mo.” At inabot sa kanya ang cellphone nito.

Nalakad siya palayo sa baranggay hall at saka pinanood ang video ni Alvaro. Nakaupo ito sa isang magarang sofa. Hindi na si Alvaro ang nakikita niya kundi si Ethan Ravales. Nakabalik na ito sa tunay nitong mundo.

“Aurora, I hope you are well now. Mababaliw ako kaiisip kung maayos na ba ang kalagayan mo bago ako umalis. I hate to leave you like that. Believe me. Pero kailangan kong gawin para sa kabutihan ng llahat. Alam ko na marami kang tanong tungkol sa akin. I know you are confused right now. I am sorry if I wasn’t able to say goodbye properly.” Pinagsalikop nito ang mga palad. “Marami akong kailangang paliwanag sa iyo pero sasagutin ko ang lahat ng tanong mo sa tamang lugar at oras. But for now, I want to be with you. Gusto ko na sumama ka sa kay Echo pabalik ng Manila.”

Nahigit ni Aurora ang hininga. Gusto nito na sumama siya sa Maynila samantalang di niya alam kung sino ang lalaki na nakasama niya sa Isla Juventus. Si Ethan Ravales na ang makakasama niya. Hindi niya alam kung pwede niya itong mapagkatiwalaan.

“Aurora, I know you have doubts in your mind now. Pero sana magtiwala ka sa akin gaya ng dati. Wala namang nagbago. I am still Alvaro. Ako pa rin ang lalaking nagmamahal sa iyo. Naalala mo ang usapan natin dati? Tutulungan kitang matupad ang mga pangarap mo. Pagkakataon mo nang makita ang ibang parte ng mundo na dati sa mga libro mo lang nakikita. You can be a teacher. You can be anything you want to be if you will only come to me. Nandito ako para tulungan ka. Nandito lang ako at naghihintay sa iyo.”

Mahigpit niyang hinawakan ang cellphone ni Echo habang nakatingin sa kalaliman ng gabi. Alam niya sa puso niya na hindi magbabago ang pagmamahal niya kay Alvaro kahit na ano pang tawag dito ng ibang tao. Kahit ito pa si Ethan Ravales. Hindi siya nito kinalimutan. Hindi man ito bumalik para sunduin siya, tinupad pa rin nito ang pangako sa kanya na isasama siya nito sa Maynila. Pwede siyang makapag-aral. Pwede niyang baguhin ang buhay niya pati ng mga tao sa Isla Juventus. Pero paano ang ama niya? Tiyak na tututol ito sa pag-alis niya sa isla.

Lumapit sa kanya si Echo. “Napanood mo na ba?”

“Gusto niyang sumama ako sa iyo sa Maynila.”

“You have nothing to worry. Hindi kayo magsasama ni Kuya Ethan sa isang bahay. You will have your own place. He will take care of everything. You can bring your father if you want. Wala kang iisipin sa gastusin.”

“H-Hindi ba nakakahiya iyon?” Nasanay siya na paghirapan ang lahat ng mayroon siya. Sinanay niya ang sarili na huwag dumpende basta-basta sa ibang tao. Kahit pa sa lalaking mahal niya.

Nagkibit-balikat si Echo. “Sabi niya kayo ang nag-alaga dito habang nandito siya. Isipin mo na ibinabalik lang niya sa iyo ang naitulong ninyo.”

“Magkaiba pa rin iyon,” giit niya. “Hindi ganoon kasimple ang gusto niyang mangyari. Ililipat ko ang buong buhay ko sa Maynila.”

“Aurora, this is a big deal for my brother. Sa buong panahon na nakilala ko siya, ngayon ko lang siya nakitang naging masaya. Kung wala ka sa buhay niya, baka bumalik lang siya sa dati. Humihinga lang siya pero parang wala namang purpose ang buhay niya. Walang kwenta ang lahat ng ginagawa niya kung walang nagpapasaya sa kanya.”

“Naiintindihan ko,” nausal niya.

Pareho lang sila ng nararamdaman ni Alvaro. Binigyan siya nito ng dahilan para lumaban at mangarap. Hindi na lang siya basta sunud-sunuran sa gusto ng iba dahil may isang taong nagtutulak sa kanya na maging totoo sa sarili niya.

Subalit paano ang ama niya? Papayag ba ito?

“Sa isang araw ang alis namin. Sana may desisyon ka na noon,” sabi ng binata at bumalik sa loob ng baranggay hall para kumuha muli ng larawan.

Naiwan si Aurora na nag-iisa sa labas. Tumingin siya sa langit at pinagmasdan ang mga bituin, animo’y naroon ang kasagutang hinahanap niya. Kaya ba niyang iwan ang isla para kay Ethan? Ano ang handa niyang gawin para sa pag-ibig dito?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.