Chapter FE: TDTYS 54

“AMAY, payagan na po ninyo ako. Minsan lang ito mangyayari sa buhay ko. Makakaluwas na ako sa Maynila na matagal ko nang pangarap puntahan. Makakapag-aral ulit ako. Tutulungan ako ni Alvaro. Magandang pagkakataon po iyon. Wala namang problema sa titirahan,” pakiusap ni Aurora kay Manoy Gener nang sabihin niya dito ang plano niyang pagsama kay Echo papuntang Maynila.

Madilim ang anyo nito habang nakaupo sa kawayang upuan at itinutuktok ang tungkod sa sahig . “Alam mo kung ano ang sagot ko diyan. Hindi kita papayagan. Bakit kailangan mo pang umalis ng isla? Nandito naman ang lahat ng kailangan mo.”

“Pero gusto ko pong maging guro. Nasa Maynila po ang magagandang unibersidad. Ayaw po ba ninyong magkaroon ng anak na guro?” Hinawakan niya ang braso ng ama. “Maari po kayong sumama sa akin, Amay. Wala daw po tayong dapat alalahanin ayon kay Alvaro. Siya po ang bahala sa atin at mag-aalaga.”

“Ano naman ang mapapala ko sa lungsod na maingay at magulo? Puro polusyon at puro patayan at nakawan ang mga tao. Dito na lang tayo, anak. Hindi lang naman ang Alvaro na iyan ang lalaki sa mundo. Dito ka na lang sa isla. Mas tahimik ang buhay dito at malayo ka sa kapahamakan.”

Nagsalubong ang kilay ni Aurora. “Si Alvaro po ang mahal ko. At hindi ko po matutupad ang pangarap kong maging guro kung nandito lang ako sa isla. Wala po dito ang mga bagay na nagpapasaya sa akin.”

“Hindi ka na masaya bilang anak ko? Ayaw mo na akong makasama?”

“Hindi po iyon ang ibig kong sabihin,” aniya at sinapo ang noo. Paano ba siya magpapaliwanag sa ama kung sarili lang ang iniintindi nito? Pakiramdam yata nito ay mapoproteksiyunan sila ng Isla Juventus habambuhay. Na parang doon lang sila pwedeng mamuhay nang payapa at tanging kanlungan nila sa anumang sakit o gulo.

“Kung gusto mong umalis, hindi ako sasama,” taas-noo nitong sabi.

“Kung ganoon, aalis po akong mag-isa,” sabi niya at pumasok sa kuwarto niya. Kinuha niya ang backpack niyang bag na noong high school pa niya gamit at pinuno iyon ng mga damit pati na rin ang telang shoulder bag na siya rin ang nanahi. Kailangan niyang gawin ito kung hindi ay mawawalan na siya ng lakas ng loob na gawin pa ito, gaya nang dati na wala siyang lakas ng loob na habulin ang pangarap niya.

Sinundan siya ng ama at tumayo ito sa pinto ng kuwarto niya. “Gagawin mo pa rin kahit na wala akong permiso? Matigas na talaga ang ulo mo dahil sa Alvaro na iyon. Wala siyang naiturong maganda sa iyo. Naging suwail ka na.”

Tumigil siya sa pag-eempake at hinarap ang ama. “Amay, buong buhay ko po naging masunuring anak ako sa inyo. Sinunod ko kayo sa maraming pagkakataon kahit na alam kong tinatalikuran ko ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. Nang sabi ninyo huwag akong mag-aral ng college, di na ako nag-aral. Nang sinabi ninyo na huwag akong aalis ng isla, ginawa ko po iyon. Gusto ko po na maging masaya kayo. Oras na po para malaman ninyo na iba ang nagpapasaya sa inyo at nagpapasaya sa akin. Kung magtatagal pa po ako sa isla na ito, pakiramdam ko parang namamatay ang puso at kaluluwa ko. Kailangan ko pong maramdaman ulit na buhay ako at masaya. Kailangan ko pong matupad ang pangarap ko. Kailangan ko pong makasama si Alvaro.”

“Sinasabi mo ba na malaki ka na? May sarili ka nang isip? Sige! Makakaalis ka na,” singhal nito at itinuro ang pinto. “Sumama ka sa lalaking iyon.”

Tumuwid siya ng tayo. “Amay...”

“At kapag umalis ka sa islang ito, huwag ka nang babalik. Wala na rin akong anak. At kapag di ka na masaya sa buhay mo sa lungsod, huwag kang babalik dito nang umiiyak. Di kita tatanggapin.” Saka siya iniwan ng ama at nagkulong sa silid nito.

Tahimik siyang umiyak at di magawang ituloy ang pag-eempake ng gamit. Nahahati ang puso niya. Hindi niya kayang iwan ang ama niya nang ganito. Di siya makakaalis ng isla nang may alitan sila. Kahit sinong anak ay gusto ng approval ng isang magulang sa mga desisyon nila. Pero kung hihintayin niya iyon, alam niyang di na siya makakaalis pa sa islang iyon.

Maya-maya ay pinuntahan siya ng Tiya Manuela niya at niyakap. “Ano bang nangyari sa inyo ni Kuya? Dinig na dinig sa labas ang pagtatalo ninyo.”

“Gusto ko pong sumama kay Echo papuntang Maynila pero ayaw ni Amay. Ayaw daw po niyang sumama. Masiyahan na lang ako dito sa isla. At kung aalis daw po ako para pumunta kay Alvaro, kakalimutan na daw po niya na may anak siya.”

“Si Kuya talaga!” anang si Tiya Manuela.

“Bakit po siya ganoon? Bakit ayaw niyang suportahan ako sa mga pangarap ko? Bakit ayaw po niya akong maging masaya?”

Pinahid ng palad nito ang luha niya. “Natatakot lang siya na masaktan ka katulad niya o kaya ay kalimutan mo siya at di mo na balikan. Alam mo naman kung anong nangyari sa kanila ng nanay mo.”

“Hindi ko po gagawin iyon. Nandito ang mga taong mahal ko. Pero hindi po ako pwedeng manatili na lang dito dahil pagsisisihan ko po iyon habambuhay. N-Nagsisi po ba kayo nang kinailangan ninyong mag-aral sa Tacloban kahit ayaw nina Lolo at Lola?”

Tipid itong ngumiti. “Wala akong pinagsisihan. Kundi ako umalis dito, di ako magiging guro. At kundi ka aalis dito di ka rin magiging guro gaya ng pangarap mo. Hindi mo rin makakasama ang lalaking mahal mo.” Pinisil nito ang balikat niya. “Gawin mo ang magpapasaya sa iyo, Aurora. Oras na para abutin mo ang pangarap mo.”

“Pero paano po si Amay...?”

“Kami ang magbabantay sa kanya. At dadating din ang panahon na mauunawaan din niya ang mga desisyon mo. Oras na para ibuka mo ang pakpak mo ang lumipad. Gawin mo ito para sa sarili mo. Anuman ang resulta ng pag-alis mo, alam ko na marami kang matututunan mula dito. Kailangan mo lang maging matapang at sundin mo ang puso mo. Iyon ang sandata mo sa paglalakbay na ito.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.