“T-TOTOO ba ang sinabi ng pinsan ko na kailangan pang tanggalin ang tsinelas o sapatos bago sumakay ng eroplano para daw hindi madumihan ang sahig?” tanong ni Aurora kay Echo habang pasakay sila commercial flight sa Calbayog City Airport. Hindi siya halos nakatulog nang nakaraang gabi sa magkahalong pagkasabik at lungkot. Ngayon lang siya makakapunta ng Maynila at makakasakay ng eroplano.
Magaang tumawa ang binata. “Hindi totoo iyon. Pero kailangan mong makinig sa mga safety instruction ng mga stewardess para sa kaligtasan mo.”
“Babatukan ko talaga si Kenzo. Gagawin pa niya akong katatawanan,” angil ni Aurora. Umalis na nga lang siya ng Juventus ay nagpabaon pa ito ng kalokohan.
Bandang hapon ang kinuha nilang flight pabalik ng Maynila. Mabigat ang kalooban niya nang umalis ng Isla Juventus dahil di man lang siya ihinatid ng ama. Alam niyang masama pa rin ang loob nito sa kanya pero itinuloy pa rin niya ang pag-alis.
Kinakabahan din siya sa bagong pakikipagsapalaran sa buhay. Di niya alam kung anong aasahan. Di niya alam kung anong naghihintay sa kanya. Pero dahil makakasama naman niya si Alvaro kaya alam niyang wala siyang dapat na ikatakot.
Kakaibang karanasan ang makasakay ng eroplan. Gaya ng sinabi ni Alvaro ay hindi iyon katulad ng paglipad ng ibon. Di rin niya mahahawakan ang ulap. Nakaupo lang siya sa malambot na upuan at malamig ang loob.
Kinabahan siya nang umandar ang sasakyan at lumipad sa ere. Kaya naman mataman niyang pinanood at pinakinggan ang bilin ng mga stewardess para sa kaligtasan niya. Huminga siya ng malalim at pinagmasdan ang paglampas nila sa mga ulap. Malapit siya sa langit at sa baba ay nakikita niya ang dagat at masa ng isla pati ang mga bahayan. Naaliw din siya habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw at pagsabog ng liwanag sa ulap.
“Ano iyon?” tanong niya kay Echo at itinuro ang dikit-dikit na kuwadrado sa baba. “Saka bakit parang makutim ang dagat? Hindi asul.”
“Manila Bay iyan at nasa Manila na tayo. Dikit-dikit talaga ang mga bahay dahil madaming nakatira. Don’t worry. I am sure you will appreciate the buildings later.”
Nang sa wakas ay nasa airport na sila ni Echo ay sumakay sila sa isang mahabang kotse na tumigil sa harap nila. Nahigit niya ang hininga nang makita kung sino ang nasa loob. “Al... Ethan!” usal niya at di alam kung uupo sa tabi nito o tatakbo palayo.
“Hey!” anang binata at hinawakan ang kamay niya. Naramdaman siguro nito na parang gusto niyang bumaba ng sasakyan. “Ganyan ba kung batiin mo ang boyfriend mo? I think I deserve a hug, at least.”
Nang ibinuka nito ang isang kamay ay saka lang siya yumakap dito. Doon lang niya naramdaman ang pamilyar na init ng yakap nito. Nang halikan nito ang labi niya ay hindi na sila nakikiliti sa balbas nito gaya ng dati. Pero kakaibang kilig pa rin ang hatid nito sa kanya.
Hinawakan niya ang makinis nitong mukha. “I-Iba na ang itsura mo. Hindi na ikaw si Alvaro. Ikaw na si Ethan Ravales.”
Napapatda ang anyo ng binata. “H-How did you know I am Ethan Ravales?” At nang-aakusang tiningnan si Echo.
“Malay ko bang Alvaro ang pakilala mo sa kanya,” biglang depensa ni Echo sa sarili. “Lahat naman kilala kang Ethan Ravales. Nobody calls you Alvaro.”
“H-Hindi ko alam na artista ka. Totoo nga ang sinabi ni Crisanta.”
Tumaas ang kilay ng binata. “Is that a good thing or a bad thing? Pareho lang naman akong Ethan Ravales at Alvaro. Nag-ahit lang ako at nagpagupit ng buhok.”
“At mas makinis na ang mukha mo.” Parang nakakahiyang idikit ang magaspang at tuyot niyang kamay sa makinis nitong balat. Nilanghap niya ang bango nito. “Amoy mayaman ka na rin.” Amoy lalaki pa rin naman ito pero di na ito ang pawisang si Alvaro na pagod sa paninilbihan sa kanya at bilad sa araw.
Tumawa lang si Echo sa likuran. “She is really something. Something’s telling me that she doesn’t like you as Ethan Ravales.”
“Ayaw mo kay Ethan Ravales?” magkasalubong ang kilay na tanong ni Alvaro.
Ngumiwi siya. “H-Hindi lang ako sanay na isiping isa kang artista o iba sa pagkakakilala ko. Nakita mo ang reaksyon ng kaibigan kong si Crisanta nang makita ka. Parang mababaliw siya. Kapag nalaman niyang ikaw ang nobyo ko, baka kalbuhin niya ako.”
Inakbayan siya nito. “And I won’t let that happen. I will always protect you.”
“Saka maraming babaeng nagkakagusto sa iyo. Lahat ng babae sa Pilipinas.”
“Isama mo pa ang fans niya sa ibang bansa,” dagdag ni Echo. “He is an Asian heartthrob and will conquer Hollywood soon.”
“Ibang bansa? E di magaganda ang mga fans mo. May mga Amerikana saka mga singkit na mapuputi ang balat.”
“Hindi naman type ni Ethan ang mga iyon,” bawi ni Echo.
“Echo, shut your mouth,” utos ni Alvaro dito.
Nanlumo si Aurora sa nalaman. Mas marami pa palang babae ang nagkakagusto kay Ethan Ravales. Hindi niya gusto ang ganoong pakiramdam. Mas madami ang karibal niya sa nobyo. Sa kaibigan pa nga lang niyang si Crisanta ay nanliliit na siya dahil palaayos ito at maraming alam sa buhay.
Tumingin siya sa labas ng lungsod at napansin ang mga naglalakihang karatula ng magagandang babae na nakasuot ng magagarang damit. Makikinis ang balat ng mga ito at magaganda ang buhok. Parang mga diyosa at diwata na nababasa niya sa libro. Lalong nanliit si Aurora. Anong panama niya sa mga katulad nito?
Ginagap ni Alvaro ang kamay niya. “Aurora, hindi naman importante ang ibang babaeng. Ikaw ang girlfriend ko. Ano ngayon kung ako si Ethan Ravales? Trabaho ko ang pagiging artista. Walang kaibahan sa ang mangingisda o nagkokopra sa isla. Paraan lang iyon para kumita ng pera at mabuhay. And I will always be Alvaro to you. Hindi naman ako kailangang maging Ethan kapag magkasama tayo.”
“Paano mangyayari iyon?” tanong ni Aurora. Ngayong alam na niyang ito si Ethan Ravales, ngayon pa lang ay sumasakit na ang ulo niya kapag naiisip ang milyon-milyong babae na naghahabol dito.
“Dahil hindi naman sila ang mahalaga sa relasyon natin kundi ikaw lang. Gusto ko na mag-focus ka lang sa mga bagay na mahalaga. Marami kang mga bagay na dapat matutunan ngayong nandito ka na sa Manila. Dito na ang buhay mo ngayon. I will help you.”