Chapter FE: TDTYS 56

NALILIBANG ang mga mata ni Aurora sa naggagalawang sasakyan - iba’t ibang uri ng laki, kulay at modelo. Kamangha-mangha sa kanya ang aspaltadong daan, mga nagtaaasang gusali, ang iba’t ibang ilaw sa kalsada at di maubos-ubos na mga tao. Parang nayayanig ang tainga niya sa ingay dahil sanay siya sa katahimikan ng isla pero dahil bago sa kanya ay parang musika iyon sa pandinig. Nandito na nga siya sa Maynila. Hindi pa rin siya makapaniwala dahil parang panaginip lang ang lahat.

“Alvaro! Alvaro! May malaking larawan ka na nakapaskil,” aniya at halos idikit ng mukha sa nakasarang bintana ng sasakyan.

“That’s my latest billboard,” sabi ni Alvaro. “Guwapo ba ako doon?”

Halos mabali ang leeg niya katitingin bago ibinalik ang tingin sa nobyo. “H-Hindi ko alam. Parang iba ang kulay ng balat mo doon. Mas mapusyaw. Mas gusto kita sa normal na kulay ng balat mo katulad ngayon.”

“E sino ang mas guwapo sa amin ni Kuya Ethan?” tanong ni Echo.

Matalim ang mata itong nilingon ni Alvaro. “Gusto mo bang magkasira kayo ni Icca?”

Biglang nawala ang nanunuksong ngiti ni Echo. “E di ikaw na ang guwapo. Ethan Ravales, bukod kang pinagpala sa lalaking lahat.”

“Yes. I am blessed because my princess is finally with me.”

Humimpil ang kotse nito sa isang magarang bahay na may malawak din na hardin. “Ito ang magiging bahay mo habang nandito ka sa Manila.”

“Palasyo yata ito.” Parang pwedeng patirahin ang lahat ng tagaisla sa bahay na iyon. Kasya silang lahat sa laki. “S-Sino ang kasama ko?” tanong niya.

“Si Yaya Edwina at si Mang Puroy,” tukoy nito sa tsuper ng sasakyan nila. Si Manang Edwina ay nasa bandang singkwenta na.

“Siya ang nag-alaga sa amin ni Kuya Ethan mula pagkabata namin,” sabi ni Echo at niyakap ang matandang babae.

“Ito na ba ang nobya mo? Halika at sasamahan kita sa kuwarto mo para maibaba mo ang mga gamit at makapagpahinga ka naman,” anang matandang babae at iginiya siya sa loob ng bahay. Maamo ang mukha nito at magiliw sa kanya. Sa palagay niya ay magkakasundo sila.

Nalula si Aurora nang makapasok sa loob ng mansion. Mistulang palasyo ko iyon at puno ng mamahaling gamit pati rin makabagong kasangkapan. Nang umakyat siya sa magiging kuwarto niya ay nahilo siya sa pasikot-sikot na daan. “Di kaya maligaw ako dito?” tanong niya kay Alvaro. “Ang laki nitong bahay.”

“Ipapa-install ko sa cellphone mo ang mapa nitong bahay. Naka-GPS na para alam mo kung saan ang kusina o ang sala at ang pool.”

“GPS?” tanong niya. Nang buksan ang pinto ng kuwarto ay lalong nalula si Aurora. May isang malaking kama na may apat na poste at kurtina pa. Mistulang silid ng isang prinsesa. May mga paintings din at mga libro na nakasalansan malapit sa kama.

Binuksan ni Yaya Edwina ang banyo. “Kumpleto na dito. May shower na hot and cold at bathtub. May TV din dito na may cable.”

Banyo na may sariling TV? Naiinosentehan siya nang makita ang shower at bathtub pati na rin ang inidoro na magara. “W-Wala po bang timba at tabo?” tanong niya.

Tumawa si Alvaro. “Hindi na iyon kailangan. Tuturuan ka ni Yaya Edwina sa kailangan mong malaman. Don’t worry. Nilikha ang lahat ng gamit dito para maging convenient. Isang pindot o pihit mo lang may tubig o ilaw na.”

May sampung silid daw sa bahay na iyon. Bukod pa ang pool house at treehouse na pwede din tuluyan. Inikot niya ang paningin niya sa mansion. “Ilang araw kaya bago ko matapos na linisin ito?”

Hinawakan ni Alvaro ang kamay niya. “Wala kang kailangang gawin dito. May tagalinis nitong bahay, tagalaba at tagaluto.”

“Anong gagawin ko?”

“I want you to relax. Pwede kang manood ng documentaries sa TV o kaya manood ng mga drama kung gusto mo. Kumuha din ako ng tutor mo para ma-refresh ang mga pinag-aralan mo noong high school at maihanda ka sa entrance exam sa mga university.”

“S-Seryoso ka talaga nang sabihin mo na mag-aaral ulit ako?” paniniyak niya.

“Of course. Makikilala mo ang tutor mo bukas. Siya din ang tutor ko noong high school ako. Siya na ang bahala sa iyo.”

“At ikaw, saan ka pala tutuloy?” Gaya ng sinabi ni Echo sa kanya ay di sila magkakasama ni Alvaro sa isang bahay.

“May sarili akong condo.”

“Condo?”

“Oo. Sa malaking kuwarto sa tuktok ng isang building.”

“Malayo ba iyon dito? Bakit di ka na lang dito tumira? Sobrang dami ng kuwarto nitong buhay,” sabi niya. Hindi siya sanay nang nasa malayo si Alvaro. Gusto niya na nasa malapit lang ito para mas madalas niya itong makasama.

“Mas convenient iyon sa trabaho ko. And I also want you to have your privacy. Mas tahimik dito sa village. Hindi man ako dito titira pero dadalawin kita kapag wala akong trabaho. Araw-araw din akong tatawag sa iyo.”

“Pwede mo ba akong ipasyal sa Luneta?” excited tanong niya at ngumisi. Iyon kasi ang unang lugar na gusto niyang mapuntahan sa Maynila. “Lahat kami ng mga kaklase ko noong elementarya gustong makapunta sa Luneta.”

“Well, hindi kita masasamahan dahil marami akong trabaho sa mga dadating na araw pero pwede kang samahan ni Yaya Edwina at Manong Puroy. Di lang Luneta. Sabihin mo lang sa kanila kung saan mo gustong pumunta.”

Niyakap niya si Alvaro. “Masaya ako dahil nakasama na kita ngayon. A-Akala ko hindi mo na ako babalikan. Natakot ako nang malaman kong may mga babae na dumating sa isla at sumundo sa iyo. Baka daw asawa mo ang mga iyon.”

Pagak na tumawa ang binata. “Aurora, wala akong asawa. Ikaw lang din ang girlfriend ko. Gaya ng sinabi ko, kailangan ako dito sa Manila kaya ako umalis. HIndi ko inaasahan na ganoon kabilis matatapos ang bakasyon mo. Wala akong oras para balikan ka kaya ito lang ang naisip kong paraan para magkasama tayo.”

“Kaya nga nandito ako kahit na... Kahit na kinakabahan ako.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Buti pinayagan ka ni Manoy Gener.”

“Ayaw ni Amay na sumama ako papunta dito pero kailangan kong mamili. Kailangan kong tuparin ang pangarap ko. Gusto kong makasama ka. Siguro naman patatawarin niya ako kapag nakita niyang masaya ako dito,” aniya at nakangiting tumingala dito.

“Titiyakin ko na hindi mo pagsisisihang pinili mo ako.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.