Chapter FE: TDTYS 57

PAGGISING ni Aurora kinabukasan ay wala na si Alvaro sa mansion. Maaga daw itong umalis para bumalik sa penthouse nito. Papunta ito sa shooting nito ayon kay Yaya Edwina kaya sila lang ang magkakasama sa mansion. Subalit di pa man umiinit ang araw ay dumating na ang stylist na kinuha nito para ayusan siya.

Tiningnan siya ni Milly mula ulo hanggang paa na animo’y sinusuri siya. “You need a major make over, my dear. Don’t worry. That is my expertise. We will start with your hair and your skin.”

“A-Anong problema sa akin?” tanong niya.

“Everything!” anang babae at ikinumpas ang kamay. “Let’s go!”

“T-Tatanungin ko muna si A-Alvaro tungkol dito.”

Ang sabi lang ni Alvaro ay tutor ang ipapadala nito sa kanya. Wala sa usapan nila na kailangan din niya ng stylist na magsasabing problema ang lahat sa kanya. Make over? Ibig sabihin ay maraming babaguhin sa kanya. Naalala niya ang kaibigang si Crisanta na ang pangarap ay magpatangos ng ilong at magpadagdag ng dibdib para daw mas gumanda ito. Hindi siya papayag!

“You mean Ethan? He is busy. At ipinamahala na niya ang lahat sa akin.” Kinaladkad siya nito papunta sa naghihintay na van. “Don’t worry. Hindi naman kita sasaktan. I think you will even enjoy it.”

Gusto sana niyang tumakbo palabas ng van pero naisara na nito ang pinto at narinig niya ang tunog ng lock niyon. “A-Ano.. Sabi kasi ng kaibigan ko g-gusto din daw niyang magpa-make over. Patatangusan daw niya ang ilong sa doktor at palalakihin ang didbib. G-Ganoon din ba ang gagawin mo sa akin?” kinakabahan niyang tanong.

Ikiniling ng babae ang ulo sa kanya. “Gusto mo ba?”

Umiling siya. “Ayoko. Masaya na ako sa bigay ng Diyos sa akin.”

“Good. Matangos na ang ilong mo at perfect lang ang bust size mo. Hindi naman drastic ang babaguhin natin. Just relax,” anang babae at tinapik ang kamay niya.

Pakiramdam ni Aurora ay isang taga-torture si Milly. Sinimulan nito ang araw sa spa kung saan hinilod ang buong katawan niya hanggang halos matuklap ang balat niya. Pina-facial din nito ang mukha niya o mas tamang sabihin na binungkal iyon at idinamay pati ang likod niya para sa back cleaning. Sumunod naman ay idinala siya sa isang salon para tabasan at gawan ng istilo ang buhok niya. Paglabas niya ng salon ay may bangs na siya na nagustuhan naman niya dahil nagmukha siyang makabago.

Nang siya nito sa isang malaking boutique para ibili siya ng damit ay umangal na siya. “M-May damit na ako. Masyado nang madami ang nagastos mo sa akin,” tutol niya. Kinikilabutan siya sa presyo sa etiketa. Hindi niya sukat-akalain na may ganoon kamamahal na damit at may magsusuot niyon. Isang damit lang ay pang-isang buwan na nilang pagkain ng

“Honey, you don’t have to worry. Maraming pera ang boyfriend mo. And he wants you to look good. Isipin mo na ginagawa mo ito para sa kanya.”

“Pero pagod na ako. At di ko kayang isuot ang ganyan kataas na sapatos,” nakangiwi niyang sabi nang ituro nito ang tatlong pulgadang takong na parang nakamamatay na sandata. Hindi rin siya komportable na nagagastusan si Alvaro ng malaking pera kahit pa sabihing mapera ito.

“Ang tawag diyan ay tiis-ganda. Try it on.”

Lumunok siya at tiningnan ang sapatos na mataas ang takong. “Kailangan ko ba talagang gawin iyon?”

“Honey, here is the thing. It is my job to make you look good. Kung hindi ko gagawin ang trabaho ko, ako ang malilintikan kay Ethan.” Lumungkot ang anyo nito. “Gusto mo bang mawalan ako ng trabaho?”

Nahigit niya ang hininga. “A-Ayokong mangyari iyon.” Ayaw naman niyang may mapahamak na ibang tao dahil sa kanya. Hindi niya alam na ganoon pala kaimportante kay Milly ang pagbabago ng imahe niya. Parang di pwedeng magkamali sa trabaho nito. Na isang mali lang ay mawawala ang trabahong pinaghirapan nito.

Muli itong ngumiti. “Good. Isukat mo na ‘tong dress sa fitting room tapos isusukat din itong sapatos. We’ll see the effect. Tuturuan din kita kung paano magpapares-pares ng outfit,” anito at masiglang inabot sa kanya ang dress na nakakapanginig ang presyo sa etiketa.

Lahat ng magustuhan nito ay ipinapasukat sa kanya. Sa mga dadating daw na araw ay lalabas na siya at makikihalubilo sa ibang tao. Kailangan daw ay presentable siya lalo na kapag naglalabas siya ng bahay at pumasok na siya sa unibersidad.

Tulala na si Aurora pagdating ng alas sais ng hapon dahil sa pagod. Nakatulog na siya sa sasakyan pauwi sa sobrang pagod at ipinagpatuloy ang pagtulog sa kuwarto nang di hinuhubad ang damit. Hindi niya alam kung anong napasukan niya. Pero ayon kay Milly, normal na daw ang ginawa niya sa mga babae sa Maynila. Hindi niya alam kung paanong naging normal iyon ang lumustay ng pera kung gulpi naman ang buong katawan niya. Kahit ano daw ay gagawin ng mga babae para sa kagandahan.

Paggising niya ay puno na ng bulaklak ang buong silid niya. Bumalikwas siya ng bangon. Bukod sa rosas ay may iba pang klase ng bulaklak na sa libro lang niya nakikita gaya ng stargazer at tulip. Saan nanggaling ang mga iyon?

Kinapa niya ang cellphone at pinindot ang speed dial. Alam niyang di pwedeng tawagan si Alvaro dahil may shooting ito pero gusto niyang malaman kung galing dito.

“Hello,” anang suwabeng boses ng nobyo. Parang pagod na ito.

“Hello, Alvaro. N-Nakakaabala ba ako?” tanong niya.

“Nope. Kabe-break lang namin. Do you like the flowers?”

“O-Oo,” aniya at inikot ang tingin sa paligid. “Pero di ko naman kailangan ng ganito karaming bulaklak. Aanhin ko ito?”

“Naalala mo ba ang cliff kung saan tayo laging nagpupunta? Puro bulaklak din iyon. Ayoko lang ma-homesick ka pag naalala mo ang isla. May ocean wave na Ipod mo. Kapag di ka nakatulog ngayong gabi, patugtugin mo. Alam ko na sanay ka sa tunog ng alon.”

“Salamat.” Ang totoo ay naninibago siya sa malambot na kama dahil sanay siya sa papag Di rin siya sanay sa aircon sa silid o sa shower at bathtub sa banyo. Naninibago siya na kailangang buksan ang gripo para sa tubig, pindutin ang water dispenser at di na kailangang mag-igib sa bukal.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.