Chapter FE: TDTYS 58

Hinahanap-hanap niya ang tunog ng bangka sa dagat dahil tunog ng dumadaang kotse ang naririnig niya sa labas. Kaya malaking bagay sa kanya na si Alvaro mismo ang gumagawa ng paraan para di siya malungkot.

“Kumusta naman ang araw mo?” tanong ng binata.

Ibinagsak niya ang sarili kama. “Nakakapagod. Nakakaliyo. Kailangan ko ba talaga ng stylist? Hindi ba ayos naman ang itsura ko?”

“Aurora, walang problema sa itsura mo. Gusto ko lang ma-experience mo kung anong ginagawa ng mga babae dito. Para makita mo rin kung anong isinusuot nila at kung ano ang uso. Come on. Nag-enjoy ka naman, hindi ba?”

Umungol siya. “Parang ayoko nang ulitin ulit.”

“Nakita ko ang picture na ipinadala ni Milly. You look lovely. Bagay sa iyo ang dress na suot mo at ang bangs mo.”

Hinipan niya ang bangs na nakatakip sa noo niya at bahagyang ngumiti. Paano naman siya kokontra kung nagagandahan sa kanya si Alvaro? Parang nabawi lahat ng pagod niya kanina at di na niya nagawang umangal dito. “Salamat. Pero masyado yatang malaki ang nagastos mo para sa akin. Hindi lang ako komportable. Hindi ko naman pinaghirapan iyon...”

“Aurora, huwag mong isipin iyan. Regalo ko ang lahat sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na masaya ako dahil kasama kita. Nasa malapit ka lang. Maliit na bagay lang iyon. At isipin mo na lang na normal lang iyan. You have to dress up somehow. Dapat ka nang masanay lalo na pagpasok mo sa college.”

“B-Baka pwedeng hayaan mong magtrabaho ako para makabawi ako. Ano... Pwede naman akong maglinis dito sa bahay mo o maglaba.”

“No! You are my princess, Aurora. Ayoko nang makitang may sugat ulit ang kamay mo dahil sinusubukan mong gumawa ng gawaing-bahay. Kung gusto mong makabawi, gusto ko na mag-focus ka sa tutorial mo, makapasa ka sa university entrance exam at mapag-aralan mo ang course na gusto mo. Gusto ko pagbalik mo sa Isla Juventus ay may maipagmamalaki ka sa kanila at makakatulong ka sa mga tagadoon gaya ng pangarap mo. Maliwanag ba?”

“Oo, Alvaro,” mahina niyang usal at pinilit alisin ang guilt na nararamdaman sa dibdib. Sanay lang talaga siya na gumagawa ng bagay para sa iba. Hindi siya sanay nang pinagsisilbihan.

“Ayoko nang isipin mo pa ang gastos. Isipin mo na bakasyon mo dito habang naghahanda sa pag-aaral. Let me take care of you. Bukas ang dating ng tutor mo.”

“Ethan, take mo na!” narinig niyang sigaw ng isang lalaki.

“I have to go, Aurora,” nagmamadaling sabi nito. “Bye!”

“Alvaro, ginhi...” Sasabihin sana niyang mahal niya ito pero narinig na niya sunud-sunod na “tooot”. Wala na siyang kausap. Di man lang sinabi ni Alvaro na mahal siya o kung kailan sila magkikita.

Kinuha niya ang isang pink na stargazer at inilapit iyon sa ilong niya. Siguro nga ay walang masama kung hayaan niya si Alvaro na gumastos sa ngayon. Makakabawi naman siya sa ibang paraan. Ayos lang kung aalagaan siya nito. Gaya ng sinabi nito, kailangan niyang ituon ang atensiyon sa pagtupad sa pangarap niya.

“YOU are good at catching up, Aurora. Kahit itong Advance Calculus mo at Trigonometry nasagutan mo lahat. Perfect!” masayang sabi ni Miss Mandaue, ang tutor niya na kinuha ni Alvaro. Pumupunta ito sa bahay araw-araw para i-review siya sa mga leksiyon niya at para na rin sa nalalapit na mga entrance exams ng mga unibersidad. Ito daw ang dating tutor ng binata kaya mapagkakatiwalaan nito. Sa palagay niya ay matanda lang nang limang taon ang babae kay Alvaro.

“Talaga po?” masayang tanong ni Aurora.

“Nice. Maganda din ang score mo sa Biology at sa Social Studies,” sabi nito nang tingnan ang resulta ng exam niya sa ibang subject.

“Malaking bagay po na in-expose ako ni Alvaro sa documentaries. Interesante po kasi ang mga topic at minsan ay nalilito na nga po ako kung paano ko pagsasabay-sabayin ng nood. Iba po pala kapag sa libro lang nababasa kaysa sa mapapanood ang mga topic na mas malalim pong nadi-discuss ng mga eksperto. Madami po akong nalaman.”

Ibinilin ni Alvaro kung saang channel siya manonood. Ayon kay Yaya Edwina ay mas maganda daw kung huwag siyang manood muna sa local channel dahil malulungkot lang daw siya sa mga balita doon. Mas makakatulong daw sa kanya kung manonood siya ng documentaries at balita sa ibang bansa para mas mahasa din siya sa pagsasalita at pag-unawa sa Ingles.

Noong una, akala niya ay mahihirapan siya dahil halos Ingles ang mga palabas at minsan ay may accent pa. Pero naunawaan naman niya ang mga iyon. Malaking bagay ang hilig niya sa pagbabasa kahit ilang taon na siyang natigil sa pag-aaral.

Nangalumbaba ang guro at pinagmasdan siya. “Kinikilig ka siguro na boyfriend mo si Ethan Ravales. Mantakin mo, sa dinami-dami ng babae sa Pilipinas, ikaw pa ang napili niya. Kahit noong estudyante ko siya, madami nang babaeng umaaligid diyan. Tapos dito ka pa nakatira sa mansion nila.”

“I-Iyon po ang gusto niya. Kung sa akin lang, mas sanay po ako sa maliit na bahay.” Hanggang ngayon nga ay di pa niya kabisado ang bahay na iyon.

“Nakasama ka na ba sa shooting niya? Sinu-sinong artista na ang nakilala mo? Anong pakiramdam na pinagkakaguluhan siya ng mga babae?”

Shooting? Mga artista? Mga babaeng nagkakagulo kay Alvaro? Ganoon ba ang nangyayari sa trabaho nito? Dapat ba siyang matuwa? “Ayoko pong maabala siya sa trabaho niya. Sabi po ni Alvaro mag-focus lang ako sa pag-aaral ko,” nausal na lang niya. Nagsisimula na siyang di maging komportable sa tinatakbo ng usapan.

“Napanood mo ba ang lahat ng pelikula niya at teleserye? Nakakakilig kung gaano siya ka-sweet, ‘no? Siguro ganoon din siya sa totoong buhay kaya nagustuhan mo siya. Sabagay kahit naman ako kinikilig sa kay Ethan kahit na titigan lang niya ako.”

Lumunok siya at umiling. “W-Wala pa po akong napapanood na pelikula at teleserye niya.”

Sabi nga ni Alvaro ay mas maganda daw kung huwag siyang makibalita nang kahit na ano tungkol sa trabaho niya na karamihan ay gawa-gawa lang ang reporters. Iyon din ang sabi ni Yaya Edwina sa kanya. Ang mahalaga daw ay nakakasama niya ang totoong Ethan Ravales. Sa bahay ay ayaw ni Alvaro na pag-uusapan ang tungkol sa trabaho nito. Nai-stress lang daw ito at gusto nito ay masaya lang sila kapag magkasama. Ayaw niyang pag-usapan ang kahit na ano na nagpapalungkot lang sa binata.

Sa isang banda, tinanggap na lang niya ang paliwanag nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tanggap ng isipan niya na ito si Ethan Ravales- isang artisa. Hanggang ngayon, sa isipan niya ay isa pa rin itong ordinaryong lalaki na nakilala niya sa Isla Juventus. Mas gusto niyang isipin na ang nobyo niya ay si Alvaro Baltazar pa rin.

“Paano ka niya nagustuhan kung wala ka palang napanood kahit isa man lang palabas niya? Alam mo bang maraming babae ang magpapakamatay para lang maging leading lady ni Ethan sa totoong buhay?” tanong nito sa boses na parang nanunumbat.

“Hindi naman po ako nagustuhan ni Alvaro dahil haling na haling ako sa mga pelikula. Hindi ko rin naman po siya nagustuhan dahil magaling siyang artista.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.