Chapter FE: TDTYS 59

Tinimpi ni Aurora ang sarili dahil baka may ano pa siyang masabi sa guro. Hindi lang niya masabi na hindi niya alam si Ethan Ravales ito nang makilala niya. Na ang minahal niya dito ay ang bahagi nito na hindi nito ipinapakita sa iba. Na hindi nakita ng ibang tao na ang kilala ay si Ethan Ravales bilang artista.

Pero pinili na lang niyang kagatin ang dila kaysa magsabi ng iba pang impormasyon dito. Mahigpit ang bilin sa kanya ni Alvaro na huwag siyang magtiwala basta-basta sa kung sinu-sinong tao pagdating sa pagkukwento sa kanilang relasyon. Gusto lang daw siya nitong protektahan gaya ng reporter na nakilala niya sa isla na gustong pagkakitaan ang kwento ng buhay nila ng binata.

Biglang natigilan si Miss Mandaue at napansin siguro nito na masyado itong nadadala ng emosyon nito. Na lumalampas na ito sa pagiging propesyunal. “Pasensiya na. N-Natutuwa lang ako na sa akin ipinagkatiwala ni Ethan ang pagtuturo sa iyo. Hindi ko naman sasabihin sa iba ang tungkol sa inyo Gusto ko lang maging komportable ka. Kung wala ka pang napapanood na pelikula at TV series ni Ethan, pahihiramin kita. Tapos paki-papirmahan na rin ng autograph sa kanya.”

Isang matabang na ngiti na lang ang isinagot niya. “Tapos na po ba tayo dito? Gusto ko na rin po kasing magpahinga.”

“Oo nga. Overtime na tayo,” anito at sinulyapan ang wallclock sa likuran niya. Pinisil nito ang braso niya. “Ikumusta mo ako kay Ethan, ha?”

Tumango na lang si Aurora at ihinatid ang guro sa labas. Hindi pa rin maalis ang inis sa dibdib niya. Inis kay Ethan Ravales. Minsan pakiramdam niya ay ibang nilalang ito at inagaw nito ang pagkatao ni Alvaro.

Sa Isla Juventus, wala naman siyang kailangang gawing masyado para pasayahin si Alvaro. Basta masaya silang magkasama. Pero nang dumating siya sa Maynila, parang marami siyang kailangang baguhin sa buhay para kay Ethan Ravales. Wala namang ginagawang masama sa kanya ang pagiging artista ni Alvaro. Trabaho lang naman iyon at nabubuhay siya sa karangyaang iyon dahil sa pag-aartista nito.

Huminga siya ng malalim at pinagmasdan ang larawan ni Alvaro kasama si Echo at ang mga magulang nito noong binatilyo pa ito na nakasabit sa dingding. Siguro ay masasanay din siya na iisa lang sina Alvaro at Ethan - ang lalaking nagluluto para sa mga magulang nito noong bata pa para mapasaya ang mga ito. Ang lalaking kailangang tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho at masuportahan ang nakababatang kapatid nito. Si Alvaro pa rin naman iyon.

Sa ngayon ay mas mabuting wala siyang masyadong malaman tungkol kay Ethan Ravales. Iyon din naman ang gusto ni Alvaro. At alam niyang nandoon siya dahil gusto ng nobyo na magkaroon siya ito ng pagkakataon na mabuhay nilang Alvaro Baltazar, isang ordinaryong lalaki at hindi isang artista.

Tinutulungan niyang maghanda ng hapunan si Yaya Edwina nang dumating si Alvaro. Sinalubong agad niya ito ng yakap. “Hey! Mukhang miss na miss mo ako.”

“Siyempre. Ilang araw din kitang hindi nakita.” Nag-shooting pa daw ito sa Ilocos at nangakong makikipagkita agad sa kanya matapos ang trabaho nito.

“Hmmmm.. Parang amoy ulam ka,” sabi nito at ibinaon ang ilong sa buhok niya.

“Tinutulungan ko si Yaya Edwina na magluto ng humba. Paborito mo daw iyon. Huwag kang mag-alala dahil tagahiwa lang ako ng rekado.”

“Alam mo naman na kakainin ko kahit anong luto mo. How is your tutorial?”

Inabot niya dito ang test papers niya na sinadya niyang iabang para sa pagdating nito. “Perfect lahat.”

“Very good.” Kinintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Next month na ang exam sa UP kaya dapat paghandaan mo. Isa iyon sa may pinakamahirap na entrance exam.”

“Papasa kaya ako?” kinakabahan niyang tanong at pinagsugpong ang daliri.

“I am sure, you will. Hindi ka naman nahuhuli sa lesson ng ibang estudyante. Mahaba pa ang panahon mo para mag-review. Matalino ka, Aurora. Kailangan mo lang i-review ang lahat ng napag-aralan mo dati. At ang mga di mo alam, si Miss Mandaue na ang bahala doon,” anang binata at umupo sa sofa.

Dali-dali niya itong ikinuha ng tsinelas na pamalit at hinubad ang sapatos nito. “Aurora, you don’t have to do that,” sabi nito.

“Huwag ka nang umangal. Alam kong pagod ka. Ganito din naman ang ginagawa ko kay Tatay dati.” Saka bahagyang minasahe ang binti nito. “Gusto mo ba ng juice o ng kape habang hinihintay ang hapunan.”

“Coffee is fine,” anito at tipid na ngumiti. “Thank you.”

Dali-dali niya itong ipinaglaga ng kape sa coffee brewer. Gusto niyang ipagmalaki dito na natututunan na niya ang paggamit ng appliances sa bahay. Sa ganitong paraan ay mapagsilbihan man lang niya ito. Marami pa siyang gustong ikwento dito. Gusto rin naman niyang makinig dito kung gusto nitong magkwento tungkol sa trabaho nito. Kung ano ang nangyayari sa likod ng camera.

Pero pagbalik niya ay nakatulog na ito habang nakaupo sa sofa. Nabitawan pa nito ang test papers niya at nakakalat sa sahig.

Huminga na lang siya ng malalim at inayos ang pagkakahiga nito sa sofa. Tinanggal niya ang tsinelas nito at ikinuha ng kumot at unan ang binata. Napagod ito marahil dahil sa shooting at sa pagod at layo ng biyahe.

Akala pa mandin niya ay magkakasabay sila na maghapunan sa wakas at makakakwentuhan. Pero wala naman siyang magagawa. Kailangang makapagpahinga ni Alvaro. Makakapaghintay naman siya.

“PWEDE kayang ilaban diyan ang nilagang hilaw na saging na saba na may kondensada mo?” malambing na sabi ni Alvaro habang nagpapahinga sila sa entertainment room. Pinapanood nila ang food and travel show ni Rouen Arezmendi na paboritong chef ng nobyo. Nagbibiyahe kasi ang chef na iyon sa iba’t ibang liblib na lugar sa mundo para ipakilala sa buong mundo ang tanawin at lutuin doon.

“May iba namang pwedeng iluto sa isla namin para ipalabas sa TV. Huwag na ‘yung hilaw na saging.”

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Nami-miss ko lang ang hilaw na saging na saba mo. Wala kasi iyon dito.”

“Sige. Magpapahanap ako kay Yaya Edwina sa susunod.”

Nasa kalagitnaan sila ng panonood nang katukin sila ni Yaya Edwina. “Ethan, may delivery para sa iyo.” Lumabas sandali ang binata at pagbalik ay may bouquet ng bulaklak itong dala. “Para sa iyo?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.