“Nope. For you,” anito at inabot sa kanya.
Tipid siyang ngumiti at kinuha iyon. “Salamat. Pero Alvaro, pwede bang huwag mo na akong bigyan ng bulaklak?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Isa na nga lang bouquet ang pinapadala ko kada araw, di ba? Hindi na flower shop. Saka parang date naman natin ito.”
Nalaman kasi niya kung gaano kamahal ang mga bulaklak na ipinadadala ng binata at muntik na siyang mahimatay. “Libro na lang ang ibigay mo sa akin. Kahit second-hand lang ayos na sa akin.”
Magaan itong tumawa. “Libro? Di ka pa rin nagsasawa sa libro? How about a new emerald set? Bagay daw iyon sa iyo sabi ni Milly.”
Umikot ang mga mata niya. “Alvaro, libro lang talaga.”
Ilang segundo siya nitong tinitigan na parang gusto pang makipag-argumento pero sa huli ay ngumiti ito. “Okay. Anong libro ang gusto mo? Magpapabili ako.”
“Hindi. Gusto kong samahan mo akong pumunta sa bookstore. Hindi ba masayang mamili ng mga libro nang magkasama?” aniyang di maitago ang ngiti. Matagal na niyang gustong lumabas. Nang isama siya ni Milly para mamili, marami siyang nakikitang magnobyo na magkahawak-kamay habang naglalakad o kaya ay kumakain habang nagsusubuan sa restaurant. Parang di naiiba sa pagpi-picnic nila nang magkasama sa Isla Juventus o kaya ay namamasyal sa dalampasigan.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Halika. Dito tayo mamili.”
Nagtataka siyang sumunod dito hanggang umupo ito sa harap ng computer. “A-Akala ko ba may pupuntahan tayo?”
“Dito na tayo mamimili,” anito at inilahad ang palad.
“Sa computer?”
“Oo. Pwede tayong umorder sa pamamagitan ng internet. May online bookstore na dito. Dito na rin babayaran sa pamamagitan ng credit card at ide-deliver na lang ang libro sa bahay. Halika. Tingnan mo kung ano ang gusto mo dito. Kung gusto mo, ibili din kita ng ebook para dito ka na magbasa sa cellphone mo o kaya ikukuha kita ng ebook reader. That is more convenient.”
“A-Ayoko niyan. Gusto ko sa bookstore bumili nang magkasama tayong dalawa. Tapos pareho nating maaamoy ang libro habang namimili ng magandang basahin. A-Ayokong sa computer lang bumili.”
Gusto niyang magdabog na parang bata. Pakiramdam niya ay inuuto siya nito. Dinadaya. Hindi lang naman ang pamimili ng libro ang punto niya kundi ang lumabas sa bahay na iyon nang magkasama. Ang maging normal na magkasintahan.
Ginagap nito ng kamay niya. “Ayoko sanang lumabas ng bahay. Hindi ako pwedeng makita kasama mo.”
“A-Ayaw mong makita akong kasama ng ibang tao? Nahihiya ka?” tanong niya sa may kataasang tono.
“No. Ang ibig kong sabihin ay gusto kong masolo natin ang isa’t isa. We can’t do that if we will go out and people will see me. Magkakagulo sila at magpapa-picture hanggang di na tayo makakapamili ng libro. Susundan nila tayo kahit na saan. Lalo akong mawawalan ng oras para sa iyo. Gusto mo ba iyon?”
Isang iling agad ang isinagot niya. “Ayoko. H-Hindi ko naman alam na ganoon ang mangyayari kapag nakita ka ng ibang tao.”
Niyakap nito ang baywang niya. “I hope you will understand. Mas gusto ko na tayong dalawa lang ang magkasama ngayon.” Kinudlitan nito ang dulo ng ilong niya. “Konti lang ang panahon ko na wala akong trabaho. Ayokong sayangin iyon.”
“S-Sige. Diyan na lang tayo umorder sa computer,” sabi niya at humila ng upuan sa tabi nito. Ayos na ito kahit nasa bahay lang sila basta solo niya ito at magkasama sila. Tatanggapin na lang niya na hindi sila normal na magkasintahan. At sa ayaw niya’t sa hindi ay hindi ordinaryong lalaki ang nobyo. Ito si Ethan Ravales.
Nasa kalagitnaan pa lang sila ng paghahanap ng libro nang biglang may tumawag sa cellphone nito. “Yes? What? Ngayon na ba iyon? E bakit hindi sinabi sa akin ni Bambi? She’s not as competent as Paola.” Nalukot ang mukha ng binata at sinapo ang noo nito. Okay. I am leaving. I will be there at nine.” May pinindot ito sa cellphone. “Manong Bruno, aalis na po tayo. Kailangan ko sa condo ko ngayon.”w
“A-Aalis ka?” tanong niya nang damputin nito ang jacket at wallet nito na nasa mesa sa tabi ng sofa. “Akala ko buong araw tayong magkasama at wala kang trabaho.”
“May event na hindi nasabi sa akin ang PA ko. I have to hurry up. Importante na makapunta ako. Ikaw na ang bahala sa libro na gusto mo.” May inabot itong itim na plastic card sa kanya. “Just use my credit card. I will get you your own next time. Bilhin mo kung ano ang gusto mo. Bye.”
Kinintalan lang siya nito ng halik sa labi at dali-daling lumabas ng pinto. Sinundan niya ito palabas ng entertainment room para ihatid ito pero hindi na siya nito nahintay dahil halos palipad na itong tumakbo sa hallway hanggang pababa ng grand staircase. Wala siyang nagawa kundi ihatid ito ng tanaw nang sumakay sa nakaabang na sasakyan. Nakatutok agad sa tainga ang cellphone nito at may kausap. Ni hindi na nito napansin ang pagkaway niya dahil umandar na ang kotse nito.
“Umalis si Ethan?” tanong ni Yaya Edwina nang puntahan niya sa kusina.
“Opo. May importante daw siyang pupuntahan. Akala ko buong maghapon po kaming magkakasama. Hindi rin pala. May tumawag po sa kanya at may event daw po siyang pupuntahan. Di daw po kasi nasabi sa kanya ni Bambi.”
“Ganoon talaga. Nag-resign kasi ang dating PA ni Ethan pagbalik niya galing isla kaya nangangapa pa ang bagong PA niya. Ganyan talaga ang trabaho niya. Kahit ang mga magulang ni Ethan noon laging wala dito dahil nasa trabaho. Madalang silang magkasama. Kaya unawain mo na lang.”
“Sinusubukan ko pong intindihin,” aniya at kinagat ang labi. Saka niya naalala kung paanong walang oras ang mga magulang ni Alvaro dito dahil sa trabaho. Walang kaibahan dito ang binata. Minahal niya ito. Pinasok niya ang sitwasyon na ito kaya hahabaan na niya ang pang-unawa niya.
“Gusto mo bang tikman ang cake na pinabili ni Ethan para sa iyo?” alok ni Yaya Edwina.
“Sige po,” aniya at pinasaya ang sarili sa kabila ng pagkadismaya. Baka nga cake lang ang katapat ng lungkot niya. Magiging okay ulit siya.