Chapter FE: TDTYS 61

“BAKIT kailangan ulit nating mamili? Kabibili lang natin noong isang linggo. Hindi ko pa nga nasusuot lahat,” angal ni Aurora kay Milly nang sunduin na naman siya nito para mamili ulit sila. Pero sa pagkakataong ito ay sa mall na daw sila.

“Dahil hindi pa natin natse-check ang ibang boutique. Maraming new arrival ngayon. Doon lang tayo sa boutique sa malapit sa village nakabili last time. Now, we will visit the mall. Hindi lang damit ang meron doon. Halos lahat pwedeng mabili sa mall. We can also watch a movie if we have time. Do you like watching movies?”

“W-Wala kasi sa isla namin na sinehan o kuryente man lang. Noong bata ako nakakanood ako ng pelikula. Matagal na iyon bago pa ako tumira sa isla.”

Naiintriga siya sa itsura ng mall. Di sila natuloy ni Tiya Manuela na mag-mall noong nasa Calbayog sila dahil nanakaw ang bag niya at nasaksak si Ethan.

“Oh! Poor you,” anang babae at pinisil ang baba niya. “Isasama pa mandin kita na manood ng Magic Mike.”

“Magic Mike? Pambata ba iyan? Si Mike na marunong mag-magic?” inosente niyang tanong. “Gusto ko iyan. Gusto ko ng mga magic. Mahilig kasi akong magbasa ng fairy tale mula pagkabata ko hanggang ngayon.” Kasama sa pinapanood niya sa cable ang mga pambatang palabas. Nakaka-miss kasi na maging bata.

Sinapo ni Milly ang noo. “Oh, no! Ethan will have my head for this. I tend to forget how pure, innocent and naive you are. Forget about Magic Mike. Titingnan na lang natin kung ano ang pelikula na palabas. Sa ngayon, mag-shopping muna tayo.”

“Okay... Pwede ba akong tumingin din ng libro? Gusto ko sanang tumingin ng libro.” May pera naman siyang naipon at dala niya nang lumuwas siya ng Maynila. Di naman niya iyon nagagalaw dahil di siya gumagastos.

“Fine. Pero doon ako sa magazine section ha? I am.. Not much into books really,” anito at tipid na ngumiti.

Dahil sa klase ng trabaho ni Alvaro at ang pagiging Ethan Ravales nito, unti-unti na niyang tinatanggap na hindi sila normal na magkasintahan. Minsan ay basta na lang itong susulpot sa mansion pero aalis din agad. Gusto lang daw siyang yakapin at halikan. Minsan ay magkausap sila pero basta na lang itong makakatulog.

Hindi niya inaasahan na ito ang buhay na papasukin niya. Wala na siyang oras para magtanong o alamin kung anong naghihintay sa kanya. Basta sumugal siya kay Alvaro. Kahit naman siguro ordinaryo itong tao, kailangan pa rin niyang mag-adjust. Iba pa rin ang buhay sa Maynila sa buhay sa isla.

Napanganga siya nang makita ang mall. Isa pala iyong malaking gusali na maraming tindahan. May mga palaruan din at kainan. Naiinosentehan din siya sa hagdang umaakyat at bumababa pati na rin sa kahon na sasakyan ng tao para makapunta sa ibang palapag. Escalator at elevator daw ang mga iyon.

Inaliw niya ang sarili sa nakikita sa paligid. Huminga siya ng malalim at sinamyo ang aircon na malamig. Iba-iba ang naaamoy niya. May pabango, may pagkain at kung anu-ano pa. “Madami palang tao dito.”

“Yes. Lahat kasi ng kailangan mo nandito na.” Luminga ito sa magkabilang gilid dahil nasa gitna sila ng hall. “So, which store first? Here.” At hinatak siya sa kanan.

“Si Alvaro iyon,” usal niya at natigilan sa paglalakad sa harap ng malaking poster na nakakabit sa isang tindahan. Para iyon sa isang pabango.

Nasapo niya ang dibdib dahil napakaguwapo nito. Black and white lang ang larawan pero lumutang ang kaguwapuhan nito. Kuhang-kuha ang matapang na anggulo ng mukha nito mula sa makinis nitong panga hanggang sa matangos nitong ilong. At ang mga mata nito na nagsasabing mahal nito ang isang babae.

At ang mga mata nito ay nakatutok sa babaeng kasama nito sa larawan. Maganda at mestisahin na nakatitig din dito. Magkalapit ang mukha ng mga ito sa isa’t isa na parang maghahalikan ang mga ito.

“So they finally put it on display. Isn’t it beautiful?” nakangiting sabi ni Milly at bumuntong-hininga. “Parang gusto ko rin na ganyan akong titigan ng lalaking gusto ko. So romantic! Like a fairy tale.”

“S-Sino siya?” tukoy niya sa babaeng kasama si Alvaro.

Pumasok sila sa shop at tumingin-tingin ng mga damit saka inilapat sa katawan niya. “That is Shaira, Ethan’s love team.”

“Love team?” tanong niya.

“Yes. Siya ang partner ni Ethan sa pelikula na sinu-shoot ni Ethan. I can’t blame you if you are not that familiar with Shaira. She’s a... Has-been. Magpasalamat siya kay Ethan dahil magkakaroon ulit siya ng career,” kwento ni Milly at namaywang. “Kahit di na siya ganoon kasikat gaya ng dati, she and Ethan look good together.”

Napakagandang pagmasdan nga ng mga ito. Bagay na bagay. Parang totoong nagmamahalan ang mga ito kung magtinginan.

Kahit naman siya ay natulala din sa larawan ng dalawa. Nakadama siya ng kilig... At inggit. At selos. Paanong nagagawang tingnan ni Alvaro nang ganoon ang ibang babae? Naramdaman na niya iyon dati nang nakikipagtawanan ito sa ibang babae sa isla habang ayaw siya nitong pansinin. Pero iba ito. Nakatitig ito sa babae na parang nagmamahalan ang mga ito. Ganoon din ito kapag nakatingin sa kanya.

“Huwag mong sabihin na nagseselos ka? Ethan Ravales is your boyfriend.”

“Shhh!” saway niya dito at hinila ito palabas ng shop. “Alam mo naman na ayaw ni Alvaro na sabihin iyon sa iba.”

“I am sorry.” Natutop nito ang bibig. “Fine! Fine! Your boyfriend is Alvaro and not Ethan.” Pinunasan nito ang noo. “Sana walang nakarinig. Ugh! Sasakalin ako ni Ethan kapag kinuyog ka ng mga tao dito. Mabuti pa sa ibang store na lang tayo pumunta. The bookstore perhaps?”

Akala ni Aurora ay tapos na ang dilemma niya. di iyon ang nag-iisang larawan ni Ethan kasama si Shaira. May ibang tindahan pa na may nakapaskil na tarpaulin ng larawan ng dalawa. Mabenta daw talaga ang mga ito ayon kay Milly. Pati sa bookstore ay may poster ang mga ito at cover pa ng libro kung saan ibabase daw ang susunod na pelikula ng mga ito.

Hinawakan niya ang libro at saka nilingon si Milly na nanghahaba ang nguso habang tumitingin sa ibang libro. “Milly, posible bang magkagustuhan ang mga m-magka-love team at magkatuluyan sa huli?” hindi makatiis niyang tanong. Kailangan niyang malaman dahil hindi siya matatahimik.

“Oo naman. May mga nagpapakasal pa nga katulad nina Sharon at Gabby saka Marian Rivera at Dingdong Dantes. Lagi kasi silang magkakasama tapos intimate scenes din sila magkasama. Nagiging totohanan na sa kalaunan. Siyempre may nade-develop at nauuwi sa totohanan. At madalas kasi iyon din ang gusto ng mga fans. Mas mabenta ang isang palabas kung magpapanggap na may gusto ang mga bida sa isa’t isa. Normal lang iyon.”

Iyon din ba ang nangyari kay Alvaro? Trabaho lang ba ang namamagitan dito at sa leading lady nito? Posible kayang magkagustuhan sina Shaira at Ethan? Maganda si Shaira at kahit anong spa ang gawin sa kanya, milya-milya pa rin ang ganda nito sa kanya. Hindi naman malabong mangyari iyon lalo na kung laging magkasama ang mga ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.