Parang mababaliw si Aurora habang nakatitig sa puting kurtina na habong ng ibabaw ng kama niya. Kung anu-anong scenario ang pumapasok sa usap niya nang mga oras na iyon. Hindi na sila nakanood pa ng sine ni Milly at umuwi din agad dahil napansin nitong matamlay siya. Sinabi lang niya na pagod siya dahil sa pagre-review.
Ang totoo ay di niya maalis sa isip niya ang posters ni Alvaro kasama si Shaira Mercado. Magkalapit ang mukha ng mga ito na parang maghahalikan. Kung magtinginan ang mga ito ay parang nagmamahalan. Sabi ni Milly ay arte lang naman iyon pero bakit iba ang pakiramdam niya?
“Aaaagggghhh!” sigaw niya at itinakip ang mukha sa palad. Mababaliw talaga siya hangga’t di niya nalalaman ang totoo lalo na tungkol sa Shaira na iyon. Paano kung ito pala ang may gusto kay Alvaro at akitin nito? Paano naman niya maipaglalaban ang lalaking mahal niya kung wala siyang alam?
Pero kaya ba niyang itanong iyon kay Alvaro o sa ibang tao? O mas mabuting manahimik na lang siya at isiping trabaho lang ang lahat?
Kasalukuyan siyang nagkukuli sa dapat gawin nang mag-ring ang cellphone niya. Hindi naka-rehistro ang numero pero sinagot na rin niya. “Hello.”
“Roraaaaa, BFF! Ikaw nga! Tao ka na! Nakakasagot ka na sa cellphone.”
“Crisanta?” bulalas niya nang mabosesan ang kaibigan. Humalakhak siya na parang maiiyak nang marinig ang boses nito. Mistula siyang isda na muling nakatagpo ng tubig. Mababait naman ang mga taong nakakasalamuha niya sa Maynila pero iba pa rin ang totoong kaibigan niya. Ito mismo ang kailangan niya ngayon. “Mabuti natawagan mo ako.”
“Dumalaw ako sa isla at nalaman ko na kinuha ka na pala ni Alvaro. Naunahan mo pa akong makarating diyan sa Maynila. Iba na talaga ang maswerte. Kumusta naman ang buhay mo diyan? Siguro araw-araw ka sa mall at namamasyal sa Luneta.”
Pinahid niya ang luha sa mata. “Hindi naman gaanon. Mas abala ako sa pag-aaral kaya dito lang ako sa bahay. Gusto daw kasi ni Alvaro na kumuha ako ng entrance exam sa university kaya kailangan kong paghandaan iyon.”
“Talagang pinangatawanan ninyo ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa. Ipinasundo ka pa niya papuntang Maynila. Nagawa mo ring makawala sa kay Manoy Gener. Ang tagal-tagal mo nang gustong mag-aral, hindi ba?”
“Kumusta na pala si Amay?” tukoy niya sa ama. “H-Hindi ko kasi siya makumusta dahil walang signal ng cellphone sa isla.”
“Ayun! Masungit pa rin. Napagalitan nga ako kasi daw masamang impluwensiya daw ako sa iyo. Naging suwail ka daw na anak dahil sa akin. Ano namang malay ko doon? Wala naman ako nang magdesisyon kang umalis pa-Maynila.”
“Pasensiya na kay Amay. Kailangan ko lang talagang gawin ito. Ayaw ko naman siyang iwan. Siya lang itong ayaw sumama.”
“Ayos na rin iyon na nakakapagdesisyon ka na sa sarili mo. Di naman dahil umalis ka, di mo na siya mahal. Saka madami namang nag-aalaga sa kanya. Kumusta na pala kayo ni Alvaro Sungit?”
Gusto niyang sabihin ang totoo tungkol sa pagkatao ni Alvaro pero naalala niya ang bilin nito na dapat siyang maging maingat sa ilalahad niya. Kahit ang mga tao sa isla ay di niya masabi na si Alvaro at si Ethan Ravales ay iisa. Lalo naman kay Crisanta na may kadaldalan. Kahit na matalik niya itong kaibigan, di naman siguro ibig sabihin ay kailangan niyang sabihin dito ang lahat.
“Mabait naman si Alvaro at masaya kami. Malambing siya at maasikaso. Tinitiyak niya na lahat ng kailangan ko maibibigay niya sa akin. Abala lang siya sa trabaho pero ayos naman kami,” aniya at pilit na ngumiti. “Hindi kami magkasama sa bahay pero dinadalaw niya ako.”
“Ibig sabihin virgin ka pa hanggang ngayon? Wala pang nangyayari sa inyo?”
“Siyempre naman! Maginoo si Alvaro. Hindi siya mapagsamantala.”
Noong una ay natatakot siya dahil baka may ibang hangad sa kanya si Alvaro. Pero nararamdaman niya ang respeto nito. Alam nito kung saan ang hangganan nila.
“Buti pa kayo. Samantalang ako, kailangan pang ako ang laging dumalaw kay Iking. Ayaw pa rin niyang lumipat ng Cebu. Pakiramdam ko ako na lang ang nagmamahal sa kanya dahil nakuha na niya ang lahat sa akin.”
“Crisanta, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya. “Baka naman abala lang talaga siya sa trabaho. O kaya sadyang di niya maiwan ang buhay sa isla. Di naman madaling lumipat sa lungsod lalo na kapag sanay sa isla.”
“Kung ayaw niyang sumunod sa akin, makikipaghiwalay na ako. Huwag kang mag-alala. Kapag kami naman ni Ethan Ravales ang nagkatuluyan, magkakasama din tayo diyan.”
“Ikaw talaga palabiro ka,” aniya at magaang tumawa. Kakatwa lang ang pakiramdam na marinig ang kaibigan na kinahuhumalingan ang nobyo niya at wala itong kamalay-malay na siya ang natatanging babae sa buhay ni Ethan Ravales.
“Nakakainggit talaga ang Shaira Mercado na iyon, ‘yung bagong leading lady ni Ethan. Mantakin mo lagi na naman siyang nakadikit kay Ethan, my labs. Usap-usapan nga may relasyon na sila. Ayaw lang nilang umamin. E nahuhuli namang nagde-date.”
“Anong sinabi mo?” usal ni Aurora. “N-Nagde-date sila ng leading lady niya?”
“Oo. Ang sweet nila doon sa party na pinuntahan nila ni Ethan noong isang kagabi.”
“S-Saan mo naman nasagap iyan?” nanginginig ang boses niyang tanong.
“Naka-post kaya sa Facebook at Instagram saka naka-balandra sa mga blog.”
“A-Ano ang mga iyon?” naguguluhan niyang tanong.
“Aurora naman! Sa unang sampa pa lang sa Maynila, iyan dapat ang inalam mo. Nasa Maynila ka na wala ka pang alam sa Facebook at Instagram. Parang di ka rin umalis ng isla. Mas marami pang balita sa internet kaysa sa balita sa TV at diyaryo.”
“H-Hindi. May internet naman dito sa bahay. Hindi ko lang alam gamitin para maghanap ng buhay ng artista.”
Itinuro sa kanya ni Alvaro kung paano iyon gamitin nang nakaraang bumili sila ng libro sa internet. Pero hanggang doon lang. Hindi naman kasi siya interesado sa ibang bagay. Kung gusto niya ng balita, sa radyo sila nakikinig ng report ni Yaya Edwina dahil mas mabilis daw ang balita doon. Saka ito makikinig ng dula na kinaaliwan din niya dahil sa isla nila ay iyon din ang uso para sa may radyong de baterya.
“Turuan mo ako kung paano ko makikita iyang picture ni Ethan Ravales,” ungot ni Aurora sa kaibigan.
“E bakit ka biglang naging interesado kay Ethan Ravales?” tanong ni Crisanta.
“Kasi sabi mo kahawig siya ni Alvaro. S-Saka para naman makilala ko ‘yang mga artista na sinasabi mo at maintindihan ko mga kwento mo sa akin.” Umupo siya sa harap ng computer. “Anong gagawin ko?”
“Buksan mo ang Internet browser, Punta ka ng Gugol-dot-com tapos i-search mo ang pangalan niya - Ethan Ravales at Shaira Mercado.”
Nag-type siya. “Gugol? G-U-G-O-L?” aniya habang itina-type ang mga letra sa keyboard. “E bakit walang lumalabas.”
“Tangek! Gugol! G-O-O-G-L-E! Gugol-dot-com! Gugol lang di mo pa ma-spell.”
“Di ba Google ang basa doon?” tanong niya.
“Ako pa ang tuturuan mo. Mas may alam ako sa computer at sa Gugol kaysa sa iyo. Sige. Search mo na ang pangalan nila.”
Nangangatog ang daliri ni Aurora nang i-type ang pangalan nina Ethan at Shaira. Parang humampas siya sa pader nang makita ang mga photoshoot at pictorial ng dalawa. Tiningnan niya isa-isa ang larawan. Ganoon pa rin ang epekto. Parang nagmamahalan talaga ang mga ito.
At parang binagsakan ng malaking puno ng niyog ang kaawa-awa niyang puso nang makita ang larawan nina Shaira at Alvaro sa party nang nakaraang gabi. Iyon ang gabing iniwan siya ni Alvaro para daw magtrabaho. Nagbubulungan ang mga ito, nagtatawanan at magkahawak pa ng kamay.
“Hindi ba nakakainggit na nakakainis?” angil ng kaibigan sa kabilang linya.
“Oo. Mukhang masayang-masaya sila,” nasabi na lang niya habang nakatulala sa larawan kung saan nagbubulungan ang mga ito.
Iniwan siya ng nobyo para makasama ang babaeng iyon? Ang babae na katrabaho lang nito at di naman talaga nito mahal. Tapos silang dalawa ay di pwedeng lumabas nang magkasama? Simple lang naman ang hininga niya. Di naman niya gusto na maisama sa party. Pero ‘yung mamili sila ng libro nang magkasama, malaking bagay iyon sa kanya. Hindi ‘yung parang itinatago siya nito.