Parang sampal iyon sa kanya bilang totoong nobya na ibang babae ang nakikita ng mga tao na kasama nito. Na parang isa siyang maduming sekreto.
“Kung maide-date ako ni Ethan at maisasama sa ganyan kabonggang party, masaya na ako,” anang si Crisanta sa boses na nangangarap.
“Kahit ako sa tabi-tabi lang basta masaya kami,” usal niya at naramdaman niyang pumatak ang luha sa pisngi niya. Hindi aman kailangan na sa isang magarbong party at magsusuot sila ng magagandang damit. Ang gusto lang niya ay taas-noo nitong maipakita sa mga tao na siya ang babaeng mahal nito.
“Ni Ethan?”
“Ni Alvaro,” anang si Aurora.
“Di ba kayo lumalabas? Nagde-date?”
“Lagi siyang abala sa trabaho,” aniya at lumunok.
“Sabagay kailangan niyang kumita dahil nandiyan ka rin sa Maynila. Mantakin mo pag-aaralin ka pa niya. Madalang na ang ganoong lalaki.”
Trabaho. Sabi nito ay trabaho ang pupuntahan nito. Hindi date kasama ang ibang babae. Hindi ‘yung magmumukhang babaeng iyon ang mahal nito. Naalala niya ang sinabi ni Milly na minsan ay kailangang magpanggap ng mga artista para sa mga maging kapani-paniwala sa mga tao ang role ng mga ito. Pati ba sa labas ay ganoon pa rin dapat ang mga iyon? Hindi ba dapat pag tapos na ang trabaho ay tapos na ang pag-arte? Hindi na niya alam kung anong dapat isipin.
Hindi niya alam kung sino ang mas mapalad sa kanila ni Crisanta - ito na isang tagahanga na hindi maabot ang pinapangarap nitong lalaki o siya na nobya nga ni Ethan Ravales pero nakatago naman sa mata ng publiko. Ni hindi niya maipagmalaki ang nobyo sa iba.
Mababa ang tingin ni Aurora sa sarili matapos kausapin ang kaibigan. Hindi ito ang inaasahan niyang magiging trato sa kanya ni Alvaro. Dapat ba niyang kausapin ang binata tungkol dito? Dapat ba na magbago na ang relasyon nila?
Pumikit siya nang mariin. Natatakot siya sa magiging sagot ng binata. Natatakot siya sa katotohanan.
“ALVARO, gusto kong manood ng pelikula,” ungot ni Aurora sa nobyo nang dalawin siya nito matapos ang ilang araw. Buong araw daw siya nitong makakasama dahil na-pack up ang shooting nito nang maaga.
“Sige,” sang-ayon naman nito. “Marami akong DVD na naiwan dito. Halika sa entertainment room. Mamili ka doon. Gusto mo ba ng romantic-comedy? Drama?” Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya papunta sa entertainment room.
Kumawala siya sa pagkakahawak nito. “Ayoko. Gusto ko sa sinehan tayo manood ng pelikula. A-Ayoko na dito sa bahay.”
Napapatda ang binata. “What for? May maganda tayong entertainment system dito sa bahay. Parang nasa sinehan ka rin sa laki ng TV. I have lots of DVD. Madami kang mapagpipilian. Tayo lang dalawa dito. Hindi na natin kailangang umalis. Solo pa natin ang lugar.”
“Ayoko na dito. Gusto kong lumabas kasama ka. Gusto kong maranasan kung ano ang ginagawa ng mga normal na magkasintahan na lumabas at manood ng sine,” aniya habang kinokontrol ang emosyon.
Minasahe ng binata ang leeg. “Aurora, naipaliwanag ko na sa iyo kung bakit hindi pwede. Hindi rin tayo makakapag-enjoy. Mahahati ang atensiyon ko sa iyo at sa mga fans. Di ko sila pwedeng tanggihan kapag may request sila. Gusto mo ba iyon?”
“E bakit kayo ni Shaira nakakalabas? Bakit kayo ng leading lady mo nakakapag-date?” may halong panunumbat na tanong niya.
“What?” bulalas nito. Nalukot ang mukha nito. “W-Where did you get that idea?”
“Nakakalat sa internet ang mga picture ninyo. Si Crisanta ang nagsabi sa akin na lumabas kayong dalawa,” aniya sa bahagyang mataas na boses saka binuksan ang cellphone niya at ipinakita doon ang mga picture na nai-save niya mula sa date ng dalawa. Salamat kay Crisanta kaya madami siyang natutunan pagdating sa pag-i-internet at kung paano niya mahahanap ang kailangan niya.
Dumilim ang anyo ng binata pero di agad nakapagsalita. Nakatitig lang ito sa mga larawan habang hindi maipinta ang mukha. Siguro ay guilty ito dahil nalaman niya.
“Sabi mo nang nakaraan trabaho lang ang dahilan kung bakit kailangan mong umalis. Iyon pala magde-date lang kayo,” puno ng hinanakit niyang sabi.
“Trabaho pa rin iyan. Kasama sa trabaho namin ang pagpunta sa mga event nang magkasama para visible na kami bago pa lumabas ang pelikiula namin ni Shaira. Walang ibang ibig sabihin iyon.”
Tumaas ang kilay ni Aurora. “Walang ibang ibig sabihin? Parang hindi iyon ang nakikita sa larawan ninyo. Sobrang lambing ninyo sa isa’t isa. Di naman ako bulag.”
Pilit itong ngumiti at hinawakan ang balikat niya. “Mga reporter lang at ibang tao ang nagbibigay ng malisya doon. Naalala mo noong play natin? Gumamit tayo ng silhouette para palabasin na hinahalikan mo ako. So those pictures are like a silhouette but it was only used to create an illusion. Do you get it.”
Hindi niya matanggap ang paliwanag nito dahil iba ang sinasabi ng puso niya. “Gusto mo ba si Shaira?” tanong niya at tuluyan nang pumatak ang luha sa mata niya.
“Ano bang klaseng tanong iyan? Hey!” Pinahiran nito ang luha niya. “Sa palagay mo ba dadalhin kita dito kung ibang babae ang gusto ko?”
“Alam ko na gusto mo rin ako. Pero paano kung gusto mo rin siya? Sabi sa akin ni Milly, di daw malayo na magkagustuhan ang magka-love team. Nauuwi sa kasalan,” sabi niya at humikbi.
“Aurora, iyon ang binabayaran sa amin. Magpapanggap kami na gusto namin ang isa’t isa dahil umaarte kami. Kung ikaw napaniwala ko na gusto namin ang isa’t isa, ibig sabihin magaling kaming artista. Hindi mo kailangang paniwalaan ang lahat ng nakikita ng mata mo o ang sinasabi ng iba. Ang mahalaga tayong dalawa ang nagkakaintindihan,” malambing nitong sabi at kinintalan ng halik ang noo niya.
“Kung arte lang iyon at nagpapanggap kayo, bakit parang mas gusto mong makasama siya at makita kayo ng maraming tao pero ako hindi?”
“Iyon lang ang ba ang gusto mo? Ang lumabas tayo?” tanong nito.
“Oo. K-Katulad ng napapanood ko sa TV. Katulad ng mga nakikita ko na masaya siyang lumalabas ng nobyo nila. A-Ayoko ng pakiramdam na nakakulong lang tayo dito sa bahay na parang itinatago mo ako. Gusto kong maramdaman na importante ako, di dahil kaya mo akong bigyan ng mga bagay na nabibili ng pera.” Yumakap siya sa baywang nito at ihinilig ang pisngi sa dibdib nito. “Gusto kitang makasama.”
“Okay. Then I will give you the date that you want.”
“T-Talaga? Manonood tayo ng sine?” tanong niya. Nang tumango ito ay tumili siya at pinupog ng halik ang mukha nito. “Salamat, Alvaro! Salamat!”
Akala talaga niya ay tatanggihan na naman siya nito. Ihinanda na niya ang sarili sa galit nito. Pero sa huli ay pinagbigyan pa rin siya nito. Mahal nga siya nito.
“Alam mo naman na gagawin ko ang lahat para sumaya ka. Pero may kailangan lang tayong gawing pagbabago. Konting-konti lang.”