HINDI mapuknat si Aurora sa katatawa habang bumibiyahe sila ni Alvaro papunta sa sinehan at sakay ng van. Pinagsuot siya nito ng asul na jumper na may dilaw na T-shirt sa loob. Habang siya ay may bonet na may goggles sa ulo na may isang mata, ito naman ay may suot na salamin at nakaluwa ang mga mata.
“Tawa ka nang tawa diyan,” anang binata at bahagyang ngumuso. “Guwapong-guwapo ka sa akin, ‘no?”
“Bakit ganyan ang itsura mo?” tanong ni Aurora at itinuro nito. “Mukha kang alien.”
“Ikaw nga may third eye sa ulo. Ganito kasi ang itsura ng mga Minions. Iyon ang panonoorin nating pelikula. Buti nakapag-secure ako ng ticket para sa block screening,” sabi nito.
“Papapasukin ba tayo sa sinehan na ganito ang itsura natin?”
“Oo naman. Huwag kang mag-alala. At magandang paraan din ito para hindi ako dumugin ng mga tao. Hindi ako makikilala,” puno ng kompiyansang sabi ng lalaki saka ginagap ang kamay niya. “Makakapanood tayo nang matiwasay nang hindi tayo ginugulo ng mga fans. Iyon ay kung okay lang sa iyo na may boyfriend na mukhang alien, gaya ng sinabi mo.”
“Oo naman. Masaya na ako basta kasama kita. Saka bagay tayo dahil pareho tayong mukhang alien,” anang si Aurora at humagikgik.
Noong una ay kinakabahan siya dahil baka mamaya ay pagtinginan sila ng mga tao nang dumating sila sa Podium. Pero sa entrada pa lang ng mall ay marami nang bata at taong naglisaw na pawang nakasuot ng costume ng Minions.
“Ganito pala ang costume ng lahat. Nakakatuwa naman,” aniya at itinuro pa ang batang may hawak na saging. “H-Hindi ka rin pinapansin ng mga tao. Walang nakakilala sa iyo.”
“Effective ang disguise natin. Gusto mo ba ng popcorn?” tanong nito at itinuro ang tindahan sa labas ng sinehan na may ibinebentang pagkain.
“Oo. Gusto ko iyan.”
Matapos bumili ng malaking tube ng popcorn at juice ay pumasok na sila ng sinehan. Kinabahan siya dahil madilim pala sa loob. “Aurora, hawakan mo lang ang braso ko,” anang binata.
“P-Parang nakakatakot. Wala naman sigurong lalabas na halimaw dito.”
“Kung may halimaw man na lalabas, poprotektahan pa rin kita,” sabi nito.
Pero hindi siya kailangan pang protektahan ng nobyo sa anumang halimaw nang magsimula na ang palabas dahil nahulog na ang loob niya sa mga Minion - ang mga maliliit na dilaw na nilalang na wala siyang maintindihan na kahit isang salita. Kasabay niyang humahalakhak ang mga bata. Hindi niya alam kung kailan ang huling pagkakataon na humalakhak siya nang ganoon o naaliw sa isang palabas. Parang bumalik siya sa pagkabata.
“Popcorn?” alok ni Alvaro at inilapit ang popcorn sa bibig niya.
“Kaya ko namang subuan ang sarili ko,” sabi niya.
“Hayaan mong subuan kita. Ganoon ang ginagawa ng mga nagde-date.”
Ibinuka niya ang labi at ngumiti. Nararamdaman niya na bumabalik na sila sa dati. Kasama na ulit niya si Alvaro. Kumuha din ng popcorn saka isinubo dito.
“Hindi mo na ako kailangang subuan,” angal nito.
Tinaasan niya ito ng kilay. “Sige na. Date natin ito,” paalala niya.
“Okay.” At nagpasubo ito sa kanya.
Maya maya ay kasabay na niyang tumatawa ang binata. Mistulang musika iyon sa kanyang tainga. Kailangan iyon ng binata para mabawasan ang pagod na dinadala nito. Nang lumabas sila ng sinehan ay napansin niya na mas maaliwalas na ang anyo nito. Kahit may nakalagay na antipara sa mata nito ay alam niyang nakangiti ang mata nito.
Magkahawak-kamay silang naglakad sa wala nang taong mall. “Too bad, sarado na ang mga tindahan. Gusto ko sanang tumingin-tingin tayo sa mga store,” sabi ng binata. “O kaya kahit kumain ng ice cream habang naglalakad-lakad.”
“Ayos lang. Masaya naman ako sa Minions,” nakangiti niyang sabi. “Sana maulit tayong manood ng sine sa susunod. ‘Yung may costume ulit para di nila mahalata na ikaw si Ethan Ravales.”
“Ano kayang magandang palabas para sa susunod na movie date natin?” tanong nito nang nakasakay na sila sa van nito at pauwi na.
“Magic Mike,” sagot agad niya. “Maganda daw iyon sabi ni Milly. Pwede bang manood din tayo no’n? Tapos naka-costume ka ulit.”
Nanlaki ang mata nito. “No way! Gusto mong gayahin ko ang Magic Mike?”
“Oo. Bagay na bagay siguro iyon sa iyo. Isa kang madyikero.”
Biglang inubo ang binata. “Aurora, hindi iyon pambata.”
“Hindi pambata na madyikero?” tanong niya at ikiniling ang ulo. “Hindi ba
Huminga ito ng malalim at pagkuwan ay ihinilamos ang palad sa mukha. Parang nahihirapan na magpaliwanag sa kanya. “Hindi ganoon kaganda ang pelikula. Iba na lang ang panoorin natin sa susunod.”
“Makakasama ba akong manood ng pelikula mo kung sakali?” umaasam niyang sabi.
“Pwede kitang makasama sa sinehan pero karaniwan ay kasama ko ang ibang cast. Huwag kang mag-alala. Pwede naman kitang ikuha ng upuan na di kalayuan sa akin. Makakapanood pa rin tayo nang magkasama,” maingat na paliwanag ng binata.
“Ayos na iyon basta kasama ka. Basta malaman mo na sinusuportahan kita,” wika niya at humilig sa dibdib nito. “Kahit na hindi mo sabihin sa iba na nobya mo ako.Akala ko talaga hindi na kita makakasamang mag-date nang ganito. Malaking bagay ito sa akin.”
“You deserve better than that. I want to tell the world that I am yours. Pero kailangan din kitang protektahan. ”
“Hindi ko naman hinihingi ang malaman ng buong mundo na mahal mo ako. Kahit... Kahit minsan maramdaman ko pa rin na ikaw si Alvaro. Hindi naman ito tungkol sa kasama kita bilang si Ethan Ravales. Gusto ko pa ring maramdaman na kasama ko si Alvaro, ang lalaking minahal at ipinaglaban ko. Kahit na naka-costume ka na mukhangh alien, masaya pa rin naman tayo. Nakakalabas tayo nang nakikita ng mundo na parang normal tayong magkasintahan.”
“Kahit na Minion ang ka-date mo at hindi si Ethan Ravales.”
“Kahit na mukha ka pang alien,” aniya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Salamat dahil pinagbigyan mo ako sa araw na ito.”
Sa halip na umuwi ay dumaan pa sila sa isang bukas na McDonalds at bumili ng ice cream na Minions pati na rin pagkain na may kasamang laruan. “I feel normal and happy at the same time. Sana naisip ko na ito noon pa,” sabi ni Alvaro. “Patawarin mo ako, Aurora.”
“Saan?” tanong niya at dumila ng dilaw na ice cream.
“Hindi ako naging mabuting boyfriend sa iyo. Naiintindihan ko na ngayon kung ano ang pinagdadaanan mo. Kasalanan ko naman kung nakakaramdam ka ng insecurity sa relasyon natin at nasasaktan. Hindi ako naging tapat sa iyo sa simula pa lang. Hindi ko sinabi kung sino talaga ako. Nang magkakilala tayo, tinatakasan ko ang buhay na ito. A-Ayoko munang maging Ethan Ravales.”
“At nauunawaan ko naman kung bakit gusto mo ng normal na buhay habang nasa Isla Juventus ka. Habang nasa Juventus ka naman, di ko naramdaman na ikaw si Ethan Ravales.”
“Pero nakaalis ako at lahat ay di ko pa rin nasabi kung sino talaga ako. Idinala kita dito nang hindi mo alam kung anong buhay ang naghihintay sa iyo. Hindi mo rin ako lubusang kilala. But you took the risk anyway. Sumugal ka para sa akin. Nag-adjust ka sa buhay dito sa Maynila. Limitado ang mga kilos mo. Ni hindi mo pa ako makasama gaya ng normal na boyfriend. Hindi ko alam na nasasaktan pala kita.” Tinanggal nito ang antipara at tiningnan siya sa mga mata. “I am sorry.. Ginawa ko lang ito para protektahan ka.”
“Alvaro, hindi na ako bata. Hindi dahil mahal mo ako, kailangan mo ako laging protektahan sa katotohanan. Kaya kong tanggapin ang tunay mong pagkatao. Handa akong unawain ka. Nakakabawi ka naman sa akin, di ba?” tinapik niya nang magaan ang pisngi nito. “At guwapo ka pa rin kahit na mukha kang Minion.”
Hindi ito ngumiti at nanatiling seryoso. “Hindi pa ako nakakabawi, Aurora. Gusto ko sanang hingin pa ang pang-unawa mo at mas mahabang pasensiya. Marami pang pagkakataon na makikita kaming magkasama ni Shaira o ng susunod kong leading lady. Laging bibigyan ng kulay ng mga reporter at fans ang mga pagkakataon na may kasama akong iba. Pero gusto kong malaman mo na trabaho lang iyon.”
“Alam ko na iyon ngayon,” anang si Aurora at nakakaunawang tumango. Mas maluwag na sa dibdib niya na tanggapin ang bahagi ng trabaho na iyon ng binata. Ang mahalaga ay alam niya at nararamdaman niya na mahal siya nito.
“At gagawin ko ang lahat para makalabas pa rin tayo gaya nito. May kaunting adjustment lang. Di tayo magiging normal na magkasintahan na gaya ng gusto mo. Baka lumabas pa rin tayo nang naka-disguise. Kaya habaan mo pa ang pasensiya mo. Di ibig sabihin gusto kitang itago. I just want to protect you. I want to protect this relationship. Masasanay ka rin.”
“Sinasanay ko na ang sarili ko.” Kumunot ang noo niya. “Pero dadating ba ang panahon na malalaman din ng mga tao na ako ang kasintahan mo?”
Ngumiti ito. “Of course. Dadating din ang panahon na iyon.”
Aabangan niya ang pagkakataong maipapakilala siya ni Alvaro sa mundo bilang babaeng mahal nito - na siya, si Aurora Carbonell ay nobya ni Ethan Ravales.