“SA wakas tapos na rin!” usal ni Aurora at itinaas ang mga kamay paglabas ng Palma Hall kung saan katatapos lang niya ng UPCAT exam. Ilang araw din siyang kuntodo sa pagre-review habang abala din si Alvaro sa shooting ng pelikula nito.
Nag-iwan agad siya ng voice message kay Alvaro na kasalukuyan marahil na nasa kasagsagan ng shooting ngayon. “Alvaro, tapos na ang exam ko. Nakakapagod at nakakakulta ng utak. Sana kasama kita ngayon para mag-celebrate. Nami-miss na kita.”
Hindi pa naman siya pumapasa pero masaya na siya dahil nakatapak siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Gusto niya ang UP dahil malawak ang paaralan at maraming puno. Para daw iyon sa mga scholar ng bayan at pinakamagandang paaralan sa bansa.
“Kumusta ang exam mo?” tanong ni Yaya Edwina at inabutan siya ng tubig.
“Mahirap po pero nasagutan ko naman po lahat.” Pinagkiskis niya ang palad. Nag-focus lang siya sa mga tanong para masagutan niyang mabuti. Mahirap kasing mablangko lalo na’t may time limit. “Kinakabahan lang po ako kasi baka hindi ako makapasa.”
“Magaling ka naman. Kaya mo iyong ipasa,” wika ng matandang babae na mataas ang kompiyansa sa kanya.
“Ayoko lang pong mapahiya si Alvaro,” aniya at malungkot na ngumiti.
Nalaman kasi niya na mahal pala ang tutorial sa kanya. Di biro ang magkaroon ng personal na guro na magtuturo sa kanya sa araw-araw. Binilhan pa siya ng reviewer na may kamahalan din. Nakakahiya talaga kung hindi siya papasa.
Hinaplos ni Yaya Edwina ang buhok ni Aurora. “Magpahinga ka muna. Ilang araw ka nang walang tulog.”
“Kapag tumawag po si Alvaro...”
“Ako na ang bahalang sumagot. Malay mo matapos nang maaga ang shooting at magkasama din kayo,” sabi ng matandang babae.
Dahil parang ipinaghehele si Aurora sa antok ay nakatulog din siya. Naalimpungatan siya na nangangaligkig sa lamig at naramdaman niya na may mainit na kumot na animo’y yumakap sa kanya. Nang magising siya ay nasa di siya pamilyar na kuwarto. May guhit na pink ang silid na sinasalitan ng linya ng bulaklak.
Nang tumanaw siya sa bintana ay nakita niya ang isang lawa na may maliliit na kumpol ng isla. Parang pamilyar sa kanya pero hindi niya matandaan kung saan niya nakita. Mistulang paraiso iyon dahil sa berdeng mga damuhan na pantay-pantay at may mga taong nakasakay sa kabayo. Nasaan siya? Parang nananaginip lang siya at basta na lang siyang napunta doon. Nakatulog lang naman siya sa sasakyan kanina at ang akala niya ay uuwi na sila pagkatapos.
Lumabas siya ng kuwarto at bumungad sa kanya ang magandang sala pati na rin ang magandang tanawin sa balkonahe. At isang lalaki ang nakatayo sa balkonahe.
“Alvaro!” tili niya at niyakap ito mula sa likuran. “Nandito ka.” Kung magandang panaginip lang ito, ayaw muna niyang magising. Gusto pa niya itong makasama. “Sana totoong nandito tayo sa lugar na ito. Sana totoong kasama kita.”
“Hmmm... Hindi pa ba ako totoo?”
Pumikit siya. “Hindi. Panaginip ka lang. Ayoko pang magising. Ayoko muna.”
Hinalikan nito ang nakapikit niyang mga mata. “Aurora, wake up. I am real.” Saka mariin siyang hinalikan sa labi.
Nanlaki ang mga mata niya at itinulak ito sa dibdib. “Alvaro, hindi ka panaginip lang. Nandito ka talaga?”
“Yes. At nandito tayo ngayon sa Tagaytay.”
Umawang ang labi niya at pinisil-pisil ang braso nito. “Oo nga. Totoo ka nga.” Nahahawakan niya ito. Mainit ito at hindi ito naglalaho. Hinalikan siya nito at hindi siya nagising. “Nandito ka nga.” Ibinalik niya ang tingin sa magandang tanawin. “I-Iyan ang Taal Volcano. A-Ang ganda! Mas maganda kaysa sa postcard at sa libro. Nandito na ako. Hindi ko inasahan na ganito kaganda dito.”
“Dahil nasa Stallion Riding Club tayo, isa sa pinaka-exclusive na club sa Pilipinas.”
“Riding club?” tanong niya. “Koprahan din ba ito o bukid? Sa dami ng mga kabayo dito, malamang malaki ang koprahan nila.” Saka pilit na sinilip kung saan banda naroon ang maraming mga puno ng buko.
Magaang tumawa si Alvaro. “Hindi ginagamit ang trabaho para sa koprahan. It is for leisure. Sumasakay sila sa kabayo para mamasyal. At iyon din ang gagawin natin habang nandito.”
Nahigit niya ang hininga. “Mangangabayo tayo at mamamasyal? Hindi ba may shooting ka at may photoshoot ka pa pagkatapos.”
“Tapos na ang shooting namin kaninang umaga. Habang wala naman talagang photoshoot.” Niyakap nito ang baywang niya mula sa likuran at ihinilig siya sa katawan nito. “Gusto ko lang isorpresa ka. Gusto kong i-celebrate natin ang pagtatapos ng UPCAT exam mo. Hanggang bukas tayo dito.”
Ngumiti siya nang masamyo ang bango ng malamig na hangin. “Ngayon pa lang gusto ko na dito dahil malamig at maberde.” Makakasama niya ulit si Alvaro nang mas matagal ngayon. Huling labas nila ay nang manood sila ng sine. Susulitin niya ang panahon sa riding club na iyon. Nahigit niya ang hininga nang may maalala. “Pero wala akong dalang damit...”
“Got it covered. Nasa closet ang mga damit mo. Inempake na ni Yaya Edwina.”
Naligo muna siya at nagbihis para maging komportable siya. Napansin niya na nakahanda na ang miryenda sa balkonahe. Nakakatuwa dahil dati ay sa papel lang niya idino-drawing ang Taal Volcano pero ngayon ay nasa harap na niya.
“Let’s eat,” anang si Alvaro at ipinaghila siya ng upuan.
“Sila Yaya Edwina?” tanong niya at luminga sa paligid.
“Nasa bahay na. Ihinatid ka lang dito at umuwi rin. Tayo lang dalawa dito. Resthouse ito ng kaibigan ko dito sa Stallion Riding Club na si Philippe Jacobs. He is also an actor like me. The hottest leading man title was his before he got married. Binigyan niya ako ng access para magamit natin ang villa niya. Pwede tayong mag-horseback riding, mag-kayaking sa lake at pwede din nating puntahan ang caldera ng bulkan.”
“Ano naman ang costume natin dito? O magsusuot ba tayo ng maskara?” tanong niya sa binata habang kumakain ng sandwich.
“Costume?” natatawang tanong nito. “Bakit naman tayo magko-costume?”
“Siyempre hindi naman tayo makakalabas basta-basta nang hindi ka naka-costume dahil maraming tao dito,” aniya at itinuro ang mga taong nangangabayo sa trail.
“We don’t need one. This club is exclusive. Pinoprotektahan din dito ang privacy ng member at guests. Kaya nga dito kita idinala dahil malaya nating magagawa ang gusto natin nang walang magtatanong o manghuhusga o magkukwento sa iba. Ang mga nandito sa riding club ay may istriktong rules na bawal nilang sabihin sa labas ang tungkol sa nakikita nila dito. Higit sa lahat, bawal makapasok ang mga reporter dito.”
Kumunot ang noo niya. “May ganoon palang lugar. Maganda nga dito.” Perpekto para sa kanya ang riding club na iyon. Maganda ang tanawin. Malamig ang klima. At wala ring reporter na mambubulabog sa kanila ng nobyo. Sumubo siya ng cake. “Masarap din ang pagkain nila.”
“I am glad you like it. Treat ko ito sa iyo dahil natapos mo na ang UPCAR exam mo. Alam ko na pinaghandaan at pinaghirapan mo iyon. Nahirapan ka ba?”
“Sobrang hirap. Pakiramdam ko mapipiga ang utak ko.” Lumungkot ang anyo niya. “Alvaro, paano kung hindi ako pumasa?” Sana naman ay hindi ito magalit sa kanya.
Ginagap nito ang kamay niya. “Hey! No need to worry. There are other universities out there. Wala pang entrance exam ng Philippine Normal University at National Teacher’s College. Maganda ding mag-aral ng Education doon. Marami ka namang pagpipilian dito.”
Tipid siyang ngumiti. “Salamat, Alvaro. Ayoko lang talaga na biguin ka.”
“Hindi naman ako umaasa na maging rocket scientist ka. Gusto lang kitang bigyan ng sapat na sandata para makipagsabayan dito. Competition is stiff here in Manila. But enough of that. For now, we will relax. How about a spa and a massage?”
Umungol si Aurora. “Kailangan ko iyan. Kailangan nating dalawa.”
Pagod din ito sa trabaho at kailangan na magpahinga. Hindi niya inaasahan na mahirap pala ang buhay ng isang artista. Na malaking enerhiya at panahon ang hinihingi sa mga artista.
“At maaga tayong gigising bukas ng umaga para mag-aral ka ng horseback riding.”
“Hindi ko na kailangang mag-aral na sumakay ng kabayo. Kaya ko namang sakyan si Akbar sa probinsiya,” pagmamalaki niya.
“Aurora, iba si Akbar at iba ang mga kabayo dito. Anyway, kung marunong ka na, ako na lang ang turuan mo. Hindi pa kasi ako gaanong marunong.”
“Sige ba! Hindi kita titigilan hangga’t di ka natututo.”