“ALVARO, ngayon lang ako nakakita ng nagsasayaw na mga kabayo. Akala ko imposibleng mangyari iyon. Ang galing-galing ni Reichen Alleje. Ang guwapo pa niya!” impit na tili ni Aurora matapos manood ng dressage performance sa arena ng Stallion Riding Club. Mistulang nagba-ballet ang mga kabayo at napakagandang pagmasdan ang mga ito. Higit sa lahat ay napukaw din ang atensiyon niya sa mga nagguguwapuhan at naggagandahang tao sa riding club. Wala yatang pangit doon. Lahat ay kayang tapatan ang kaguwapuhan ni Ethan Ravales.
Tumikhim ang binata at sumandal sa sandalan ng van na sinasakyan nila. “Ngayon lang yata kita narinig na naguwapuhan sa ibang lalaki bukod sa akin. Parang gusto kong magselos.”
“Lahat naman kayo mga guwapo. Pantay-pantay lang.”
Doon nga lang siya nakapunta sa isang lugar kung saan lahat yata ay guwapo at maganda. Hindi rin siya nakadama ng intimidasyon dahil lahat doon ay normal lang ang trato kay Alvaro. Hindi ito pinagkakaguluhan na parang celebrity. Animo’y normal lang itong tao na di pinagtitinginan. Kaya naman komportable siya sa lugar na iyon dahil lahat pala ng nandoon ay pawang sikat sa iba’t ibang larangan at mga may kaya.
“Wala man lang akong lamang kahit konti bilang lalaking mahal mo?” may halong tampong tanong ni Alvaro.
“Sige. Hindi mo naman kailangang magaling magpasayaw sa kabayo para maging guwapo. Basta tumayo ka lang diyan at ngumiti sa akin, kinikilig na ako.”
“Hindi ba pwedeng sabihin mo na ako ang pinakaguwapo dito? Mas guwapo kaysa sa lahat ng pinagsama-samang Stallion Boys?”
“Magsisinungaling ako kapag sinabi ko iyon,” sabi niya at pinisil ang baba nito. “Pero ikaw lang naman ang mahal ko.”
Humalakhak ito at niyakap siya. “Sige na. Pwede na iyon.”
“Alvaro, saan pala tayo pupunta?” tanong niya nang mapansin na wala na sila sa Stallion Riding Club.
“Sa langit.”
“A-Anong sa langit?” nagkakandautal-utal niyang tanong.
Ngumisi ito sa kanya. “Basta malalaman mo rin.”
Sumasal ang kaba sa dibdib ni Aurora. Naalala niya ang sinabi ng kaibigan niya na si Crisanta na kapag sinabi daw ng lalaki na dadalhin siya sa langit, gusto daw nito na may mangyaring kababalaghan sa kanila. Nanuyo ang lalamunan niya at napalunok. Pasimple niyang sinulyapan ang nobyo. Mahal naman niya ito at nasa edad na rin siya. Kung tutuusin ay matanda na nga siya kung pagbabasehan ang edad ng mga batang nagsipag-asawa sa isla nila.
Ginagap ni Alvaro ang kamay niya at pinisil. “Relax. I will take care of you.”
Huminga ng malalim ang dalaga. Subalit kaya na ba niyang ibigay kay Alvaro ang sarili kahit na hindi pa naman sila kasal? Halik lang naman ang alam niya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa ganitong mga bagay. Mahal niya si Alvero pero...
“We are here,” sabi ng binata at naunang bumaba. Inilahad nito ang kamay sa kanya.
Tatanggapin ba niya ang kamay nito? Pwede bang umurong?
“Aurora, hindi kita pipiliting gawin ang bagay na di mo gusto. Pero pwede bang tingnan mo muna bago ka tumanggi.”
Nanginginig ang kamay niya nang abutin ang kamay nito. Bahala na nga. May tiwala naman siya sa nobyo. Kung ayaw niya ay hindi siya nito pipilitin.
“Good afternoon, Sir Ethan, Ma’am,” bati sa kanila ng isang lalaki. “I am Jefferson of Cloud Nine Skydiving Center.”
“Skydiving?” tanong ni Aurora at nilingon si Alvaro.
Tumango ang binata. “Naalala mo nang sabihin mo sa akin kung posible bang lumipad ang tao gaya ng ibon? Well, this is your chance to do it.”
“T-Talaga? Paano natin gagawin iyon?” Hindi naman pwedeng lumipad gaya ng ibon kapag nakasakay sa eroplano.
“Iyan ang kailangan mong malaman.” At inakay siya nito papasok ng gusali.
Sa isang silid ay ipinapanood sa kanila ng nobyo kung paano isinasagawa ang skydiving. Sasakay sila ni Alvaro sa isang maliit na eroplano. Pagdating sa tamang taas ay tatalon sila pabulusok sa lupa. May parachute naman na nakakabit sa kanila kaya daw hindi sila basta-basta babagsak.
“H-Hindi ko yata kayang tumalon nang mag-isa,” usal ni Aurora.
“It will be tandem skydiving for you two,” sabi ng lalaking nag-o-orient sa kanila. “May jump master kayo na nakakabit sa inyo kapag tumalon kayo. Wala na kayong kailangang intindihin. Tatalon na lang kayo at makikinig sa jump master ninyo. They are professional. They did more than five hundred skydiving jumps in their lives. Are you ready to start your first one, Miss Aurora?”
Humawak siya sa braso ni Alvaro. “Kinakabahan ako pero gusto kong subukan. Kasama naman kita, ‘di ba?”
Matapos pirmahan ang mga waiver ay nag-training muna sila sa baba para turuan siya kung anong gagawin sa paglabas ng eroplano, ang tamang posisyon ng katawan kapag nasa ere at mga bagay na gagawin para matiyak ang kaligtasan niya. Paano aabante at paano uurong habang nasa ere.ay sumakay na sila ng eroplano. nagsuot siya ng jumpsuit, goggles at helmet.
Nagsimula na siyang magdasal nang lumipad sa ere ang dilaw na eroplano. Ibang-iba ito sa unang beses niyang sumakay ng eroplano. Pakiramdam niya ay nalulula siya. Hindi naman sila naka-aircon o kaya ay nakaupo sa komportableng upuan gaya ng dati. Maya maya pa ay isinuot na ang harness niya.
Ginagap ni Alvaro ang kamay niya. “Scared?”
“Kahit naman sino kakabahan sa gagawin natin.”
“Do you want to back out?”
Umiling siya. “Gusto kong subukan. Madali lang naman, di ba?”
“We are in this together.” He kissed her slowly, as if coaxing her to forget about her fears. Na hindi siya nito iiwan. Nang maghiwalay ang labi nila ay napalitan ng excitement ang kaba niya. “Ready.”
“Oo,” aniya at hinayaan na ang jump master niya na i-attach siya dito. Si Alvaro ang unang tumalon.
“Up, down, arch, get off!” utos ng jump master niya.
Isang tili ang kumawala kay Aurora. “Alvarooooo!” tawag niya sa kasintahan. Oras na mabuhay siya dito, sasakalin niya ito. Bakit ba napasok siya dito? Wala naman siyang balak na magpakamatay.
Parang binabanat ang mukha niya at naramdaman niya ang hampas ng hangin mula sa itaas. Tumingala siya sa langit at nakita ang pinanggalingang eroplano. At lalo siyang nalula nang makita ang babagsakan niya.
“Aurora!” sigaw ng nobyo at nakita niyang may hawak itong banner na may nakasulat na “I love you”. Saka niya naalala kung bakit nila iyon ginagawa ni Alvaro. Dahil gusto nitong maranasan niya kung paano lumipad tulad ng isang ibon gaya ng pangarap niya. Akala niya ay imposible pero nagawan nito ng paraan para sa kanya. Kaya hindi siya dapat matakot. Parang pag-ibig lang, parang pangarap, nakakatakot sa una pero sa huli ay magiging masaya din siya.
Nakita ang nakalahad na kamay ni Alvaro. Parang naglalaro lang ito habang nakalutang sa hangin. Sumigaw siya at inabot ang kamay nito. Nagpaikot-ikot sila sa hangin. Animo’y mga bata lang sila na naglalaro. Nang magbitaw sila ay wala na ang takot niya. Tuluyan nang tinangay ng hangin.
Maya maya pa ay bumulusok na siya pababa. Nang malapit na sila sa lupa ay pinakawalan na ng jump master niya ang parachute at inutusan siyang itiklop ang tuhod niya hanggang makababa sila sa lupa.
“Tumayo ka na, Miss Aurora. Perfect landing. Time to celebrate,” anang jump master niya at pinalakpakan siya.
Tumayo siya at pero nanlalambot ang tuhod niya. Napahiga siya sa damuhan nang makawala sa harness ng jump master niya.
Napatitig siya sa langit. Di siya makapaniwala na doon siya nanggaling. Na nakalipad nga siya gaya ng ibon. Nakalapag siya sa lupa nang walang galos man lang at ligtas. Samantalang kanina lang, akala niya ay katapusan na niya. Parang naabot na niya ang langit.
Dali-dali siyang dinaluhan ni Alvaro. “Aurora, are you okay? Nasaktan ka ba?” Huminga lang siya ng malalim at tinitigan ito. “Galit ka ba sa akin? I am sorry. Hindi na kita dapat hinayaang mag-skydive kung ayaw mo. I will never forgive myself if you are hurt. Please tell me that you are okay.”
Ngumiti siya at kinabig ang batok nito saka ito hinalikan. Gulat ang anyo nito nang maghiwalay sila. “Ang sarap lumipad, Alvaro.”
“Nagustuhan mo? Hindi ka natatakot?”
“Noong una. Pero ganoon pala ang pakiramdam ng mga ibon na malayang nakakalipad. Parang naabot ko na rin ang langit. Salamat, Alvaro. Alam mo ba na ikaw ang anghel ko?” Saka pinaliguan ng halik ang mukha nito.
“Sir, Ma’am, aalis na po kami,” anang mga jump instructor nila. Isinasakay na ang mga parachute nila sa nakaabang na jeep.
Kinamayan nila ang mga ito at nagpasalamat. “Mag-enjoy po sana kayo, Ma’am, Sir,” sabi ng mga ito at sumakay sa jeep.
“Teka. Paano pala tayo?” tanong niya kay Alvaro. “Di na tayo kaysa sa jeep.”
“Di pa tayo aalis. Come,” anito at hinila ang kamay niya.