NAGTATAKA man si Aurora ay sumunod siya kay Alvaro. Nag-aalala siya dahil nagsisimula nang lumubog ang araw. Nasa kabundukan pa sila at mukhang wala pa ring sasakyan na dumadating. Ano naman kaya ang pupuntahan nila?
Matapos ang ilang minuto na paglalakad sa madawag na trail ay bumungad sa kanya ang magandang view ng Taal Lake at ng Taal Volcano. Pero bukod sa view ay nakuha ng pansin niya ang nakalatag na picnic blanket at picnic basket sa gitna ng damuhan. “Ahhh! Ang ganda! Gustong-gusto ko talaga dito.”
“At dito tayo magdi-dinner.”
“Dito tayo magdi-dinner?” Nahigit niya ang hininga. “Katulad noong nasa talampas tayo dati at pinagmamasdan natin ang dagat.”
“At pinapangarap mong lumipad,” sabi nito at inilabas ang pagkain sa loob ng basket. Binuksan din nito ang champagne at sinalinan ang kopita. “Sabihin mo lang sa akin kung may gusto ka.”
“Wala na. Nandito na lahat ng kailangan ko. Ang totoo, kasama lang kita masaya na ako,” sabi niya at humilig sa balikat nito habang pinagmamasdan ang magandang tanawin.
“Aurora, hindi man kita naidala sa party o maipapakilala sa lahat bilang nobya ko, gusto ko na espesyal ang panahon na magkasama tayo. At gagawin ko ang lahat para matupad ang mga pangarap mo.”
“Salamat kasi tinutupad mo ang mga pangarap ko. Lagi mong pinahahalagahan ang nararamdaman ko. Naging matapang din ako dahil sa iyo.”
“Loving you feels like flying, Aurora. I feel free whenever you hold my hand. Nakakatakot dahil may mga bagay akong nakasanayan. I am good in acting. I am good at my job. I am good with my fans. Pero di ko pa naranasan kung paano maging parte ng isang relasyon. I am not a perfect boyfriend but I will do the best I can to show you that I deserve to be your man.”
Kumunot ang noo niya. “Hindi ko alam kung bakit sa dinami-dami ng babae, ako ang napili mo.”
“Because you make me feel ordinary. Minahal mo rin ako kahit na ordinaryo lang ako. Iba ang pagiging Ethan Ravales kaysa sa pagiging Alvaro ko. Pero di ko pwedeng ialis ang pagiging Ethan ko. Malaking bahagi iyon ng pagkatao ko. Sana mahalin mo rin ako bilang Ethan Ravales, Aurora.”
“Susubukan kong intindihin ang trabaho mo, Alvaro. Susubukan kong mahalin ang pagiging Ethan mo dahil bahagi iyon ng pagkatao mo. Ikaw iyon.” At para sa pagmamahal nito ay kailangan niya itong mahalin nang buong-buo.
HINAPLOS-HAPLOS ni Aurora ang bulaklaking palda ng dress niya. Nasa Cultural Center of the Philippines siya para manood ng play na Noli Me Tangere. Pinadalhan siya ng ticket ni Alvaro dahil magkasama daw silang manonood pero sa teatro na lang sila magkikita. Di na daw siya nito masusundo dahil wala na itong oras.
Ayos lang iyon sa kanya. Kahit naman sandali lang silang magkasama sa labas ng bahay ay masaya na siya. Nasiyahan siya nang pumunta sila sa Stallion Riding Club. Ngayon ay bagong karanasan naman dahil manonood sila ng dula.
Nang pumasok siya sa pinto ay isang maliit na balkonahe ang bumulaga sa kanya. Sa baba ay ang entablado at maraming maliliit na upuan. Naroon na sina Ethan at Echo. Tumayo agad ang nobyo at sinalubong siya. “Akala ko di ka na dadating. Nag-alala tuloy ako,” malambing na sabi nito at hinalikan siya sa pisngi.
“Hey, Aurora! You look more beautiful today. Nice floral skirt,” nakangiting sabi ni Echo at humalik din sa pisngi niya.
“Ikaw talaga, Echo.”
“Nabanggit sa akin ni Kuya Ethan na umaarte ka rin sa teatro sa Isla Juventus,” sabi ni Echo nang umupo siya sa gitna nito at ni Ethan.
“Maliit na pagtatanghal lang iyon kumpara dito. Tuwing pista lang sa isla. Ngayon lang kasi ako makakapanood ng pagtatanghal sa teatro. Ang ganda at ang laki. Samantalang sa isla namin gawa-gawa lang ang entablado at de-generator lang ang ilaw. Iba palang klase kapag ganito kalaking pagtatanghal,” sabi niya at sumilip pa sa baba. “Nakakalula pati ang entablado. Pati ang props nila halatang pinag-isipan.”
“Professional talaga sila,” sabi ni Alvaro at pinaupo siya ulit. “Relax ka lang. Baka himatayin ka.”
“Okay lang na himatayin ka. Nandiyan naman si Kuya para i-resuscitate ka.”
Binalingan niya si Echo. “W-Wala ka bang ka-date?”
“Busy siya ngayon sa pag-aasikaso ng career ni Kuya Ethan,” sabi nito at umangat ang gilid ng labi.
“Girlfriend niya si Icca, ang manager ko,” sabi naman ng nobyo.
“Ah!” Hindi niya kilala ang manager ni Ethan nang personal. Ni hindi siya maipakilala nito basta-basta sa mga kaibigan nito. Mabuti nga kahit paano ay kilala siya ng kapatid nito.
Ayos lang. Dadating din ang tamang panahon para doon. Malalaman din nila na nobyo ako ni Alvaro.
Nang nagsimula na ang play ay parang lumulutang si Aurora. “Ganito pala kaganda ang palabas kapag nasa totoong entablado. Ang gagaling nila.” Maganda din sa pandinig ang boses ng mga ito na animo’y lumulutang sa hangin.
“Alam ko na mag-e-enjoy ka dito,” anang si Alvaro at ginagap ang kamay niya.
“Pero mas magaling ka pa rin na umarte para sa akin. Kasi ikaw ang leading man ko.”
Kinintalan ni Alvaro ng halik ang dulo ng ilong ni Aurora. “At ikaw ang pinakapaborito kong leading lady. Ikaw ang leading lady sa totoong buhay.”
Napakasarap pakinggan. Habang pumapailanlang ang boses ni Maria Clara sa buong bulwagan ay kasabay ding ipinaghehele ng hangin ang puso ni Aurora. Nang mga oras na iyon ay parang silang dalawa lang ang nasa mundo.
“Naku! Nang-iinggit pa itong dalawang ito,” pukaw ni Echo sa kamalayan niya. “Aba! Dinaig pa ninyo ang mga eksena nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra.”
Mahina silang nagtawanan ni Alvaro at ibinalik ang atensyon sa entablado. Sa loob ng dalawang oras ay napahanga at naaliw si Aurora sa magandang palabas. May pagkakataon na ipinapaliwanag ng nobyo sa kanya ang iba’t ibang elemento sa teatro. Kung paano gumagana ang ganoon kalaking produksiyon. Matapos ang palabas ay madami siyang natutunan.
“Sana makanood ulit tayo ng ganito,” usal ni Aurora nang matapos ang palabas.
“Next time,” sagot ng binata at tipid na ngumiti.
Hindi na naman nila alam kung kailan ang “next time” na iyon. Kung kailan sila muling magiging masaya. Kung kailan hindi ito magiging Ethan Ravales at magiging Alvaro lang sa kanya. Handa siyang maghintay.
Paglabas nila ng private box ay nagulat sila nang biglang pagkulumpunan sila ng mga tao na may nakatutok na cellphone at camera. “Ethan, sino ang babaeng kasama mo?” tanong ng isang babae.
“Bakit siya ang ka-date mo at hindi si Shaira Mercado?” tanong ng isa pang bading na may hawak naman na mikropono.
“Miss, boyfriend mo ba si Ethan?” anang isa pang bading at siya ang tinutukan habang kinukuhanan siya ng video sa cellphone.
Nataranta si Aurora. Reporters. Naglisaw ang mga reporter. Humigpit ang hawak niya sa kamay ni Alvaro. Hindi niya alam ang gagawin. Di naman niya alam na may reporters sa pagtatanghal na iyon at aabangan sila. Napasiksik na lang siya kay Alvaro. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isagot.
“Alam ba ni Shaira ang tungkol sa kanya? Paano na kayo?” tanong ng isa pang reporter sa binata.
“Sino ba talaga ang mahal mo, Ethan?”
“Please. Padaanin ninyo kami.” Hinapit siya ng binata palapit dito habang pinoprotektahan siya mula sa mga reporter.
“Ano mo siya, Ethan? Ano kaya ang masasabi nng mga fans mo na gustong-gusto kayo ni Shaira?”
“Look! Aurora is....”
Sasabihin na niyang ako ang nobya niya. Sa wakas ay sasabihin na niya sa mundo na mahal niya ako.
Matagal na niyang hinihintay ito. Sa wakas ay di na niya kailangan pang magtago. Maipagmamalaki na niya sa lahat na nobya siya ni Ethan Ravales. Na siya ang tunay na leading lady.
“....my new personal assistant.”