Chapter FE: TDTYS 70

Napalunok siya. Matapos ang naranasan niya kanina, ayaw na niyang makakita pa kahit na isang reporter. Lalong ayaw niyang makasira sa trabaho ng nobyo. “H-Hindi po ba kami pwedeng magkita ni Alvaro?” tanong ni Aurora at pinagsalikop ang palad.

Pinakatitigang mabuti ni Icca si Aurora. Kinabahan siya sa titig nito. Anong gagawin niya kapag pinalayo siya ng manager sa nobyo niya? Hanggang kailan na naman bago sila magkasama?

Isang mahiwagang ngiti ang sumilay sa labi ng babae. “Do you want to be Ethan’s personal assistant, Aurora?”

“P-Po?” usal niya at napanganga. “Inaalok ninyo akong magtrabaho para kay Ethan?” Hindi siya nito pinapalayo kay Alvaro? Hindi siya itinataboy?

Inilahad ng babae ang palad. “It makes sense. Tutal sinabi naman ni Ethan na PA ka niya, mas maganda kung pangatawanan na lang ninyo.” Hindi na mukhang galit si Icca. Nagniningning na ang mga mata nito.

“H-Hindi ko nga alam kung anong ginagawa ng personal assistant,” sabi niya.

“This is a very tough yet rewarding job. Sabihin nating makakasama mo si Ethan sa loob ng halos beinte kuwatro oras. Mas magiging malapit kayo sa isa’t isa. At hindi na magtataka ang mga tao kung bakit kayo magkasama. Hindi ba pabor ito sa inyong dalawa?” excited na tanong ni Icca at nakangising tumingin kina Echo at Alvaro.

Umiling si Avaro at humalukipkip. “No. Hindi ko siya pwedeng kuning PA ko. She needs to focus in going back to school. May tutorial siya para sa review sa college entrance exams. Idinala ko siya dito sa Manila para sa pangarap niyang maging teacher. Iyon ang gusto kong isipin niya at hindi ang pagiging PA ko.”

Hinawakan ni Icca ang mga kamay niya. “Come on, Aurora. Think about it. Alam ko na hindi madaling maging girlfriend ni Ethan. Kailangan ninyo laging magtago. Busy siya sa trabaho. Wala siyang oras sa iyo. Kung magkikita man kayo, laging sandali lang. At makikita mo na lang basta sa balita na ibang babae ang nakakasama niya.”

“T-Tama ka,” sang-ayon niya sa babae. Alam nito ang pinagdadananan niya.

“Pero kung magtatrabaho ka bilang PA ni Ethan, mas madalas kayong magkakasama. Maganda opportunity iyon para mabantayan mo pati ang mga babaeng umaaligid sa kanya. Mas mapapalapit ka sa kanya. Maganda iyon, di ba?”

“Pero wala akong alam sa gagawin ng isang PA. Sa kung ano ang kailangan ni Ethan Ravales. Wala akong alam sa kailangang gawin ng isang artista. N-Ni wala nga akong kilalang artista bukod kay Alva- kay Ethan.”

“This is the perfect opportunity to learn. Sa palagay ko hindi ka mahihirapan kay Ethan. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para maintindihan mo rin ang mundong ginagalawan niya. You see, Ethan needs someone who will understand him. Someone he can trust. Ano pa ba ang ibang paraan para makilala siya kundi sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa industriya. Lagi pa kayong magkakasama. It is perfect.”

“Icca, leave her out of this,” angil ni Alvaro dito. “Ayoko siyang maging PA.”

“Ethan, I get to decide who will be your PA. Ako pa rin ang magpapa-sweldo sa kanya. And I want her. I am actually doing you a favor. Ayaw mo nang makasama lagi ang girlfriend mo nang di siya kinukuyog ng mga fans mo?” puno ng kompiyansang sabi ni Icca. “You should thank me for that brilliant idea.”

Nagpapalit-palit ang tingin ni Aurora sa kay Alvaro at Icca. Gusto niyang maging personal assistant ng nobyo pero ayaw naman niyang magalit ito. Ayaw niyang tanggapin ang alok ni Icca nang hindi pa sila nag-uusap ng binata. Ayaw niyang sila namang dalawa ang di magkasundo.

Nakita marahil ni Icca ang hindi agad niya maibigay ang sagot niya. “Aurora, pag-isipan mo ang Here is my calling card. Contact me. Sa sobrang abala ni Ethan ngayon, kailangan niya ng bagong PA. He needs you. Please say yes.”

NAKATITIG si Aurora sa tarheta na bigay ni Icca sa kanya. Nakasakay siya sa kotse ni Alvaro at pauwi sa bahay. Pakiramdam niya ay nabugbog siya sa pangyayari sa araw na iyon pero di rin naman siya makatulog kahit na pinatutulog siya ni Ethan habang biyahe.

“Huwag mong sabihing ikinokonsidera mo na tanggapin ang inaalok ni Icca na maging PA ko?” untag sa kanya ni Alvaro.

“Bakit naman hindi? Ayaw mo bang makasama ako lagi?”

“Gusto ko. Pero hindi kita pinaluwas dito para pagsilbihan ako.”

“Mas mabuti nang ako ang magsilbi sa iyo.”

Huminga ito ng malalim. “Aurora, hindi ganoon kasimple ang magtrabaho sa akin. Hindi ganoon kasimple ang mundong ginagalawan ko. I don’t want to subject you to that kind of torture.”

“Kung hindi maganda ang magtrabaho bilang PA mo, bakit maraming nagkakagulo para magtrabaho sa iyo. Nabanggit sa akin iyon ni Icca.”

“Dahil...” Bumuga ito ng hangin. “I must admit that being my PA has its perks. Maganda ang sweldo at para sa mahihilig sa artista, magandang pagkakataon para mapalapit sa ibang mga artista. At wala ka namang hilig sa artista, Aurora.”

“Pero boyfriend kita at gusto kitang makasama. Gusto kong maging PA mo.”

“No. Iba ang mundo na iyon. The job is very demanding. May mga araw na hindi ka makakatulog man lang.”

“Ito na ang paraan para maintindihan ko ang trabaho mo bilang Ethan Ravales. Aaminin ko na minsan di ko matanggap na iisang tao lang si Ethan at si Alvaro. Pakiramdam ko inaagaw ni Ethan ang pagkatao ng lalaking mahal ko. Madalas hindi ko na makita si Alvaro dahil puro na lang si Ethan ang bukambibig ng lahat. Hindi ko alam kung sino ang Ethan na sinasabi nila. Kung magiging PA mo ako, mas makikilala kitang mabuti bilang Ethan Ravales.”

“It is not an easy job,” puno ng pag-aalinlangan nitong sabi.

“Sanay ako sa hirap. Kaya ko ito, Alvaro. Para sa iyo. Para sa ating dalawa.” Niyakap niya ito. “Sige na. Ayaw mo ba na lagi akong nakikita?”

“Fine. And I am telling you, I am not an easy boss to deal with. Hindi dahil girlfriend mo ako magiging madali ang trabaho mo sa akin.”

Ngumisi siya. “Hindi kita uurungan, Sir.”

HINDI na nagawa pang ngumiti ni Aurora kinabukasan nang paggising pa lang niya ay si Icca ang bumungad sa kanya sa agahan. Nagbabasa ito sa tablet nito habang nakaupo sa may mesa sa lanai. May kausap sa bluetooth headset nito nang makita siya. Tinapos nito ang pakikipag-iisap at tumayo. “Hello, Aurora! Are you ready for your new job?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.