Chapter FE: TDTYS 71

“Ah... Ano... Ngayon na ba ako magsisimula ng trabaho?” gulat niyang sabi. Kagabi lang sila nag-usap ni Alvaro na sumasang-ayon na siyang maging PA nito. Hindi niya inaasahan na pagka-oo niya ay simula agad.

“Nope. Pero gusto kitang makilalang mabuti. Consider this as your orientation as well. I want to know how I can help you more with your job. So, tell me about yourself,” sabi nito at hinalo ang kape na ibinigay ni Yaya Edwina.

Nawala sa isip niya ang agahan dahil sa sobrang kaba. Pero sinikap niyang ipakita ang kompiyansa niya sa sarili. Ayaw niyang natanggap lang siya sa trabaho dahil nobya siya ni Alvaro. Seryoso siya sa trabahong ito.

“So, you are a high school graduate,” kaswal na sabi ni Icca matapos humigop ng kape.

“Opo. Pero marunong naman po ako sa ibang bagay. Ako po ang tumutulong sa tatay ko na mamahala sa koprahan namin. Ako po ang nag-aayos ng listahan ng pananalapi namin. Masipag din po ako at mabilis matuto.”

“And what do you know about the local showbiz?”

“H-Halos wala po. Pero sisimulan ko pong mag-aral tungkol sa ibang artista. Si Alvaro lang po kasi ang kilala ko sa ngayon.” Saka niya naalala ang mga pelikula at teleserye ng nobyo na di pa niya napapanood. Wala rin pala siyang alam na masyado sa trabaho ng nobyo maliban sa tsismis tungkol dito at sa leading lady nito na si Shaira.

“At dahil PA ka na ni Ethan, you will stop calling him Alvaro. It should be Ethan. Or Sir Ethan since he is your boss now.”

“S-Sir Ethan,” aniya at nilaro sa dila ang pangalan ng binata. Ethan. Hindi niya alam kung paano sasanayin ang sarili na tawaging Ethan si Alvaro.

“You have thirty minutes to shower. Kailangan mo nang malaman ang magiging trabaho mo kay Ethan,” sabi nito habang umiinom siya ng mainit na tsokolate.

Kumurap-kurap siya. “Thirty minutes? Shower?”

“Sana di ka matagal maligo. Kapag assistant ka na ni Ethan, minsan wala ka nang oras maligo, matulog o mag-toothbrush. Magpasalamat ka dahil binigyan kita ng thirty minutes. Go!” Ipinitik nito ang daliri. “The clock is ticking. Time is precious, my dear.”

Pumitlag si Aurora at biglang tumayo. Mistula siyang de-susing sundalo na sumusunod sa isang pitik lang ng kanyang komandante. Parang ipo-ipo siya nang kumilos. Hindi niya alam kung anong shampoo at sabon ang ginawa niya samantalang dati ay sanay siyang magtagal sa banyo. Basa-basa pa ang buhok niya nang lumabas ng silid at di pa niya naisusuot nang mabuti ang doll shoes kaya binitbit na lang niya saka bumaba sa hagdan nang nakapaa.

Pagbaba ng hagdan ay nakaabang na si Icca. “Just right on time. Impressive. Let’s go now.”

“Aurora, hindi pa tuyo ang buhok mo,” habol ni Yaya Edwina. “Hindi pa nga yata nasusuklay na mabuti iyan.”

“Sa sasakyan ko na lang po susuklayin, Yaya,” aniya at niyakap ang matandang babae. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito nang iwan niya.

Pagsakay ni Icca ay inabot nito sa kanya ang tablet. “This will be yours from now on. Nariyan ang listahan ang listahan ng lahat ng dapat mong malaman kay Ethan pati ang mga ritwal niya. Ipa-familiarize mo muna ang sarili mo sa kanya at sa schedule niya.”

“Ayaw ni Ethan ang saging na saba?” Kumunot ang noo ni Aurora. “Hindi totoo ito.”

“Excuse me?” tanong ni Icca sa kanya.

“Kumakain si Alvaro ng saging na saba. Hilaw pa nga. Lagi ko siyang ipinaglalaga noong nasa Isla Juventus kami. Paborito niya ang nilagang hilaw na saging na sana.”

“What? Pinakain mo si Ethan ng hilaw na saging na saba? Kinakain ba iyon?”

“Oo. Ganoon ang kinakain sa probinsiya namin.”

“Well, that was Ethan being polite. O baka naman kinain niya iyon dahil wala nang ibang makakain sa isla ninyo. As his manager, pwede bang sundin mo na muna ang lahat ng nandiyan? We are discussing about Ethan Ravales here, the Philippine’s hottest actor. Hindi ang boyfriend mong si Alvaro na bakasyunistang napadpad lang sa isla. This is his reality, Aurora.”

“Y-Yes, ma’am,” nausal niya at ibinalik ang atensiyon sa mga impormasyon tungkol kay Ethan Ravales.

Base sa mga nakasulat doon, istrikto si Ethan mula sa pagkain, isusuot na damit, pabango, pati kung ano ang dapat niyang gawin kapag nagkakabisa ito ng script at kung anu-anong dapat niyang ilagay sa buhok at balat nito. Dahil na rin sa mga sponsors ay kailangang maging maingat si Ethan sa mga gamit nito. Kahit siya bilang trabahador nito ay dapat ding makitaan ng paggamit ng mga produktong ina-advertise ng binata para ipakita nila ang katapatan sa brand. Malaki daw ang ibinabayad sa binata ng mga ine-endorso nitong produkto kaya’t tiyakin dapat nila na pati sila ay parte din ng imahe ni Ethan.

Sumasakit na ang ulo ni Aurora sa dami ng detalyeng nalaman niya tungkol kay Ethan Ravales hanggang sa puntong wala na itong bakas ni Alvaro. Wala ang nobyo niya sa penthouse nito dahil may commercial shoot sila. Kinailangan niyang maging pamilyar sa bahay nito at mga gamit doon. Aasahan din siya bilang PA ng binata na asikasuhin ang mga isusuot na damit nito sa bawat okasyon.

“Kailangan maging partikular ka sa schedule ni Ethan para alam mo kung anong mga gamit ang dadalhin niya. May mga araw na dito ka matutulog. Kung ano ang gusto niyang kainin o may gusto siyang bilhin mo ay kailangang bilhin mo. Importante ang mood sa mga artista gaya niya kaya kailangang ibigay ang lahat ng gusto niya. Minsan kapag sobrang pagod abala na siya, kailangang ikaw ang maghahanda ng toothbrush niya, underwear pati pampaligo. Ikaw ang magbibihis. O magpaligo kung kinakailangan.”

Halos bumagsak ang panga ni Aurora. “Ginawa iyon pati ng ibang PA niya?”

“Siyempre may limitasyon. Pero kailangan mong ihanda ang sarili mo. Di mo alam kung anong hihingin sa iyo ng trabaho mo.”

Lumunok si Aurora. Hindi siya makapaniwala na ganito ka-intimate ang trabaho niya. Kaya naman pala madami ang nagkukumahog na maging PA ni Ethan. Parang pati trabaho ng asawa ay gagawin na para dito... O yaya.

“And since you are his girlfriend, dapat matuto ka rin na makisama sa mga kasamahan niyang artista, director, staff, crew at pati sa mga fans. Wala ang isang artista kung hindi dahil sa mga taong tumutulong sa kanya. And as his PA, dapat matuto ka rin na alagaan ang image mo. Ang image mo ay makakaapekto kay Ethan.”

“Opo, Miss Icca,” magalang niyang sagot. Natuto na rin siyang tumango nang tumangos bagong amo niya dahil iyon ang sagot na tatanggapin nito.

“Pag-aralan mo lahat iyan at bukas na ang simula ang trabaho mo. First thing in the morning, susunduin siya dito sa condo niya nang alas singko ng madaling araw. May shooting siya sa Pampanga. Kailangan nakahanda na ang agahan niya alas kuwatro pa lang at pati na rin ang mga gamit niya. Are you up for the job?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.